KABANATA 2: WORK

2576 Words
Lusianna MAAGANG umalis si Baste dahil may trabaho pa ata siya. Hindi ko na ito naabutan kanina nang magising ako. He prepared breakfast for me and left a note, kaya nalaman ko na umalis siya para sa trabaho niya. Hindi siya natulog sa kuwarto, kaya nakahinga ako nang maluwag. Sinabi niya sa akin kagabi na hindi siya tatabi sa akin sa kama kung hindi ko gusto. Sa sofa na nasa sala ata siya natulog kagabi. Iniisip ko tuloy kung komportable ba siya sa pagtulog sa sala dahil matangkad siya. I don’t think he would fit in the sofa. Anyway, not my problem. Kumakain ako ng umagahan. Hindi maipagkakaila na magaling magluto si Baste. Hindi ko tuloy napigilang isipin kung marunong din kaya akong magluto? Siguro naman hindi sakop ng pagkakaroon ng amnesia ang pagkalimot sa skills na mayroon ka, hindi ba? Pero mukhang hindi ako marunong. Wala man lang akong maramdaman na kaya kong gumawa ng gawaing bahay. Am I pampered in our house? Anak mayaman ba ako? Iniisip ko rin kung anong gagawin ko sa bahay. Maglilinis na lang siguro ako. Ayoko ring lumabas dahil hindi ko naman alam kung saan ako pupunta. Nang matapos akong kumain. Dinala ko ang pinagkainan ko sa lababo. Nakita ko naman ang panglinis pero…how should I do this? Ilang sandali ko sigurong tinitigan ang mga pinagkainan ko habang iniisip kung paano ko ito lilinisin. Sana man lang kahit ito lang ay maalala ko. I mean I can talk; I can walk, I know the basic things human should know, pero bakit hindi ko alam kung paano maglinis ng pinggan? Sinubukan kong hugasan ang pinggan. “Anong ginagawa mo?” Napatalon ako sa gulat at nabitawan ko ang pinggan na hawak ko. Napapikit ako nang makita na nabasag iyon. Nilingon ko ang nagsalita at nakakita ako ng isang babae. Hindi ko siya kilala at wala rin akong maramdaman na pamilyar siya sa akin. “Nako, pasensya na! Nagulat ba kita? Hindi ko sinasadya. Ikinabigla ko lang na makitang may ibang tao na ngayon dito.” Lumapit ang babae sa akin at inilayo kaagad ako sa nabasag na pinggan sa lababo. Tiningnan niya pa kung nagkasugat ako at nakahinga nang maluwag nang walang makita. “Sino ka?” tanong ko sa kanya. Pinanliitan ko siya ng mata. May inuuwi bang babae rito si Baste habang wala ako? May kakaibang galit akong naramdaman nang maisip iyon. “Ay, nakalimutan kong magpakilala. Adela ang pangalan ko. Anak ako ni Mang Manuel. Nagdala si Tatay ng prutas dito kagabi.” Naalala ko iyong lalaking kausap ni Baste kagabi na nagbigay ng mga prutas sa amin. Hindi nagbago ang paninitig ko sa babae. Nakakunot pa rin ang noo ko. Anong relasyon niya kay Baste at bakit siya naandito? Napansin niya siguro ang pagninitig ko sa kanya kaya’t muli siyang nagsalita. “Napunta ako rito araw-araw para maglinis ng bahay. Nasabihan na rin ako na naandito ka na pero nagulat pa rin ako dahil nasanay akong walang naaabutan dito.” Ngumiti siya sa akin nang nilingon niya ako. “Ikaw pala ang asawa ni S—Baste. Ikinagagalak kong makilala ka—” “Anong relasyon mo kay Baste?” Noong una, tila ba hindi pa napoproseso ng utak niya ang sinabi ko hanggang sa mapansin ko na dahan-dahan nang nanlalaki ang mga mata niya. “Nako! Wala kaming relasyon ni Baste. Hindi ganoon. Kailangan ko lang din ng extra income kaya nang malaman ko na naghahanap ito ng maglilinis ng bahay dahil nga nasa ospital ang asawa ay agad akong nag-volunteer. Isa pa, may asawa na rin ako.” Tinitigan kong mabuti ang babae. Hinanapan ko ng butas ang mga sinabi niya pero halatang hindi siya nagsisinungaling. Bumagsak ang balikat ko at kahit papaano ay nawala ang hindi magandang pamamaraan ng pagtingin ko sa kanya. “Pasensya na, akala ko…” “Akala mo ay babae ako ng asawa mo? Hindi.” Tumawa siya. “Hindi nga tumitingin sa ibang babae si Baste kahit noong nasa ospital ka pa.” Tinitigan ko lang siya dahil sa sinabi niya. Is he that loyal to me? But that doesn’t mean I should trust him. Hindi pa rin ako nagtitiwala sa kanya. Nilinis ni Adela ang pinagkainan ko habang ako ay nakatingin sa kanya. “Ano pa lang trabaho ni Baste?” “Ah, iyon ba? Alam mo iyong site sa beach? Iyong tinatayong malaking beach?” Umiling ako dahil hindi ko naman iyon alam. “Basta iyon. Sila ang gumagawa no’n,” sabi niya. Inisip ko kung anong klaseng trabaho iyon at nang mapagtanto ay sinabi ko. “Construction worker ba siya?” Marami pa rin naman akong alam kahit na may amnesia. Pagkatao lang talaga ang nakalimutan ko at kung anong mga nangyari noon sa buhay ko. Ang iba naman ay alam ko pa. Tiningnan ako ni Adela. “Parang ganoon na nga.” Napakamot ito sa ulo. Halatang hindi niya alam kung paano ako kakausapin. “Can you tell me about Baste. Totoo bang asawa ko siya?” Humilig si Adela sa may sink at tila ba nag-iisip kung paano ako sasagutin. “Iyon ang sabi niya,” sabi ni Adela. “Simula kasi nang lumipat kayo rito, nasa opsital ka na, eh. Si Baste lang ang nakilala namin. Lumipat da siya rito dahil naandito ang trabaho niya. Actually, nabanggit niya lang sa amin nina Tatay na may asawa siya kaya alam ko na may asawa siya.” Ngumiti siya sa akin. “Hindi ko rin masabi kung anong klaseng tao si Baste. Basta ang alam ko lang, hardworking siya at mahalaga sa kanya ang asawa niya. Mahalaga ka sa kanya. Halos araw-araw, kahit pagod sa trabaho ay didiretso pa iyan sa ospital para lang dalawin ka.” Lahat ng nakakausap ko ay ganyan ang sinasabi. Iyong nurse sa ospital at ngayon ay si Adela. Nang matapos maglinis si Adela, nagpasiya kaming lumabas ng bahay. Kahit papaano naman ay gumaan ang loob ko sa kanya. Sinabi niya kasi na mamamalengke siya para sa kakainin namin sa tanghalian kaya sinabi ko sa kanya ay sasama ako. Pinapanood kong mamalengke si Adela. Tahimik lang akong sumusunod sa kanya. “Wala bang tawad dito? Suki naman ako,” sabi niya sa tindero ng mga gulay. “Oh, sige na nga!” sabi naman ng tindero. May mga tumitingin sa akin na akala mo ay pinag-aaralan nila ako. Pero iyong dalawang babae sa kabilang tindahan ang nag-standout sa akin dahil para bang pinipintasan at tinatawanan nila ako. “Adela!” pagtawag ng isang babae kay Adela nang mapadaan kami. “Ano?” tanong ni Adela, halatang hindi gustong kausap ang dalawang babae. “Sino iyang kasama mo?” Nilingon ako ni Adela at nakita ko ang pagngisi niya. “Itong magandang babae ba na ito? Siya lang naman ang asawa—” Tinakpan ko ang bibig ni Adela at hinila na siya papalayo. Alam ko na nagtaka siya sa ginawa ko, kaya nang makalayo roon ay tinanong niya agad ako. “Bakit mo iyon ginawa?” “Huwag mong sabihin sa iba na asawa ako ni Baste,” sabi ko sa kanya. Halatang naguluhan si Adela sa sinabi ko. “Bakit naman? Maganda ngang alam nila. Pantasya ng mga kababaihan si Baste rito. Dapat ay bakuran mo.” Umiling ako. “Kung hindi nila ako kilala, mas magandang manatili na lang sa ganoon.” Ayoko rin na ipaglandakan sa iba na asawa ko si Baste ganoong para bang dine-deny iyon ng sarili ko. Wala akong tiwala sa mga sinasabi ng lalaki. Malay ko ba kung kasinungalingan iyon. Wala akong maalala. Maaari niyang i-take advantage ang sitwasyon ko. Sa huli, hinayaan na lang ako ni Adela sa gusto ko. “Sino ang babaeng iyon?” “Si Lourdes. May gusto iyon sa asawa mo. Huwag mong pansinin iyon. Hindi nga siya pinapansin ni Baste. Kaya sabi ko sa ‘yo, bakuran mo si Baste, eh.” Hinila niya na ako papalayo at pumunta sa kabilang bahagi ng palengke. Tinulungan ko siyang magbitbit ng mga pinamili niya. Hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin ang sinabi niyang babaeng may gusto kay Baste. Hindi ko naman itatanggi na magandang lalaki si Baste kaya maraming magkakagusto sa kanya. Pero bakit ganoon? Expected ko nang maraming babae ang manghuhumaling sa kanya pero…naiinis akong mapatunayang tama ako. “Marami bang babae ang kagaya ni Lourdes?” Out of nowhere ay napatanong ako. Dahan-dahan na tumingin si Adela sa akin. “Ha?” Umakto pa itong hindi ako naiintindihan. Tiningnan ko siya, blangko ang ekspresyon ng mukha. “Marami bang nagkakagusto kay Baste?” Alam ko na hindi ko na dapat iyon tinanong pa, pero hindi ko lang din mapigilan. Now, I look like someone who’s possessive with her husband. Pfft, akala ko ba ay hindi ka naniniwala na asawa mo ‘yon? “Oo, marami rin.” Tumango ako. “Gaano karami?” “Halos lahat ng babae rito sa Buenavista! Maging iyong anak nga ng mayor dito, may gusto kay Baste. Ilang buwan pa lamang ‘yan dito, ah!” Lalo akong nagsisi na itinanong ko pa iyon dahil hindi ko nagugustuhan ang inis na nararamdaman ko. “Gusto mo bang madaanan ang pinagtatrabahuhan ng asawa mo?” Nakuha ni Adela ang aking atensyon. Nagtaas ako ng tingin sa kanya. “Mapapalayo lang tayo pero kung gusto mo, pwede naman.” Gusto kong sabihin na hindi na dahil ayokong dalawin si Baste sa trabaho niya at isipin niyang gusto ko siyang makita. “Sige.” Pero iba ang lumabas na mga salita sa bibig ko. Hindi naman mainit ang panahon ngayon. Mahangin din kaya masarap maglakad. Sa tagal kong walang malay dahil sa aksidente ko, maganda talagang gawin ang mga ganitong bagay. Iyon ang sabi ni Baste sa akin dati. Naaksidente ako kaya’t nawalan ng alaala. “Nakikita mo ‘yon?” Sa hindi kalayuan ay nakikita ko na nga ang beach. May isang malaking resort na tila ginagawa roon. “Oo,” sagot ko. “Diyan nagtatrabaho si Baste. Lapit tayo.” Tumigil ako sa paglalakad. “Huwag na. Baka makaabala pa tayo sa trabaho nila.” “Hindi ‘yan!” sabi ni Adela sa akin at hinila ako. “Sisilip lang naman.” Naglakad kami papunta roon. Nakayuko lang ako. For some reason, ayokong makita ako ni Baste dito. May mga kakilala si Adela kaya’t binabati niya. Nanatili pa rin akong nakayuko. Naandito kaya siya? Tinangka kong tumingin pero agad ko ring pinigilan ang sarili. Sa kakayuko ko at paglipad ng isipan ko, hindi ko namalayan ang malaking bato sa harapan ko at nadapa ako. Bago pa ako sumubsob sa buhanginan ay may sumalo sa akin at hinawakan ako sa baywang. Agad akong nagtaas ng tingin sa sumalo sa akin kaya’t hindi ako tuluyang nadapa. “Careful,” sabi nito sa malalim niyang boses. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko si Baste sa harapan ko. May suot siyang kulay puti na hard hat na agad niya rin namang tinggal kaya’t mas lalo kong nakita ang mukha niya. Hindi ko magawang makawala. His eyes held me captive. I couldn’t look away from him no matter how hard I tried. He slightly squeezed my waist. Doon ko lang naalala na hawak-hawak niya ako. Mabilis akong lumayo sa kanya at umatras. Nag-iwas ako ng tingin. “What are you doing here?” tanong ni Baste sa akin. “Galing kaming palengke. Sumama ako kay Adela. Napadaan lang kami rito.” Hindi pa rin ako tumitingin sa kanya. Gusto ko nang umalis pero hindi rin naman ako bastos na aalis sa gitna ng pag-uusap. “May mas malapit na daan papauwi sa bahay mula sa palengke. Bakit dito pa kayo dumaan?” Napatingin ako sa kanya at naabutan ko siyang ikinikiling ang ulo. “Were you visiting me?” “Hindi!” Mabilis na sagot ko. “Napadaan lang.” Nakita ko ang maliit na ngiti na lumandas sa labi niya. “If you say so.” “Uuwi na rin kami.” Naglakad na ako at nilagpasan siya. “Adela, tara na.” Sabi na nga bang masamang ideya ang magpunta rito. Baka isipin niya naman ay gustong-gusto ko siyang makita. Mabilis akong naglakad kahit hindi ko alam ang pauwi. Kailangan ko lang na makalayo sa lugar na iyon. “Nakapag-usap naman kayo ni Baste?” “Wala kaming dapat pag-usapan,” I said coldly. “Natanong mo man lang ba kung nakakain na siya?” Tumigil ako sa paglalakad at hinarap ko si Adela. Tumigil din ito sa paglalakad niya. “I don’t have to ask him that. Siguro naman ay pinapakain sila ng pinagtatrabahuhan nila, hindi ba?” Itinikom ni Adela ang kanyang bibig. Napansin niya na rin sa wakas na ayoko nang pag-usapan iyon. Bakit ba ako naiinis? I don’t know. Naging tahimik naman ang maghapon ko. Nagkulong na lamang ako sa kuwarto ko. Lumabas lang ako nang magpaalam si Adela na uuwi na. “Nagluto na rin ako ng hapunan ninyo. Bukas na lang ulit ako babalik. Kung may kailangan ka, i-text mo lang ako. Iniwan ko ang number ko.” Umalis na si Adela. Nilapitan ko ang note niya kung saan nakalagay ang number niya. Paano ko siya tatawagan? Wala akong cellphone. Hindi pa naman ako nagugutom at maaga pa rin naman kaya hihintayin ko na lang si Baste na dumating bago kumain ng hapunan. Naalala ko ang nangyari kanina. Nakakahiya na kailangan niya akong makita sa site nila. Nanuod na lang ako ng TV para ma-distract. Dumating si Baste ng ala-singko ng hapon. Nagpanggap ako na hindi ko siya napansin at nakatutok pa rin sa telebisyon kahit na hindi ko naman gusto ang pinapanood ko. “Hi,” pagbati niya sa akin. Nagtaas ako ng tingin sa kanya. “Hi.” “Kukuha lang ako ng pamalit na damit sa kuwarto.” Tumango ako sa kanya. Naglakad na siya papunta sa kuwarto at hindi ko ba maintindihan sa sarili kung bakit tila mas na-e-entertain akong titigan ang likod niya kaysa sa pinapanood ko. Lumabas din naman siya para magpunta sa banyo at siguro ay maligo. Ipinikit ko ang aking mga mata. Bakit kung ano-anong ideya ang pumapasok ngayon sa isipan ko tungkol kay Baste na hindi naman dapat? “Construction worker ka pala?” Nagtaas si Baste ng tingin sa akin dahil sa itinanong ko. Kumakain na kami ngayon ng hapunan at dahil ayoko ng katahimikang bumabalot sa amin, nagtanong na lang ako. Tinitigan niya ako na akala mo ay may sinabi akong mali. “Iyong trabaho mo.” Sandali siyang tumigil. Hindi pa rin ako sinasagot. Tumikhim si Baste pero tila ba nagpipigil ng tawa. May sinabi ito pero hindi ko narinig. I think it’s about white hard hat, but I can be wrong. “Anong sinabi mo?” “Nothing. Construction laborer. Tama. Iyon ang trabaho ko.” May kakaibang ngiti pa rin sa labi niya habang sinasabi iyon na akala mo ay pinagtatawanan niya ako. Hindi ko namalayan na nakatitig na ako kay Baste. Iilang araw pa lamang kaming magkasama, and I rarely see him smile. Pero ngayon na nakikita ko siyang nakangiti, there’s was an easy and comforting feeling inside me, na akala mo ay isa iyon sa nagpapakalma sa nagwawala kong mga emosyon. I want to know who was he in my past. Talaga bang asawa ko siya? Because everything feels so right with him, kahit gaano ko kagustong itanggi iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD