Nakita niyang lulugo-lugo ito habang nakatingin sa kanya. Galit man siya sa ginawa nito ay hindi niya pa rin maitangging sobrang nag-aala siya dito. Tumayo siya at sinalubong ito nang mahigpit na yakap, niyakap din siya nito ng napakahigpit. Alam niyang umiiyak ito habang yakap-yakap siya.
"Labis akong nagsisi sa nagawa ko anak," nanghihinang sabi nito.
"Ano po ba talaga ang nangyayari sa inyo Papa? Hindi po ba dapat sinasabi n'yo sa akin kapag may problema kayo?" Mahinahon niyang sabi at ayaw na niyang isumbat ang lahat. Bumitiw ito sa pagkakayakap sa kanya saka naupo sa malapit na sofa.
"Isang araw habang ako'y nasa palaisdaan ay may Lumapit sa 'kin, at nagpakilalang Fernando Rosales. Niyaya niya ako sa isang event at napakagaling niyang maghikayat sa akin. Hanggang sa napapayag niya akong sumama sa kanya. At nang makarating ako doon nagulat akong isa palang pasugalan ang naroroon. Sinubukan kung tumanggi pero naakit pa rin ako Bella. Sumubok ako isang beses, sa una hanggang limang beses akong nagpunta doon ay palagi akong nanalo, at hindi ko akalaing magpupursige ako dahil ilang beses kong natikman ang tagumpay sa sugal na 'yun. Hanggang sa isang araw natalo ako doble sa napanalunan ko. Naglaro ako ng naglaro sa pag-asang muling mananalo pero bigo ako, doon na ako pinautang ng pinautang ni Fernan hanggang sa umabot ng ganoon kalaki ang pagkakautang ko sa kanya."
"Pero siya din pala ang may gustong pautangin kayo eh," bigla siyang nakaramdam ng galit sa lalaki.
"Huli ko na nalaman na ginawa pala niyang pain ang utang ko anak dahil sa 'yo," sabi nitong hindi makatingin ng diretso sa kanya.
"Bakit ako?" Naguguluhang tumingin siya dito.
"Nito lang niya sinabi sa akin, at gusto kong pumatay ng tao. Matagal ka na pala niyang minamanmanan at nagkagusto sa 'yo at ako ang ginamit niya para mapalapit sa 'yo. Pati si Greg lumayo dahil tinakot niya ito at mapanganib siyang tao. At ako ang naglagay sa 'yo sa kapahamakan anak," tumulo ang luha nito. He looks so miserable. Hindi niya napigilan ang sariling lapitan ito at yakapin. Ano man ang mangyayari meron na siyang nabubuong plano na tanging siya lamang ang nakakaalam.
"Patawarin mo ako Bella. Patawad," naiiyak nitong sabi.
"Okay lang ako papa, huwag mo akong alalahanin." Pilit pinatatag ang sarili. At naka-focus ang kanyang utak sa mga planong bigla niyang naisip.
Maya-maya pa ay narinig nila na may sasakyang pumarada sa labas ng gate. Tumayo siya at tumungo sa gate, alam niyang sina Fernando na ang dumating. Binuksan niya ang gate at pinapasok ang mga ito. Pilit niyang huwag lagyan ng ano mang expression ang mukha para walang mahalata ang mga ito.
"Uy, bossing, ang sweet naman," nangingiting sabi ng isang lalaki.
"Tumigil ka diyan at ayokong magalit na naman ang napakagandang babae sa balat ng lupa," sabi naman nito ng akma nitong kunin ang kamay niya ay pasimple siyang lumayo at nginitian ang mga ito. Nandidiri siya sa lalaki lumapat lang ang balat niya dito.
"Pasok kayo, nasa loob ang papa," yaya niya at nakita niya ang pag-aliwalas ng mukha ni Fernan nang marinig na kinausap niya ito. Pumasok siya at masaya namang sumunod ang mga ito sa kanya.
"Roger," bati nito sa kanyang ama nang makita itong nakaupo sa kanilang munting sala. Nanatili lang walang imik ang ama.
"Dapat papa na ang itawag mo sa magiging biyenan mo bossing," pinigilan ni Bella ang sariling huwag itong lapitan at sampalin. Nasusuka siya sa ideyang iyon.
Relax Arabella, relax. Paalala niya sa kanyang sarili. Pumasok siya sa kusina at nagtimpla ng kape para sa mga ito.
Sarap lagyan ng lason.
Nang matapos ay nilagay niya ito sa tray at binitbit na papuntang salas.
"Kunin mo sa kanya, bugok!" Utos ni Fernan sa katabi nito na lalaki. Agad naman itong tumalima at kinuha sa kanyang kamay ang tray.
"Bigyan mo pa sana ako ng tamang panahon Fernan," nagmamakaawang sabi ng kanyang ama.
"Masyado nang matagal ang naging palugit ko sa 'yo Roger, oras na talaga ng paniningil ko," na ang mga mata ay hindi inaalis sa kanya
"Kahit patayin mo na ako Fernan, huwag lang ang anak ko."
"Ano po ba ang kasunduang gusto n'yo sa papa?" Bigla siyang sumingit at pinilit huminahon kahit na parang mabiyak na ang dibdib sa sobrang kaba. Napaka-risky ng gagawin niya. There's no option for her to choose, but the only choice she has in her mind, right now. Tiningnan muna siya nito ng matagal bago sumagot sa kanyang tanong.
"Ikaw! Gusto kong ikaw ang kabayaran sa inutang na pera sa akin ng ama mo," tinapunan nito nang tingin ang kanyang ama na nakapangalumbaba.
"Payag ako," matapang niya na sinalubong ang titig nito. Ignoring her father, na sumesenyas na hindi niya iyon dapat gawin. Lumapad naman ang ngiti sa mga labi ni Fernan na tumayo at lumapit sa kanya. At nang kunin nito ang mga kamay niya at akmang dadalhin sa bibig nito ay hinila niya ang mga kamay.
"Pumapayag ako Fernan, pero huwag mo sana akong madaliin na magugustuhan kita bigla," sabi niyang linagay sa bulsa ng jogger pants ang dalawang kamay. Ayaw niyang magkaroon pa ito ng chansang mahawakan nito muli.
"Okay, okay mahal ko pumapayag ako sa lahat ng gusto mo," parang aso itong sumusunod sa utos ng amo.
"Pero Bella, anak...," pinutol niya ang ano mang nais sabihin ng ama.
"Okay lang papa, nakapagdesisyon na ako, matutunan ko ring mahalin itong si Fernan. Pumapayag naman siya na huwag akong mamadaliin."
"Oo, oo naman at ikaw ang masusunod."
"Mabuti, so deal na ba tayo? Wala ng utang ang papa sa 'yo?" Sabi niyang nilagyan ng kunting lambing ang boses. Lumapad naman ang pagkakangiti ng lalaki nang marinig ang sinabi niya. Parang nanalo sa lotto ang pagmumukha ng hayop.
"Sigurado ako diyan aking reyna. Maghanap ka ng napakamahal na wedding organizer, at pinakamahal na wedding ring ngayon din Santos," masigla nitong sabi sa katabing lalaki.
"Areglado bossing," agad namang tumalima ang inutusan at hinugot ang cellphone sa bulsa saka lumabas ng bahay.
"May hihilingin lang ako sa 'yo Fernan sa araw ng ating kasal," seryosong sabi niya na nakamasid sa lalaki.
"Kahit na ano aking reyna, aking ibibigay mapalugaran lamang kita. Pera ba?" Akto itong dudukot sa bulsa ng pantalon nang pigilin niya ito saka umiling.
"Sige. sige, ano ba 'yan?" Hindi ito magkaundagaga at parang walang pagsidlan sa tuwa.
Inalis niya muna ang bara sa kanyang lalamunan bago niya inilahad ang gusto. Kagabi pa niya ito paulit-ulit na kinabisado sa kanyang utak.
"Sa araw ng ating kasal ayokong dadalo ang Papa o kung sino mang malalapit sa akin," she crossed her own fingers, and just hope she can convince the man.
"Pero bakit?" Kunot-noong tanong nito.
"A-ayoko kasing isipin na kaya tayo nagpakasal dahil sa pinambayad ako sa utang. At maalala ko lang iyon pagnaroon ang Papa. Nangarap ako ng mala-fairytale na kasal Fernan, at gustong kong maramdaman man lang iyon kahit papano."
Galingan mo Arabella. Udyok niya sa sarili, Nakita niya namang umaliwalas ang itsura nitong nalukot kanina.
"Ah, ganon ba? walang problema aking reyna."
"Mabuti kung ganoon Fernan at malinaw na sa atin ang usapan. Pero kung hindi mo mamasamain puwede na muna kayong umuwi at magpapahinga na muna ako. Tawagan mo na lang ako," inabot dito ang kanyang calling card at lalong lumapad ang pagkakangiti nito.
Agaran naman nitong niyaya ang mga tauhan na umalis na sila. Para itong sirang alipin ng kanyang mahika. Sunod-sunuran sa nais niya at iyon ang gagamitin niya para maisakatuparan ang pinaplano.