"Inay saan po tayo pupunta? At bakit po kayo nag-iimpake?" Nag-aalalang untag ko habang pinagmamasdan ang aking ina na nagmamadali sa pag-impake ng mga damit na para bang may gusto itong takasan.
"Hindi lang ako ang aalis anak. Isasama rin kita." Kumunot ang noo ko dahil hindi ko maintindihan ang mga sinasabi nito. Sa pagkakaalam ko kasi ay maayos naman kami sa tinitirhan namin ngayon o sa bagong bahay na nilipatan namin kaya hindi ko lubos maintindihan kung ano naman ang posibleng dahilan ng pag-alis namin ngayon?
At saka, bakit ngayon pa naisip ni inay na umalis? Kung kailan nagugustuhan ko na ang lugar at kung kailan may mga bago na akong kaibigan ay saka naman kami aalis. Ni hindi pa nga kami nagtatagal sa lugar na ito ay kailangan na naman naming lumayo.
"Hindi mo pa mauunawaan sa ngayon pero sa bandang huli mauunawaan mo rin kami anak." Humarap sa akin ang aking ina at hinaplos ang aking pisnge.
Kita ko sa mga mata nito ang pagod pero andoon rin ang takot at pangamba. Pero bakit? Bakit siya natatakot?
At kanino naman?
May problema ba si inay at itay? May dapat ba akong malaman?
Naguguluhan ako at kahit sa mura kong edad ay ninais ko nang maunawaan ang mga nangyayari sa paligid ko.
Ninais ko na rin maintindihin ang mga aksyon na ginagawa ng aking mga magulang.
Pero alam ko rin sa sarili ko na malabong sasabihin sa akin nila inay kung ano talaga ang problema dahil para sa kanila napakabata ko pa para makisawsaw sa mga problema ng mga nakakatanda.
Ngunit ni hindi man lang nila naisip na mas nahihirapan akong tanggapin ang mga pagbabago sa buhay namin oras na hindi nila ipapaunawa sa akin kung bakit kailangan iyon baguhin.
Noon pa man ay lagi na kaming ganito. Ilang ulit na rin kami lumipat ng mga tirahan. Kung saan-saang lupain kami napapadpad. Ni minsan hindi ko naisip na gumawa o makipagkilala sa iba dahil alam kong hindi naman kami tumatagal sa isang lugar.
Pero iba ang nangyari ngayon. Akala ko kasi magtatagal na kami sa lugar na ito dahil mag-dadalawang taon na kami rito.
Kung kaya't ninais ko nang mamuhay bilang isang normal na bata.
Ngunit sa huli pala'y mabibigo rin ako. Wala rin pala akong choice kundi tanggapin na naman ang katotohanan na kailangan na naman namin umalis.
Yumuko ako habang pinipilit kong pigilan ang aking mga luha. Hindi ko kasi lubos maisip na mauulit na naman ang dati naming ginagawa.
Para bang masasama kaming tao na kailangan magtago at tumakas. Pero ni hindi ko naman alam kung bakit at kanino nagkaatraso sila inay.
Wala naman sanang problema e'. Pero kung kailan nagugustuhan ko na ang ideya ng pagiging isang malayang bata ay saka na naman nila ako ibabalik sa dating kulungan na ayaw ko na sanang balikan.
"Tandaan mo, gagawin namin ng itay mo ang lahat maprotektahan ka lang. Hindi kami papayag na mauwi sa wala ang lahat ng pinaghirapan namin. At mas lalong hindi kami papayag na may mannakit sa'yo o may taong gagawa ng isang aksyon upang ilayo ka mula sa amin." Niyakap ako ng aking ina na siyang aking ikinagulat. Ewan ko ba pero nararamdaman ko ang panginginig ng katawan nito. At ngayon ko lamang ito nakita na nagkakaganito. Ni minsan hindi ito nagpapakita ng ganitong emosyon kapag sinasabi nito na kailangan naming umalis.
Mas sanay kasi ako na kapag naiimpake ito ay tahimik lamang kaming dalawa at manonood lamang ako sa kabilang gilid dahil wala naman akong choice at wala rin akong rason para tumanggi.
"Alam mo anak mahal na mahal ka namin ng itay mo. Tandaan mo ito lagi na darating ang araw na kakamuhian mo kami dahil sa ginagawa namin sa'yo ngayob ngunit lagi mong iisipin na mauunawaan ka namin. Pero sana huwag mong kakalimutan na anak ka namin. At dapat ay maging matapang ka lagi. Dapat ay huwag na huwag ka magpapaapi. Isa pa huwag na huwag mong hayaan na may manakit sayo at gagamitin ka sa maling bagay." Itinaas ko ang mga kamay ko at sinuklian ko ang mga yakap ng aking ina.
Bakit ko ba iniisip ang malungkot na katotohanan na kailangan na naman naming umalis?
Hindi ba't mas mahalagang isipin na makakasama ko lagi sila inay at itay?
Wala naman sigurong mas mahalaga pa sa kanila hindi ba?
Kaya bakit ba ako magiging selfish? Kung ano ang sa tingin nila na tama ay dapat sang-ayunan ko na lamang iyon dahil iyon ang tama.
"Huwag ka mag-alala inay, hindi po ako mawawala sa inyo. Kaya mangako ka rin po na hindi mo po ako iiwan kahit kailan? Isa pa ang mahalaga po ay magkasama tayo palagi. Kahit saang lugar pa iyan ay handa po akong sumama at hindi ko na po tatanongin kung bakit niyo po ito ginagawa dahil alam ko naman na ito ang nakakabuti sa atin." Kasabay ng pagbikas ko ng huling mga salita ay naramdaman ko na lamang ang pagyugyog ng mga balikat ng aking ina.
Isang ebidensya na umiiyak ito at hindi ko tuloy alam ang gagawin ko sapagkat ngayon ko lamang ito nakitang umiiyak. Ni minsan ay hindi ko pa ito nakitang nanghina o pinanghinaan ng loob.
Lagi-lagi kasi ay mas nakikita ko ang pagiging matapang nito na siyang hinahangaan ko.
Ni hindi ko lubos maisip na darating ang araw at makikita ko ang inay ko sa ganitong estado na para bang may hindi ito masabi sa akin.
"Inay bakit po kayo umiiyak? May problema po ba?" Umiling ito at mas hinigpitan lamang ang pagyakap sa akin na para bang takot na takot itong mawala ako.
Pero hindi naman ako mawawala hindi ba?
"Inay huwag ka po mag-alala magiging matapang po ako gaya niyo ni itay. At balang araw ako naman po ang magproprotekta sa inyo. At saka hindi ko po kayo iiwanan. Mananatili po ako sa tabi niyo at ako lamang ang magiging prinsesa niyo." Naramdaman kong hinaplos nito ang mahaba kong buhok at saka tumango ito na may kasamang paghikbi.
"Hindi mo na kami kailangan protektanan anak. Ang mahalaga sa amin ay ang maprotektahan mo ang sarili mo. Wala na kaming iba pang hihilingin kundi ang makita kang masaya at maayos. Tandaan mo ito palagi na kahit wala kami sa tabi mo ay mananatili pa rin kami riyan sa puso mo." Ngumiti ako ng malapad at saka ko ito pilit na pinaharap sa akin at doon ko lamang nakita ang mukha ng aking ina na basa ng luha samantalang ang mga mata nito'y namumula dahil sa pag-iyak nito.
"Mas masaya po ako kapag kasama ko po kayo lagi ni itay. Kaya huwag mo po ako bilinan inay dahil alam ko naman po na lagi po kayong andiyan para sa akin." Hinalikan ko ang noo ng aking ina pero nakita ko ang lalong pagbuhos ng luha mula sa mga mata nito.
Na siyang nagpasikip sa aking paghinga.
Bakit pakiramdam ko'y may mali? Bakit tila nagpapaalam ang aking ina? Iiwan ba nila ako?
Pilit kong inalis sa isip ko ang mga ideyang iyon dahil alam kong hindi iyon mangyayari.
Mahal na mahal ako nila inay at mahal na mahal ko rin sila tiyaka nangako sila noon sa akin na hindi nila ako pababayaan.
Kaya walang rason para mangamba ako.
Walang rason para matakot ako...
hindi ba?