“Hindi kita mahal, Rick. Utang na loob huwag mo na akong guguluhin pa,” at mabilis na isinara ni Shey ang gate ng kanilang bahay.
Naikuyom na lang ni Rick ang kamay na may hawak pa ng isang pirasong rosas. Huling pera pa naman ang pinambili niya rito tapos hindi rin pala tatanggapin ng babaeng halos tatlong buwan na niyang nililigawan.
Malungkot at laglag ang balikat na umalis si Rick. Napatingala pa siya sa kalangitan dahil parang uulan pa ata. Maglalakad lang pati siya dahil walang-wala na siya kahit pamasahe man lang tapos nabasted pa!
Ang saklap naman!
Hindi pa siya nakakalayo nang biglang bumuhos ang napakalakas na ulan. Naiinis na naghanap siya ng masisilungan. Dali-dali siyang tumakbo sa isang bukas pang antique shop ata, base sa mga nakikita niyang naka-display sa salaming dingding nito, subalit nanatili lang siya sa labas nito. Pinagpag niya pa ang magkabilang braso bago sinulyapan ang orasang nasa bisig. Eksaktong alas-diyes na pala ng gabi.
Halos madilim na ang paligid at sarado na rin ang mga establisyementong nasa paligid niya.
Napalingon siya sa likuran nang biglang tumunog ang wind chimes na nakasabit sa pinto ng shop. Dala marahil nang napakalakas na hangin. May naka-sign na OPEN sa pinto nito. Ibinalik niya ang paningin sa malakas na buhos ng ulan, nababasa rin siya sa puwesto niya kaya ipinasya niyang pumasok saglit sa loob. Magpapatila lang siya dahil wala naman siyang pambili. At isa pa kung mayroon man siyang pera, wala naman siyang hilig sa mga bagay na luma na nga napakamahal pa.
Isang nakangiting lalaki na sa tantiya niya ay nasa late forties pataas ang edad ang sumalubong sa kaniya.
“Magandang gabi. Maaari kang tumingin sa paligid baka may magustuhan ka sa aking mga tinda.”
Tumango si Rick at inilibot ang paningin. Halos karamihan nga ay puro mga lumang gamit at antique. Mahal nga ang mga ganitong gamit. Ipinasya niyang libutin ang hindi naman kalakihang shop. Ramdam niyang nakasunod ang lalaki sa kaniya. Baka iniisip nitong magnanakaw siya kaya todo ang bantay nito.
“Bago ba ito? Madalas kasi akong mapadaan dito at parang ngayon ko lang ito nakita.” Sinipat niya ang isang maliit na vase na kulay ginto, bago lumingon sa lalaki.
“Dumaraan? Bakit, malapit lang ba ang bahay mo rito?”
Umiling si Rick at ibinaba ang hawak, bago nagpatuloy sa pagtingin-tingin sa mga naka-display na gamit.
“Hindi. May nililigawan kasi akong malapit lang dito,” malungkot na nakapamulsang saad niya. Tumigil siya sa harap ng isang hindi kalakihang aparador. Nababalot ito ng salamin at puno ng libro ang bawat eskaparateng nasa loob.
“A, mga dalawang linggo pa lang. Napasagot mo na ba?” Tumabi ito sa kaniya at pareho na silang nakatayo at nakatingin sa harap ng aparador.
“Basted, e,” pagak pang natawa si Rick.
Naramdaman na naman niya ang sakit kanina lang. Pabuntong-hininga siyang napasulyap sa labas, medyo tumila na pala ang ulan. Ipinasya na niyang umalis, tutal wala naman talaga siyang bibilhin.
“Sige,” paalam niya sa lalaki na matamang nakatingin sa kaniya.
“Sandali. Wala ka bang nagustuhan man lang?”
Umiling si Rick. Nakakahiya namang sabihing wala siyang pambili sa mga ganitong gamit. “Hindi ako mahilig sa mga ganito e, pasensiya na.”
Akmang tatalikod na siya nang magsalitang muli ang lalaki. Naiinis na tiningnan ito ni Rick.
“Wala nga akong…”
Natigil ang akma niyang pagrereklamo ng may iabot ito sa kaniya. Isang notebook na kulay puti. May kasama itong ballpen na kulay itim naman.
Nalilitong napatingin siya sa lalaki, subalit hindi man lang niya kinuha ang mga iyon. Tuluyang lumapit ang lalaki kay Rick at kinuha ang kaniyang kamay, inilapag dito ang mga iyon.
“Alam kong marami kang hinaing sa buhay, kahit hindi mo sabihin nakikita ko. Ngayon, regalo ko ito para sa unang taong nakausap ko ng medyo matagal naman. Kailangan mo ito para hindi ka na mahirapan pa.”
Lumayo ito nang bahagya sa kaniya. Sinipat naman ni Rick ang tangan. Isang ordinaryong notebook at ballpen lang naman. May nakasulat pala sa harap ng notebook:
Wishlist.
Paano naman ito makakaalis ng hirap sa buhay? Baliw ata ito.
“Salamat na lang, pero kailangan ko nang umalis.” Pilit niyang iniabot pabalik sa lalaki ang mga iyon. Subalit, isang malakas na tawa lang ang isinagot nito.
“Rick, Rick, Rick… ano ka ba? Baka kapag ginamit mo ‘yan, makapagpasalamat ka pa sa ‘kin,” makahulugang saad nito.
Natulala naman si Rick dahil binanggit nito ang pangalan niya. Hindi niya matandaang sinabi niya ito rito.
“Paano mong nalaman ang pangalan ko. Hindi naman…”
Lumapit ito at nakangising tinapik siya sa balikat. “Matagal ka nang hinihintay ng wishlist mo, Rick.” At dumagundong ang napakalakas na tawa nito sa kalaliman ng gabi.
jhavril---