1

3029 Words
Beast Makulimlim ang langit ng umagang iyon pagkagising ko. Ang kalangitan ay parang nagluluksa sa kung ano. Malungkot iyon na kahit ang katiting na liwanag ay walang sumilip. Pinagmasdan ko ang labas. Ber months na kaya siguro ganito na kalamig ang panahon at palagi ng umuulan. Ang langit ay palaging malungkot na akala mo ay may pinagdadaan at palaging nagdadalamhati. "Magsuot ka ng jacket, Trace," sabi ni Kuya Bram sa akin habang inaayos ang kanyang uniporme.  "Ihahatid mo ako, Kuya?" tanong ko sa kanya nang nilingon ko ito. Natagpuan ko siya sa harap ng mesa at hinahalo ang mainit niyang kape. Inangat niya ang tasa, ang isang kamay naman ay nasa beywang. Umangat lamang ang dalawa niyang mga kilay. Ngumuso ako at ibinalik ang tingin sa labas ng bintana. Humalukipkip ako roon at hinalikan ang sarili kong mga brasong nakahilig roon. Ang lamig lamig ng panahon. Ang kalangitan ay masyadong misteryoso at hindi makitaan ng liwanag. Magiging ganito ba ang buong buwan? O baka naman panandalian lamang? "May bagyo raw kaya ganito ang klima. Masyadong malamig at palaging umuulan," si Kuya nang mapansin ang pagiging malungkot ko dahil roon. Hindi ko alam kung ba't naaapektuhan ako sa klima. Nagiging malungkot ako pag malungkot ang langit. Para akong nakikiramay kahit hindi ko naman alam kung anong pinagluluksaan nito. I always wonder why the sky looks so dark when it should be sunny? Bakit kaya? Palaging maagang umaalis si Mama sa bahay. Nauuna siya sa aming dalawa ni Kuya. Nagtitinda ito ng mga bulaklak sa bayan. Mahilig ako sa bulaklak kaya minsan pag bakante ako o walang pasok ay tinutulungan ko siya sa pagbebenta at pagtatanim. "Kuya hindi ka ba malilate? College kana... Kaya ko namang pumasok mag-isa eh..." reklamo ko sa nakakatanda kong kapatid habang naglalakad na kami papuntang bayan. Hinawakan niya ang aking ulo at nakapaskil na ang matamis na ngiti sa labi. "H'wag mo akong alalahanin Trace... Exercise narin ito. 'Tsaka mamaya pang alas otso ang pasok ko," paliwanag niya. First year college na si Kuya habang ako naman ay Grade 9 na. Nag-aaral ako sa isang publikong paaralan at isang scholar. Si Kuya naman ay may scholarship lang rin kaya nakakapasok parin sa isang Unibersidad sa kabila ng pagiging kapos namin sa buhay. Ni minsan, hindi naman ako nagrereklamo sa estado ng aming buhay. Hindi ako nagrereklamo kung ba't ipinanganak kaming ganito. Palagi kong tinatatak sa aking isipan na lahat ay nag-uumpisa sa ibaba bago ka umangat. Wala masyadong mamahaling eskwelahan rito. Isa lang naman itong bukid at halos lahat ng naninirahan rin dito ay kapos sa pera. Mga taong hindi kayang mamuhay sa syudad dahil masyadong maluho roon kaya nagtitiis nalang sa simpleng buhay rito. Pero hindi ko naman sinasabing lahat ng nakatira rito ay puro mahihirap. May naiiba parin. May angat. May makapangyarihan. May mayaman... Pagdating sa bayan ay ganoon parin ang paligid, ang kalangitang makulimlim. Nakikita ko na ang iilang estudyanteng may parehas na uniporme ko. "Sige kuya... Dito na ako... Pumasok kana rin sa school," sabi ko at tumigil sa may gate. Luminga linga sandali si Kuya. Tila may hinahanap ito kaya lumingon narin ako sa aking paligid. Kunot-noo kong ibinalik sa kanya ang aking tingin nang wala naman akong matagpuang kakilala niya. "Mangchichix kana naman 'no?" Pang-aakusa ko sa kanya na mabilis niyang ikinatingin sa akin. "Ako?" Natatawa niyang itinuro ang sarili. Tumango ako, "oo... Nanghahunting ka siguro ng chix dito 'no? May target ka dito kaya ilang araw mo na akong hinahatid sundo dito 'no?" Tumawa si Kuya. Ang dimple sa kabilang pisngi ay mabilis na lumabas. May iilan pang mga babae na napatingin sa kangya. "Ikaw ang bata bata mo pa kahit ano na ang ibinibintang mo sa akin! Di ako ganyan, Tracy..." Ngumuso ako, "eh ba't parang may hinahanap ka?" "Wala... Baka kasi may pumorma sa'yo. Concern lang ako." Kinurot niya ang aking pisngi na ikinasimangot ko. Grade 9 pa ako... At wala naman akong nagugustuhan rito maliban kay... Isang busina ng kotse ang nagpabalik sa aming dalawa ni Kuya sa katinuan. Nasa daan pala kami. Mabilis akong hinila ni Kuya paalis roon at tumabi kaming dalawa. Nang makita ko ang plakard nito ay mabilis akong nakaramdam ng kaba. Na kahit ang aking laway ay nalunok ko. Tumigil iyon sa nakasanayan nitong parking area. Kilalang kilala ng lahat ang nagmamay-ari ng marangyang kotse na iyon. "Salamat, Manong!" Ang malambing na boses ni Ate Rici ang pumaibabaw nang lumabas ito. Ang malaporselana niyang kutis ay masyadong maliwanag kumpara sa kalangitan. Para itong nasisinagan ng araw dahil narin sa kanyang ngiti at mapuputing ngipin. Ang itim na buhok ay masyadong makintab at idagdag pa ang maliit nitong mukha na mas lalong nagpaganda sa kanya. Grade 10 na ito at lahat ng lalake sa eskwelahan ay nahihibang sa kanya dahil narin sa taglay na kagandahan. Mas namangha ako nang makita ang kanyang mga matang misteryoso ngunit may kung anong ningning na maaakit kang titigan ito lalo. Ang katangkaran at hubog ng kanyang katawan ay parang isang hourglass at ni isang kapintasan ay wala kang matatagpuan sa kanya. Suminghap ako saka ibinalik ang tingin kay Kuya para sana magpaalam sa kanyang muli nang mapansin ko ang kanyang ekspresyon. Ang labi ay marahang nakaawang at nakasunod na ang mga mata kay Ate Rici. Kumurap ako. Hindi kaya... "Kuya," tawag kong muli sa kanya na ngayon ay natauhan na at hinila ang tingin papunta sa akin. "H-Huh?" wala sa sarili niyang tanong lalo na't bumalik pa sandali ang kanyang mga mata sa entrance saka ulit ibinalik sa akin. "Papasok na ako," paalam ko sa kanya. "Ah... Sige... Mamaya susunduin kita," sabi niya na ikinatango ko. Parang wala sa sarili si Kuya sa tuwing napapansin kong nasa paligid lamang ang presensya ni Ate Rici. Sa mura kong edad, alam ko na ang mga bagay tungkol sa pagmamahal. Siguro dahil narin sa aking kyuryusidad dahil mahiwaga iyon at masyadong misteryoso kaya nagkakainteres ako. Nagbabasa ako ng mga nobela at nalulungkot sa mga estoryang may mapait na wakas. Natuto akong hindi lahat ng pagmamahal ay masusuklian ng taong gusto mo. Ang pagmamahal ay hindi palaging masaya ang pagwawakas. Ang relasyon sa libro ay nagwawakas sa isang tuldok habang ang relasyon naman sa reyalidad ay nagwawakas dahil hindi nakayanan ang mga pagsubok. May mga wakas na kahit hindi mo gustong matapos ay kailangan mong isara dahil hanggang doon lang talaga ang kabanata nilang dalawa. Isinara ko ang librong binabasa at nalungkot sa wakas noon. Lunch time kaya ginugol ko ang aking oras sa pagbabasa. May mga kaibigan naman ako pero hindi rin talaga sobrang close na bawat oras ay palagi kaming magkasama. Lumabas rin naman ako sa library pagkatapos magbasa at nagtungo na sa classroom. Maingay ang aking mga kaklase at mukhang mga crush na naman ang kanilang topic. Umupo ako sa aking upuan. Naghahagikhikan na si Rinka at Cecille kasama ang dalawa pa nilang mga kaibigan na kaklase ko rin. "Isama natin si Tracy!" suhestyon ni Cecille sanhi para malipat ang kanilang mga mata sa akin. Kumurap ako. "H-Huh?" Hindi kaya ay balak nilang magnakaw na naman ng mangga sa malawak na puno ng mga Buenaventura? "Baka hindi iyan sasama eh Maria Clara pa naman itong si Tracy!" Tumawa pa si Rinka. Tumawa narin ako ng marahan kahit hindi ko pa alam kung ano ang kanilang pinag-uusapan. "Ang alin?" tanong ko. "Isama natin nang mawala ang kainosentehan ng kanyang mga mata! Kahit iyon man lang ay mabindisyunan natin!" si Rose, isa sa mga kaklase ko. "H-Huh?" nagtataka kong inilipat ang aking mga mata sa kanila. "Mamayang hapon Trace... Punta tayo sa lupain ng mga Buenaventura..." Ngumisi na ng malisyosa si Cecille sa akin. "Mangunguha kayo ng mangga?" tanong ko na ikinailing nila. Humagikhik pa si Rinka at namumula naman ang mukha ni Rose. "Tuwing hapon nanunungkit ng mangga si Israel roon. Iyong kapatid na lalake ni Ate Rici. Silipin natin! Topless iyon palagi sa tuwing nanunungkit!" Tumili pa si Rinka na kahit si Cecille at Rose ay niyugyog ang isa't isa. Namula agad ang aking pisngi. Iniisip ko palang ang kanilang binabalak ay parang hindi ko na kaya. "Sige na, Trace! Sayang iyang mga mata mo kung hindi mo pakikinabangan ng maayos!" si Rose. "Oo nga! Minsan lang naman! Busugin mo rin iyang mga mata mo!" Humalakhak pa si Rinka. "Hindi lang naman kasi mga mangga ang masarap sa lupain ng mga Buenaventura. Pati narin iyong may-ari!" panggagatong pa ni Cecille kaya nagtilian na ang tatlo. Mas uminit ang aking pisngi. Ba't naman nila alam na topless si Israel tuwing nanunungkit ng mangga? "Sige na, Trace! Iyon ang binabalita ni Ate Rici! Pinapakuha niya raw ng mangga si Israel tuwing hapon at minsan ay topless raw ito! Silipin natin kung totoo ba tapos umalis agad tayo!" Niyugyog na ako ni Rose. Lumunok ako ng laway at hindi alam kung paano sila tatanggihan. Lalo na't bawat minuto, kahit nagsisimula na ang klase ay nagsesenyasan silang tatlo na tuloy iyon mamaya. Pag hindi ako lumilingon sa sitsit nila ay binabato na ako ng papel kung saan nakasulat ang kanilang plano. Sa huli ay wala rin akong nagawa kundi pumayag nalang para matigil lamang sila. Kaya noong uwian, hindi ko na alam kung ano ang gagawing palusot kay Kuya Bram habang hinihintay ko ito sa tapat ng gate. "Wala pa ang Kuya mo, Trace?" tanong ni Cecille na palinga linga narin sa paligid. Umiling ako. "Wala pa... Uh... Baka hindi ako sunduin at dumeritso na iyon kay mama. Sa susunod nalang siguro ako sasama sa inyo-" "Andyan na ang kuya mo, Trace!" Itinuro agad ni Rinka ang nakakatanda kong kapatid. Naiwang nakaawang sa ere ang aking bibig. Ang iniisip kong pagtangging sumama sa kanila ay nabura rin dahil sa biglaang pagdating ni Kuya. Mukhang gusto ata ng tadhana na mabindisyunan ang mga mata mo, Trace... "Pakshet rin talaga iyang Kuya mo, Tracy! Ang guwapo! May girlfriend ba iyan? Pumapatol ba siya sa bata?" si Rose na nangingisay na sa aking tabi at hinihintay ang paglapit ng aking kapatid. Sinapak ito ni Rinka, "Wala kang dede kaya wala kang karapatang lumande!" sigaw niya rito na nagpabusangot kay Rose. "Aray ko. Mas mabuti na itong walang dede kaysa naman sa'yong mukhang dede," sagot ni Rose. Tumawa kami sandali pero natigil rin nang lumapit na si Kuya Bram. Naamoy ko kaagad ang matapang niyang pabango na ikinalukot ng aking mukha. Ba't masyadong mabango? "Uh Kuya Bram-" "Kuya may project po kami at kagrupo namin si Tracy sa bahay namin para doon gawin ang project namin!" singit agad ni Cecille sa akin. Kumunot ang noo ni Kuya, ang mga mata ay pinagdudahan agad ako. "Anong klaseng project? Project sa kalokohan?" Umiling silang tatlo. Ngumuso naman ako. Maninilip daw kami, Kuya... "Hindi po kalokohan! Para po ito sa kinabukasan namin! Malaking grades po ang nakasalalay!" dagdag pa ni Rose na ikinatango naman agad ng dalawa. Hindi mabura bura ang pagdududa sa mukha ni Kuya. Doon lamang naalis ang kanyang mga mata sa akin nang may narinig akong pamilyar na halakhak sa aming likuran. Pasimple ko iyong nilingon at nakita si Ate Rici kasama ang kanyang mga kaibigan. Tumatawa ito at masyadong mahinhin ang paglalakad. Ibinalik ko ang tingin kay Kuya na nakaawang na naman ang mga labi. Mukha na naman itong nahihipnotismo sa kakatitig kay Ate Rici. "Kami nalang ang maghahatid kay Tracy pauwi, Kuya Bram!" si Rinka na hindi naman pinakinggan ni Kuya. "Uy silence means yes! Tara na Trace! Pumayag na ang Kuya mo!" Hinila na ako ni Cecille. "H-Huh? Teka? Hindi pa ata!" protesta ko pero pati si Klara ay nakihila narin sa akin. "Tara na!" Nakaladkad ako ng dalawa. Tiningnan ko si Kuya na naroon parin ang tingin at nakalimutan na ako ang sadya sa eskwelahang ito. Tumakbo sila kaya pati ako ay nahila narin. Naghahagikhikan sila sa daan at masyadong excited sa kanilang binabalak. Hindi ba kami mapapahamak nito? Maraming tauhan roon! Hindi ba sila magagalit pag pumasok kami sa lupain ng Buenaventura? Pinagpapawisan ang aking mga kamay habang papunta kami roon at masyadong nalulunod sa mga katangunang nasa aking utak. Ba't ba ako sumama sa kamanyakan ng tatlong ito? Pag nalaman ni Kuya Bram itong kalokohan ko ay malalagot rin ako sa kanya. "Malapit na tayo!" Mas hinila ako ni Rose na kahit ang kanyang pagtakbo ay bumilis. Ang aking uniporme ay nagugusot na sa kakahila niya. Ang suot kong bag ay kulang nalang malaglag kakatakbo. "Hindi ko talaga makakalimutan ang araw na ito!" si Rinka naman na ganoon rin kaexcited. Ako lang ata itong nangangamba sa aming binabalak. Dahil narin sa makulimlim na kalangitan ay hindi gaanong matingkad ang kulay ng paligid. Katamtaman lamang iyon para manilip at magtago sa malalaking puno. "Dahan dahan..." saway agad ni Cecille sa amin nang makarating kami sa mismong lupain. Bumagal ang aming pagtakbo hanggang sa maingat na kaming humahakbang ng malalaki na hindi gaanong gumagawa ng ingay. Para kaming mga kawatan sa alas singko ng hapong iyon... "Dito tayo!" Sinenyasan kami ni Rinka na nauuna na sa harap na magtago roon sa malaking puno. Hinila ako ni Rose at isa isa kaming nagtago roon. "Wala pa ata si Israel..." si Cecille na palinga linga na sa harapan. "Lumipat tayo doon sa mas malapit na puno!" May kung anong itinuro si Rinka kaya isa isa rin kaming lumipat roon. "Baka hindi iyon manunungkit ng mangga ngayon?" hula ko. Hindi sila sumagot roon at masyadong tutok sa harap. Ilang sandali lamang, kulang nalang ay mapunit ang aking suot na uniporme nang hilain iyon ni Rose. Si Cecille at Rinka ay kapwa impit na ang mga tili at sinisikap magpigil. "Ang kisig! Manganganak na ata ako sa kalandian ko! Nasa sinapupunan ko na ang bunga ng karupukan ko..." daing ni Rose sa mahinang boses at ako ang pinanggigilan. Ayoko sanang tumingin dahil narin pinapangunahan ako ng hiya. Pero dahil narin sa reaksyon nilang naglulupasay na ay kinain narin ako ng aking kyuryusidad at nakisilip. Literal na umawang ang aking mga labi nang makita ko ang matangkad na lalake, may dalang panungkit at walang saplot sa pang-itaas. Bakat na bakat sa kanyang katawan ang hindi gaanong batak na abs pero masasabi mong meron talaga dahil sa ukit noon at hulma. "May malaking mangga rin ata siyang tinatago sa pantalon niya! Tingnan niyo!" bulong pa ni Cecille na hindi ko na kinaya at napapikit na. "Lumapit pa tayo!" suhestyon ni Rose. Gusto ko sanang tumanggi pero pagdilat ko ay isa isa na silang gumapang patungo sa mas malapit na malaking puno. Kinabahan ako at ramdam ang sobrang bilis na pintig ng aking dibdib. Ano ba itong napasukan mo, Trace? Gumapang narin ako papunta sa kanila. Sinilip naming muli si Israel na medyo malapit na sa aming dako. Tumingala ito na kahit kami ay tumingala narin. Ang kanyang panga ay masyadong matulis na pag hahawakan mo ata ang gilid noon ay masusugatan ka. Madilim ang ekspresyon nito at masyado pang seryoso na kahit ang magulong buhok at makapal na maitim niyang kilay ay bumabagay sa dilim na bumabalot sa kanyang mga mata. "Pwede bang ako nalang iyong panungkit?" si Rinka. "Ako nalang iyong mangga. Handa akong magpahulog para sa'yo Israel... Saluin mo ako at kainin ng buo! Matamis at hinog na ako..." nagpapantasyang bulong ni Cecille na ikinahagikhik ni Rose. Ako lamang itong tahimik siyang pinagmamasdang nanungkit. Silang tatlo ay nagawa pang magsapakan at masyado ng nahihibang sa panonood. Nagsimula itong manungkit habang nagkakasalubong ang kilay. Ilang sandali lamang ay nalaglag nga ang mangga at gumulong na iyon sa kabilang parte. Nalaglag ang tingin ni Israel saka iyon sinundan. Napalunok agad ako ng laway nang mapagtantong makikita na kami rito. Tinapik tapik ko ang tatlo. "Makikita niya ata tayo rito..." kinakabahan kong sabi. "Sus Tracy! Hindi iyan! May nakatakip naman na mga dahon!" si Cecille. "Oo nga Trace... Magmamadre ka ba at masyado kang banal?" Tumawa pa si Rose. Lumunok ako ng laway at ibinalik ang tingin kay Israel na bigla nalang nawala sa kinatatayuan nito. "Hala nawala!" natatarantang sigaw ni Cecille. "Itong si Tracy kasi kinuha pa ang atensyon natin! Hanapin niyo!" iritadong sabi ni Rinka. Iginala ko narin ang tingin sa harapan. Ang bilis niya naman ata? Hindi kaya ay napansin niya kami rito kaya tumakbo na ito paalis? "Lumipat tayo doon sa kabilang puno," sabi ni Rinka at nagsimulang gumapang. Sumunod naman agad ang dalawa at ako pa itong nagdadalawang isip. Handa na ulit akong gumapang nang hindi na ako makagalaw dahil sa pagkakaipit ng aking palda sa kung saan. Hinila ko pa iyon. "Tracy ang tagal mo. Bilis na-" Nilingon ako ni Cecille. Ang mukhang iritado ay mabilis na napalitan ng pagkagulat. Kahit ang dalawa ay ganoon narin ang reaksyon nang magsilingunan sila sa akin. Ang mga mata ay nanlalaki at nalaglag na ang panga. Sa reaksyon nila ay may umupo naring kaba sa aking dibdib. Dahan dahan akong tumingala hanggang sa nakita ko ang walang pang-itaas na saplot na lalakeng sinisilipan namin kanina pa. "Trespassers," sabi niya sa malamig at malalim na boses sanhi para magsitayuan ang tatlo at isa isa ng kumaripas ng takbo. Nanlaki narin ang aking mga mata nang makita kung gaano kadilim ang tinging iyon. Katulad ng kalangitang makulimlim, wala rin akong mahanap na liwanag sa kanyang mukha. Natataranta akong tumayo pero dahil apak apak niya ang aking palda ay hindi agad ako nakaalis. Lagot ka ngayon, Tracy! Hubarin mo nalang iyang palda mo! Mabilis kong tinanggal ang lock noon hanggang sa lumuwang nga iyon sa aking beywang. Uminit ang aking pisngi nang mapagtanto kong wala akong short. Ano, tatakbo akong nakapanty?! Bago ko pa iyon mahubad sa akin ay marahas niya na akong nahila. Mabilis akong umangat at humarap sa kanya. "Isa ka sa mga manyak na iyon?" malamig niyang tanong, ang hininga ay tumatama na sa aking pisngi dahil sa sobrang lapit na kahit ang mga mata niya ay hindi ko makayanang tingnan ng matagal. Umiling ako. Gustong magsalita pero kinain agad ng kaba ang kabuuan kong sistema. Sa aming apat na hindi naman gaanong interesado sa kanyang katawan... ako pa itong nahuli. At hindi ako manyak! Mas tumalim ang tingin niya sa akin. Ang pagkakahawak sa aking braso ay mas lalo pang humigpit na kahit ako ay nadikit na sa kanyang katawan. Sa sobrang lapit ay mas napagmasdan ko ng malinaw ang kanyang mukha. Ang matangos na ilong. Ang mga matang may ikinakagalit at parang maraming tinatagong emosyon. Hindi na ako halos makahinga kakatitig sa mukha niyang tila may dalang kapahamakan sa oras na binangga mo. He looks so cruel... parang isang mabangis na hayop na palaging naghahanap na mabibiktima para gawing pagkain. "B-Bitiwan mo ako..." bulong ko sa mahinang boses at natatakot na sa kanyang imahe. Ang galit sa kanyang mga mata ay hindi man lang humuhupa at lumalalim lang lalo ang tingin sa akin. "Kababae mong tao pero naninilip ka," seryoso niyang sabi at mas dumilim lalo ang ekspresyon. Paano na iyan ngayon, Trace? This beast won't let you escape...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD