“Hello? Kapatid po ba ito ni Amethyst Morquez?” Isang hindi pamilyar na boses ang bumungad sa akin nang sagutin ko ang isang unregistered number.
“Ah, yes,” nagtatakang sagot ko. “Ate niya po ako. Bakit? May nangyari po ba?”
“Nandito siya ngayon sa guidance. Pwede po ba kayong magpunta rito?”
Napatigil ako nang marinig ang sinabi ng babae sa kabilang linya. Tama ba ang narinig ko? Si Amethyst, nasa guidance?
Ano na naman kaya ang ginawa ng kapatid ko?
Mabuti na lang at medyo maaga kaming na-dismiss kaya pwede ko pang puntahan ang school ni Amethyst. Well, medyo nasasanay na ako sa tuwing pinapatawag ako sa guidance office dahil kay Amethyst. Hindi kasi nakakapunta si Mama dahil sa sobrang pagka-busy.
Pagkarating sa school nila, naabutan kong tahimik na nakaupo si Amethyst habang nakatitig sa kawalan at walang reaksiyon ang mukha. May kasama siyang dalawang babae, mukhang prinsipal ‘yong isa.
“Magandang hapon,” alanganing bati ko pagpasok sa pinto. Nilingon ako ni Amethyst pagkarinig niya sa ‘kin bago napairap.
“Oh, good afternoon. Ikaw ba ang ate niya?” tanong ng babaeng nakaupo at prenteng nakapatong ang mga kamay sa mesa, mukhang may kabataan pa. Nadaanan ng paningin ko ang nakasulat sa name frame.
Principal Fiona Alejos.
Wow. Her name suits her well. Pero principal na ba talaga siya? Parang ang bata niya pa! Mukhang nasa mid 20’s pa lang yata siya. And she’s definitely gorgeous.
“Opo, ako nga ang ate niya.”
Sinabi nila sa ‘kin ang nangyari at kung bakit pinatawag si Amethyst sa guidance. Nakipag-away pala ito sa senior niya sa 4th year. Nag-eskandalo raw sa canteen at nakipagsabunutan. Nalaman ko ring kaya niya ginawa iyon dahil sa pam-bu-bully ng isang babae at pagkakalat ng kung ano-ano tungkol sa kaniya.
The girl insisted that she already said sorry pero nagulat na lang daw siya nang bigla siyang sugurin ni Amethyst. Tahimik lang si Amethyst habang nag-uusap-usap kami at sarkastikong binabara ang babae habang nagbabatuhan sila ng masasamang tingin.
Napahawak ako sa pagitan ng mga mata ko at napahilot doon. Binigyan nila ng last warning si Amethyst at sa susunod na maulit pa ang ganoong insidente, wala na raw silang ibang choice kundi ang i-drop out ito.
Tahimik lang kami ni Amethyst habang naglalakad paalis ng school niya. Ihahatid ko muna siya sa sakayan ng bus bago ako didiretso sa trabaho. Mahirap na dahil baka magaya na naman noong nakaraan na gumala siya at umuwi nang gabing-gabi na dahil gumala sila sa isang mall na malayo rito.
Halos mamatay kami sa sobrang pag-aalala. Naalala ko ring nag-away kami nang araw na ‘yon. Sa sobrang galit at inis ko sa kaniya, hindi ko napigilan ang sarili ko at nasampal siya. Pagkatapos no’n ay ilang linggo kaming hindi nag-usap.
Sa totoo lang ay nahihirapan na akong pakisamahan siya. Hindi ko rin talaga alam kung saan nagmula ang ganitong pagtrato niya sa ‘kin. Hindi niya man sabihin, alam kong galit siya sa ‘kin.
Pero anong dahilan?
Sa tingin ko alam ko na ang posibleng dahilan pero kahit anong isip ko, wala akong makitang sapat na rason para magalit siya sa ‘kin dahil doon.
Pero naniniwala ako na balang araw ay maiintindihan niya rin ang nangyari. Siguro nga ay hindi pa talaga ngayon.
Dati naman ay sobrang close namin ni Amethyst pero nagbago ang lahat ng ‘yon nang magsimulang masira ang pamilya namin, ang pinakaumpisa ng lahat.
At kasalanan niya. Kasalanan niya ang lahat. Sinisisi ko siya nang sobra. Dahil sa kaniya, nasira ang pamilya namin, nasira ang mga pangarap namin—ang pangarap ko.
Kasalanan mo ang lahat ng ito, Papa, at oo, kinamumuhian kita.
“Hindi mo dapat ginawa ang bagay na ‘yon,” hindi makatiis na sabi ko kay Amethyst habang naglalakad kami, tinutukoy ang ginawa niyang g*lo.
“Bakit ba ako ang sinisisi mo?” inis na sagot niya sa ‘kin. “Kasalanan ‘yon ng hipokritang babae na ‘yon.”
“Amethyst!” inis na saway ko. “Ano bang nangyayari sa ‘yo at nagkakaganiyan ka?!”
Napaawang ang labi niya dahil sa biglaang pagsigaw ko sa kaniya. “Ako agad? Kasalanan ko agad? Bakit ako na naman ang sinisisi mo?! Eh, wala ka namang alam sa totoong nangyari!”
“Pero mali ang ginawa mong gulo! Hindi ka dapat—”
“Pwede bang tigilan mo na ang pagsasabi sa mga dapat at hindi ko dapat gawin! Stop dictating me! Palagi mo na lang ako pinakikialaman!” galit na sigaw niya.
Natigilan ako dahil sa sinabi niya at nagsimulang mamuo ang galit sa ‘kin. Anong karapatan niyang pagsalitaan ako ng ganiyan?
“Tama ka,” ang tanging sagot ko matapos matahimik. “Siguro nga lagi na lang kitang pinakikialaman—pero para din naman sa ‘yo ‘yon. Ngayon, kung ayaw mong pinagsasabihan ka at pinapayuhan, eh, ‘di hindi na kita pakikialaman pa! Bahala ka na! Gawin mo ang gusto mo.”
Pilit kong kinakalma ang sarili ko dahil malapit na kami sa bus stop. Ayoko namang gumawa ng eksena at makipag-away sa kaniya sa harap ng maraming tao. Bukod sa hindi naman iyon tama, nakakapagod na rin... at nakakasawa na dahil paulit-ulit na lang.
Tinalikuran ko siya at nauna na akong maglakad pero muli ko siyang narinig na bumulong.
“Kasalanan mo naman ang lahat ng ito. Kung hindi dahil sa pagmamagaling mo, baka buo pa rin ang pamilya natin,” mahinang sabi niya, punong-puno ng pait.
Natahimik ako. Unti-unti kong naramdaman ang paninikip ng dibdib ko.
Ngayon, napatunayan ko na. Alam ko na kung ano talaga ang dahilan kung bakit naging ganito ang trato niya sa ‘kin. I couldn’t believe it. Hindi ako makapaniwalang ang taong pinahahalagahan ko ay ganoon lang ang tingin sa ‘kin.
Sa sobrang galit at halo-halong emosyong nararamdaman ko, tinalikuran ko siya at diretsong sumakay sa bus na agad din namang umandar palayo. Nakatulala lang ako sa labas ng bintana ng bus habang iniinda ang bigat ng pakiramdam.
Sa sobrang frustration na nararamdaman ko, parang gusto ko na lang umiyak pero walang luhang lumalabas. Nasaid na siguro. Nakakapagod na rin. At sa sobrang bigat ng nararamdaman ko, sa halo-halong pagod at sakit, parang wala na lang akong maramdaman.
Pagkarating sa opisina, lalapitan pa sana ako ni Sam para guluhin pero hindi niya itinuloy nang batukan siya ni Fae at bumulong. Mabuti naman dahil wala ako sa huwisyo para makipag-usap sa kahit kanino.
Tahimik lang ako at nakatuon ang atensiyon sa pag-e-edit ng manuscript. Doon ko binuhos ang lahat ng atensyon ko. Mahilo-hilo tuloy akong tumayo para kumuha ng kape sa pantry. Inasar pa nga ako ni Sam kung bakit daw ako magkakape, eh, tirik na tirik na ang araw. Hindi talaga siya makatiis na hindi ako guluhin at asarin kahit isang araw lang.
Hindi niya ba alam ‘yong salitang ‘mind your own business’?
Sinadya ko talagang isagad ang trabaho ko ng alas-siyete kahit hanggang alas-sais lang naman ang pasok. Mas ayos nang lunurin ko ang sarili ko sa pagtatrabaho kaysa umuwi agad. Baka hindi ko na naman mapigilan ang sarili ko at mas lumala ang away namin ni Amethyst.
Kahit naman ganoon, ayokong palalain ang sitwasyon. Kapatid ko pa rin siya, at mas matanda ako. Dapat mas maintindihan ko siya kahit sobrang hirap.
Tutal kaya ko pa naman.
Kaya ko pa.
Nakakasama lang ng loob na ganoon lang ang tingin niya sa naging desisyon ko noon. Kung hindi ko ba mas tinulak palayo si Papa noon, maayos ba ang buhay namin ngayon? Baka nga mas magulo pa.
Sobrang g*lo.
I was interrupted when Sir B went out of his office. Naglakad siya palapit sa pwesto ko bago pasimpleng sinilip ang monitor ko bago nagsalita.
“Magdamag ka na riyan. Baka bukas niyan, bulag ka na,” nakataas ang kilay na sabi niya.
“Grabe naman, Sir,” mahinang sabi ko at napakamot sa ulo. “Kumatok ka sa kahoy, Sir, baka magkatotoo.”
“Hay, nakong bata ‘to. Pati ba naman ang ganiyan, pinaniniwalaan mo?” Inirapan niya ako pero kumatok din naman sa kahoy na mesa. Hindi ko tuloy alam kung ma-re-relief ba ako o matatawa na lang.
Ang sarap talaga minsan mang-uto ng amo.
“Ay, nako, ewan ko sa ‘yo, Ascella. Tapusin mo na ‘yan at umuwi ka na. Masiyado mong pinapagod ang sarili mo,” aniya at pinanlakihan ako ng mga mata. Napangiti naman ako dahil may bakas doon ng pagka-concern. “Bukas kapag late ka na naman sa trabaho, mag-resign ka na.”
“Sige po,” natatawa na lamang na sagot ko.
“Tse.” Inirapan niya ako bago mataray na naglakad palayo. Nagpunta siya sa kabilang department at doon na naman naghasik na kakwelahan at kamalditahan niya. Napailing na lang ako bago kinuha ang bag ko at niligpit ang mga gamit sa desk. May iilan pa namang tao sa kabilang department pero mukhang pauwi na rin.
NILINGON ko si Mama nang salubungin niya ako pagdating sa bahay. Nagtutupi siya ng mga sinampay, mukhang katatapos lang ding magluto dahil may nakahain ng mga pagkain sa mesa.
“Oh, nakauwi ka na pala?”
Nagmano ako sa kaniya bago umakyat sa kwarto ko at sinabing mamaya na lang ako kakain.
Mukhang gusto niya pa akong tanungin pero nanahimik na lang siya at nginitian ako. Ngumiti naman ako pabalik para hindi na siya mag-alala pa. Nakasalubong ko si Amethyst sa hagdan paakyat pero nilagpasan niya lang ako dahil busy siya sa hawak niyang cellphone.
Hindi ko na lang din siya pinansin at pumasok na ako sa kwarto. Ibinaba ko ang dalang bag at pabagsak na humiga sa kama. Matagal kong tinitigan ang ceiling at nilunod ang sarili sa mga iniisip. Dahil sa sobrang pagod, hindi ko namalayang nakatulog ako.
Pasado alas-nwebe na akong nagising kaya nataranta ako. May gagawin pa kasi akong research at wala pa akong nasisimulan. Pasahan na next next week at kailangan ko na ‘yong masimulan ngayon dahil siguradong may madadagdag na namang paper works this week. Matatambakan na naman ako ng gawain kapag nagkataon.
Kahit pinapatay ng gutom, dumiretso ako sa laptop ko at tiningnan ang group chat namin. Baka may announcements na naman ang professor namin sa research na ‘to. Ang dami pa naman niyang alam. Pabago-bago pa ang binibigay niyang details kaya minsan, ang sarap niyang i-ghost pagdating sa paper works. Sobrang strict pa at ang taas ng standard.
Ano nga ba namang bago sa mga Literature profs.
Pagkabukas ng laptop at pagka-connect sa internet ay sunod-sunod nang nag-pop up ang mga chats sa group chat namin. Matapos ko ‘yong i-check (thank God, walang adjustment sa research deadline), sunod ko namang tiningnan ang emails ko.
Isang email ang nakaagaw sa atensiyon ko. Nanlaki ang mata ko at napatitig sa screen.
“Totoo ba ‘to?” I whispered while reading the message.
Napakurap-kurap ako at pinikit pa ang mga mata para siguraduhing hindi ako nananaginip o namamalik-mata. Napamura ako.
Gusto kong magsisigaw dahil sa nabasa. “Sh*t. H-Hindi ba ‘to scam or something?”
Totoo ba ‘to?
A film production company just sent me an offer?!