Isang linggo ng hindi makahanap ng raket si Rick. Buraot na siya sa buhay dahil marami siyang bayarin. Karamihan nang inaaplayan niya ay may credential na “with pleasing personality.” Kainis! Bakit kaya ganoon sila, paano naman ang walang pleasing personality na ‘yan?
Pabuntong-hiningan nasabunot niya ang sariling buhok.
A, nakakabaliw talaga ang maging mahirap!
Pabiglang hinablot niya ang bag. May pupuntahan pa pala siyang isang kaibigan na ipapasok daw siya sa trabaho. Pangatlo na ito sa pupuntahan niyang kaibigan na tutulong daw sa kaniya, pero hanggang sabi lang naman.
Pagtayo niya, hindi niya namalayn na baligtad pala ang pagkakahawak niya sa bag. Nahulog ang lahat ng laman nito sa lapag. Naiinis na yumuko siya para damputin ang mga iyon isa-isa.
Huling dinampot niya ang notebook at ballpen na bigay ng lalaki sa shop. Basta na lang sana niyang ilalagay ulit iyon sa loob ng bag nang matigilan siya.
Umupo siyang muli sa sofa habang hawak ang mga ito.
Wishlist.
Paismid na binuksang muli ang bag at basta na lang ipinasok ang mga iyon sa loob. Nagmamadaling tumayo at inayos ang nagusot na damit. Sumulyap sa salaming malapit sa pinto at bahagyang inayos ang buhok. Napangiwi pa siya nang makita ang napakaraming taghiwayat sa kaniyang mukha. Isa siguro ito kaya hindi siya natatanggap. Naglalakihan at halos wala nang paglagyan sa sobrang dami.
Patamad na iniabot sa lamesa ang kandado at susi. Baka ma-late pa siya.
***
“Pasensiya na p’re. Tatawagan ka na lang daw.”
Baka tatawanan.
Tango lang naisagot ni Rick sa kaibigan bago nagmamadali itong pumasok ng restaurant na pinagtatrabahuhan nito.
Inayos ni Rick ang pagkakasukbit sa bag bago ipinasyang maglakad palayo. Hindi na naman siya natanggap.
May nakita siyang isang bench at kagyat na naupo rito. Malas talaga!
Ipinatong niya sa kandungan ang bag bago sumandal sa bench. Nasa Manila Bay siya at malungkot na nakatanaw sa papalubog na araw.
Kailan kaya magbabago ang buhay niya?
Biglang kumulo ang kaniyang tiyan. Oo nga pala, wala pa siyang kain mula pa kanina. Tanging kape lang kaninang umaga. Naalala niya na may biscuit pa pala siyang nailagay sa bag.
Hinalungkat niya ang laman ng bag, subalit hindi niya iyon makita. Naiinis na baka dahil sa nahulog kanina ang mga laman niyon, hindi niya naibalik dahil hindi niya nakita kung saan napunta.
Isasara na sana niya ang bag ng mapasulyap sa loob nito. Nakita niyang muli ang notebook at ang ballpen na isinabit niya sa cover nito.
Patamad na hinila niya ito palabas. Tutal naman wala siyang magawa, baka nga puwedeng magpawala muna siya ng inis sa buhay.
Itinabi niya sa gilid ang bag at pinakatitigan ang notebook. Kulay puti ang cover nito parang sa isang hard bound na libro. Wala namang maganda kasi plain white lang at kulay itim ang wishlist sa gitna. Tinanggal niya ang ballpen at nagulat pa nang makitang may naka-engrave na pangalan niya rito; Rick. At saka rin lang niya napansin pati pala ang notebook ay may pangalan niya sa bandang ibaba.
Hmmm… hindi niya maalala kung napansin niya ba ito nang ibigay sa kaniya. Nagkibit-balikat na lang siya dahil baka kapangalan lang niya ang lalaking iyon. Hindi niya nga pala naitanong ang pangalan nito.
Sinimulan na lang niyang buklatin ang cover.
Maligayang pagsusulat para sa iyong Wishlist. Dahil nababasa mo ito, siguradong may nais ka nang isulat sa iyong wishlist. Isulat mo ang nais sa susunod na pahina.
Natatawang inilipat niya sa susunod na pahina ang notebook. Kalokohan lang pala talaga ito.
Wishlist:
1.
Ito ang bumungad sa kaniya at natawa na naman siya nang mahina. Dinampot niya ang ballpen at sandaling nag-isip. Hmmm… tumingala pa siya sa kaliwa habang nakakiling ang ulo. Hindi sinasadyang naidikit niya ang dulo ng ballpen sa pisngi. Medyo nadunggol ang isang may kalakihang taghiwayat niya kaya naigik siya sa kirot. Pumutok pa ata. Tapos, napasulyap siya sa nakabukas na notebook. Nagliwanag ang kaniyang mukha. Tutal naman pinagloloko lang siya ng wishlist na ito e, lolokohin na rin niya.
Nakangising isinulat niya ang unang wish niya sa notebook. Napakunot-noo siya nang mapansing may nakasulat sa ibabang bahagi ng pinagsulatan niya ng wish.
Ngayong nakasulat na ang unang wish mo, may kailangan kang gawin bago matupad ito. Ilipat muli sa susunod na pahina.
Dahil naku-curious na siya sa maaaring mangyari, inilipat niya sa susunod na pahina. At halos masuka siya nang mabasa ang nakasulat na gagawin niya raw para lang sa katuparan ng kaniyang hiling.
Ano ako, baliw?
Isasara na sana niya ang notebook at babalewalain ang kung anumang nais nitong ipagawa sa kaniya, kaso lang naagaw ng pansin niya ang nakasulat na naman sa ibabang bahagi ng utos.
Kapag hindi mo nagawa o sinunod sa takdang-araw o oras ang utos, may mangyayaring hindi mo magugustuhan. Mag-ingat!
“Mag-ingat ang mukha mo, pwe!” At mabilis niyang isinara ang notebook at basta na lang ipinasok sa bag. Tumayo na siya para umuwi.
Kalokohan lang kasi ang wishlist.
jhavril---