Natapos ang aking duty kaya't naghanda na rin ako sa aking pag-uwi.
"Hi My, pauwi ka na ba? Hatid na kita," sambit ni Marco mula sa akibg likuran kaya't napalingon ako rito.
Isa ring nurse si Marco rito at matagal na ring nanliligaw sa akin, kahit sabihin kong kaibigan lang talaga kami ay hindi pa rin ito nasuko sa panliligaw, kaya't hinahayaan ko na lang dahil ang mahalaga'y alam na nitong wala aasahan sa akin.
"Marco, pasensya ka na ha? Kasabay ko kasi si Joan, hinihintay ko lang s'ya tapos pauwi na rin kami," sagot ko at bahagya ko itong nginitian.
"Eh, 'di okay, hintayin na rin natin s'ya, t'saka mamasyal na rin muna tayo. Masarap na rin kasi ngayon gumala, at medyo malamig na rin ang panahon," sagot nito at tumango na lang ako, dahil hindi rin naman ito titigil ng pangungulit.
Nakarating kami sa isang Park na may mga kainan sa labas, naupo muna kami roon at nag-early dinner na rin.
Mag-aalas siete na rin naman ng gabi, at habang hinihintay ang aming pagkain ay nag-picture na muna kami at nag-selfie na rin ako, may kuha na kami lang ni Marco at kaming tatlo nina Joan.
Nakaakbay naman sa 'kin si Marco sa lahat ng picture namin hinayaan ko na lang kasi kaibigan na rin naman ang turing ko rito.
Pagkatapos ay in-post ko iyon sa lahat ng aking social media account, at nilagyan ko ito ng caption na 'Early dinner with my Friends.' t'saka ko iyon in-tag kina Marco at Joan.
Nang matapos ang aming hapunan ay nag-akit pa uli si Marco na mag ikot-ikot.
Mahigit alas nuebe na rin kami nakauwi sa aming apartment.
Naglinis naman ako agad ng katawan at nagbihis ng pantulog t'saka ibinagsak ang aking katawan sa aking kama.
Naalala ko naman 'yong in-post ko kanina sa aking social media account, kaya't tiningnan ko iyon kung may mga nag-like na ba at nakita ko naman na halos nasa 200 na rin ang mga heart and like, tiningnan ko rin ang mga comment, nakita kong may comment si Kuya Daved, napatawa naman ako sa comment nito na kung 'yong lalaking katabi ko na raw ba ang 'The one' ko at ang loko-loko namang Marco ay sumagot sa comment ni Kuya Daved na 'Soon..'
Masyado rin talagang assuming 'tong si Marco kahit alam naman na nitong wala talagang aasahan ay patuloy pa rin pinaasa ang sarili.
'Humanda sa akin 'tong Marco na 'to bukas, baka kung ano pa isipin ni Kuya Daved, eh.'
Ngunit napakunot naman ang aking noo ng may mabasa pa akong isa pang comment mula sa comment section nina Marco at Kuya Daved na Unknown ang name nito sa social media.
"What's mine, is mine! And don't even try to take my property or you'll regret it!" sabi sa comment ng taong nagngangalan ng Unknown.
Nakita kong may 'WOW' reaction si Kuya Daved at comment na "Fight for it then."
Napaisip na lang ako kung sino 'yong Unknown na 'yon kahit profile picture walang pagkakakilanlan dahil isang picture na sunset theme lamang ang profile picture nito.
Maya-maya'y ini-off ko na rin ang aking cellphone t'saka ipinatong sa bedside table.
Napaisip naman ako sa profile nito dahil bigla kong naalala na may isang tao akong kilala na paborito nitong tanawin ang paglubog ng araw dahil ilang beses ko na rin 'tong nakitang pumunta sa Roxas Boulevard, pagkatapos ay uupo sa unahan ng sasakyan nito at panonoorin ang paglubog ng araw at ilang minuto lang din at aalis na rin.
'Imposible namang ikaw 'yon Victor dahil alam ko namang hindi ka magkaka-interes na makisawsaw sa buhay ko, lalo alam kong hindi mo rin lang lang ako pinag-ukulan ng pansin, eh. Kahit na minsan.'
Napatitig na lang ako sa kesame habang napapa-isip sa kung sinong Unknown na 'yon at bakit naman gano'n lang ang mga comment nito, gayong hindi ko naman ito kilala, bigla ko namang naalala si Kuya Daved, itatanong ko rito dahil maaaring baka kilala rin nito 'yong taong 'yon.
Nag-chat ako rito tungkol sa taong nag-comment sa aking post, ngunit sumagot lamang ito ng hindi at puwede ko raw naman alamin, o i-chat ko raw o kaya'y i-videocall baka raw maaaring sagutin ng taong iyon, at upang malaman ko na rin daw kung sino.
Napa buntonghininga na lang ako at hindi na nag-reply pa sa chat ni Kuya Daved.
Naramdaman ko namang iba ang dating ng mga sagot ni Kuya Daved sa mga chat ko dahil para bang may iba rito, na ipinagwalang bahala ko na lang at muli ko ng ini-off ang aking cellpone t'saka ko ibinalik na uli sa dating kinalalagyan.
Umayos na ako ng higa at ipinikit ang aking mga mata, na agad din naman akong nakaramdam ng antok marahil ay dahil na rin sa pagod mula sa maghapong trabaho sumabay pa ang pag-aaya ni Marco na gumala kanina.
Hanggang sa hindi ko na rin nakayanan at tuluyan na rin akong nilamon ng antok.
"FINALLY! Here I am again." may kalakasan kong sambit nang makalabas na ako ng airport.
After a week nakauwi na rin ako ng Pilipinas, pero bago ako umuwi inaayos ko na rin ang mga paper ko, no'ng una kong desisyon ay bakasyon lang talaga dapat ako, ngunit napag-isip-isip ko na nakakapagod na rin, at mas maganda kung sa ibang bansa naman, kaya't nag-exit na rin ako at 'di na nag-renew ng panibagong kontrata.
"Anak!" narinig kong sigaw ni Mama habang kumakaway sa akin, napatakbo naman ako sa sobrang excited at agad kong dinamba ng yakap sina Mama at Papa.
"Na-miss ko na po kayo ng sobra, Mama, Papa!" puno ng pagkasabik kkng sambit kasabay ng mahina kong pag-iyak.
Napaiyak na lang ako sa sobrang kaligayahan dahil sa wakas kasama ko na uli ang aking mga magulang.
"Ay, ano ka ba anak, syempre na-miss ka rin namin ng Papa mo. Buti naman at naisipan mo nang umuwi? Hindi ka na ba talaga anak babalik sa Dubai?" tanung ni Mama, pagkatapos akong yakapin na gano'n din si Papa.
"Ano ka ba naman, Rita, bakit kailangan mo pang itanong 'yan sa anak natin? Baka mamaya tuloy n'yan maalala pa ng anak mo 'yong trabaho n'ya roon, tapos makaisip na uling bumalik, at isa pa hindi na rin ako papayag na bumalik pa uli 'yang anak mo sa ibang bansa." waring naninermong sambit ni Papa. "Aba, eh, napakalayo ng bansang 'yon, araw-araw akong nangangambang baka makapag-asawa na 'yang anak mo ng arabo at ayaw kong mangyari 'yon."
Napatawa na lang ako sa sinabi nito at kita ko namang bahagya naman itong hinampas ni Mama sa balikat t'saka kami nagtawanan.
Ilang sandali pa ay nakasakay na rin kami sa aming sasakyan pauwi sa bahay, hindi naman kami mayaman, kumbaga sakto lang para sa amin, dahil maganda rin naman ang trabaho ni Papa sa VS Montemayor corp..
Matagal na rin si Papa sa trabaho n'ya, highschool pa lang ako, isa pa'y masinop din talaga sa pera sina Mama at Papa, kaya't ang aking mga suweldong ipinapadala ay hindi nila nagagalaw, at lahat 'yon naiipon lang sa banko.
Bukod din sa suweldo ni Papa ay may maliit ding canteen si Mama na naipundar nila noon at kasunod nga ay ito ng aming sasakyan, na ginagamit din ni Papa'ng service sa trabaho.
Kulang dalawang oras din ang aming naging biyahe dahil sa naging traffic at halos alas diyes na rin ng umaga ako nakalabas ng airport kaya't inabot na rin kami ng tanghali sa daan.
"Ma, kumusta na po pala si Ninong Vicente? Nakapasyal na po ba kayo ng hospital?" tanung ko kay Mama ng maipasok na namin ang aking mga bagahe.
"Oo, anak, pumasyal na kami ng Papa mo no'ng pangalawang araw pa lang ang Ninong mo sa hospital, pero ngayon sabi ng Ninang Shiela mo'y nagpapalakas na lang daw sa mansyon, kaya sinabi kong papasyal na lang uli kami doon pagdating mo. At ayon nga natuwa naman ang Ninang Shiela mo nang nalamang pauwi ka na," sagot ni Mama, napangiti naman ako at naalala si Ninang Shiela, mabait din kasi sobra si Ninang Shiela, mula pa noon at parang anak na rin kung ituring ako nito gano'n na rin si Ninong Vicente, kaya't wala rin ako masabi sa ugali ng mag-asawa.
"Sige po, Ma, mga minsan po pumasyal na lang tayo sa mansyon. Marami rin po kasi akong pasalubong sa kanila pati kina Marie." tugon ko, "Kumusta na po pala, Ma, sina Inang Liza at Mang Ruben?" tanung ko kay Mama.
"Anak, lahat ba 'to ay ipapasok ko na sa silid mo?" agaw ni Papa sa atensyon namin, kaya't sabay kaming napalingon dito ni Mama.
"Ako na lang po Papa ang magbubuhat n'yan, hayaan n'yo na po muna rito sa sala at bubuksan na rin po natin para makita n'yo na rin po ang aking mga nabiling pasalubong para sa inyo ni Mama," nakangiti kong sambit kay Papa, at kita ko naman ang pag-aliwalas ng mukha ng aking mga magulang.
"Ayos lang naman anak sina Marie, nakalabas na rin naman daw ng hospital si Liza, at nagpapalakas na lang din daw sa bahay, nakakaawa rin talaga 'yang si Marie, eh, halos lahat ng problema ng kanilang pamilya ay s'ya na ang pumapasan, namamasukan ngayon, anak, ang 'yong kaibigan sa mansyon, at ang Ninang Shiela mo rin ang tumulong sa naging gastusin nila sa ospital, kaya ayon, sa mansyon na ngayon nagtatrabaho si Marie," sambit ni Mama at mababakas sa pananalita nito ang awa para sa aking kaibigang si marie.
Hindi ko naman napigilang hindi makaramdam ng awa para sa aking kaibigan.
'Kung nakapag-aral man lang sana ito kahit papaano maaari itong makakuha ng maayos na trabaho na may malaking kita.'
"Sige po, Mama, papasyalan ko na lang po mga minsan sina Inang Liza para maibigay ko na rin po 'yong mga pasalubong ko para sa kanila." sagot ko at bahagyang ngumiti para maibsan ang nagsisimulang lungkot sa aking dibdib dahil kay Marie.
Tumango naman ang mga 'to at hindi na rin sumagot pa.
Kumain muna kami ng tanghalian mag-anak at pagkatapos ay binuksan ko na rin ang mga dala kong pasalalubong para sa aking pamilya.
"Ma, Pa, uwi po pala muna tayo ng Batangas, ha? Miss ko na rin po kasi sina Lola, eh, saka alam n'yo naman po sina Tita pag nauwi ako o kahit sino galing sa ibang bansa gusto agad magkikita-kita," sambit ko habang iniaabot sa kanila 'yong mga dala kong pasalubong.
"Sige, anak, kailan ba ang plano mo?" tanung naman ni Papa.
"Baka sa isang araw po, Pa. Bukas po kasi papasyal ako kina Inang Liza at Mang Ruben, wala rin naman po pala ngayon d'yan si Marie kaya pumunta na lang po muna tayo sa Batangas, at saka na lang po tayo, Ma, Pa, pumasyal kina Ninang Shiela pagbalik natin galing kina Lola sa Batangas." sagot ko sa aking mga magulang at umayon naman ang mga ito sa aking plano.