"SERIOUSLY, Laurent? Nakikipaghalikan ka sa boyfriend mo sa harapan pa talaga ng bahay natin? Wala ka na bang natitirang hiya sa katawan mo?” sermon ni Mommy habang naglalakad kami papasok ng bahay.
“Hindi ko siya boyfriend!” inis kong sigaw.
Nanggagalaiti ako sa galit. Ang gagong ‘yon, hinalikan ako nang walang paalam. Gusto kong sapakin ang gagong Arthur na ‘yon pero hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na magawa ‘yon. Nang makita kami ni Arthur ng mga magulang ko ay hinila ako papasok ni Mommy sa loob ng bahay, si Daddy naman ay naiwan sa labas para makausap si Arthur.
Sana lang talaga ay sapakin siya ni Daddy!
“You mean, nakikipaghalikan ka sa hindi mo boyfriend?” isterikong tanong ni Mommy.
Sa halip na tugunin ko siya ay pabagsak ko na lang inupo ang sarili ko sa mahabang sofa at humalukipkip. Sigurado akong aabutin kami ng umaga rito sa living room dahil sa sermon ni Mommy na paulit-ulit ko na lang naririnig. Nakakarindi na.
“Laurent! Answer me! Ano ba talagang nangyayari sa ‘yong bata ka?” sigaw na naman ni Mommy na ikinasakit na ng tainga ko. “And do you have any idea what time is it now? It’s already midnight! Tumakas ka na naman, tapos maabutan ka naming nakikipaghalikan sa labas. Saan kayo nagpunta ng boyfriend mo, nakipagkarera na naman?”
“Hindi ko nga boyfriend ang gagong ‘yon,” pag-uulit ko. “At oo, nakipagkarera lang naman kami. Wala namang masama roon. Pagkatapos naman ay umuwi na agad kami.”
“Walang masama?” Mataray na nameywang sa harapan ko si Mommy. “Alam mo bang ilegal ang ginagawa nyong karera ng mga kaibigan mo?”
Hindi ako nakasagot at inis na nag-iwas ng tingin kay Mommy. Nawala naman ang atensiyon nito sa akin nang mapansin ang pagdating ni Daddy rito sa living room.
“Hindi ka ba talaga makikinig sa amin? Palagi na lang namin sinasabi sa ‘yong walang magandang dulot sa ‘yo ang Arthur na ‘yon, pero hindi mo pa rin nilalayuan ang lalaking ‘yon. Hindi ka na nahiya. Sa harapan pa talaga ng bahay natin!” Ngayon ay si Daddy naman ang manenermon.
Sa halip na sagutin ang mga pinagsasabi niya, natuon ang atensiyon ko sa kamao niyang may bahid ng konting dugo. Napangisi ako nang magkaroon ako ng ideya.
“Did you punch him, Daddy?”
Mukhang nabigla si Daddy sa tanong ko lalo na nang makita ang ngisi sa labi ko, kaya kunot noo siyang tumango.
Napasuntok ako sa ere sa tuwa sa naging tugon ni Daddy. Hindi man ako nakasapak sa gagong Arthur na ‘yon, ginawa naman ‘yon ni Daddy para sa akin. Kaya minsan talaga ay ipinagpapasalamat ko ang pagiging marahas ni Daddy.
“Laurent, umayos ka nga!” saway ni Mommy nang makita ang reaksiyon ko.
Mabilis kong itinigil ang ginagawang pagsuntok sa ere sa sobrang tuwa at umayos ng upo sa sofa. Nagbaba ako ng tingin at umaktong isang mabuting anak.
“Wala ka na ba talagang balak na magbago?” problemadong tanong ni Mommy. Pasimple akong nag-angat ng tingin at nakita ko itong nakahawak sa sintido niya.
Ngumuso ako.
“Kahit anong sabihin mo riyan sa anak mo, wala na siyang pag-asang magbago. Ilang beses na nating sinasabing tigilan na ang pakikipagkarera, pakikipag-inuman, pagsama sa mga masamang kaibigan niya, pakikipag-away, at pakikipagrelasyon sa mga lalaking hindi naman matino. Pero nakinig ba siya? Hindi.” Mahabang lintaya ni Daddy.
Hindi pa roon natapos ang sermon nila sa akin. The sermon lasted for an endless hour. Nasa alas tres na ng umaga nang sa wakas ay tinigilan na ng mga magulang ko ang panenermon sa akin.
Pagod akong umakyat sa pangalawang palapag ng bahay at pumasok sa kwarto ko saka basta na lang ibinato ang sarili sa ibabaw ng kama. Napatitig ako sa kisame at malalim na bumuntong hininga. At dala siguro ng pagod ay hindi ko namalayang nakatulog na pala ako.
Umagang-umaga nang makarinig ako ng sigawan at pagtatalo galing sa kung saan dahilan para magising ang diwa ko. Inis akong tumagilid ng higa sa kama at kinuha ang unan para gawing pantakip sa ulo ko, pero kahit itinatago ko na ang ulo at tainga ko sa ilalim ng unan ay rinig na rinig ko pa rin ang mga sigawan.
“It’s all your fault! Kung hindi ka puro trabaho, hindi sana magkakaganiyan ang anak mo!” Boses iyon ni Mommy.
“Alam mong kailangan kong magtrabaho para may pangtustos ako sa pangangailangan nyo ni Laurent!”
“Trabaho? Don’t fool me! Alam kong kapag wala ka rito sa bahay, nandoon ka sa kalaguyo mo!”
“Kalaguyo? Ilang beses ko bang uulitin sa ‘yong wala akong ibang babae?”
Dahan-dahan kong inalis ang pagkakatakip ng unan sa mukha ko at natulala sa kisame habang patuloy na pinapakinggan ang pagtatalo ng mga magulang ko.
“Kung hindi ako nagtatrabaho, hindi kayo mabubuhay ni Laurent.”
“Huwag mo akong sinusumbatan, Rico! Responsibilidad mong buhayin kami ng anak mo!”
Mukhang galit na galit na talaga si Mommy dahil tinawag na niya ang pangalan ni Daddy.
“Oo, responsibilidad ko! Pero huwag mong isisisi sa akin na ganiyan si Laurent, dahil ikaw rin ang may kasalanan. Habang nasa trabaho ako at nagpapakapagod, ikaw, nasaan ka? Nandoon sa mga kumare mo at nagwawaldas ng pera!”
Mariin akong pumikit kasabay ng pagtulo ng mga luha ko. Great. Ang ganda ng salubong ng umaga ko.
Sa tuwing nandito si Daddy sa bahay ay palaging nagtatalo sila ni Mommy. Maraming inaasikaso si Daddy sa lumalago naming business, kaya kahit nasa bahay lang siya ay hindi mo ramdam ang presensiya niya dahil palagi siyang nasa loob ng office niya. Madalas din siya magkaroon ng businesstrip sa iba’t ibang lugar. Si Mommy naman ay palaging wala sa bahay dahil kasama ang mga kumare niya.
Dahil nasira na ang tulog ko sa pag-aaway nina Mommy at Daddy ay bumangon na ako sa kama ko at nagtungo sa banyo para maligo. Nang matapos ay napagpasyahan kong lumabas ng kwarto ko para makapag-almusal.
Nang makababa ako ng living room ay tapos na ang pag-aaway nina Mommy at Daddy. Wala na si Daddy rito sa salas at tanging nandito na lang ay si Mommy na nakaupo sa sofa habang bakas sa mukha niya ang pagkairita.
“Morning,” bati ko at balak na sana siyang lampasan para sana magtungo sa kusina nang magsalita siya.
“Are you happy now? Nagtatalo kami ng Daddy mo dahil sa pagiging suwail mo.” Bakas ang matinding galit sa boses niya.
Natatawang nilingon ko si Mommy. “Ikaw ang dapat na mas matuwa, Mommy. Magkakaroon ka na ng dahilan para hiwalayan si Daddy.”
Nanlaki ang mga mata ni Mommy at mataray na humalukipkip. “What are you trying to say, huh?”
Nagkibit-balikat ako habang nasa labi ko pa rin ang ngisi ko. “Ayaw mo no’n? Natutulungan kitang gumawa ng paraan para maghiwalay na kayo ni Daddy. Para magkasama na kayo ng lalaki mo.”
Nalaglag ang panga ni Mommy sa narinig na sinabi ko. Mas lalong umangat ang isang sulok ng labi ko dahil sa nakita kong reaksiyon niya.
Ang lakas ng loob niyang pagbintangang may ibang babae si Daddy, pero ang totoo ay siya itong may ibang lalaki na matagal na niyang itinatago sa amin. Kaya natutuwa akong makita ang ekpresiyon sa mukha niya nang malaman niyang alam ko ang tungkol sa bagay na ‘yon.
“See you later, Mommy,” paalam ko, nakangisi pa rin at iniwan na siya sa living room. Tinahak ko na ang daan patungo sa kitchen.
GAYA ng inaasahan ko ay naging mahigpit na naman ang pagbabantay sa akin ng mga magulang ko. Kahit alam kong busy si Daddy ay alam ko ang ginagawa niyang pagbabantay sa bawat galaw ko. Si Mommy naman, simula nang magkausap kami kahapon ay hindi na niya ako kinausap pa.
Hindi ko alam kung dapat ko bang isumbong ang Mommy ko kay Daddy, pero kapag ginawa ko ‘yon ay siguradong mag-aaway sila at baka tuluyang maghiwalay. Kahit na pasaway akong anak sa kanila ay hindi ko pa rin gustong mangyari ‘yon. Ayaw kong masira ang pamilya ko. Kaya nang malaman ko ang tungkol kay Mommy at sa lalaki niya noong isang beses na mahuli ko silang magkasama at naghahalikan pa, mas pinili kong ilihim iyon.
“We have something to tell you,” ani Daddy sa gitna ng pagkain namin. Nasa hapagkainan kaming tatlo nina Mommy at Daddy at kasalukuyang nagtatanghalian.
Ibinaba ko sa plato ang kubyertos na hawak saka tumingin kay Daddy. “What?” tanong ko at inabot ang baso ng tubig para uminom.
“Magbabakasyon ka muna kina Rhea at Benedict.”
Naibuga ko ang iniinom na tubig at saka nanlalaki ang mga matang pinakatitigan si Daddy na mukhang hindi natuwa sa ginawa kong pagbuga sa iniinom kong tubig. Ang talim ng tingin nito sa akin.
“Anong... Anong sabi mo?” hindi ko makapaniwalang tanong. “Kina Ninang Rhea at Ninong Benedict? Bakit ako magbabakasyon doon?”
“Doon ka muna pansamantala.”
Nalaglag ang panga ko sa narinig at sunod-sunod na umiling. “No way! Hindi ako papayag. Daddy naman, ayaw kong umalis dito!”
Ang matalim na tingin ni Daddy ay mas naging matalim na tila punong-puno na siya sa akin.
“Wala akong paki, wala ka na rin magagawa. Nakapagdesisyon na ako. Doon ka muna.”
“Hindi, ayaw ko!” pagmamatigas ko. “Alam ko kung ano ang balak nyo. Doon nyo ako dadalhin dahil alam nyong ayaw na ayaw ko roon.”
Matapos kong sabihin ‘yon ay nakipaglaban ako ng matalim na tingin kay Daddy, habang si Mommy naman ay tahimik na pinapanood ang pag-aaway namin ni Daddy.
Hindi ako papayag sa gusto ni Daddy! Alam ko kung ano ang pinaplano niya.
Alam na alam niyang ayaw ko sa Antipolo, lalo na sa lugar kung saan nakatira sina Ninang Rhea at Ninong Benedict—sa Cogeo. Masyadong tahimik ang lugar na ‘yon at higit sa lahat ay wala akong kakilala roon bukod sa pamilya ni Ninang Rhea at Ninong Benedict na matagal ko nang hindi nakikita, taon na rin ang nakakalipas.
Sa pagkakatanda ko sa huling punta ko roon ay malayo sa gimikan ang lugar na ‘yon, may gimikan man ay hindi kagaya rito sa lugar namin na malalaki at magagara ang mga gimikan. At higit sa lahat, kapag doon ako nanatili kahit pansamatala lang ay malalayo ako sa mga kaibigan ko. Paano na ang mga kaibigan ko? Paano na ang pakikipagkarera ko? Paano na ang paggimik ko? Paano na ang pagtakas ko tuwing gabi? Hindi ko gamay ang lugar na ‘yon. Maninibago ako.
“I-grounded nyo na lang ako kaysa ipadala sa Antipolo!” pagmamatigas ko pa rin.
Problemadong bumuntong hininga si Daddy.
“Laurent, makinig ka na lang sa ama mo. Mas makakabuti nga siguro kung ilalayo ka namin dito, lalo na sa mga kaibigan mong gulo lang ang dala sa ‘yo,” sabat ni Mommy.
Nalipat kay Mommy ang matalim kong tingin dahil sa sinabi niya. “Ayaw ko. Hindi ako aalis dito kahit na anong mangyari!”
“Kahit isang beses lang, Laurent. Makinig ka naman sa amin. Para sa ‘yo rin ‘yong ginagawa namin. Gusto ka naming ilayo sa mga bagay at tao na nakakasama sa ‘yo,” giit niya.
Puno ng sarkasmo akong natawa. “Kayo ang nakakasama sa akin, Mommy.”
Nakipagsukatan ng tingin sa akin si Mommy na buong tapang kong nilalabanan. May isa pa akong inaalala kung bakit hindi puwedeng malayo ako sa bahay na ‘to dahil kapag nangyari ‘yon, mawawalan ng bantay si Mommy. Nasisiguro kong magpapakasaya lang ito sa piling ng lalaki niya habang si Daddy ay nagpapakapagod sa trabaho.
“Please, Laurent. Enough.” Boses iyon ni Daddy na ikinalingon ko sa kanya.
“Ayaw ko, hindi ako papayag. Dito lang ako. Walang pupunta sa Antipolo!” mariin kong sambit.
Halos mapatalon ako sa gulat nang biglang hampasin ni Daddy nang sobrang lakas ang lamesa dahilan para makagawa ito ng malakas na ingay. Nabahiran ng takot ang mga mata ko habang nakatingin pa rin kay Daddy na mukhang galit na galit na talaga sa akin.
“Tatay mo ako, kaya dapat sundin mo ako. Sa ayaw o sa gusto mo, doon ka muna. Hindi na ako papayag na sirain mo lang ang buhay mo rito, Laurent,” pinal niyang sabi.
Padabog akong tumayo sa kinauupuan ko habang nagmamatigas na tinapunan ng tingin sila ni Mommy.
“Hindi nyo ko mapapasunod sa ayaw ko,” sabi ko at iiwanan na sila sana sa harapan ng hapagkainan nang maramdaman kong may humila sa braso ko. Nang harapin ko ang taong humila sa braso ko ay nabigla ako nang maramdaman ko ang pagtama ng kung ano sa pisngi ko.
Natigilan ako habang nanlalaki ang mga mata na nakatitig kay Daddy na siyang sumampal sa akin gamit ang likod ng palad niya. Biglang nanubig ang mga mata ko habang ramdam ko ang matinding hapdi sa pisngi ko.
“Si...sinampal mo ako,” nauutal kong sabi, hindi makapaniwala. Ito ang unang pagkakataon na pinagbuhatan ako ng kamay ni Daddy.
“Huwag mo kaming tatalikuran, mga magulang mo kami! Matuto kang gumalang!” bulyaw ni Daddy na ngayon ay namumula na sa galit.
Suminghap ako ng hangin at pawaksing binawi sa kanya ang hawak-hawak niyang braso ko.
“Gusto mong sundin ko kayo?” sarkastiko akong tumawa “Fine. Susundin ko kayo ni Mommy. Pupunta ako sa Antipolo at doon muna titira kina Ninang Rhea at Ninong Benedict. Pero ito ang tatandaan nyo, Daddy. Hinding-hindi magiging maayos ang buhay ko roon. Magsisisi kang pinadala mo ako sa Antipolo!”
Hingal na hingal ako nang matapos kong sabihin ‘yon dahilan para sunod-sunod akong humugot ng malalalim na hininga. Saglit ko pang pinukol ng masama tingin si Daddy bago ito tinalikuran at tumakbo patungong kwarto ko habang lumuluha.