Episode 2

1141 Words
SINALUBONG kami ni Nanang ng nakangiti kong kapatid na si Kate. Mahaba ang buhok nito na lalagpas sa kaniyang balakang at kulot na kulot ang dulo nito. Maputi rin ang kaniyang balat tulad sa akin na siyang minana namin sa malalabanos na balat ng aming ina. Labing anim na taon na siya ngayon at talagang maasahan namin ni Nanang sa mga gawaing bahay lalo na’t kami ay naghahanap-buhay. “Kulot, nakapagluto kana ba?” tanong ni Nanang kay Kate pagkababa sa motorsiklo at pumasok sa loob ng bahay. Ako naman itong naiwan sa labas upang maayos na iparada ang motorsiklo ko bago tuluyan itong iwan sa labas. “Tapos na ho ako sa gawain Nanang, pupunta nalang po ako sa silid para makapag-review. Bukas po ang unang araw ng exam namin.” Kinuha ni Kate ang palad ng Nanang upang magmano. Hinintay muna ng kapatid kong tumango si Nanang bago lumapit sa akin at yumakap. “Kamusta, Kuya Ken?” masiyang bati nito. “May kailangan ba at naglalambing ang bunso namin?” Natawa ako at gumanti ng yakap sa aking bunsong kapatid. “Kuya naman!” Pilya itong ngumiti at bumuntong hininga. “Pwede ho ba akong manghingi ng ipambabayad ko sa test paper para bukas? Nanghihinayang pa ho kasi akong basagin si Piggy.” Lumungkot ang mukha nito. Si Piggy ay ang kaniyang kahoy na alkansyang hugis baboy. Dito ay paunti-unti niyang inihuhulog ang mga tira niyang baon sa araw-araw. Dahil sa ginagawa niyang iyon ay mas lalo akong naging-proud sa kaniya. “Hindi kailangang malungkot Kate, bibigyan kita. Sige na't pumasok kana sa silid mo at mag-aral, ako na ang maghahatid sa‘yo bukas para maibigay ko ang ekstrang perang gagamitin mo para sa exam.” Hinalikan ko siya sa noo at marahang ginulo ang unahan ng kaniyang buhok. Nang makita kong nanumbalik ang ngiti sa labi niya ay napangiti na rin ako. Ang ngiti niya at ni Nanang ang talagang nakapagpapawala ng pagod ko. Ibinibigay ko ng buo tuwing sahod ang budget ni Kate sa loob ng dalawang linggo, batid kong sasakto lamang ito sa kaniyang pang-araw-araw na baon. “Salamat Kuya, kumain na po ako. Papasok na ako sa kwarto,” paalam nito at tuluyan kaming iniwan ni Nanang dito sa sala. “Halina't kumain na tayo Ken. Anong oras ka ba ulit bukas?” Sinimulan akong paghainan ni Nanang ng makakain sa lamesa. “Balik ho ako sa panggabi, Nanang. Iilan nalang kasi kaming lalaki crew sa shop. Isa pa ako talaga ang regular night shift ng coffee shop.” Inilapag ko ang aking gamit sa lamesa. “Magbibihis lang po ako.” “Oh siya sige.” *** MAAGA kong inihatid si Kate sa kaniyang paaralan gamit ang motorsiklo. Sinigurado kong nasa loob na ito ng school bago ako tuluyang umalis. Dahil masiyado pang maaga ay naisipan kong dumiretso sa palengke upang umekstra bilang kargador ng mga bagong bagsak na gulay. Madalas ko itong ginagawa sa tuwing ako ang naghahatid ng kapatid ko sa paaralan. Kay Mang Tonio ako pansamantalang umeekstra sa umaga, ito kasi ang may-ari ng pinakamalaking tindahan ng gulay dito sa palengke. “Mang Tonio, magandang umaga po,” bati ko sa kaniya. Ngumiti lamang ito na animo’y normal nalang na makita ako sa pwesto niya. Alam na alam na niya ang dahilan kung bakit ako nagtutungo rito. Hindi na ako nagtanong pa at agad na lamang hinubad ang suot kong T-shirt upang simulan ang pagkuha ng mga naka-bundle na gulay sa isang malaking truck. “Nandirito nanaman ang mokong,” wika ng kararating lang na si Carlo. Nag-iisang anak ni Mang Tonio at talagang mainit ang dugo sa akin. Basagulero ito at talagang matigas ang ulo, ngunit wala akong balak na patulan ang mga salita at pang-aasar nito. “Tumigil ka nga diyan Carl,” saway ni Mang Tonio. Hindi ko na lamang sila pinansin at nagpatuloy na lamang sa ginagawang pagbubuhat ng mga gulay. Inilalagay ko ito sa aking likuran at inihahatid sa pwesto ni Mang Tonio sa loob ng palengke. “Ken, hindi bagay sa‘yo ang maging kargador.” Lumapit sa akin si Lucy, mas bata ito sa akin at madalas kong mapansin ang mainit na pagtitig nito sa akin. Anak ito ng aming chairman. “Ang ganda-ganda ng balat at pangangatawan mo. Dapat ay nagsundalo kana lamang o isang modelo,” dugtong pa niya at tumawa. “Maraming salamat,” tugon ko. Ito na lamang ang nagawa kong sabihin habang nagpapatuloy sa trabaho. “Ken, hindi mo man lang ba ako papansinin?” pangungulit pa ni Lucy at humarang sa daraanan ko nang tangkang babalik ako sa truck upang kumuha ng panibagong bundle na bubuhatin. “Pinansin kita.” “Ang pasasalamat mo?” Tumaas ang kilay nito. “Hindi ‘yon ang gusto ko, ilang buwan na akong nagpapapansin sa‘yo.” Pinag-ekis nito ang palad sa harapan at hindi umalis sa daanan. “Nagtatrabaho ako Lucy.” Malalim akong bumuntong hininga. Naiintindihan ko ang nais nitong sabihin, ngunit wala akong oras para ro’n. Umiling ako at dumaan sa gilid niya upang bumalik na sa trabaho, hindi naman ganoon kalapad ang katawan niya upang harangan ang may kaliitan na daanan sa pelengke. “Ken!” Hinabol pa niya ako at sumunod sa akin sa paglalakad. “Gusto kita Ken, ayan umamin na ako. Ang manhid mo naman kasi,” tuloy-tuloy siya sa pagsasalita habang nakasunod sa likuran ko. Hindi ko na napigilang mapabuntong hininga dahil sa ginawa niyang pag-amin. Hindi na lamang ako nagsalita at nagpatuloy sa ginagawa ngunit napahinto ako nang hawakan niya ako sa braso upang pigilan. “Ken naman! Are you deaf?” Inis itong nagtungo sa harapan ko at nag-irap ng mga mata. “Hindi lang ikaw ang lalaki rito, pero sa‘yo nagkagusto ang tulad ko. You're lucky! Ikaw ang unang lalaki na nag-ignore sa akin nang ganito.” Humahalo ang inis sa tinig nito. “Nagtatrabaho ako,” maiksi kong tugon. “So, bingi ka nga?” Nag-irap itong muli ng mata at iritableng ngumisi. Hindi ito ang unang pagkakataon na may isang babae ang umamin sa akin ng pagkagusto, ngunit lubhang kakaiba si Lucy dahil sa pangungulit nito. “Hindi ako bingi, wala lang akong oras.” Sa ikalawang pagkakataon ay dumaan ako sa gilid niya upang bumalik sa ginagawa. Marami pa akong dapat na ikargang gulay at ibagsak sa pwesto ni Mang Tonio, kaya naman hindi ko na maisip pang pakinggan ang mga sinasabi ni Lucy. Para sa akin ay normal na lamang ang mga salitang tinuran niya. “Tandaan mo Ken, hindi pa rin ako titigil. Sa‘kin ka rin sa huli!” malakas na sigaw pa nito at hindi na ako muling kinulit pa sa ginagawa. Napailing na lamang ako at natawa sa isip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD