"Ganoon rin ang nararamdaman namin para sa'yo Kinm. Mas masaya kami kung makakasama ka namin kung kaya't ginagawa namin ang lahat maprotektahan ka lang. Kaya sana maunawaan mo kami kung bakit namin ito ginagawa. Ginagawa namin ito para sa ikakabuti mo." Tumango ako at hindi ko alam kung bakit pati ang mga mata ko'y kusa na rin nanlabo. Para bang may sariling isip ang mga luha ko at tuluyan na ring dumaloy.
"Nauunawaan ko po inay basta ba huwag niyo lang po ako iiwanan." Napatingin ako sa mga mata nito at ganoon rin ito sa akin. Pero hindi rin iyon nagtagal dahil kusa itong umiwas ng tingin na para bang hindi nito masambit ang mga salitang gusto kong marinig mula rito.
"Inay..." halos bulong ko dahil hindi ko na alam kung ano ang sasabihin ko sa aking ina. Gusto kong marinig ang sagot na hinihingi ko pero alam kong hirap itong ibigay ang mga salitang nais ko.
Doon pa lamang ay alam ko nang may hindi pa ako nalalaman at dahil bata pa ako sa paningin ng aking ina ay mas ginusto nitong itago iyon at harapin ang problema ng mag-isa.
"Kung ano man ang hinaharap mo pong problema mananatili pa rin po ako sa tabi niyo inay. Hindi ko po kayo iiwanan." Alam kong paulit-ulit ko na lamang sinasabi ang mga salitang iyon pero 'yun lang kasi ang naiisip kong sabihin.
Para bang para sa akin ay iyon lamang ang kailangan marinig ng aking inay.
Pero sana pala hindi ko na sinabi ang mga salitang iyon dahil nakita ko na lamang kasi ang muling pagguhit ng sakit sa mga mata nito kasabay nang muli nitong pagyakap sa akin na tila ba hindi ito nagsasawa na gawin iyon.
Para bang kailangan na kailangan nito ang yakap ko na siyang ikinangiti ko dahil kahit papaano ay may naisusukli naman ako sa mga kabutihan na ginagawa ng aking ina para sa akin.
Mga sakripisyo na alam ko sa ngayon ay yakap lamang ang pambayad ko.
"Lia!" Nanlalaki ang mga mata ng aking ina at mabilis na kumawala ito mula sa pagkakayakap nito sa akin.
At agad na napatingin kami sa pintuan kung saan ay nakita namin ang malakas na pagbukas no'n at bumunggad roon ang aking ama na humahangos at pawis na pawis samantalang gaya ng aking ina ay may takot sa mga mata nito na hindi ko lubos maunawaan kung bakit.
"Naririto na ba sila?" Nanghihinang bulong ng aking ina na siyang ikinayuko ng aking ama. At mukhang sapat na iyon bilang sagot dahil nakita ko rin ang muling pagbagsak ng mga luha mula sa mga mata ng aking ina.
Sino ba ang tinutukoy nila? May dadating ba?
Pero bakit umiiyak si inay? At bakit natatakot sila?
Sandaling namuo ang katahimikan sa pagitan naming lahat ngunit binasag iyon ng isang malakas na alulong ng lobo na alam kong nasa malapit lang.
At kung sa una ay isang malakas na alulong pa lamang iyon sa sumunod ay narinig ko pa ang mga iba-iba pang alulong na nagsasabing hindi lang iisa ang mga lobong papalapit.
"Kinm," tulalang napatingin ako sa aking ama na ngayon ay may mapait na ngiti sa labi.
Lumuhod ito sa harap ko at nagulat ako nang may isinuot itong kwintas sa akin. Pagkatapos ay binigay nito sa aking ang isang bote na may kulay dugong likido sa loob no'n na hindi ko alam kung bakit nito ibinigay sa akin.
Sa pagkakaalam ko kasi ay napakahalaga no'n. Sa sobrang halaga no'n ay laging dala ni itay at lagi niya rin iyon pinag-aaralan.
"Kailangan mo uminom ng kahit kaonti anak. Sa pamamagitan niyan ay matatago ang iyong amoy." Kumunot ang noo ko habang ang aking ina ay ngumiti ng mapait.
"Nakompleto mo na pala ang timpla niyan." Hinawakan ng aking ina ang balikat ng aking ama kaya tumango si itay at napatingin muli sa akin.
At ang sunod nitong ginawa ay binunot nito ang kapirasong papel sa bulsa ng suot nito kung saan ay may mga nakasulat roon na alam ko'y mga pangalan ng halaman na lagi kong nakikita sa harap ng lamesa sa opisina ng aking ama.
"Tandaan mo balang araw mauubos ang laman ng mg bote kung kaya't kinakailangan ay gumawa ka muli. At huwag na huwag mong kalimutan ang bilin namin. Huwag na huwag mong gagamitin ang kakayahan mo. Kung maaari ay itago mo ang tungkol sa bagay na iyon. Lagi ka rin umiwas sa mga kahina-hinalang tao at huwag na huwag ka basta-basta maniwala sa kanila." Sa mga sinambit ng aking ama ay nakatingin lamang ako sa bote at hindi ko lubos maunawaan kung bakit ganito ang nararamdaman ko.
Para bang andoon ang takot at lungkot. At kahit hindi man nila aminin ay alam kong may mali.
"Itay may problema po ba—"
"Walang problema anak, ang sa amin lang ay kailangan mailigtas ka namin kung kaya't sige na inumin mo na ang laman ng bote." Pero bakit nila ako kailangan iligtas? At kanino ba nila ako kailangan iligtas?
"Anak please inumin mo na at sundin mo na lang ang sinasabi ng iyong itay." Usal ng aking ina na naging rason upang mapalunok ako.
Wala akong choice kundi gawin ang nais nila.
Inalis ko ang takip ng bote at napatingin ako sa laman no'n na halatang may pangit na lasa.
"Sige na anak, inumin mo na." Pag-uudyok muli ng aking ama kaya tumango ako at inilagay sa bibig ko ang bukana ng bote at mula doon ay uminom ako ng kahit kaonti.
Gumuhit ang pait sa aking lalamunan kaya napangiwi ako.
"Tama ka nga mabilis na nawala ang kaniyang halimuyak." Masaya at maluha-luhang sambit ng aking ina na siyang ikinangiti din ni itay.
"Tandaan mo anak, isang buwan ang bisa ng ininom mo. Kung kaya't sa sunod na buwan kailangan mo na naman muling uminom." Ibinigay ni itay sa akin ang isang bag kung saan ay isinuot ko iyon.
Ramdam ko ang bigat no'n pero hindi ko na ininda iyon.
"Nandiyan sa bag na iyan ang mga kakailanganin mo at madami pang katulad ng boteng hawak mo ang nasa loob ng bag. Kailangan mong tipirin ang laman niyan lalo na kung hindi mo pa napeperpekto ang tamang timpla ng gamot." Parang lutang na patuloy akong tumatango. Pero ang aking ina ay hinaplos ang aking mahabang buhok at tinitigan ako gamit ang mga matang tila ba nagmememorya.
Para bang ayaw nitong mawala sa isip nito ang itsura ko kaya ngumiti ako na siyang naging rason para dumaloy muli ang luha mula sa mga mata nito.
Kaya nag-alala ako at agad na nilapitan ko ito upang punasan ang luha nito pero sa oras na napunasan ko na iyon ay may panibagong luha na namang dadaloy kaya napatingin ako sa aking itay upang sana ay humingi ng tulong pero nakita kong pati ito ay umiiyak na rin.
At hindi pa man ako nakakabawi o hindi pa man ako nakakapagtanong ay naramdaman ko na lamang ang pagyakap nilang dalawa sa akin.
"Mahal na mahal ka namin, anak. Balang araw mauunawaan mo ang lahat. At sana hindi mo kami kamuhian." Umawang ang labi ko at mula sa bintana ay nakita ko ang lalong pagliwanag ng buwan. Ewan ko ba bakit kinakabahan ako.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin. Samantalang ang mga magulang ko ay nakayakap lamang sa akin na para bang ito na ang huling yakap na maibibigay nila sa akin.
"Inay, iiwan niyo ba ako?" Naluluhang sambit ko at naramdaman ko na lamang na pareho silang natigilan.
At doon ko napagtanto na posible ngang iiwanan nila ako...
Pero hindi ba't nangako sila sa akin? Kaya bakit nila sisirain iyon?
"Hindi ka namin iiwanan anak. Tandaan mong lagi kaming nasa tabi at nasa puso mo." Sagot ni itay at kasabay no'n ay narinig namin ang mga malalakas na yabag sa lupa. Tanda na may mga paparating.
Hindi lang iisa kundi
Madami.