Chapter 4

1735 Words
Isang ngiti ang pinakawalan ko habang nakatitig sa screen ng laptop. Sa wakas ay kikilos na nang naaayon sa gusto ko si Judas. Oras naman na talaga upang kumilos siya. Masyado nang matagal ang isang taon na ibinigay ko sa kanya. Sumandal ako sa aking kinauupuan habang inaalala ang lahat ng nangyari sa akin sa loob ng isang taon na ginawa akong puppet ni Judas. Noong una ay nasa maling lugar lang ako kaya ako napadpad sa buhay nito. Sa dinami-dami ng lalaking kasingtangkad at kasingkatawan niya, ako pa talaga ang napili nilang kunin. Ang mukha ko pa talaga ang nagawa nilang palitan ng mukha ng lalaking iyon. Wala naman akong reklamo sa bagay na iyon. Mas may itsura naman ito kumpara sa akin. Pareho man kami ng kumbinasyon ng dugo na dumadaloy sa aming mga ugat, mas nabiyayaan siya pagdating sa itsura. Sa totoo lang ay hindi lang sa itsura kundi maging sa pamilya. Lumaki siyang sagana sa lahat kaya nagagawa niya ang anomang gusto niya. Nalaman ko rin na tulad ko ay matalino at madiskarte rin siya kaya naman lingid sa kaalaman ng kanyang pamilya, ay bilyon-bilyon ang perang itinatago niya. Samantalang ako, bata pa lang ay mag-isa na. Bata pa lang ay nakikipaglaban na sa kalye upang malamanan ang aking tiyan, magising pa kinabukasan, at higit sa lahat, ang magpatuloy pang mabuhay. Kahit naman maaga akong naulila ay mabilis kong natutunan kung paano buhayin ang sarili ko. Nagsimula ako sa paggala-gala sa kalye, pagnanakaw, mananambong, panloloko ng tao, pakikipagbasag-ulo hanggang sa maging miyembro ako ng isang sindikato. Doon nadagdagan ang kaalaman ko lalo na sa panloloko ng mga taong may pera. Katulad ni Judas ay naging maingat ako sa lahat ng perang naipon mula sa dugo at pawis ko. Tulad niya ay may sarili rin akong business at may pera sa bangko noong napagdesisyunan kong umalis na sa sindikato. Hindi man kasinlaki ng ipon niya ngunit maipagmamalaki ko na lalo na at kumikita rin naman ako ng ilang milyon bawat buwan mula sa online casino app na na-develop ko. Ngunit kahit may legal na paraan na para kumita ako, ang ginawa nila sa akin ang nagpabalik sa dating ako. Iyong dating ako na kayang sairin ang laman ng bangko ng taong binibiktima ko. Ngunit kailangan kong mag-ingat lalo na at wala ako ng kapangyarihan na meron si Judas. Noong una nga ay nadama kong uli kung paano ang matakot na matagal ko nang kinalimutan. Ngunit habang tumatagal ay na-enjoy ko na ang bagong katauhan ko. Isang katauhan na tanging hiram lamang ngunit ikinasisiya ko naman. Ngunit kahit isang taon na ang nagdaan, isang taon na naging sunud-sunuran ako sa lahat ng iutos nila sa akin, hindi ko pa rin lubusang pinagkakatiwalaan ang lalaking nagdala sa akin sa mundo niya. Masyado na akong maraming nakilalang tao na tulad niya. Gagamitin ka habang may pakinabang ka ngunit pagkatapos sa'yo ay itatapon ka na lang na parang basura o di kaya ay ipapalibing pa na may mga bala ng baril sa iyong buong katawan. Kaya titiyakin ko na mauunahan ko siya sa hakbang na gagawin niya sa hinaharap laban sa akin. Tiyak ko na wala ring tiwala sa akin si Judas. Masyado na akong maraming alam na sikreto niya. Una ay ang ginawa niyang pangingidnap sa taong kina-oobssess-an niya. Si Sachiro Kaide na tagapagmana ng pinakamalakas na mafia group sa Japan. Syempre, naririnig ko na ang Kaide Mafia Group. Sila nga ang pinakaiiwasan kong banggain noon. Ngunit tignan mo nga naman ang pagkakataon, sa sitwasyon ko ngayon ay nagkaroon pa rin ako ng koneksiyon sa mga Kaide. Tiyak na patatahimikin ako ni Judas kapag nalaman niyang alam ko ang lahat ng ginawa niya para lang makuha ito. Inabot ko ang mouse at ginalaw ito sa direksiyon na naaayon sa gusto ko. Mabilis na tumipa sa keyboard ng laptop ang mga daliri ko at ilang saglit pa ay tumambad na sa screen ng laptop ang binatang natutulog sa kanyang kama. Napangisi ako. Ang buong akala ni Judas ay siya lang ang nakakapanuod sa bawat kilos ng binata anumang oras na gustuhin niya. Ang hindi niya alam ay magaling din akong hacker. Mula sa accounts niya na ginagamit ko sa pakikipag-transact sa mga business partners niya ay marami akong nakitang tanging siya lang dapat ang nakakaalam. At sa loob ng isang taon ay hindi niya alam na halos na-hack ko na ang lahat ng dapat kong i-hack sa kanya. Isa na ang pinakaiingatan niyang kuwarto. Ang spy cam sa kuwarto ni Sachiro Kaide. Masasabi kong magaling din si Judas sa pagpapaikot ng ulo dahil nagawa niyang papaniwalain si Sachiro sa mga kasinungalingan niya. Ang kawawang binata naman ay paniwalang-paniwala. Kung may isa akong kinabibiliban kay Judas ay ang determinasyon niyang makapaglakad ulit si Kaide. Alam kong hindi birong halaga ang ibinabayad niya sa mga doctor at nurse ni Kaide. Nakikita ko lahat ng bank transactions niya. Sana lang pagkatapos ng pagseserbisyo ng mga ito ay pauwiin niya ang mga ito na buhay. Muli akong napatingin sa screen ng laptop. Tulog na tulog pa rin si Kaide. Ang hindi ko lubusang maintindihan kay Judas at kung bakit sa lahat ng tao ay kay Sachiro Kaide pa ito na-obsess. Napakarami niyang makukuhang mga magandang babae o lalaki. Mga artista, modelo, mga anak mayaman pa. Pero pinili pa rin niya ang isang lumpo na oo nga at magiging tagapagmana ng isang grupo ngunit hindi naman siya mabibigyan ng mga tagapagmana niya. Marahil ang habol lang dito ni Judas ay ang mamanahin nitong grupo. Pero kung iyon nga, bakit ginastusan pa niya ito ng malaki para lang muling makapaglakad? Hindi ba at mas magiging mabuti sa kanya kung mananatili itong lumpo dahil tiyak na siya ang magiging pinuno imbes na ito? Kaya ano nga ba ang nakita rito ni Judas na nagawa pa nitong gumawa ng isa pang Judas para lang manatili ito sa tabi ni Sachiro? Nagdidikit na ang mga kilay ko sa kakaiisip ng dahilan hanggang sa muli akong mapatitig kay Sachiro. In love ba si Judas sa lalaking ito? Dahil ba sa mahina ito dahil sa pagiging lumpo kaya lumalabas ang hero syndrome ni Judas at iniisip na nitong mahal nito ang binata? O baka naman dati pa ay magkakilala na ang dalawa? Dating magkarelasyon? Kailangan ko sigurong magtanong-tanong sa mga tauhan ni Judas na nagbabantay sa akin dito. May naging kaibigan naman ako sa loob ng isang taon na pananatili ko rito. Isinara ko na ang app na gamit ko at tiniyak na wala itong trace kahit na buksan pa ng sinoman sa mga tauhan ni Judas ang laptop. Tumayo na ako at lumabas sa opisina. Habang naglalakad sa hallway papunta sa hagdan ay iginagala ko ang mga mata ko. Sa isang taon kong paninirahan dito, napakaestranghero pa rin ng bahay ni Judas para sa akin. Siguro kahit sampung taon pa akong manirahan dito ay hindi ko ito ituturing na tahanan ko. Sinalubong ako ni Ryuki sa hagdan. Isa siya sa mga kumidnap sa akin noon at siyang kasa-kasama ko habang nagpapagaling ako sa aking reconstructive surgery. Matagal bago ko nakuha ang loob niya dahil masyado siyang loyal kay Judas. Noon. Ngayon ay kaibigan na ang turing niya sa akin. "Ano ang sabi ni Boss?" tanong niya habang naglalakad kami papunta sa pool area. Doon kasi kami madalas magpalipas ng oras lalo na sa hapon. Nakabantay naman sa paligid na mansiyon ang iba pang tauhan ni Judas na naiwan rito. "May aasikasuhin lang daw siya roon at pagkatapos ay maaari raw na magpapalit kami," pagbabalita ko naman sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya. "Iiwan niya si Kaide sa'yo?" Nagkibit-balikat ako sa kanya. "Siguro. Hindi pa niya dinetalye ang plano niya. Pinaghahanda lang niya ako." Napatingin sa pool si Ryuki. "Ryuki, matanong ko lang. Bakit ba patay na patay ang boss natin sa Kaide na iyon? Nagawa niya ang lahat ng ito dahil sa lalaking iyon." Huminga nang malalim si Ryuki bago sinagot ang katanungan ko. "Sa pagkakaalam ko, matagal nang obsessed si Boss sa Kaide na iyon. Kapag nalalasing nga siya ay palagi niyang sinasabi na matagal na matagal na niya itong gustong ariin. Na lahat daw ng ginagawa niya ay para rito. Kaya naman noong makuha na niya ito ay halos ayaw na niya itong iwan. Nagdala pa nga siya ng mga doctor at nurse na mag-aasikaso rito habang nasa isla sila." "May sakit ba ito?" Syempre, dapat ay wala akong alam sa totoong sitwasyon ni Sachiro. Hindi naman alam ni Ryuki na nakikita ko ang nagaganap sa isla sa pamamagitan ng pangha-haxk sa mga CCTV camera na naroroon sa isla. "Nalumpo ito. Pero siguro ngayon ay nakakalakad na. Mag-iisang taon na sila roon, hindi ba?" "Maganda siguro iyong Sachiro kaya patay na patay si Boss," kunwa ay sabi ko. "Lalaki si Sachiro." "Lalaki?!" Kunwari ay gulat kong bulalas. "At ayon pa Kay Boss, sampung taong gulang pa lang daw ito ay mahal na niya. Iba talaga ang obsession ano? Kahit ano pa ang kasarian kapag na-obsess ang isang tao, mababaliw talaga siya. " Napalatak pa siya. "Ikaw sa tingin mo, magkakagusto ka rin ba sa isang lalaki tulad ni Boss?" Interesadong tanong ko sa kanya. "Hinding-hindi!" matigas niyang sagot na ikinatawa ko. Natawa rin siya. Nang matapos ang aming pagtawa ay bigla siyang sumeryoso. "Kung totoong magpapalit kayo panandalian ni Boss, tiyakin mo na walang mahalata si Sachiro. Dapat ay ibinibilin na sa'yo ni Boss ang mga dapat mong ikilos kapag naroroon ka na sa isla." "Huwag kang mag-alala. Kung ang ama nga niya ay walang nahahalata, di ba?" "Iba si Sachiro. Ang alam ko ay may relasyon na sila ni Boss kaya mag-ingat ka sa mga ikikilos mo." Tumango ako sa kanya. "Tatandaan ko iyan." "At isa pa..." Tumingin siya sa akin nang mata sa mata. "Huwag na huwag mong gagalawin ang pag-aari ng amo natin. Pigilan mo ang anomang paghanga na mararamdaman mo sa kanya kung sakaling makikita mo na siya nang personal." "Huwag kang mag-alala, tulad mo ay hindi rin ako pumapatol sa kapwa ko lalaki. Hinding-hindi ko papatulan iyong Sachiro." Napailing-iling pa ako. "Panindigan mo iyan dahil mapapahamak ka lang kung kakainin mo ang sinabi mo. Baka hindi ka na makaalis nang buhay sa isla kapag ginalit mo si Boss Judas." Seryosong tumango ako sa kanya sabay bitaw ng pangako. "Tatandaan ko iyan. Hinding-hindi ko sisirain ang tiwala sa akin ni Boss lalong-lalo na ang gagalawin ang taong pag-aari niya."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD