“ANONG ginagawa n’yo?” Inabot ng aking paningin ang dining ng coffee shop kung saan ako nagtatrabaho. Masuri kong tinignan ang lahat ng customer dahil sa pagtataka kung bakit nagkumpulan ang dalawa kong kaibigan na sina Jerico at Leo sa gilid ng counter at parehong nakatingin sa dining. “Anong meron?” tanong kong muli at humarap sa kanilang dalawa. Masama silang tumingin sa akin.
“Bulag ka ba?” sarkastikong tanong sa akin ni Leo matapos ay tumawa. “Tumingin kana sa dining pero hindi mo napansin ‘yong sexy na babaeng nakaupo sa may dulo malapit sa glass wall?” Itinuro nitong muli ang babaeng tinutukoy nito gamit ang nguso.
“Sira ka!” Mahina kong pinalo sa kaniyang braso ang hawak kong bilog na tray. “Transgender iyan, si Ma'am Eunice. Regular customer ng shop na ito,” paliwanag ko sa kanilang dalawa. Bago pa lamang si Leo at Jerico sa coffee shop na ito, mag-iisang linggo pa lamang simula nang makapagsimula sila kaya naman hindi na nakapagtataka kung ngayon lamang nila nalaman ang tunay na katauhan ng isa naming regular customer na si Ma'am Eunice. Maputi, maganda at talagang iisipin mong babaeng-babae ito dahil sa perpektong pagkakagawa sa buong katawan nito maging ang magandang hubog ng katawan.
“Transgender?” tanong ni Jerico at kumamot sa batok.
“Oo kaya bumalik na kayo sa trabaho, baka makagalitan pa tayo ni Sir kung puro pambababae ang ginagawa ninyo.” Natawa ako at iniwan na silang dalawa sa counter. Pumasok ako sa loob ng opisina at nag-out sa biometric bago dumiretso sa crewroom upang magpalit ng damit. Hinubad ko ang suot na apron, maging ang sumbrero ko at nagsuot ng hindi kakapalan na jacket. Alas dos na ng hapon at kailangan ko nang umuwi upang sunduin ang Nanang ko sa puwesto nito sa palengke. Dali-dali kong iniligpit ang mga gamit ko bago tuluyang lumabas ng silid at nagpaalam kina Jerico at Leo upang umuwi.
Ilang kilometro lamang ang layo ng coffee shop mula sa bahay namin, ngunit ang palengke ay bahagyang may kalayuan kaya naman kailangan kong gumamit ng motorsiklo upang sunduin ang Nanang. Siya ang aming lola, animnapu’t apat na taon na ito. Subukan ko mang pagbawalan sa pagtitinda ay hindi ko mapigilan dahil sa kakulitan nito. Datapwa't may iniindang sakit ang aking lola ay hindi ito nagpapapigil sa pagtitinda, “Magkakasakit ako kung hindi ako lalabas ng bahay.” Ito ang lagi niyang sinasabi sa amin ng kapatid kong si Kate, labing anim na taong gulang na ito at kasalukuyang nasa grade 10 na ng pag-aaral nito.
Gamit ko ang sarili kong motorsiklo sa pagpunta sa coffee shop at maging sa pagsundo kay Nanang. Nang tuluyan akong makarating ay ipinarada ko ang motorsiklo ko at naglakad na lamang papasok sa malaking palengke. Maraming tao ang araw-araw na namimili rito kaya naman kahit gaano ito kalaki ay napupuno pa rin sa dami ng tao. Nag-alala ako nang hindi ko makita si Nanang sa bungad pa lamang ng palengke kung saan ito nakapwesto palagi. “Nasaan si lola? s**t!” Dahil sa aking pag-iisip at pagnanais na makita ang lola ko ay hindi ko sinasadyang mabangga ang isang babae.
“Aray!” daing nito at iritableng tumingin sa akin ngunit nang makilala ako ay agad na ngumiti. “Oh, Ken. Ikaw pala, akala ko kung sinong bulag na siga sa palengke.”
Natawa ako sa kaniyang tinuran, siya si Lylia. Isa sa kababata ko at minsan ay naging kalaro noong mga bata pa lamang kami. “Pasensiya na Lylia, hindi nga ako tumitingin sa dinaraanan ko kaya nabangga kita.”
“Walang problema basta ikaw, ang gwapo mo pa rin. Walang nagbago kahit na noon pa man, malaki na talaga ang iyong pangangatawan at ‘yang ngiti mo ang aking paborito,” masayang tugon nito sa akin at ngumiti. “Hanap mo si Aling Mameng?”
Kaagad akong tumango. “Oo, wala kasi siya sa pwesto. Nakita mo ba?”
“Oo, lumipat siya ng puwesto dahil pinaalis siya ng mga sigang iyon.” Itinuro ni Lylia ang anim na lalaking sisiga-sigang naglalakad at umiikot sa palengke. Bahagya pang binatukan ng isa sa mga ito ang isang matandang tindero.
“Sino naman ang mga ‘yan?” Ikinuyom ko ang aking kamao dahil sa inis sa nakikita.
“Mga bagong siga ng Baranggay Maligaya. Pinalis nila ‘yong mga nakapuwesto sa bandang unahan na hindi nakapagbayad ng buwis sa kanila kanina at kasama si Aling Mameng, tumanggi siyang magbigay,” mahabang kwentong ni Lylia kaya naman mas lalong nag-init ang kamao ko.
“Teka!” Pinigilan ako ni Lylia nang tangkang lalapit ako sa anim na lalaking iyon. “Anong balak mong gawin? Huwag mo nang ituloy, baka lalong pag-initan ang lola mo. Mukhang ayos naman na si Aling Mameng sa bago niyang puwesto sa dulo, puntahan mo nalang.”
Malalim akong napabuntong hininga at tumango. Tama naman ang mga sinabi ni Lylia kaya naman hindi na ako nakipagtalo pa sa aking sarili. Darating din ang araw ng anim na lalaking ‘yan. “Maraming salamat Lylia, mauuna na ako. Pasensiya na ulit.” Ngumiti ako at inantay siyang tumango bago tuluyang umalis upang hanapin ang Nanang.
Inabutan ko siyang pagod at pawis na pawis. Mabigat sa dibdib ko ang nakikita siyang napapagod, ngunit sarili niyang desisyon ang bagay na ito. “Nanang,” tawag ko sa kaniya, lumapit ako bago ko siya halikan sa noo. “Umuwi na ho tayo.”
“Ken, wala ka yatang overtime ngayon. Hindi ba’t napakaaga pa para umuwi? Dumito nalang muna tayo at sayang ang benta.”
Napangiti ako dahil sa sinabi niya. Tama nga naman si Nanang, maaga pa para umuwi kaya naman pumayag na lamang akong tulungan siya sa pagtitinda hanggang sa umabot ang alasais ng gabi. Nagsimula kaming magligpit at talian ang ilan sa paninda na iiwan.
“Nakapagluto na kaya si Kulot?” tanong ko kay Nanang nang tumapat kami sa motorsiklo ko. Sumampa ako roon at sinimulang buhayin ang makina.
“Panigurado, kilala mo naman ang kapatid mo. Napakabait ng batang iyon.” Sunod na sumakay si Nanang sa likurang bahagi ng motor ko habang marahan ko siyang inaalalayan. Kulot ang tawag namin ni Nanay sa kapatid kong si Kate, ito ang palayaw niya dahil sa sobrang kulot nitong mahabang buhok.
“Halika na, Nanang.”
“Halay sige, halika na’t umuwi.”