Nakangiwing pinagmamasdan ni Rick ang pumutok na taghiwayat. May kalakihan nga at medyo nagkaroon ng butas. Nais pa naman niyang maghilamos kaso mas hahapdi iyon. Inilapit niya ang mukha sa salamin na nakasabit sa banyo. Tinitigang maigi ang taghiwayat na pumutok. Pinisil niya nang kaunti para lumabas ang natitirang nana. Kumuha siya ng bulak at pinunasan iyon. May sumamang dugo kasi. Nang sa tingin ni Rick e, wala nang dugo at nana, pinagmasdan niyang maigi ulit.
Kaso lang napaatras siya at hindi makapaniwala. Mayamaya pa ay nanginginig na lumapit muli sa salamin at nakumpirma niya na totoo ang kaninang nakita sa loob ng butas na likha ng kaniyang taghiwayat.
Isang uod ang unti-unting lumalabas mula rito. Kulay puti at gumagalaw-galaw pa na parang pilit na kumakawala sa maliit na butas ng kaniyang taghiwayat.
Napapasigaw at napapaatras si Rick habang nakatingin pa rin sa salamin. Halos maiyak siya sa sakit ng tuluyang lumabas ang maliit na uod at bumagsak sa sahig ng banyo. Nanlalaki ang mga matang sinundan pa niya ito ng tingin at nakitang buhay na buhay ito habang gumagapang kung saan.
Ibinalik niya ang paningin sa salamin at kitang-kita niya ang umaagos na dugo mula sa nilabasan ng uod. Subalit, mas lalong nanlaki ang kaniyang mga mata nang makitang may lumalabas na naman sa isa pang taghiwayat niya.
Isa pang uod!
Hindi na niya kinaya ang nakikita at mabilis siyang lumabas ng banyo. Kinuha ang hinubad na T-shirt at isinuot. Inabot rin ang isang panyo bilang pantakip sa mukha. Bago kinuha ang bag at kandado at pagkatapos ay mabilis na lumabas ng bahay.
Isang destinasyon lang ang kaniyang pupuntahan.
Kapag hindi mo nagawa o sinunod sa takdang araw o oras ang utos, may mangyayaring hindi mo magugustuhan. Mag-ingat!
Naalala niya pa ang nabasa kaya tiyak siyang mangkukulam ang lalaking iyon.
***
Ganap ng alas-siyete ng gabi nang marating ni Rick ang shop ng lalaking nagbigay sa kaniya ng notebook. Pagkababa pa lang ng jeep ay tumakbo na siya sa shop na iyon. Buti na lang at medyo madilim sa jeep ng sinakyan niya. Baka mapagkamalan pa siyang holdaper sa itsura niya. Ramdam kasi niya ang mga uod na pilit lumalabas sa mga butas ng kaniyang taghiwayat.
Pabiglang bukas ang kaniyang ginawa. Nakangiting sinalubong siya ng lalaki. Muntik na niyang masuntok ito, buti na lang at napigilan niya ang sarili.
“Hayop ka! Ikaw ang may gawa nito. ‘di ba?” At ibinaba niya ang panyo. Kita ang napakaraming uod na pilit na lumalabas sa bawat butas. Ang iba ay kusa nang naglalagpakan sa sahig. Imbes na mandiri ay natawa pa ang lalaki. Inilabas ni Rick ang notebook at ballpen, inihagis sa lalaki. Tumama ang mga iyon sa dibdib nito, subalit nakangising binalingan lamang siya nito.
“Hindi mo sinunod ang utos?” Prenteng nakaupo ito sa dulo ng kaniyang lamesa.
“Punyeta! Bakit ko gagawin iyon? Hindi pa ako nababaliw! Ayusin mo ito dahil alam kong kinukulam mo ako. Kung hindi, ipapapulis kita!” halos nagsisigaw na siya sa sobrang galit.
“Kalma ka lang, Rick. Ikaw mismo ang may gawa niyan. At ano naman ang sasabihin mo sa mga pulis, kinukulam kita?” At tumawa ito nang malakas. “Walang maniniwala.” Umiling-iling pa ito na parang nababaliw siya kung gagawin niya iyon.
Tumayo ang lalaki at lumapit kay Rick. Hawak na nito ang notebook at ballpen, bago siya iginiya sa isang kuwartong naroon. Hindi man niya nais na sumama, gusto niyang gumaling at malaman kung bakit nito ginagawa ang bagay na iyon.
Nakasunod siya rito habang pinihit nito ang seradura sa pintong kulay itim ang pintura. Nakatiim-bagang na sumunod siya sa loob. Patuloy na pinupunasan niya ang mukha dahil hindi sa patuloy na paglalabasan ng mga uod sa kaniyang mukha.
Iminuwestra ng lalaking maupo siya.
“Puwede ba, tapusin mo na kung ano man ang itong nangyayari sa akin. Patatawarin na kita kung tatanggalin mo na ang kulam!” nakakuyom ang kamaong saad ni Rick.
Ngumiti lang ang lalaki at balewalang umupo sa isang sofa. Binuklat ang notebook at binasa ang mga isinulat niya.
“Nagsimula ka na palang magsulat sa wishlist. The moment na tinanggap mo ito, kailangan mong sundin ang lahat ng ito hanggang umabot ka sa ika-pitong wishlist. Dahil kung hindi…” mataman siyang tiningnan nito.
“Kung hindi ay ano? Ganito.” Itinuro niya ang sariling mukha.
“Mas malala pa riyan. Kaya kung ako sa ‘yo, susundin ko na lang.”
“Gago! Bakit hindi kaya ikaw ang gumawa? Dinadamay mo pa ako!” At gigil na inambaan ni Rick nang suntok ang lalaki.
Nginisihan lang siya nito bago bahagyang lumayo.
“Nagawa ko na iyan dati kaya tingnan mo ang buhay ko ngayon. Alam kong gusto mo rin ang ganito. Pero siyempre, hindi basta-basta ito nakukuha, kailangang paghirapan.”
Dahil kanina pa naiirita sa mga uod na gumagapang sa mukha, agad na tinakbo ni Rick ang nakabukas na pintuan papuntang banyo. Nasilip niya ito kaninang pagpasok sa kuwartong iyon.
Binuksan niya ang gripo at isinahod ang kamay at naghilamos. May ilang natatanggal, pero karamihan ay kailangang bunutin pa. Napatingin siya sa salamin at naiinis na binunot ang ilan. Napapahiyaw siya sa sakit dahil maliit lang ang butas at may kalakihan na ang ilang uod.
“Hindi iyan matatanggal ng ganiyan, hangga’t hindi mo sinusunod ang utos, darami lang iyan ng darami.”
Inis na nilingon niya ang lalaking prenteng nakasandal sa pinto ng banyo.
“Tanggalin mo kasi ang kulam! Kulam ito, manggkukulam ka!”
Kung hindi lang siya takot na makulong, kanina niya pa ito pinatay! Nagtitimpi pa siya dahil kapag hindi siya nito pinagaling, baka tuluyan na niya ito.
Naramdaman na lang niya na nakalapit na ito sa likuran niya at nakatingin sa kaniya sa pamamagitan ng salaming nasa kanilang harap. Nakita niyang hawak nito ang notebook at nakabuklat sa isang pahina.
“Kumain ng pitong uod at matutupad ang nasa wishlist. Kayang-kaya mo naman pala ito bakit hindi mo ginawa? Hindi mo na rin kailangang maghanap, dahil ayan na sa harap mo ang ilan. Nakapetsa pa hanggang bukas ito kaya gagaling ka pa. Patikim pa lang kasi iyan. Kapag dumating ang takdang petsa at oras at hindi mo nagawa ang utos, lahat ng butas mo sa katawan ay lalabasan ng uod. Hanggang mamatay ka,” seryosong saad nito at nanatiling sa harap ng salamin siya nito kinakausap.
Nahintakutan naman si Rick sa narinig. Dahil hindi niya ginawa ang utos, mamamatay siya ng ganoon lang?
“Ayokong mamatay! Anong… gagawin ko?”
Napatingin siyang muli sa kaniyang mukha at patuloy pa ring naglalabasan ang mga uod. Hindi man niya nais maniwala ay narito na ang pruweba sa harap niya.
“Sundin mo lang ang lahat nang nakasulat dito at tiyak na makakaligtas ka, pangako iyan.”
Hindi nakaimik si Rick. Ayaw niyang lalo siyang katakutan ng mga tao dahil sa mas lalong lumala niyang pagmumukha. And worse, mamamatay pa pala siya.
“Ang inilagay mo sa wishlist ay mawala ang lahat ng tighayawat mo. Oras na kumain ka ng pitong uod, matutupad na iyon. Sige na…”
At tinapik siya ng lalaki na parang napakadali lang ng pinagagawa nito, bago iniwan siyang mag-isa, bitbit nito ang notebook at ballpen palabas.
Nakapikit na napapalunok si Rick nang maisip ang kaniyang gagawin. Bakit kasi pinatulan niya pa ang notebook. Binalewala na nga niya ito, isang linggo na ang nakakalipas tapos susulatan din pala niya!
Mayamaya pa, napamulat siya at napayuko. Kita niya ang mga naglalakarang mga uod na galing sa kaniyang taghiyawat. May ilang naglalagpakan pa nga at may mga bahid ng dugo.
Kumuha siya ng isang gamit ang hintuturo at hinalalaki. Gumalaw-galaw ito at parang nais kumawala mula sa kaniyang pagkakahawak. Binuksan ang gripo at hinugasan. Dahil napalakas ang puwersa ng tubig, nahulog ang ilang uod sa butas ng lababo.
Matapos hugasan ay nakangiwing itinaas niya ang uod. Pagkatapos ay pikit-matang ibinuka ang bibig at ipinasok ang uod. Pilit niyang nilulunok ito kahit pa ramdam niya ang paggalaw nito sa kaniyang dila diretso sa kaniyang lalamunan. Halos masuka siya kaya binuksan niyang muli ang gripo at isinahod ang kamay para uminom ng tubig.
Mangiyak-ngiyak siya habang lumunok ng ilang ulit. Mabilis na pinunasan ang bibig at ibinuka niya pa sa harap ng salamin para malaman kung wala ng bakas ng uod dito.
Yumuko siyang muli sa lababo at wala ng uod na natira dahil sa tubig na dumaloy mula sa gripo. Nahulog lahat sa butas nito.
Napatingin siya sa mukha at may mga naglalabasan ditong mga uod. Pinatigas niya ang mukha at pabiglang kumuha ng isa, hinugasan at isinubo. Nilunok at kumuha muli ng tubig sa gripo para uminom.
May lima pa, kaya niya ito.
jhavril---