Sandrynne's POV
Hinawi kong mabuti ang buhok ko papunta sa harap. Pati bangs ko inayos ko rin para matakpan ang mukha ko at hindi ako mapansin ng ibang estudyante. Pagpasok ko pa lang kasi ng gate kanina, marami na ang nakatingin sa akin at nagbubulungan.
"'Di ba s'ya 'yon?" Kahit mahina ay rinig ko pa rin ang bulong ng babaeng naglalakad sa gilid ko.
"Oo. S'ya nga," sagot naman ng kasama niya. Biglang dumami ang naririnig ko sa paligid habang papunta ako sa department namin. Lalo ko tuloy tinakpan ang mukha ko dahil sa sobrang hiya. At dahil nakatakip ang mukha ko, hindi ko napansin na mayroong papalabas sa room kaya naman nagkabunggo kami at tumama ako sa matigas niyang dibdib.
"Aray..." bahagya kong hinilot ang noo ko bago ako mag-angat ng tingin sa taong bato. At bumungad sa 'kin ang pagngisi nito. Si Harris. Alam kong natatawa siya sa 'kin dahil nagmukha akong baliw sa social media dahil sa kagagawan niya.
"Good morning," bati ni Bry sa akin, nasa bandang likuran siya ni Harris. Medyo ngumiti lang ako sa kaniya pero hindi ako sumagot.
"Narito na s'ya!" sigaw na isa naming classmate na lalaki nang makita niya ako sa tapat ng pinto. Biglang naglapitan sa amin ang iba pang nasa loob ng room.
"Kayo na ba?" usisa ng isa na hindi ko matandaan ang pangalan.
"Hindi, ah!" apila ko agad. "Ganito kasi 'yon, kahapon kasi 'yong cell phone ko—"
"Totoo ba 'yung nakalagay sa last comment mo?" putol ni Harris sa dapat na pagpapaliwanag ko. Nakuha niya pa akong ngitian na parang nang-aasar.
"Alam mo ba Sandynne na kayo ni Harris ang pinag-uusapan ngayon sa buong building natin? Pati nga mga nasa higher year naiintriga na rin sa inyo," sabi ng isa naming classmate na babae.
Tiningnan ko naman si Harris nang masama dahil do'n. Hinawakan ko 'yung kamay niya at hinila siya palabas ng room. Naglakad ako habang hila-hila siya.
At dahil nasa third floor kami, bumaba pa kami sa second floor. Pagdating namin sa first floor ay agad ko siyang dinala sa tabi ng isang malaking puno.
Binitawan ko 'yung kamay niya at hinarap siya para kausapin. Kung doon kasi sa room ko siya sisitahin, baka ipahiya niya lang ako. Baka palabasin niyang gusto ko siya kahit hindi naman!
"Baliw ka na ba? Bakit mo ba kasi pinakialaman ang account ko!" singhal ko sa kaniya. Ngunit hindi siya nagsasalita, nakatingin lang siya sa 'kin. "Kanina pagpasok ko pa lang sa gate, pinagbubulungan na nila 'ko. Daig ko pa ang celebrity dahil sa kagagawan mo!"
"Ayaw mo 'yon? Napasikat kita." Ngumisi siya.
"Hindi ko kailangan ng popularity. At mas lalo na kung dahil sa'yo. Ibalik mo na sa 'kin ang cell phone ko bago pa 'ko tuluyang mainis!" Inilahad ko ang kamay ko sa harap niya.
Dumukot naman siya sa bulsa niya at iniabot sa 'kin ang phone ko sabay sabing, "Hindi mo ba naisip na ang paghila mo sa 'kin dito ang magpapalakas ng ebidensya na inlab ka nga sa 'kin?" he smirked.
"Ha?" Tumingala siya sa building kaya tumingala rin ako. At mula sa second floor, third floor at fourth floor ay maraming nakadungaw na estudyante at nakatingin sa 'min. Isa na ro'n si Honey, Jolo, Jazzmine at Bry pati na rin ang ibang classmates namin at iba pang estudyante na hindi ko naman kilala.
Nagtakip agad ako ng mukha pero si Harris nakuha pang kumaway sa kanila. Tumakbo ako palayo at iniwan s'yang mag-isa.
Grabe, ano ba 'tong nangyayari sa 'kin puro kamalasan!
Bumalik ako sa third floor para pumasok sa room namin, pero pagtapat ko sa pinto, nakita ko na si Ma'am Marie na nakatayo sa harap at mukhang nagsisimula na sa pagtuturo. Tahimik ang buong klase pero lahat sila ay nakatingin sa 'kin.
"May balak ka ba na d'yan magklase, Miss Delos Angeles?" tanong ni ma'am. Napatingin siya sa bandang likuran ko. "So, totoo pala 'yong naririnig ko? At talagang pareho pa kayong late? Nag-date ba muna kayo bago pumasok sa klase ko?"
Bumaling ako sa likuran ko at nakita ko si Harris. Bakit ang bilis niyang nakasunod sa 'kin?
"Hindi po ma'am," nahihiya kong sagot nang ibalik ko ang tingin sa loob. Nakayuko tuloy akong pumasok at tahimik na naglakad papunta sa upuan ko. Ganoon din ang ginawa ni Harris.
"Is it true na kayo na?" bulong sa 'kin ni Honey habang nakangiti.
"Of course not!" mahina pero madiin kong sabi. Napansin ko naman 'yong isa ko pang katabi—si Tristan. Tahimik din siya kaya hindi ko na lang siya kinausap dahil kung ako ang tatanungin mas nakakatakot siya kaysa kay Harris.
***
Noong break time na ay agad kaming nagpunta sa food court. Kasama ko si Honey, Jolo at Jazzmine sa isang table. Nasa katabing table naman namin si Tristan, kumakain siyang mag-isa.
Maya-maya lang ay lumapit sa amin si Bry, bitbit ang dalawang plato na punung-puno ng pagkain.
"P'wedeng makiupo?" tanong nito sa amin. Si Honey naman ay sobrang lapad ng ngiti at agad na tumango. "Thanks," sabi ni Bry bago ito tuluyang naupo. Sunod ay bumaling siya sa ibang direksyon at may kinawayan. Nang makita ko na papalapit na sa table namin si Harris ay ako naman ang tumayo.
"Excuse me," paalam ko sa kanila. Ngunit tatalikod pa lang sana ako nang hilahin ni Jazzmine ang kamay ko, dahilan para mapaupo ulit ako.
"Kami na lang ang tatayo. Let's go, honeybunch." Hinila niya si Jolo sa kabilang table kung saan nakaupo si Tristan. Kaya naman kaming apat ang naiwang magkakaharap sa table. Magkatabi si Bry at Harris. Magkatabi naman kami ni Honey. Pero si Harris ang katapat ko.
"Eat well," nakangiting sabi ni Honey kay Bry. Ngumiti naman din ito sa kaniya. "Hoy, Sandrynne! Kain na," baling niya sa 'kin nang makita niyang nakakrus ang mga braso ko sa aking harapan.
"Ayoko. Bigla akong nawalan ng gana," sagot ko habang hindi inaalis ang tingin sa katapat ko.
"Gusto mo subuan kita para magkagana ka?" Bigla siyang ngumiti nang malambing. Namungay pa ang mga mata at hindi ko 'yon inaasahan kaya kahit hindi pa ako sumusubo ay tila bigla akong nabilaukan.
Bakit ba s'ya ganito? 'Di ako sanay nang ganito s'ya. Mas sanay ako na masungit s'ya at rude, just like the first day we met.
Kaysa titigan siya ay napilitan na lamang akong yumuko. At habang kumakain silang tatlo, lumapit sa amin si Mina— isa sa mga classmate namin. May dala siyang mga papers na sa tingin ko ay 'yung quiz namin kanina. Una niyang inabot ang kay Honey.
"Fifteen over thirty? P'wede na rin, at least kalahati," sabi niya habang nakatingin sa papel niya. Biglaan kasi ang quiz kanina kaya hindi kami nakapag-review.
Sunod namang inabot ni Mina ang kay Bry at Harris. "Wait lang, Sandrynne. Hanapin ko muna 'yung sa'yo," baling niya sa 'kin nang mapansin niyang ako na lang ang hindi niya naaabutan ng papel.
"Eighteen ako. Ikaw Harris, ilan score mo?" tanong ni Bry rito.
"Twelve," seryoso nitong sagot. Natawa naman ako nang bahagya dahil do'n.
"Twelve? You call that a score?" pang-aasar ko sa kaniya. Naglakad si Mina papunta sa kabilang table at iniabot muna ang papel nila Jolo, Jazzmine at Tristan. After no'n ay lumipat na ulit siya sa tabi ko at iniabot naman ang papel ko. Kukuhanin ko na sana 'yon pero biglang inagaw ni Harris sa kamay ni Mina. Tiningnan niya 'yon at siya naman ang tumawa.
"Bakit? Ano'ng score n'ya?" tanong ni Honey sa pinsan niya.
"Eight," natatawang sagot ni Harris. Bumungisngis na rin si Honey kaya inagaw ko 'yung papel ko para i-check 'yon. At tama nga sila, eight lang ang nakuha ko.
Tawa pa rin nang tawa si Honey kaya tiningnan ko siya nang masama. Ano'ng klase siyang kaibigan?
Tumayo ako sa upuan ko at lumapit kina Jolo. Tiningnan ko 'yung mga papel nilang hawak. Si Jazzmine, twenty-two. Si Jolo, twenty-nine. And Tristan got the perfect score, thirty. How amazing!
Nilukot ko agad ang papel ko at shinoot sa malapit na basurahan. Nakakahiya!
"Sandrynne, ano ba'ng ginagawa mo habang nagdi-discuss si ma'am? Bakit naka-eight ka lang?" usisa ni Honey sa 'kin nang makabalik ako sa tabi niya.
"Baka naman iniisip mo si Harris kaya 'di ka nakakapag-concentrate?" pang-aasar naman ni Bry.
Sumulyap naman ako kay Harris na hanggang ngayon ay nakangiti sa 'kin dahil sa nakuha kong score.
Napailing na lang ako. May sayad yata 'to!
Pagkatapos nilang kumain, bumalik na kaming lahat sa room para sa susunod na subject.
Jazmine's POV
Lumapit naman sa 'kin si Jolo at kinuha ang dalawang libro kong nasa armchair. Katatapos lang kasi ng klase namin.
"Let's go?" aya niya. Ang totoo niyan ay wala akong balak na sumabay muna sa kaniya. "Bakit?" he asked again nang mapansin niyang tahimik lang akong nakatingin sa kaniya.
"Honeybunch, mauna ka muna sa gate. Hintayin mo na lang ako ro'n. May kakausapin lang ako saglit. Saglit lang 'to, promise!" Hindi ko na siya hinintay makasagot at tumakbo na agad ako palabas sa room.
***
Naglalakad ako sa corridor at hinahanap si Harris. Siya ang kailangan kong kausapin ngayon.
Napadpad ako hanggang sa labas at natanaw ko siyang naglalakad sa gilid ng gym. Agad akong tumakbo palapit sa kaniya.
"Sandali!" sigaw ko. Narinig niya 'yon kaya huminto siya sa paglalakad at tumingin sa direksyon ko. "You started dating Sandrynne, right?" sabi ko nang magkaharap na kami. Bahagya pa akong hinihingal dahil sa ginawa kong pagtakbo.
"So?" he responded, not having any emotions.
"Naisip ko lang na mas mabuti 'to. Masyado kasi silang close ng boyfriend ko at hindi ko gusto ang pagiging malapit nila sa isa't-isa," litanya ko.
"Boyfriend?" biglang kumunot ang noo niya.
"Oo. Si Jolo. At kahit pa sabihing mag-best friend sila, ayoko pa rin na lagi silang nagkakalapit."
"Ano'ng pinoproblema mo kung mag-best friend lang naman pala sila?"
"Hindi mo ba alam na, best friends can be the best lovers?" Nag-crossed arms ako. "Kaya ngayon pa lang, binabalaan na kita. Bantayan mo si Sandrynne. Don't let her hang out with my honeybunch. Got it?" Hindi ko na siya hinintay sumagot at umalis na 'ko agad para puntahan si Jolo sa gate.
Iyon lang naman kasi ang pakay ko sa kaniya. Natuwa pa nga ako noong makita ko 'yung post ni Sandrynne sa account niya. Mas okay na magka-lovelife na lang din siya para lubay-lubayan niya ang boyfriend ko.
Alam ko namang wala silang relasyon ni Jolo, sadyang close lang talaga sila. Pero knowing na may ibang babaeng malapit sa kaniya bukod sa 'kin, parang hindi ko 'yon kaya. Lalo na at sobrang selosa ako.
Pagdating ko sa gate ay hindi ko ro'n inabutan si Jolo. So, I decided to call him. "Hello honeybunch nasa'n ka na?" bungad ko nang sagutin niya ang phone niya. Ngunit hindi pa man siya nakakasagot ay may narinig na akong boses ng babae at alam kong si Sandrynne 'yon. "Narinig ko 'yung boses ni Sandrynne! What are you doing with her again?!" Nag-init na naman ang ulo ko.
“Iniisip kita. Ano pa nga ba sa tingin mo ang ginagawa ko?” he said and I can imagine him smiling.
"Pumunta ka na rito, ngayon na!"
“Okay, honeybunch." Narinig ko pa ang pagbungisngis niya bago ko ibaba ang phone ko.
Ilang sandali lang ay nakita ko na siyang naglalakad palapit sa akin. Kumaway pa siya at ngumiti, pero irap ang iginanti ko sa kaniya.
Paglapit niya sa akin hinawakan niya agad ang kamay ko. Ngumiti siya at saka ginulo 'yong buhok ko sa bandang harapan.
"Ano ba?!" Tinabig ko ang kamay niya dahil do'n. "Mas okay sana kung buhok ko lang ang ginugulo mo! Kaso hindi!" Lalo akong nainis dahil palagi niya rin 'yon ginagawa kay Sandrynne. Hobby na niya 'yon kapag natutuwa siya sa amin.
"Pinagseselosan mo ba si Sandrynne?"
"Hayan na naman. Sandrynne na naman ang naririnig ko sa'yo! Umalis ka na nga! Iwan mo na 'ko! Sa kaniya ka na lang sumama!" Inis ko siyang tinalikuran ngunit agad niya rin akong sinundan.
"Why would I leave such a pretty girlfriend like you and move in with a bestfriend?" Kinabig niya ako so I can face him again. "Mula ngayon, lagi na tayong magkasama."
Bigla naman nagbago ang mood ko sa sinabi niya. Iyong tipong kanina galit ako pero ngayon kinikilig ako. "Talaga?"
Sandrynne's POV
Naglalakad kami ni Honey sa gilid ng daan nang bigla siyang huminto. Nakatingin siya sa loob ng convenience store.
Tiningnan ko 'yung direksyon kung saan nakapako ang mga mata niya at may nakita akong dalawang g'wapong lalaki sa loob. Sabi ko na nga ba! Matanglawin talaga si Honey kapag may g'wapo sa paligid niya.
"Tara sa loob, makipag-friends tayo sa kanila." Hinawakan niya ang kamay ko at bigla akong hinila papasok sa loob.
Kumuha muna siya ng drinks namin at binayaran 'yon sa counter bago siya lumapit sa mesa ng dalawa.
"Hi. P'wedeng makiupo?" Nagkatinginan naman sila saglit bago ibalik ang tingin sa amin ni Honey.
"Sure," sagot ng isa habang nakangiti. Hindi namin sila school mate dahil iba ang uniform na suot ng mga ito.
Nakangiting umupo si Honey at hinila niya rin ako paupo kaya naging magkakaharap na kaming apat.
"You are?" baling ng isang lalaki kay Honey.
"I'm Honey. Ito naman si Sandrynne, kaibigan ko."
"Hi," bati nila sa 'kin. Ngumiti lang ako nang bahagya pero hindi ako kumibo. Hindi kasi ako sanay sa ganito. Kung bakit kasi hinila pa ako ni Honey rito!
Bumaling ako sa kaniya at sumenyas na umalis na kami pero umiling siya at muling ibinalik ang tingin sa dalawang lalaki na kaharap namin.
"Kayo, ano'ng pangalan niyo?" tanong niya rito.
"Daniel," sagot ng lalaking katapat ni Honey.
"I'm Darius," sabi naman ng katapat ko. Sunod ay inilabas niya ang kaniyang cell phone at in-slide 'yon papunta sa akin para kunin ang number ko. At dahil hindi ako basta-basta nagpapamigay ng number ay mali ang tinayp ko ro'n. Nanghula lamang ako. Iyong number din ni Honey ay sineyb naman ni Daniel sa phone niya. "Anyway, may boyfriend ka na ba?" muling baling sa 'kin ni Darius. "Kasi kung wala, baka p'wedeng—"
"P'wede kang mamatay." Napalingon kaming apat sa tapat ng salaming pinto at mula roon ay nakatayo si Harris habang masama ang tingin sa lalaking nasa harap ko.