Sa pagtunog ng maliit na bilugang pulang alarm clock sa uluhan ni Angelo ay siya ring pagmulat ng kaniyang mga mata. Nagising ang kaniyang diwa sa lakas ng tunog na umaalingawngaw sa kabuuan ng silid na kaniyang inuupahan. Inabot niya ang maliit na alarm clock sabay hambalos nito sa sahig. Ang kawawang alarm clock ay nahati sa dalawa dahil sa palagiang pagkasira nito.
Naupo siya sa gilid ng manipis na kutsong nakalapat sa sahig habang iniikot ang paningin sa may kadiliman niyang silid. Nakabaluktot ang kaniyang dalawang paa. Ang nag-iisang bintanang salamin ng kuwarto sa bandang paanan ng kama'y natatabingan ng mga pinadikit na mga lumang diyaryo at pahina ng mga magasin. Hindi sumisilip ang liwanag na nagmumula sa labas ngunit maririnig ang paglagalaslas ng ulan.
Nagsisimula pa lamang ang kaniyang umaga’y mabigat na ang kaniyang pakiramdam. Sapagkat nang araw nga rin naman na iyon ay kamatayan ng kaniyang mga magulang.
Parehong araw na namatay ang mag-asawa. Unang namatay ang kaniyang ina matapos masaksak ng isang magnanakaw sa interseksiyon. Sumunod kaagad ang ama niya rito matapos ang limang oras dahil hindi matanggap ang sinapit ng butihing asawa. Pinili ng kaniyang ama na tapusin ang sariling buhay para masamahan ang kaniyang ina. Nilunod nito ang sarili sa bathtub sa dating bahay na kanilang tinitirahan. Ang bahay na nakuha niya na ring ibenta dahil sa mga ala-alang naiwan doon.
Sampung taon na rin ang nakalilipas mula nang iwanan siyang mag-isa ng mga ito ngunit sariwa pa rin sa kaniyang alaala ang mga nangyari. Hindi niya matanggap ang pagkawala ng mga ito lalo na’t malapit siya sa kaniyang mga magulang. Ang mga ito lamang ang tanging nagbigay ng kulay sa kaniyang buhay na noon pa man ay alam niya nang hindi na sisikatan ng magandang araw.
Mula’t sapul bata pa lang ay alam niyang naiiba na siya lahat. Sa kaibahan niyang iyon wala siyang naging isang kaibigan sa kaniyang paglaki sapagkat madalas siyang layuan ng mga tao. Hindi rin siya makahanap ng katuwang sa buhay kahit nasa hustong edad na siya para mag-asawa. Liban sa hindi siya nagkakagusto sa kahit sino, wala rin ibang nagkakagusto sa kaniya. Kung kaya hindi na niya inaayos ang kaniyang sarili para maging kaaya-aya sa paningin ng iba. Humaba na lamang ang kaniyang buhok na tumatabon sa kaliwa niyang mata. Sa katawan niyang mataba’y makikita rin ang walang kontrol niyang pagkain ng mga walang sustansiya.
Ilang saglit pa'y inalis niya ang kaniyang bigat sa kama na naiwang may kulubot na kumot. Siya'y naghubad ng boxer short na hinayaan niya lang na mahulog sa sahig. Tumuloy siya sa banyo na kumakamot ng kaniyang lumulubong tiyan. Nagbabanggaan ang kaniyang mga hita sa laki ng mga niyon. Tinapakan niya lang ang mga naghalong basura at kaniyang mga damit. Sa gawing kaliwa niya’y patuloy ang andar ng telibisyong naroon sa lapag sa malayong sulok na iniwan niyang nakabukas magmula nang nagdaan gabi.
Hindi niya pinagkaabalahang buksan ang ilaw pagkapasok sa banyo dahil nakikita niya naman ang loob. Pumailalim siya sa shower head na walang laman ang kaniyang isipan. Huminga siya nang malalim bago buksan ang shower upang ihanda ang sarili niya. Ngunit napamura pa rin siya sa pagtama ng malamig na tubig sa kaniyang hubad na katawan.
Sa kaniyang pagligo’y bumabalik sa kaniyang isipan ang mukha ng kaniyang mga magulang na madalas niyang naalala.
Mabagal ang kaniyang naging pagsabon sa kaniyang katawan dahil wala siyang pinagmamadalian. Bibili lamang siya sa labas ng paboritong buko pie ng kaniyang magulang na nakalimutan niyang bilhin kahapon bilang pag-alala sa mga ito.
Hindi na niya matandaan kung kailan ang hulil niyang labas sapagkat madalas siyang nasa loob ng kuwarto. Lumalabas lamang siya kapag bibili ng mga kaniyang kailangan sa pang-araw-araw. Binubuhos niya ang lahat ng kaniayng panahon sa paglalaro sa harapan ng kaniyang kompyuter. Hindi naman siya nagkakaroon ng problema. Ngunit napapagod nga lang ang katawan niya kung minsan sa hindi niya pagtayo sa upuan. Nakakalimutan niya ang lahat pati na ang mga nangyari sa kaniya na hindi magaganda sa kaniyang paglalaro.
Hindi siya gaanong tumagal sa pagligo't lumabas na ng banyo. Kumuha siya ng damit sa tukador sa gilid ng kaniyang kama na tinatamad niyang isinuot. Matapos makapagbihis ng grey sweater at pantalon lumapit siya sa kaniyang kumpyuter na pumagitna sa kama at telebisyon. Kapagkuwan ay pinulot niya ang alarm clock mula sa sahig at nilagay sa mesa ng kompyuter.
Nabaling ang kaniyang atensiyon sa telebisyon dahil sa isang balita. Pinatay ang isang babae sa interseksiyon na siya ring lugar kung saan nasaksak ang kaniyang ina. Napabuntong-hininga na lamang siya nang malalim dahil hindi niya alam kung ilang beses nang nangyari ang bagay na iyon. Pakiramdam niya’y isang tao lamang ang gumagawa ng pagpatay.
Pinatay niya na lamang ang telebisyon at hinanap ang kaniyang hinubad na sapatos sa mga kalat sa sahig. Nakita niya rin naman kaagad na natabunan ng kaniyang maruming pantalong maong. Isinuot niya ang sapatos at inabot ang kaniyang pitakang nakalagay sa taas ng CPU.
Nang masiguradong wala na siyang iba pang kailangan lumapit na siya sa pinto habang isinusuksok ang pitaka sa bulsa ng kaniyang suot na sweater.
Kinuha niya ang payong na nakasabit sa likuran ng pinto bago lumabas. Sa pagsara niya ng pinto'y sabay-sabay na pumasok sa kaniyang tainga ang ingay ng mga sasakyan na nagmumula sa daan.
Hindi siya nagtagal at binuksan niya ang payong. Pinagmasdan niya ang kaharap na paupahan na sinasabayan ang limang palapag na kinalalagyan ng kuwartong inuupahan niya.
Ang ulan ay bahagya naglaro sa pag-ihip ng hangin na sinasabayan ng pagsasayaw ng mga kumpol ng wire na malapiyestang nakasabit sa gitna ng dalawang paupahan. Lumakad na siya matapos matigil ang malakas na bugso ng hangin. Napatigil siya nang magbukas ang pinto ng kasunod na kuwarto. Inuluwa nito ang matandang lalaki na nababalot ang katawan ng itim na roba, ang higit na kapansin-pansin sa matanda ay ang kaliwang artificial leg nito.
"Puwede, patapon naman nitong basura ko?" anang matanda na nakaturo ang daliri sa plastic na itim katabi ng pintuan. Napapitlag siya dahil hindi naman siya kinakausap ng matanda kahit na nakakasalubong siya nito.
Naisip niyang maganda ang gising ng matanda kaya naging ganoon ang pakikitungo nito sa kaniya nang mga sandalling iyon. Ngumiti ang matanda kaya lumabas ang mga ngipin nitong nangingitim lalo na ang sa gilid. Wala na rin itong sinabi bago bumalik sa loob para magkulong. Naiiling siya ng kaniyang ulo nang kunin niya ang supot na itim.
Hindi na rin siya nagtagal pa't muling lumakad hanggang sa hagdanan.
Bumaba siya ng hagdanan na nasa gilid ng gusali mula sa ikatlong palapag. Pagkababa'y maingat siyang humakbang sa daan dahil sa pagbuhos ng ulan. Sinalubong niya ang paparating na garbage truck na abot dalawang palapag ang taas. Tuwing umaga itong dumadaan doon na nagpapaalalang magsilakad na ang mga papasok sa trabaho at eskwelehan.
Sa unahan ng truck ay naninigarilyo ang matabang lalaki samantalang ang kasama nitong nakakapoteng luntian ay abala sa labas sa paglalagay ng basura sa likuran ng truck. Napapatingin siya sa mukha ng matabang lalaki dahil nabahiran ito ng bakal para magsilbing balat dulot ng aksidente.
"Ngayon na lang kitang nakitang lumabas. Saan ang punta mo?" tanong ng matabang lalaki na nakatira rin sa paupahan. Dumungaw ito sa nakabukas na bintana sabay tapon sa upos ng sigarilyo na tumama sa daan ilang hakbang mula sa kaniya.
"Mayroon lamang bibilhin," aniya naman sa lalaki sa walang kabuhay-buhay niyang tinig.
"Pumunta ka mamaya sa amin. Kaarawan ng anak ko," sabi nito na hindi niya inasahan.
Iyon ang unang pagkakataon na mayroong nangumbida sa kaniya.
"Pag-iisipan ko,” ang huli niyang turan bago nagpatuloy. Bumalik na lang sa ayos ng pag-upo ang matabang lalaki sa paglayo niya. Nakuha pa nitong magpatugtog ng Iumang kanta na natatabunan ng pagbuhos ng ulan.
Pagkadaan niya sa likuran ng truck ay tinapon niya na ang basura ng matanda. Nilampasan niya ang kasamahan ng matabang lalaki at mabilis na naglakad. Nang makalampas sa daan at makarating sa abalang kalsada natigil siya dahil mayroong tumatawag sa kaniya sa paraang pagsigaw. Sa kabila ng ingay ng mga nagngingitngitan na sasakyan sa kaniyang kaliwa naririnig pa rin niya ang sigaw.
"Hoy! Hintayin mo kami!" ang sigaw ng lalaking hindi nalalayo ang edad sa kaniya.
Nilingon niya ito habang nasa harapan ito ng tindahan kasama ang dalawang alipores nito. Kaagad na sumama ang kaniyang mukha para sa lalaki. Gumuhit ang ngisi sa labi nito na nakikita niya kahit malayo ang distansiya niya rito.
"Ang aga-aga," aniya sa kaniyang sarili. Hindi niya hinintay ang mga ito baka mapagdiskitahan na naman siya.
Minabuti niyang bilisan na lang ang paglalakad na walang lingon-Iingon. Patuloy pa rin sa pagingay ang mga sasakyan sa kalsada na nagkiskisan pa ang iba.
Nag-iba siya ng daan para hindi siya masundan ng gumugulo sa kaniya. Ilang kanto pa ang nalampasan niya bago marating ang interseksiyon kung saan nangyari ang pagpatay. Dahil sa nangyari walang dumadaang sasakyan dito, at walang lumalampas na tao sa dilaw na police line.
Napatitig siya sa gitna ng iterseksiyon kung saan sinaksak ang babae. Nagbalik sa kaniyang isipan ang araw na pumanaw ang kaniyang ina. Hindi man lang nila nalaman kung sino ang pumatay sa kaniyang ina. Sinubukan niya ring alamin ngunit bigo pa rin siya sa huli.
Nang mayroong bumanggang lalaki sa kaniya na nakauniporme ng kalapit na unibersidad nabalik siya sa reyalidad. Nasundan pa niya ng tingin ang likuran ng lalaki na mabilis ang paghakbang. Wala itong pakialam kahit nababasa ng ulan. Kapansin-pansin ang tatu nitong ulo ng tigre sa likuran ng tainga nito.
Matapos ang isang malalim na hininga, muli siyang lumakad sa daang tinahak ng lalaking bumangga sa kaniya. Patungo na sana siya ngunit napansin na naman niya ang tatlong lalaking hinahanap siya na nakatayo sa silong ng hintayan ng bus. Kaya imbis na tumuloy nag-iba na lang siya ulit ng daan.
Tumawid siya sa tabi ng interseksiyon na tumatakbo patungo sa kabilang kanto. Humalo siya sa ibang taong naglalakad para hindi siya mapansin ng tatlo na inaabangan talaga siya.
Nang masiguradong hindi siya napansin binagalan niya ang paghakbang hanggang malampasan ang isa pang kanto. Ilang hakbang pa na umiiwas sa mga sasakyan na nasa daan narating niya ang pinakaabalang lansangan, kasabayan ng iba pang mga tao kung saan naroon ang iba't ibang mga restawran at bar. Naroon din matatagpuan ang panaderyang pagbibilhan niya ng buko pie.
Sa dakong ito'y maliwanag kahit bumubuhos nang malakas ang ulan dahil sa makukulay na ilaw ng mga karatula sa bawat gusali, ang ibang gusali ay aabot sa mahigit dalawampung palapag. Sa ibabaw ng mga gusali'y naroon ang patuloy na pag-andar ng mga karatula. Ang mga sasakyan naman sa daan sa kanan niya'y nagngingitngitan kaya maririnig sa paligid ang sunod-sunod na pagbusina ng mga ito.
Sa hindi niya pagtigil nakarating na rin siya sa panaderya. Hinintay niyang umais ang mga taong namimili dahil hindi niya gustong makipagsiksikan. Nanatili siyang nakatayo sa gilid ng daan habang naghihintay. Nang umais ang huling customer, lumapit na siya panaderya. Pinagmasdan siya ng babaeng nakatayo sa likuran ng estante ng salamin. Ibang babae ang nagbabantay nang mga sandaling iyon. Umalis na iyong dalagang madalas niyang nabibilhan. Tumatama sa kaniyang mukha ang init na nagmumula sa loob.
“Ano ang sa iyo?” tanong sa kaniya ng babae sa hindi niya pagsasalita kahit nakatayo na siya sa haparan na panaderya.
“Buko pie. Isa lang,” tipid niya namang sagot. Gumaralgal ang kaniyang boses sa paghahabol niya ng kaniyang hininga.
Ibinaba niya saglit ang kaniyang dalang payong sa lapag dahil hindi na rin naman siya mababasa ng ulan dahil sa silong siya ng panaderya. Naglabas siya ng bayad sa kaniyang pitakang itim na esksakto lang na siya ring paglagay ng babae sa ng buko pie sa kahon.
“Buti pumunta ka rito ngayon. Huling buko pie na ito. Wala ka na bang ibang bibilhin?” ang naitanong pa nito sa kaniya.
Iniling niya ang kaniyang ulo bilang sagot. Inilapag niya sa ibabaw ng estante ang bayad at hinintay na iaabot sa kaniya ng babae ang kahon. Nang ibigay na ng babae sa kaniya ang kahon napapatitig na lamang siya sa mukha nito sapagkat nakangiti ito nang makahulugan sa kaniya. Napakunot na lamang ang kaniyang noo dulot ng pagtataka dahil hindi niya rin naman ito kilala para ngitian siya nito nang ganoon. Napagtanto niya ring ubod ng asul ang mga mata nito sa malapitan na hindi likas na kulay gayong hindi naman mukhang ibang lahi ang babae.
Hindi na niya hinintay na mayroon pa itong masabi sa kaniya’t hinawakan na niya ang kahon. Naroon pa rin ang ngiti sa mga labi ng babae kahit nang kuhanin niya ang nakabukas niyang payong. Napapabuntonghininga na lamang siya nang malalim dahil nahiwagaan siya sa babaeng nagbabantay sa panaderya.