DAHLIA
Ilang sandali lang pagka-alis ni Manang ay narinig ko ang paglagabog ng pinto. Nagkasalubong ang aking mga mata sa matalim niyang tingin sa akin.
“Alam mo ba kung gaano ko pinipigilan ang sariling saktan ka? Pero inuubos mo na ang pasensya ko!”
Tumayo ako at pinahid ko ang aking luha.
“Eh di saktan mo! Bakit? Akala mo natatakot ako sa’yo?!”
Lumapit siya sa akin at malakas na hinawakan ang aking braso.
“Ano ba?!” nagpupumiglas kong sigaw sa kanya. Kinaladkad niya ako hangang makalabas kami sa bahay. Mahigpit ang hawak niya sa kamay ko at hindi ko magawang makawala.
Dinala niya ako sa dalampasigan at parang basurang basta na lamang binitawan sa buhanginan.
“Gusto mong umalis dito hindi ba?! Sige! Umalis ka! Sumakay ka sa bangkang yun at umalis kang mag-isa!” igting ang pangang sigaw niya sa akin. Napalingon ako sa itinuro niya at may bangkang maliit palang nakadaong ngunit sa lakas ng alon bigla akong nakaramdam ng takot.
“Ano? Tumayo ka na diyan at sumakay ka na sa bangka bago pa magbago ang isip ko!”
Kahit nagdadalawang isip ay pinilit kong tumayo. Tinalikuran ko siya at mabilis kong tinungo ang maliit na bangka. May sagwan ito ngunit hindi naman ako marunong gumamit nito. Pero kung hindi ko susubukan paano ako makakatakas dito? Marunong naman akong lumangoy kaya bahala na!
Nang matangal ko ang tali sa may bato ay kaagad akong sumakay. Tinignan ko siyang muli ngunit likuran na lamang niya ang nakita ko dahil pabalik na siya ng mansion.
Ibig sabihin, patatakasin nga niya ako at sinusubukan lang niya kung kaya kong umalis ng isla mag-isa.
Kinuha ko ang sagwan at nag-umpisa akong magsagwan palayo sa dalampasigan. Ito na ang pagkakataon kong tumakas kaya kailangan kong pagbutihin ang pagsagwan palayo sa isla.
Ngunit habang palayo ako sa dalampasigan palakas ng palakas din ang alon at sobrang nahirapan na akong magsagwan. Hindi ko rin matanaw kung saan ako patungo ngunit nandito na ako at patutunayan ko sa kanyang kaya kong gawin ito ng hindi umaasa sa tulong niya!
Nadaanan ko na ang malaking yate sa pampang at medyo lumalayo na din ako sa isla. Nilingon kong muli ang malaking bahay at hindi ko na siya makita. Talagang hinayaan na niya akong umalis. Naubos nan ang tuluyan ang kanyang pasensya sa akin. Ipinagpasalamat ko na rin na ganun ang nangyari dahil kung hindi baka kung ano pa ang mamagitan sa aming dalawa.
Hingal at pagod na ako sa pagsagwan. Hindi pala madali ang ginagawang ito ng mga mangingisda. Ngunit nakakapagtaka lang dahil meron naman siyang bangkang de motor. Bakit hindi yun ang ibinigay niya sa akin?
Napatingin ako sa mga paa ko dahil nakaramdam ako ng tubig. At nakita ko na lamang ang unti-unting pagpasok ng tubig sa loob dahil sa butas sa gilid ng bangka. Habang papalayo ako sa isla ay mas dumadami ang tubig na pumapasok sa loob ng bangka. Idagdag pa ang malakas na alon na humahampas sa bangka. Nag-umpisa akong kabahan dahil malayo na ako at hindi ko alam kung kakayanin ko bang lumangoy patungo sa dalampasigan kapag lumubog ito ng tuluyan!
Itinigil ko ang pagsagwan at pinunit ko ang ibabang bahagi ng palda ko upang iharang sa butas. Luma na pala ang bangka kaya may karupukan na ito!
“Ahhhh!”
Napasigaw ako nang hampasin ng malaking alon ang bangka at nagpageywang-geywang ito dahil sa bukod sa luma, at maliit ay wala pa itong katig.
Sinadya niya! Sinadya niyang ito ang ipagamit sa akin! Gusto na ba niya akong mawala kaya ginagawa niya ito? O sinusubukan lang niya ako kung kakayanin ko?
Nang matakpan ko ng damit ang butas at pinatungan ko naman ito ng upuan na kahoy. Sumagwan akong muli ngunit nagulat ako nang mabali ang sagwan at ang hawak ko na lamang ang natira dahil dinala na ng alon ang kalahati nito.
“Hindi ako papayag! Hindi ako magpapatalo sayo halimaw ka!” sigaw ko sa kawalan. Kahit natatakot na ako para sa aking kaligtasan ay malakas pa rin ang loob ko dahil marunong naman akong lumangoy ngunit hindi ko alam kung aabot ba ako sa pantalan upang makahingi man lang ng tulong!
Ginamit ko ang kamay ko sa pagsagwan ngunit parang hindi ito nakakatulong sa akin. Tumayo ako sa gitna nang bangka dahil may natanaw akong dumaan na bangkang de motor. Ngunit bago pa ako makahingi ng tulong ay hinampas na ng alon ang maliit kong bangka hangang sa nahulog ako sa tubig at tumaob pa ito ng tuluyan.
“H-help!” sigaw ko kahit alam kong walang makakarinig sa akin. Lumangoy ako palapit sa bangka ngunit dahil sa lakas ng alon ay unti-unti na ring lumulubog ito. Binitawan ko ang bangka at sinubukan kong lumangoy patungo sa pampang. Ngunit natigilan ako nang makakita ako ng palikpik na parang sa pating sa ilang dipa lang ang layo sa akin. Hindi lang isa kundi tatlo silang malapit sa akin. Nag-umpisa na akong matakot at nagkakawag sa tubig. Hindi nga ako mamatay sa pagkalunod makakain naman ako ng mga pating!
“T-tulong! T-tu-lungan niyo ako!” naiiyak na sigaw ko. Mabilis akong lumangoy kahit sibrang hirap upang makalayo lang sa posibleng panganib ngunit habang lumalayo ako ay papalapit din ito sa akin.
“E-eros! Help me! P-please…” nanginginig sa takot na paki-usap ko. Iisipin ko pa lamang na kakagatin ako ng mga pating na yun ay gusto ko na lamang bumalik sa isla at amuhin si Eros upang ibalik niya ako sa suidad. Kaysa naman ganito! Ayoko pang mamatay!
“E-eros!” patuloy na sigaw ko habang lumalangoy. Napangiwi ako nang maramdaman ko ang pagmumulikat ng binti ko. Pinilit ko pa ring lumangoy ngunit pagod na ako at hindi ko na kaya pang labanan ang alon.
Hangang dito na lang ba talaga ako? Paano ako makakarating ng pampang sa lakas ng alon at sa pagkamanhid ng mga binti ko?
Napatingin ako sa isla nang may marinig kong tumunog na bangkang de motor. Nabuhayan ako ng loob nang umandar ito at patungo na sa akin. Ngunit sobrang sakit pa rin ng binti ko at hindi ko na kaya pang umibabaw sa tubig. Malapit na rin sa akin ang mga pating. Pinigilan ko ang pagkakawag sa tubig at sinubukan kong kumalma. Ngunit pati ang alon ay pilit akong binubura sa dagat hangang sa napagod na ako ng tuluyan at nakainom na rin ako ng tubig dagat. Hindi na ako makahinga at unti-unti na rin akong pumapailalim sa tubig hangang sa tuluyan na akong nawalan ng malay.
Napasinghap ako nang magising at naisuka ko ang tubig dagat na nainom ko. Nang imulat ko ang aking mga mata ay basang mukha at hinihingal na si Eros ang bumungad sa akin.
Napahagulgol na ako nang tuluyan nang bigla niya akong niyakap ng mahigpit habang ang isa niyang kamay ay nakahawak sa aking ulo.
“I’m sorry…ssshhhh…you’re safe now…” sambit niya.
Akala ko katapusan ko na kanina…akala ko hindi na nila ako aabutan pa. Ngunit nakaligtas pa rin ako. Iniligtas pa rin niya ako. Napansin kong wala kami sa dalampasigan kundi nasa ibaba ng malaking yate.
Binuhat niya ako at inakyat sa itaas. May mga lalaki din akong nakita ngunit kanya-kanya na silang alis ng yate. Humihikbi pa rin ako nang ipasok niya ako sa loob ng cabin.
Hangang sa makarating ako sa banyo at ibinaba niya ako sa malaking bath tub
“Maligo ka muna dito. May gagawin lang ako sa labas. Ihahanda ko na rin ang pamalit mo.” Sambit niya. Kumpara kanina ay hindi na nakasalubong ang kilay niya at parang maamo na siyang tupa sa akin.
Sinulyapan pa niya ako bago niya ako iwanan dito sa banyo. Binuksan ko ang tubig at nagbabad ako sa maligamgam na tubig. Hindi pa rin ako makapaniwala na nagawa kong makaligtas sa mga pating na yun! Naging padalos-dalos ako sa naging desisyon ko. At muntikan na akong mamatay.
Dahil sa nangyari sa akin. Nakaisip ako ng idea upang makabalik sa suidad ng maayos. Magpapangap akong hindi na galit sa kanya. At pipigilan ko na rin ang magalit at sigawan siya. Kapag nagawa ko siyang paamuhin ay magagawa ko din siyang utuin nang sa ganun makabalik na ako sa Maynila. At saka ako iisip ng paraan upang matakasan siya. Kung kinakailangan na kumuha ako ng mga bodyguards huwag lang siyang makalapit sa akin ay gagawin ko! Makatakas lang mula kay Eros!