Lovi's POV
Nakarating kami ng Quezon Province at sa buong buhay ko ay ngayon lamang ako nakakita ng ganito kagandang tanawin. May kalakihan din ang taniman ng mga gulay na minana ni tatay sa lolo at lola ko. Malawak na lupain kaya alam kong sapat na ang lugar na ito upang makapagbagong buhay kami sa lugar na ito. May bahay na din na nakatayo at di hamak na mas maayos ito kaysa sa tagpi-tagpi naming bahay sa Manila. May dalawang palapag ito na may tatlong silid sa itaas, may salas, may kusina at may dalawang banyo. Isa sa itaas at isa sa ibaba kaya hindi na kami mag-uunahan ng kapatid ko sa pag-gamit. Dito sa lugar na ito ay hindi kami mapapaalis ng kung sino dahil pag-aari ito ni tatay at nasa kamay niya ang titulo nito. 'Yun nga lang ay walang trabaho dito ang aking ama, pero sa tingin ko ang pagtatanim ng mga gulay ay sapat na upang kumita kami at mabuhay ng mas maayos kaysa nuong nasa Manila pa kami, lalo pa at may mga tanim na ditong mga gulay at maari na ring anihin. Pwede namin itong ibenta nila nanay sa palengke o kaya ay maaari kaming mag-alok sa mga tindahan.
"Buti naman at naisipan na ninyong manirahan dito ha Berto? Tamang-tama lang ang dating ninyo dahil anihan na ng mga gulay at prutas kaya may panimula kayo. Pwede na ninyong anihin ang mga 'yan sa darating na linggo at ibenta ninyo sa palengke. Malaking pera din ang makukuha ninyo sa mga 'yan. Mas mabuti kung may mahahanap din kayong mga tindera na pwede ninyo suplayan ng mga sariwang gulay katulad ng ginagawa ng tatay mo nuong nabubuhay pa ito kaya madalas niya kayong padalhan ng pera sa Manila. May jeep na naiwan ang tatay mo diyan, nasa akin ang susi, hayaan mo at kukuhanin ko sa bahay mamaya para masubukan natin kung umaandar pa iyan. Pero sa tingin ko naman ay umaandar pa ang jeep na 'yan dahil bago namatay ang ama mo ay nagamit pa namin 'yan. Iyan kasi ang ginagamit ng tatay mo sa pagdedeliver ng mga gulay at malaki ang maitutulong ng jeep na 'yan sa inyo kung makakapag-suplay kayo sa palengke ng mga gulat ay prutas." ani ng katiwalang naiwan ni lolo dito sa lupain. Naaalala ko siya nuon, Lolo nga ang tawag ko sa kanya nuon pero nahihiya na ako ngayon na tawagin siyang lolo.
"Salamat po Mang Rene." ani ni tatay.
Pinagmamasdan ko ang paligid, sariwa ang hangin at higit sa lahat ay nakakarelax ang lugar na ito.
"Naku hijo, walang anuman! Para na kaming magkapatid ng iyong ama, kundangan lamang at nagkasakit ito ng malubha. Sinundan agad ang nanay mo sa langit. Hindi matiis na hindi niya ito makasama." pagbibiro ni Tatang Rene na ikinangiti ko naman. Naaalala ko nuon kapag bumibisita sila lolo at lola sa amin sa Manila. Kinukulit nila lagi si tatay na dito na daw kami manirahan dahil mas mapapaganda ang buhay namin dito kaysa sa namamasukan lang si tatay bilang isang security guard sa isang maliit na convenience store tapos kakarampot lang ang sahod kulang pa pambayad ng bills kaya madalas nalulubog kami sa utang. Pagkatapos pag swelduhan na, ibabayad naman ni tatay ang halos kalahati ng sweldo niya kaya balewala lang din ang pinag-paguran niya.
"Mahal na mahal ho kasi ni tatay si nanay, kaya ng mamatay si nanay, ayun hindi kinaya kaya mahigit isang taon lang ay iniwanan na rin ako." ani ni tatay at nakikita ko ang kalungkutan sa kaniyang mga mata.
"Ate ang ganda dito, tignan mo duon may falls. Sakop na yata ng lupain natin 'yon." ani ni Eugene sabay turo sa kung saan.
"Hay naku apo! Sa kabilang lupa 'yon. Pag-aari ni Senior Duncan. Huwag kang pupunta duon at may harang 'yon, saka sobrang sungit ng nag-iisang pamangkin ni Senior. Baka makita ka niya duon eh pagalitan ka pa. May bakod at huwag kang lalagpas sa bakod nila dahil trespassing na 'yon." ani ni Tatang Rene.
"Ikaw talagang bata ka, kung saan-saan ka na agad nakakarating. Narinig mo ang sinabi ni Mang Rene kaya huwag matigas ang ulo mo." ani ni tatay. Napakamot naman ng ulo ang kapatid ko at tumango na lamang.
"Lolo Rene, 'Yan ang itawag ninyo sa akin dahil parang kapatid ko na ang inyong lolo, at ikaw Berto, tawagin mo akong Tatay Rene katulad nuong bata ka pa." ani naman ni Lolo Rene.
Umalis na sila tatay kasama si Lolo Rene. Kukuhanin daw nila ang susi ng jeep at titignan nila kung mapapaandar nila ito, dahil kung hindi ay hihilahin daw ito ng sasakyan ni lolo upang dalhin sa bayan.
Pagkaalis nila tatay ay naglakad kaming magkapatid upang libutin namin ang buong kapaligiran. Si nanay naman ay pumasok sa loob ng bahay. Malinis ang loob dahil inaalagaan ni Lolo Rene kaya wala na kaming lilinisin pa.
"Ate, duon ang sinasabi ko sayong falls, napakaganda at may daanan sa likod kaya lang matinik saka ang daming baging na nakapulupot sa buong paligid. Duon lang ako dumaan. Pero binawalan na ako ni tatay kaya hindi ko na siya mapupuntahan." ani ng kapatid ko.
"Kaya makinig ka dahil baka mamaya makita ka nga ng sinasabi ni Lolo Rene na masungit na pamangkin ng may-ari ng hacienda na 'yan." ani ko sa kapatid ko.
Mataas ang bakod na naghihiwalay sa lupain namin at sa napakalaking hacienda sa kabila, pero may punong malaki na pwedeng akyatin ang ugat upang makita ang loob nito at duon nga nakita ng kapatid ko ang falls na tinutukoy niya. Gustuhin ko mang tignan ay hindi naman pwede dahil baka mahulog ako. Buntis ako at ayokong mapahamak ang dinadala ko.
"Ate duon ay nasasakupan pa rin natin at maraming tanim na saging. Hindi ba at paborito mo ang saging na saba kasi mahilig ka sa turon at banana cue? Halika at ipapanguha kita tapos ako magluluto ng banana cue." ani ng kapatid ko kaya naman bigla akong napangiti at sumunod agad ako sa kanya.
Totoong sinabi niya ang parte na ito ay maraming tanim na saging at marami na nga itong mga bunga, hitik sa bunga pati ang puno ng mangga.
"Wow, ang ganda dito! Hindi ako makapaniwala na hindi agad tayo nanirahan dito." wika ko. Ang kapatid ko naman ay kinuha ang nakasukbit niyang itak sa baywang at pinutol ang katawan ng puno ng saging. Pagbagsak nito sa lupa ay tinagpas naman agad nito ang malaking piling ng saging at ipinatong sa malaking mga dahon ng saging na pinag-patong patong niya at hinila pabalik sa bahay namin.
Natuwa naman si nanay at nagbalat agad ng ilang piraso at inilaga naman niya. Napatingin ako sa kapatid ko ng binuksan niya ang tv kaya nilapitan ko siya at nakinuod naman ako.
"Ate ang gwapo ng lalaki, sana ganyan kagwapo ang magiging anak mo kung sakaling lalaki man ang magiging pamangkin ko. Sabi mo kasi gwapo tatay niyan eh." ani ng kapatid ko. Ako naman ay parang itinulos sa kinauupuan ko habang nakatitig ako sa tv dahil ang lalaking tinutukoy niya ay wala ngang iba kung hindi ang ama ng ipinagbubuntis ko.
Ngayon ko lamang nalaman na isa pa lang mayaman ang lalaking bumili ng puri ko at hindi lang 'yon, isa itong sikat na negosyante at may kasintahan itong katabi. Nanginginig ang kamay ko na pinatay ko ang tv. Hindi ko alam ang gagawin ko, pakiramdam ko ay nanghina akong bigla. Napakagwapo niya at katulad ng unang naramdaman ko ng masilayan ko ang mukha niya nuon ay tumitibok pa rin ang puso ko ng mabilis.
"Okay ka lang ate? Bakit bigla ka yatang namutla? Nanay, si ate namumutla." tawag ng kapatid ko sa aming ina kaya naman humahangos na lumalapit sa amin si nanay. Pinakuha niya ng tubig ang kapatid ko at mabilis niya itong pinainom sa akin pagbalik ng kapatid ko.
"Okay lang po ako 'nay, napagod lang siguro ako nuong naglakad kami ni Eugene para kumuha ng saging." wika ko at hindi ko sinabi sa kanila ang totoo. Hinawakan ko ang dibdib ko sa mismong tapat ng puso ko. Napakabilis pa rin ng pagtibok nito na animo ay may libo-libong kabayo na nagkakarerahan sa pagtakbo.
Umayos naman ang pakiramdam ko, pero hindi na mawala sa isipan ko ang mukha ng lalaking 'yon. Hindi ko rin makakalikutan ang pangalan na nabasa ko sa ibaba ng screen ng lalaking 'yon. Alexander Montesalvo.
'Isa ka palang Montesalvo anak.' bulong ko ng mapag-isa na ako. May sarili akong silid dahil ang bahay na ito ay may tatlong silid dito sa ikalawang palapag. Ngayon lang ako nagkaroon ng sarili kong silid dahil duon sa inuupahan namin ay isang silid lang at kaming dalawa ng kapatid ko ay naglalatag lang sa lapag sa salas kapag matutulog na kami. Ngayon ay may silid na kami ng kapatid ko at tig-isa pa kami.
'Ang gwapo mo Alex, kaya lang isa kang suntok sa buwan at alam ko na kapag nalaman mo na ako ang babaeng nag-benta ng katawan sayo ng gabing 'yon ay kasusuklaman mo lang ako. Alam ko rin na hindi mo kayang tanggapin ang anak ko kaya ako na lang ang magpapalaki dito. Hindi ko nga alam kung naaalala mo na may nag-benta sayo ng katawan ng gabing 'yon dahil lasing na lasing ka na nag makausap kita. Siguro kung hindi ka lasing ay tatanggihan mo ako.' bulong ko sa sarili ko habang yakap ko ang isang unan.
Ipinikit ko ang mga mata ko at hinimas ko ang aking tiyan. Kinuha ko ang luma kong telepono at tinignan ko kung may data pa ako. Medyo mahina ang signal sa lugar na ito pero kapag tumayo ka sa isang sulok ay mayroon naman kahit papaano. Hindi katulad sa hacienda na katabi nito, may sariling satellite, kaloka nakakainggit!