Lovi's POV
Mahigit dalawang buwan na ang nakaraan mula ng ibenta ko ang katawan ko sa isang estranghero.
Walang kamalay-malay ang mga magulang ko kung saan galing ang perang pinang-opera sa aking kapatid. Hindi naman ako nagsisisi dahil ginawa ko naman 'yon para sa aking kapatid.
Kagigising ko lang. Nagluluto ang nanay ko ng sinangag na maraming bawang pero hindi ko nagugustuhan ang amoy nito. Mahilig ako sa sinangag na maraming bawang, katunayan ay paborito ko ito. Pero sa pagkakataong ito ay nababahuan ako dito at halos masuka na ako sa amoy nito.
"Nanay bulok po ba 'yang niluluto ninyo? Bakit po ang baho ng amoy? Nakakasuka po," ani ko kaya natigilan naman ang aking ina sa paghalo ng sinangag at inamoy ang niluluto niya.
"Aba'y hindi naman mabaho. Ang bango nga dahil mas mabawang siya ngayon. Hindi ba at ito ang paborito mo anak?" wika niya at ipinag-patuloy na ang paghahalo sa sinangag.
Hindi naman ako kumibo. Nagtataka ako sa aking sarili kung bakit ganuon ang pang-amoy ko dito. Lumabas ako ng bahay upang makalanghap ako ng hangin, dahil pakiramdam ko ay babaligtad na ang sikmura ko kapag nagtagal pa ako sa loob ng bahay.
"Lovi, maghain ka na dito at ng makakain na tayo," ani ni Nanay pero hindi ako pumapasok sa loob dahil hindi ko talaga gusto ang amoy ng bawang.
"Lovi, anak. Kanina pa kita tinatawag pero bakit hindi ka pumapasok dito sa loob ha? Maghain ka na at kakain na tayo, mayamaya lang ay lalabas na ang Tatay at kapatid mo kaya sige na at maghain ka na," ani niya kaya wala na akong nagawa kung hindi ang pumasok sa loob ng munti naming bahay.
Pagkatapos kong maglagay ng mga plato at kubyertos ay iginawa ko naman si nanay at tatay ng kapeng mainit. Lumabas naman si tatay ng silid nila ni nanay ng nakabihis na dahil may trabaho pa ito.
Naupo siya sa lamesa at nagsandok siya ng sinangag kaya muling umalingasaw ang mabawang na amoy ng sinangag kaya napatakip ako ng aking ilong at napaduwal ako. Bigla namang napatingin sa akin si nanay at tatay ng may panghuhusga na hindi ko maunawaan. Muli kong naamoy ang bawang ng sumubo ang kapatid ko ng sinangag kaya nagtatakbo na ako sa banyo at duon na ako nagdududuwal ng nagdududuwal kahit wala naman akong inilalabas.
Ang sakit ng sikmura ko dahil puro hangin ang nilabas ng tiyan ko. Napapaluha pa ako dahil hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin. May sakit kaya ako na hindi ko alam kung ano? Baka naman may nakain ako kagabi na hindi akma sa aking sikmura.
Paglabas ko ng banyo ay nagulat pa ako sa aking ina na nakatayo sa pintuan.
"Nanay nanggugulat naman po kayo," ani ko sa aking ina.
"May kasintahan ka ba ha Lovi? Magsabi ka nga sa akin ng totoo bata ka. May kasintahan ka na ba at may nangyari na ba sa inyo? Buntis ka ba?" sunod-sunod na tanong ni nanay na ikinagulat ko. Bigla naman akong napahawak sa tiyan ko at hindi ako makapaniwala sa sinasabi ng nanay ko.
"Po? Wala naman po akong kasintahan 'nay. Alam naman po ninyo 'yan. Bakit naman po ako mabubuntis eh wala pa naman po akong..." hindi ko na naituloy ang sasabihin ko ng bigla kong maalala ang gabing ibinenta ko ang aking sarili para makakuha ng pera para sa kapatid ko. Napatakip ako ng kamay sa aking bibig at napatingin ako sa aking ina at tuluyan ng nalaglag ang aking mga luha.
"Dyosko po!" ani ko habang napapa-atras ako.
"Sabihin mo nga sa akin ang totoo anak," naiiyak na ani ng aking ina kaya napahagulgol na ako at napasalampak ako ng upo sa isang sulok at yinukyok ko ang aking ulo sa dalawa kong tuhod.
"Lovi anak magsabi ka sa amin ng totoo. Nandito kami ng nanay mo upang tulungan ka," ani naman ng aking ama. Napataas ako ng aking mukha. Ang mga mata ko ay hilam na sa luhang ayaw mag-paampat sa pagdaloy.
"Nanay, Tatay, sorry po. May nagawa po akong isang malaking kasalanan upang hindi maputulan ng paa ang kapatid ko," umiiyak kong ani kaya napaluhod sila nanay sa sahig at niyakap ako habang wala silang patid sa pag-iyak.
Ikinuwento ko sa kanila ang lahat ng nangyari ng gabing 'yon sa kabila ng matindi kong pag-iyak. Sabi ni tatay ay aalis kami sa lugar na ito at maninirahan kami sa probinsiya upang malayo ako sa kahihiyan at panghuhusga ng mga kapitbahay namin.
"Patawarin po ninyo ako sa nagawa ko. Hindi ko po kasi alam kung saan pa ako lalapit. 'Yon na lang po ang tanging paraan na naiisip ko kaya ko 'yon nagawa. Patawad po!" wika ko at niyakap naman nila ako.
"Nanay ano po ang nangyayari?" ani ng aking kapatid pero sinabi lamang namin sa kanya na nalulungkot lang ako dahil wala pa akong trabaho. Ayokong malaman niya ang totoo, ayokong sisihin niya ang sarili niya dahil wala naman siyang kasalanan.
Sa darating na linggo ay aalis na tayo sa lugar na ito habang hindi pa lumalaki ang tiyan mo anak. Duon na muna tayo sa probinsiya. May iniwang lupain sa akin ang lolo ninyo sa Quezon Province. Duon ay susubukan nating mabuhay ng malayo sa mga taong mapanuri." ani ng aking ama. Tumango lamang ako sa kanila at inalalayan na nila akong tumayo.
"Eugene, alisin mo ang sinangag diyan at maglagay ka ng sinaing na nasa kaldero para makakain ang ate mo," ani ng aking ama. Mabilis namang sumunod ang aking kapatid at napatingin pa siya sa akin.
"Okay ka lang ba ate? Kapag may nang-api sa iyo, ako ang magtatanggol sa iyo. Malapit na akong lumaki at magiging tagapag-tanggol mo ako." ani ng kapatid ko na ikinangiti ko. Sa tuwa naman ni tatay ay ginusot-gusot niya ang buhok ng aking kapatid.
Habang kumakain kami ay panay ang salita ng aking ina. Sabi niya ay bibili siya ng pang test para malaman ko kung positive daw ba ako pero naniniwala sila na buntis na nga ako.
Pagkatapos kumain ng kapatid ko ay pinalabas muna ito ni tatay, may pag-uusapan daw kasi kami na hindi pwede ang bata kaya sumunod lang ang kapatid ko.
"Kilala mo ba ang lalaking 'yon?" tanong ng aking ama. Umiling ako dahil totoo namang hindi ko ito kilala.
"Naghintay lang po ako sa labas ng bar. Nuon ko lang din po siya nakita at lasing na lasing pa ho siya ng gabing 'yon. Wala po kasi akong maalala dahil sa takot ko ay nawalan ako ng malay. Nagising na lang po ako na katabi ko na siya at 'yun nga po..." hindi ko na naituloy pa ang sasabihin ko dahil muling umagos ang aking mga luha. Niyakap naman ako ng aking ina at maging siya ay umiiyak na rin.
"Kalimutan na natin 'yan. Huwag kang mag-alala anak at mamahalin natin ang batang 'yan. Sumabay ka na sa akin Cedes at ng makabili ka ng pregnancy test. Duon ka bumili sa walang nakakakilala sa iyo para hindi tayo maging usap-usapan dito," ani naman ng aking ama.
Nagpaalam na sila sa akin dahil may trabaho pa si tatay. Si nanay naman ay sumabay na nga sa aking ama upang makabili ng gagamitin namin para malaman kung buntis nga ako.
Naglinis ako ng bahay at maya't maya ay hindi ko maiwasang hindi mapahawak sa aking tiyan. Ang bata ko pa, kaka-nineteen ko pa lang pero heto at magiging nanay na rin yata ako.
Hindi naman nagtagal at dumating na rin si nanay. May dala itong nakasupot at iginiya niya ako sa banyo. Tinuruan niya ako kung paano ang gagawin ko at ng maunawaan ko ito ay isinara ko na ang pintuan ng banyo.
"Anak, kanina pa ako naghihintay dito. Buksan mo ang pintuan at ng malaman na natin," ani ng aking ina. Nakaupo lang ako sa takip ng inidoro at mabining umiiyak habang nakatitig ako sa pregnancy test na may guhit na dalawa. Iyak ako ng iyak dahil ngayon ay alam ko ng nabuntis pala ako ng estrangherong 'yon.
"Anak, buksan mo ang pinto," ani muli ng aking ina. Pinahid ko ang aking mga luha at inayos ko ang aking sarili. Binuksan ko ang pintuan at nag-aalalang mukha ng aking ina ang unang tumambad sa akin.
"Nanay, buntis nga po ako," ani ko at niyakap ko na ang aking ina at humagulgol kami ng humagulgol. Ayoko ng bumitaw sa aking ina, hindi ko alam kung kakayanin ko ba ang pag-subok na ito sa buhay ko. Ang bata ko pa, wala pa akong alam tungkol sa pag-aalaga ng isang sanggol pero biyaya ito ng diyos kaya tatanggapin ko ito.
"Huwag kang mag-alala anak, nandito kami ng tatay mo para gabayan kayo ng magiging anak mo." ani ni nanay sa akin.
Tumango naman ako sa kanya habang ang mukha ko ay nakasubsob sa kanyang dibdib. Napakapalad ko dahil biniyayaan ako ng diyos ng mabubuting mga magulang at mauunawain.
"Salamat po nanay, hindi ko po alam kung paano ang gagawin ko pero tinatanggap ko naman po na buntis ako at magiging isa na akong ina." ani ko.
"Ano? Buntis ka ate? Sinong ama?"