Lovi's POV
After five years.
"Nanay nasaan po ba si Alexa?" tanong ko sa aking ina ng hindi ko mapansin sa loob ng bahay ang aking anak. Saan na ba napunta ang batang 'yon?
"Aba'y kanina lang ay nandiyan kasama ang tatay mo, tignan mo at baka nasa labas at nakasakay na naman sa jeep. Alam ng batang 'yon na magdedeliver ang tatay mo ng mga gulay sa bayan kaya siguradong nakasalisi na naman 'yon sa likod ng jeep. Silipin mo sa mga kaing na basket ng gulat at siguradong nakasiksik 'yon duon." ani ni nanay. Kaya napapailing na lamang ako sa anak kong 'yon.
Twenty-four years old na ako ngayon, si Alexa naman ay apat na taon na. Madaldal ang anak kong 'yon at nakakatuwa dahil napakaganda niyang bata. Siguro ay dahil maganda ang pinanggalingang lahi at masasabi ko na kamukhang-kamukha ni ang ama niya, babaeng version nga lang.
Mabilis kong tinungo ang labas at nakita ko nga na nakaparada ang jeep ni tatay at nagkakarga sila ng kaing ng gulay sa loob ng jeep.
"Tatay si Alexa po?" tanong ko sa aking ama. Inginuso naman ni tatay ang loob ng jeep kaya napapailing akong umakyat sa loob at naupo sa upuan na wala pang nakapatong na kahit na ano.
"Kapag hindi ka lumabas diyan ay hindi kita isasama sa bayan para kumain ng ice cream, kami na lang ng tito Eugene mo ang aalis." ani ko at bigla namang sumulpot ang anak ko sa harapan ko.
"Mama hinahanap ko lang po 'yung piso ko, nahulog kasi dito." ani niya na ikinatawa namin nila tatay. Pawis na pawis ang anak ko kaya naman kinuha ko ang bimpo na nasa bulsa ng short ko at pinahid ko ang pawis sa mukha at leeg niya.
"Halika sa loob at ng mapaliguan na kita." ani ko at sinibangutan niya ako.
"Malaki na po ako mama, kaya ko ng maligong mag-isa." nakanguso niyang ani. Hinawakan ko ang kamay niya at kinarga ko na siya.
"May malaki ba na laging nagpapakarga ha?" ani ko at napahagikgik pa siya ng tawa at pinaghahalikan ako sa aking mukha. Tuwang-tuwa naman ako dahil napaka sweet ng anak ko at talagang siya lang ang nagbibigay ng kahulugan sa buhay ko ngayon. Hindi na nga baleng tumanda akong dalaga basta kapiling ko lang ang anak ko ay kuntento na ako.
"Mama kanina may nakita akong lalaking pogi sa kabilang hacienda. Ang pogi mama. Ligawan mo para siya na lang ang maging papa ko. Inaasar kasi ako ng kaklase ko kasi wala daw akong papa." wika ng anak ko na ikinagulat ko. Nakakaloka itong anak ko at kung ano-ano ang pinagsasasabi.
"Anak hindi ako mangliligaw ng lalake. Ano ba 'yang pinagsasasabi mo ha? Naku ikaw talagang bata ka ha! Huwag ka ngang kung saan-saan nagpupunta at baka mawala ka." ani ko sa kanya at naiiling ako ng ulo sa kalokohan ng anak ko.
"Ang gwapo po talaga mama, sabi nga ng nanay ng kaklase ko liligawan niya 'yong gwapong nakatira sa hacienda para may tatay na anak niya. Unahan mo mama para mas mauna akong magkaroon ng papa." wika pa niya kaya natawa na ako sa aking anak.
Ipinasok ko na sa loob ng bahay ang aking anak upang paliguan. Hindi naman mawala sa isip ko ang sinasabi ng anak ko tungkol sa lalake na nakatira sa kabilang hacienda. Matagal na din kami dito pero ni minsan ay hindi ko pa nakikita ang sinasabi ng lahat na mala-tigreng pamangkin ng may-ari ng hacienda sa kabila.
"Anak huwag kang lalapit sa lalakeng 'yon ha, marami ang nagsasabi na hindi maganda ang trato niya sa mga tao. Baka mamaya ay sigawan ka niya eh mapa-away pa ako. Iwasan mo 'yon ha." ani ko sa aking anak.
"Mama nakatitig nga po siya sa akin kanina. Kinawayan ko siya pero hindi po niya ako pinansin pero titig na titig siya sa akin. Nakikita ko nga po sa mukha niya na parang nagulat siya ng makita niya ako lalo na po ng nginitian ko siya." ani ng anak ko. Hindi ko na lang pinansin ang sinabi ng anak ko at muli ko lang siyang pinaalalahanan.
Pagkatapos kong paliguan ang anak ko ay nagbihis na rin ako dahil nangako ako sa kanya na dadalhin ko siya sa bayan upang ibili ng ice cream.
"Nanay, aalis na po kami. Kung may ipagbibilin po kayo ay sabihin n'yo lang at bibilhin ko po." ani ko sa aking ina na busy sa pagluluto ng ginataang bilo-bilo dahil dadalhin niya ito kay Lolo Rene dahil kaarawan nito.
"Bumili ka ng dalawang kilong manok at magluluto ako ng kalderetang manok mamaya na dadalhin ko kay Tatay Rene. Bumili ka na rin ng tomato sauce." ani ni nanay. Humalik na sa kanya ang apo niya at pagkatapos ay lumabas na kami ng bahay.
Wala na din sila tatay at mukhang nagdeliver na ng mga gulay. Naglakad kami sa labas upang puntahan ang kaibigan ko na nakatira lang sa tapat ng lote namin pero natigilan akong bigla. Napahinto kami sa gilid ng kalsada ng dumaan ang isang sports car na heavy tinted ang mga salamin at bigla itong huminto sa tapat namin. Napalingon naman ako dahil baka may sasakay sa kanya o baka may hinihintay siya pero wala namang tao kung hindi kami lang ng anak ko. Nakaramdam tuloy ako ng matinding takot dahil baka masasamang tao ang mga ito.
Kumabog ng malakas ang dibdib ko dahil baka ito 'yung sinasabi nilang pamangkin ni Senior Duncan na masama ang ugali. Bigla akong napaatras pero ang sasakyan nananatiling nakahinto lang. Pakiramdam ko ay may mga matang nakatitig sa amin ng anak ko na hindi ko maunawaan. Hinawakan ko ng mahigpit ang anak ko lalo na ng biglang bumukas ang pintuan sa passenger seat ng sports car sa unahan. Lumabas ang isang lalaki pero ako nakatitig pa rin ako sa driver side dahil pakiramdam ko, kung sino man ang nagmamaneho nito ay tinititigan ako.
"Anak mo? Sino ang tatay ng batang?" tanong agad ng lalaki kaya napaatras ako. Hindi ko siya sinagot dahil wala silang karapatang tanungin ako ng ganoon. Hindi ako nagsasalita at matalim ko lamang tinititigan ang lalaking pangahas na nagtanong sa akin ng pribado kong buhay. Kinuha ko ang anak ko at kinarga ko agad ito at tumawid ako. Sumunod naman ang lalake sa akin at hinawakan ako sa braso kaya pagharap ko sa kanya ay isang malakas na sampal ang ibinigay ko sa kanya.
"Kung hindi kayo aalis ay tatawag ako ng pulis! Bastos ka!" galit kong ani. Napahawak naman siya sa kanyang pisngi at nginisihan ako na tila ba nakakaloko at hinagod ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
Hindi ko naman inaalis ang masamang tingin ko sa kanya dahil galit na galit talaga ako. Hindi dahil mayaman sila ay hahayaan ko na lamang na bastusin nila ako ng ganoon. Baka akala nila, dahil mahirap lang ako ay hindi ako papalag. Pwes! Nagkakamali sila dahil hindi ako katulad ng iba na magkakandarapa sa kanila.
"Okay, sige tumawag ka ng pulis. Sabihin mo ang pangalan ko sa kanila ha. Jeffrey John Ripley." ani niya sa akin. Tinaasan ko lamang siya ng aking kilay. Gusto ko siyang lapitan at sampalin muli pero ayoko ng matakot ang anak ko. hawak ko lang ang ulo ni Alexa at nakasubsob lamang ito sa leeg ko upang hindi niya makita ang walang kwentang tao na nasa harapan ko. Binawi ko na ang masama kong tingin at tinalikuran ko na siya.
"Jeffrey let's go!" ani ng isang boses na ikinagulat ko at bigla akong napalingon.
"Yes, miss? Makikipagkilala ka na sa amin?" ani niya pero matalim na titig lamang ang ibinigay ko sa kanya. Humahangos na lumalapit naman sa amin ang kapatid kong si Eugene mag didisi-otso na sa darating na katapusan ng buwan at sa bata niyang edad at napakatangkad nito at malaki ang pangangatawan.
"Ate binabastos ka ba ng mga 'yan?" ani ng kapatid ko kasama ang mga kaibigan niya na may hawak na itak.
"Chill man! Nagtatanong lang naman kami sa kapatid mo kaya lang suplada." ani ng Jeffrey daw ang pangalan.
Hindi naman sila nagtagal na at umalis na din sila dahil pinagbantaan sila ng kapatid ko at ng mga kaibigan niya. Sinundan ko ng tanaw ang sasakyan habang papalayo ito at hindi ko mawala sa isip ko ang boses ng driver ng nagmamaneho ng sasakyan. Hindi ko maalala kung saan ko narinig ang boses niya pero hindi ako maaaring magkamali, narinig ko na talaga ang boses ng mahiwagang lalakeng 'yon.
"Bes, aalis na ba tayo ha?" ani ni Mabel, ang naging best friend ko sa lugar na ito. Tumango ako sa kanya at inihatid naman kami nila Eugene sa sakayan ng tricycle.
Tahimik lamang ako kahit na nakarating na kami ng bayan. Alam ko na nagtataka sa akin ang kaibigan ko pero hindi naman siya nagtatanong. Humugot ako ng malalim na paghinga at ngumiti ako sa anak ko na karga ko pa rin at pumasok kami sa isang kainan ng ice cream.
"Yehey! Gusto ko lahat ng flavor mama." ani ng anak ko kaya natawa na kami ng kaibigan ko.