PAGKAALIS ni Enzo ay bumalik si Malik sa tabi ng kaibigan at naupo sa gilid ng kama. Bahagya nang humuhupa ang pagbilis ng pintig ng dibdib ni Ezra.
“Ang tindi n’yo pa rin mag-away magkuya kahit matatanda na kayo.” Hinila ni Malik ang unan na halos matastas na ang tahi dahil sa higpit ng pagkakakapit ni Ezra.
“21 lang ako, bata pa ‘ko. Siya lang ang matanda.” Iritable niyang tugon. Hinila niya ang unan na hinatak ni Malik mula sa kanya, niyakap ito at nahiga nang muli.
“Matanda lang sa’yo ng five years ang kapatid mo. Pero maiba nga tayo. Dude, tama naman ang kuya mo. Samahan kita sa doktor?” Imbis na umalis ay nahiga si Malik sa tabi ng kaibigan. Lumayo naman si Ezra para magkaroon ng espasyo si Malik.
Ilang minuto rin silang natahimik na dalawa. Inisip ni Ezra kung ano nga ba ang mabuting gawin. Noong una siyang patingnan sa mga doktor ay wala rin namang nagawa ang mga ito. Mas tumindi lang ang sakit na nararamdaman niya dahil sa kakapaalala nila sa mga nangyari noong nakaraan. Napabuti lang ang lagay niya noong nahilig na siya sa pagsasayaw at napabarkada sa grupo nilang MOVERS. Naisip niya na kung hindi na siya makakapagsayaw, baka kailangan na niya ng ibang diversion at libangan.
Kasabay ng pagbaling ni Ezra paharap sa kaibigan ay ang biglaan niyang pagtugon, “samahan mo na lang ako sa Rancho Servano.”
“Ha?” Nakakunot ang noong tanong naman ng kaharap. Mukhang nakatulog na ito at naalimpungatan lang sa sinabi niya.
“Balikan ko raw ang trigger. Feeling ko nandoon ang trigger nito.” Naghikab ang kausap at saka tumango.
“Sa Rancho ba ‘yan ng pinsan ni Fiona?”
Tumango muna si Ezra bago muling nagsalita.
“Oo. Kaso may problema. Naiwala ko ang number ni Blaze nang magreformat ang phone ko pero baka pwedeng hingin kay Fiona o kaya kay Dara.” Sina Fiona at ang bestfriend nitong si Dara ay mga naging kaibigan nila dahil sa panliligaw ng isa pa nilang kagrupo na si Dash kay Dara.
“Sigurado ka ba na ang Rancho ang pupuntahan mo, hindi ang babae sa Rancho?” Nakangising tanong naman ni Malik habang bumaling kay Ezra at kinuha ang isang unan sa may ulunan nila. Mukhang doon na nga nito balak matulog.
“Ha? Anong babae?” Kahit ganoon ang tanong ay naramdaman niyang namumula na ang kanyang mukha.
“Wala. Sige. Puwede ba magsama ng kaibigan kapag nagpunta tayo sa Rancho?”
“Kuhanin mo muna ang number tapos saka ko malalaman pag tumawag na ‘ko kay Blaze. Okay?” Gumaan na ang pakiramdam ni Ezra.
“Bakit namumula ang mukha mo kapag nababanggit mo ang pangalang Blaze? Dahil ba mainit, lumalagablab na apoy ang pangalan, gano’n?”
“Dami mong napapansin. Matulog ka na nga!”
Nang hindi na sumagot ang kaibigan ay pumikit na rin si Ezra. Napangiti siya nang maalala ang unang pagkikita nila ni Blaze.
NAANYAYAHAN sila ng kaibigan na sumama sa weekend trip sa isang Rancho. Dahil alam ng mga kaibigan niya ang history niya ay tinanong siya kung gusto niyang sumama. Ang akala niya noon ay makakatulong ito para mapabuti ang lagay niya.
Papunta pa lang silang magkakaibigang sina Dara, Dash, Fiona, Oz at Ezra ng Rancho ay hindi na mapakali si Ezra. Nang bumungad ang sementadong daan papasok ng Rancho Servano ay mas lalong bumibigat ang pakiramdam niya. Imbis na lumang bahay ang maabutan ay parang isang mansyon sa gitna ng paraisong ekta-ektaryang lupa ang nabungaran nila. May mga matatayog na puno sa palibot ng malaking bahay. Ang nakapukaw ng pansin niya at mas nagpabilis ng kabog ng dibdib ay ang riding arena sa may gilid ng bahay. Napanganga siya nang makita iyon lalo na ng masilayan ang isang malaking puting kabayo na umiikot sa arena. Nang huminto ang sinasakyan nilang van ay panandaliang huminto rin ang kabayo. Lumapit ito sa may pintuan ng arena at bumaba mula sa kabayo ang taong nakasakay. May isang matandang lalaki namang naghihintay sa may gilid at kinuha kaagad ang kabayo nang makababa ang sakay nito.
“Blaze!”
Sa kanilang limang magkakasama, pangatlong bumaba ng van si Ezra. Kung namangha siya sa ganda ng puting kabayo ay mas napanganga siya sa mukhang nakita matapos alisin ng palapit na babae ang sumbrerong suot nito. Nakadamit pang-cowboy ang babae ngunit dahil hapit ito at parang nakahulma sa balat, pansin ang bawat kurbada ng katawan. Sa pag-alis ng sumbrerong suot ay ang pagbagsak ng mahaba nitong buhokna hanggang baywang at isang matamis na ngiting ipinukol sa kanila.
“Ate Fiona!” Habang nagyayakapan ang mga babaeng kasama ay nakatitig lang si Ezra sa dalagang masayang nakikipagusap sa pinsan at kaibigan. Sinubukang mag-iwas ng tingin ni Ezra ngunit hindi niya magawa. Namumula ang pisngi ng babaeng iyon at may ilang butil ng pawis sa noo at sa may gilid ng mukha. Matangos ang ilong at mapula ang mga labi. Ang arko ng kilay nito ay mas nag-emphasize ng almond shaped na mga mata at mahahaba at malalantik na pilit-mata. Mataas ang cheekbones nito at korteng puso ang maliit na mukha.
Habang nag-uusap ang tatlong babae, napalingon sa kanya ang dalaga at napaatras siya sa ngiting ipinukol sa kanya.
“Ezra, punta lang kami sa bahay kukuha ng susi ng Lodge. Doon kayo mag-stay nila Dash.” Bilin ni Fiona bago nito hilahin ang pinsan at ang kaibigan papunta sa malaking bahay.
Naiwan siyang nakatayo sa labas ng van. Nabaling muli ang paningin niya sa puting kabayo na nasa Riding Arena.
“Dude, ano? Okay ka lang?” tanong ni Dash sa kanya nang nasa tabi na niya ang dalawang kaibigan.
“Ha? Oo. The girls went inside for a while. May kukunin daw na susi. Apparently, we’ll be staying at a lodge. The girls will be staying here at the main house.
“May gender bias.” Bulong ni Oz na agad namang kinontra ni Ezra.
“Gago, siyempre probinsya ‘to. Galangin mo naman ang tradisyon ng mga normal na tao.”
Nang bumalik na sina Dara at Blaze ay nawawala si Fiona.
“Asan na si Fiona?” tanong ni Dash.
“Naharang ni Nanay. Ihahatid muna namin kayo sa Lodge. Malapit lang naman. Tara?” May inihatid na dalawang electric golf cart ang dalawang tauhan sa Rancho at sinakyan naman kaagad nina Dara at Blaze. Four-seater ang cart kaya’t kasya sila kahit may dalang gamit.
“Get your things from the van. Ihahatid namin kayo sa Lodge then we’ll meet again after an hour.”
Sumunod silang tatlo. Nagsiksikan sina Dash at Oz sa cart ni Dara habang si Ezra naman ay sa cart ni Blaze. Kahit hindi pa sila magkakilala ay nginitian siya ng dalaga pagsakay niya ng cart. Hindi niya alam kung bakit siya kinakabahan ngunit sa buong ilang minutong biyahe nila papunta ng Lodge ay tahimik lang siya at ipinako ang paningin sa nadaanang mga puno sa makipot na daan.
Ilang minuto lang ay nasa tapat na sila ng isang malaking bahay na Lodge pala kung tawagin. Mukha itong resthouse for rent sa gitna ng mapunong kagubatan.
“Dude, hindi pa kami kilala ng may-ari ng bahay.” Bulong ni Ezra kay Dash noong nakatayo na sila sa tapat ng bahay. Narinig ito ni Dara at agad namang nag-apologize.
“Please excuse our manners. Sobrang excited lang talaga kanina. Guys, this is my very good friend Blaze, the owner of this estate and Fiona’s cousin. Blaze, these are my friends, Dash, Oz and Ezra. They’re also dancers so kapag bored ka pasayawin mo lang sasayaw ang mga yan. Ah, kumakanta rin pala sila.”
“Oh. Wow! Talented pala kayo. Nice to meet you. Buti at napasyal kayo sa lugar namin.” Nang makikipagkamay na si Ezra kay Blaze ay mas nanlamig ang palad niya. Nang ngumiti ito sa kanya ng malapitan ay tumalon ang puso niya. Napaisip tuloy si Ezra kung mabuti nga ba para sa kanya na napasyal siya sa lugar ni Blaze.