CHAPTER 6
Agad na napaangat ng kanyang ulo si Maxine nang maramdaman niya ang paglapit ng kanyang Auntie Cara sa kinaroroonan niya.
Kasalukuyan siyang nasa verandah ng kanilang bahay. Tahimik siyang nakaupo roon habang nagbabasa ng kanyang leksyon. Pasado alas-otso na ng gabi at dahil sa hindi pa siya dalawin ng antok ay napagpasyahan ni Maxine na basahin na muna ang kanilang mga pinag-aralan. And she chose to do that at their verandah.
Mula sa pagkakaupo ay napatuwid siya at nakangiting tumitig sa kanyang tiyahin.
"You're so serious there," wika nito. Amusement was on her face. "Me and your Uncle Leandro are planning to watch movie tomorrow night. Do you want to come with us?"
"Gagawin niyo pa akong third wheel," natatawa niyang saad dito.
Sukat sa mga sinabi niya ay marahan na natawa si Cara. Naupo ito sa kanyang tabi bago muling nagwika. "Exactly what Zandro told me when I asked him too. Malalaki na nga kayo. Dati naman ay kasa-kasama namin kayo ni Leandro sa paglabas."
"You deserve to have time with each other, auntie. Kayo na lang dalawa ni uncle. Huwag niyo na kaming isama."
"You also deserve time for yourself, Max," masuyong wika nito sabay yuko sa mga binabasa niya. "Life is not only about studying."
"I... I just don't want to disappoint you, auntie."
"Hey," Cara said. Wari ay ikinabigla nito ang mga sinabi niya. "At kailan ba ako na-disappoint sa iyo? You're doing great, Max. Lalo na sa pag-aaral mo."
Saglit na hindi nakapagsalita si Maxine. Napatitig na lamang siya nang mataman sa mukha ng kanyang tiyahin.
Dama niya ang sinseridad sa mga sinabi nito. Noon pa man ay lagi na nitong sinasabi sa kanya kung gaano ito ka-proud sa lahat ng parangal na nakukuha niya sa eskwelahan.
Kaya naman sa kabila noon ay hindi niya maiwasan na mapaisip. Cara was happy with her achievements, she knew that. Ngunit bakit ganoon? Bakit hindi nito nais na maging legal siyang anak? Bakit tumanggi ito sa ideya ng kanyang Uncle Leandro na ampunin na lamang siya upang legal siyang maging anak ng mga ito?
"Is there a problem, Max?" mayamaya ay tanong ni Cara nang mapansin nito ang bigla niyang pananahimik.
Umiling siya bilang tugon sa tanong nito. "Nothing, Auntie."
Cara reached for her. Masuyo nitong hinawakan ang kanyang pisngi bago muling ibinaba ang kamay nito.
"Just don't be too hard to yourself, Max. Masaya ako, kami ng uncle mo actually, sa lahat ng mga nakakamit sa eskwelahan. But remember to also have time for yourself."
She smiled at Cara lovingly. Sa kabila ng gumugulo sa kanya mula nang sekondarya pa lamang siya ay hindi maitatanggi ang pagmamahal na mayroon siya para sa babaeng ito. She loved Cara so much. Iyon din siguro ang dahilan kaya labis siyang nasaktan sa mga nalaman niya noon. Hindi niya matanggap na hindi nito nais na legal siyang maging anak.
MATAPOS NG KANILANG klase ay muling gumayak si Maxine upang makipagkita kay Kurt. Sa muli ay tinanggihan niya ulit ang paanyaya ng mga kaibigan niya sa kanya. Alam niya na labis nang nagtataka ang mga ito dahil sa pag-iwas niya. Kung paano niya sasabihin sa mga ito ang naging usapan nila ni Kurt ay hindi niya pa alam.
Naglakad siya patungo sa may parking lot ng Montecillo University. Ayon kay Kurt ay doon daw siya nito hihintayin. Gusto niya pang magtaka kung bakit sapagkat walang magandang puwesto roon upang maturuan niya ang binata ng kanilang mga leksiyon.
Nang makarating sa may parking lot ay saglit pa siyang nagpalinga-linga. Hindi mahirap hanapin ang binata sapagkat naroon na ito at prenteng nakasandal sa motorsiklo nito.
Agad siyang humakbang palapit sa binata. Nang makita siya nito ay agad din itong napatayo nang tuwid.
"Bakit dito mo gustong magkita tayo? How can we study here---"
Bigla siyang nahinto sa kanyang pagsasalita nang basta na lamang iabot sa kanya ni Kurt ang isang helmet. Nagtataka man ay kinuha niya iyon.
"W-What... What's this?"
"Hindi mo alam kung ano ang helmet?" paasik nitong saad sa kanya.
"Of course, I do!" bwelta niya dito. "I mean, why are you giving this to me?"
"Let's go somewhere. Nagugutom ako at gusto kong kumain."
"Kurt, I can't. Alam mong naghihintay sa akin ang driver namin," pagtanggi niya dito.
"Hindi tayo magtatagal, Miss Gold Tier. I just want to eat. Hindi ba pwede iyon?"
Matagal siyang napatitig dito. Nagugutom pala ito, bakit hindi na lang kumain sa canteen ng unibersidad?
Wari namang balewala sa binata ang pagtutol niya sapagkat nagsuot na ito ng sariling helmet. Hindi man lang pinakinggan ang pagtanggi niya sa paanyaya nito, kung paanyaya man nga na matatawag iyon. Why, it was like he was ordering her to come with him!
Nang hindi siya natinag sa kanyang kinatatayuan ay muling kinuha ng binata ang helmet na nasa kanyang kamay. Halos mapasinghap si Maxine nang lumapit sa kanya si Kurt at ito mismo ang maglagay niyon sa kanya.
She held her breath as Kurt was fixing the helmet on her. Hindi niya inaasahan na gagawin nito iyon. Gusto niya pang mailang dahil sa pagkakalapit nilang iyon ng binata.
Nang matapos ito ay agad nang bumaling si Kurt sa motorsiklo nito. Doon ay sumakay na ang binata.
"Hop in," saad nito sa kanya.
Nag-aalangan pang tumitig siya dito. Kung tutuusin ay hindi alangan ang kanyang suot kung sasakay siya sa motorsiklo ng binata. She was wearing a slack. But she felt so uneasy by the idea na madidikit siya sa katawan ng binata kung sakaling sasampa din siya sa motorsiklo nito.
"Babalik din tayo agad, Miss Gold Tier. Huwag kang mag-alala," anito nang mapuna ang pananahimik niya.
"I told you not to call me that way. May pangalan ako," wika niya dito sa naiinis na tinig.
Kurt just smiled at her. Hindi niya alam kung para saan ang ngiting iyon. Kung nang-iinsulto man iyon ay hindi niya masabi.
"Kapag tinawag na kita sa pangalan mo ay mag-iiba na ang lahat, Miss Gold Tier."
Nagkaroon ng gatla ang kanyang noo dahil sa mga sinabi nito. "What do you mean?"
"Sumakay ka na. Nagugutom na ako," saad na lamang nito sa halip na sagutin pa ang kanyang tanong.
Walang nagawa si Maxine kung hindi ang sumakay sa motorsiklo ni Kurt. Pumuwesto siya sa likuran nito. Kinailangan niya pang humawak sa balikat ng binata upang makaupo nang maayos. She felt so uneasy because of his nearness. Sa binata naman ay waring balewala lamang iyon.
Umalis sila ng Montecillo University sakay ng motorsiklo ni Kurt. Ang ibang estudyante na nadaanan nila ay napapalingon pa sa kanilang dalawa. Gusto niyang mailang dahil sa mga titig na iginawad ng mga ito. Ano kaya ang iniisip ng mga ito ngayong magkasama sila ni Kurt?
Si Mang David naman ay wala sa puwesto nito kung saan siya madalas hintayin. Dahil sa araw ngayon ng muli niyang pakikipagkita kay Kurt ay naabisuhan na niya itong mahuhuli ulit ng labas. Ang dahilan niya ay kailangan niyang pumunta ng library.
Nang makaalis sila ng unibersidad ay tuloy-tuloy na nagmaneho ang binata. Kung saan man ito patungo ay hindi niya alam. Naroong iniiwasan niyang madaiti ang kanyang sarili dito, hindi dahil sa nandidiri siya. It's too far from that. Iniiwasan niyang madikit sa binata dahil sa kakaibang damdaming bumabalot sa kanya sa tuwing nangyayari iyon.
Ngunit ang antipatikong lalaki ay waring nananadya pa. Dahil sa maluwag ang trapiko ay mas binilisan pa nito ang pagmamaneho. Hindi siya sanay sumakay ng motorsiklo. Lagi na ay kotse ang gamit niya saan man magpunta. At sa pagmamanehong ginagawa nito ay hindi niya maiwasang makadama ng takot.
Agad niyang naihawak ang dalawa niyang kamay sa baywang nito. Kung magusot man ang damit na suot nito dahil sa higpit ng pagkakahawak niya ay wala na siyang pakialam.
"Slow down, Kurt..." saad niya dito sa natatakot na tinig.
Ilang saglit pa ay bumagal na ang pagmamaneho nito saka huminto sa tabi ng kalsada. Noon niya lang napansin na nakarating na sila sa isang pampublikong palengke sa Quezon City. Ilang metro din ang layo niyon mula sa Montecillo University.
Nang tuluyang huminto ito ay lumingon pa sa kanya ang binata. Pagtataka ang nasa mukha nito sa kaalaman na hindi pa rin siya bumababa mula sa motorsiklo nito.
"We're here."
"W-What are we doing here?" she asked in puzzlement.
"Kakain. I told you a while ago, hindi ba?"
Umalis siya mula sa likuran nito. Naramdaman niya pa ang kamay ng binata na inalalayan siya sa kanyang kanang braso. Ngunit hindi na iyon napagtuunan pa ng pansin ni Maxine. Mas natuon na ang atensyon niya sa lugar na kinaroroonan nilang dalawa.
Matapos nitong maalis ang kanilang mga helmet ay inakay na siya ni Kurt sa paglalakad. Humantong sila sa isang kainan kung saan mga 'street foods' ang ibinebenta. Ni hindi niya pa natikman ang ibang naroon. Some were not even familiar to her.
Kinausap ni Kurt ang lalaking nagbabantay. Kumuha ito ng dalawang mangko saka siya binalingan.
"Ano ang gusto mo?"
"D-Dito... Dito tayo kakain?" nagugulumihanang saad niya dito.
"Yes."
"Are you serious?"
Siguradong ikabibigla ng kanyang Uncle Leandro at Auntie Cara kapag nalaman na naroon siya ngayon sa ganoong lugar. Napakalayo niyon sa restaurant na pag-aari nila!
"Miss Gold Tier, halos ilang tao ang kumakain ng ganito at maniwala ka, hindi lahat nagkakasakit."
"What?!" gulantang niyang sabi dito.
Sa halip na pansinin pa siya nito ay bumaling na muli ang binata sa mga panindang naroon. Ito na rin ang nagkusa na pilian siya ng makakain. Nang makakuha ay muli siya nitong inakay upang pumuwesto na sa isang mesang napapalibutan ng apat na silya.
Nang tingnan niya ang pagkain na inilagay ni Kurt sa kanyang harapan ay halos matigilan pa siya. Kung hindi siya nagkakamali ay isaw ang naroon. Nakalagay na ito sa mangkong kinuha nito kung saan nakababad na sa sukang may sibuyas at pipino.
Nag-umpisa nang kumain si Kurt samantalang siya ay kinuha ang disposable na tinidor at tinusok ang pagkaing kasama ng isaw.
"Is this a boiled egg with an orange batter?" usisa niya pa.
"Kwek-kwek lang ang tawag diyan. Pinasosyal mo pa," masungit nitong sagot sa kanya.
"Hindi pa ako nakakain nito. Ngayon pa lang," saad niya bago inumpisahang kagatan ang pagkain.
"Congrats, tao ka na."
Gusto niyang mainis sa patutsada nito. Lagi na lang ay sarkastiko kung kausapin siya ng binata. Wala pa siyang natatandaan na pagkakataong kinausap siya ng binata sa malumanay lamang na paraan.
Ngunit bago pa man makapagtaray din si Maxine ay natigilan na siya. Hindi niya mawari ang damdamin na nakarehistro sa mukha ni Kurt habang nakatunghay ito sa kanya. Gusto niya pang isipin na namangha ito sa kanya. Hindi ba nito inaasahan na talagang kakain siya ng ganoong pagkain?
"W-What?"
"Nothing," anito kasabay ng pagkibit ng mga balikat. "Hindi ko lang akalain na talagang kakain ka ng bibilhin ko. You surprised me."
Dahan-dahan ay naibaba niya ang hawak na tinidor. Ang totoo ay iyon din ang unang beses na nakapunta siya sa ganoong lugar. Dahil sa lumaki siya sa maalwan na buhay ay hindi pa kailanman nakakain sa ganoong lugar si Maxine.
Hindi niya alam kung ano ang isasagot sa binata. Nang natahimik siya ay nagpatuloy na ito sa pagkain.
"Hindi na ako magtataka kung hindi ka pa nakatikim man lang ng mga pagkaing katulad nito," mayamaya ay muling saad ni Kurt. "Pero ako ay nakakain na nito kahit pa lumaki rin naman ako sa ma---"
Bigla ay nahinto ito sa pagsasalita. Nang lumingon siya dito ay nakita niya pang natitigilan si Kurt. Wari bang kahit ito ay hindi inaasahan ang mga salitang lumabas mula sa bibig nito.
"Lumaking ano?" susog niya sa mga sinabi nito.
"Nothing," saad nito sa masungit na muling tinig. "Ubusin mo na iyan. Ibabalik pa kita sa MU. Baka naroon na ang sundo mo."
"Hindi ba tayo mag-aaral ngayon?"
"No."
"W-Why?"
"Just stop asking, Miss Gold Tier," paasik nitong sabi. "Ubusin mo na iyan."
Nalilito man sa ikinikilos ng kanyang kasama ay kinain na ni Maxine ang kwek-kwek na binili nito. Maliban doon ay wala na siyang kinain. Ang isaw na binili ni Kurt ay ibinigay niya sa binata. Hindi niya kailanman gusto ang lasa niyon. Para sa kanya ay mapait ang naturang pagkain.
Nasa tabi na sila ng motor ni Kurt nang magtanong siya ulit sa binata. "Hindi ba talaga tayo mag-aaral ngayon?" tanong niya habang inaayos ang helmet sa kanyang ulo.
"I said no."
"Pero bakit? Baka magkaroon tayo ng exam---"
"I just want to eat with you today. Pwede bang tigilan mo na ang kakatanong?"
Pagkawika niyon ng binata ay binuhay na nito ang motor. Nakasimangot siyang sumampa sa likuran. Hindi niya talaga maintindihan ang trip ng lalaking ito.