Thamara
Tahimik lang ako habang nakaupo lang sa upuan at naririnig kong nakikipag-usap si Mommy Jesselle at Daddy Alexander Zeke, ang mga magulang ni Zkat sa doktor kasama si Kuya Jason. Katabi ko so Jenny Ahbigael, tulad ko ay tahimik lang din siya.
Nang magpaalam ang doktor at tyaka lang ako tumayo at lumapit sa mga magulang ni Zkat.
"Mommy—sorry po," hingi ko ng tawad sa kaniya, bakas ang pag-aalala sa mukha niya ngunit nakakahangang kalmado siya ngayon habang ako naman ay walang pag-normal ang mabilis na t***k ng puso ko habang nangingilid ang aking mga luha.
"Wala kang kasalanan, Hija—"
"Kasalanan niya, Ma!" Halos mapaigtad ako nang biglang bumulyaw si Kuya Jason habang gigil akong itinuturo, siya ang nakakatandang kapatid ni Zkat.
"Jason, stop it—"
"No, Dad! It's Thamara's fault! Kung hindi siya pumunta sa Club Lavista—"
"I said stop it!"
Natahimik si Kuya Jason nang lumaki ang boses ni Daddy Alexander.
"Pwede bang h'wag na tayong magsisihan pa?! Walang may gusto sa nangyari! Ang mabuti pa, magkasundo tayong lahat dahil 'yon ang kailangan ni Zkat Aidenry ngayon! He will undergo a major operation on his head. So please, imbes na magtalo kayo at magsisihan, magdasal na lang kayo!" may pinalidad na ani Daddy Alexander.
"Tara na," ani Mommy Jesselle na ipinagtaka ko.
"S-Saan po kayo pupunta, M-Mommy?"
"May pipirmahan na muna kaming mga papeles para sa operasyon ni Zkat, Hija." Pilit siyang ngumiti at hinaplos niya ang pisngi ko. "He'll be fine, magiging okay lang si Zkat. Ang mabuti pa ay magpahinga ka muna dahil baka makasama pa sa baby niyo ang pag-aalala mo."
"P-Pero—"
"Sige na, Ate. Makinig ka na lang kay Mommy," ani Jenny Ahbigael bago niya binalingan si Kuya Jason. "Kuya, mabuti pa siguro magpalamig ka muna ng ulo."
Matunog na bumuntong-hininga si Kuya Jason at sumabay sa mga magulang niya paalis. Naiwan naman kaming dalawa ni Jenny Ahbighael.
Sa totoo lang, sa buong pamilya ni Zkat, si Jenny Ahbigael ang pinakamalayo sa 'kin. Nag-uusap naman kami minsan pero hindi siya nagbubukas ng pag-uusapan. Minsan nga ay naiisip ko na hindi niya ako gusto para sa Kuya niya. Pero sabi ni Zkat ay pagpasensyahan ko na lang daw dahil bigla itong nagbago nang mabuntis at manganak, nawala raw ang pagkabibo nito at biglang nag-matured.
Si Kuya Jason naman ay minsan ko lang nakikita pero kinakausap niya ako lagi at kinakamusta, palagi niyang pinapaalala sa 'kin na ingatan ko raw ang kapatid niya dahil siya raw ang makakalaban ko kapag nasaktan ko raw ang kapatid niya.
Si Daddy Alexander Zeke naman, ang Daddy ni Zkat ay kaswal lang ang pakikitungo sa 'kin, sabi ni Zkat ay ganoon daw talaga ang ama niya, maski kay Zkat ay ganoon na raw ito. Nagbabago lang ito kapag si Mommy Jesselle ang kausap nito.
Kung meron man akong pinakanakakasundo sa buong pamilya ni Zkat, si Mommy Jesselle 'yon. Expressive kasi si Mommy Jesselle, maalaga at nakakatuwa siyang kausap. Naisip ko na sa kaniya namana ni Jenny Ahbigael ang pagkamadaldal nito dati.
"Ate," narinig kong sambit ni Jenny Ahbigael. "I think it's better kung uuwi na muna tayo. Sina Daddy na lang muna ang bahala dito."
"P-Pero—"
"Buntis ka, Ate Thamara. Kailangan mong magpahinga," pamimilit niya sa akin.
Napabuntong-hininga ako at napalingon sa emergency room kung saan naroon pa si Zkat. Kinakabahan ako at nag-aalala ngunit pinipilit kong wag mag-isip nang masama upang maging kalmado dahil ayaw kong maapektuhan ang anak namin ni Zkat.
Sa totoo lang, hating-hati ang isip ko ngayon pero walang magandang idudulot ang pagpapadala ko sa kaba.
"Bryan!" Tumayo si Jenny Ahbigael at lumapit siya sa kaibigan niya. "Ikaw ba ang mag-oopera kay Kuya?"
Agad akong napalingon sa kanila at nakinig ako sa usapan nila.
"Oo, kasama ako sa operation. Katatapos lang namin sa isang major operation. Maghahanda na ako."
"Bryan... Please... Gawin niyo ang lahat para maligtas si Kuya—"
"Don't worry too much," ani Bryan, sa pagkakaalam ko ay isa siyang aspiring neurosurgeon. "Sige na. Kailangan ko nang umalis, maya-maya magsisimula na ang operation, hinahanda na nila ang lahat."
Nang makaalis ang kaibigan ng kapatid ni Zkat ay niyaya na ako ni Jenny Ahbigael na umuwi, ilang minuto lang kaming naghintay sa labas ng hospital at dumating rin ang isa pang kaibigan ni Jenny Ahbigael na si Wilder.
Sa bahay ng mga magulang ni Zkat kami umuwi, sumang-ayon na rin ako dahil wala akong makakasama sa condo kung doon ako uuwi.
"Mommy!" narinig ko ang matinis na boses ng nag-iisang apo ng mag-asawang Lee, si Seven, ang anak ni Jenny Ahbigael.
Nakita ko nga ang bata na patakbong sinalubong ang kaniyang ina, mahaba ang buhok nito ngayon dahil 'yon ay kasama sa kontratang pinirmahan nila para sa pagmomodelo nito ngunit hindi iyon nakabawas sa kaniyang angking kagwapuhan, bagkos ay mas gumwapo pa ito kahit napakabata pa.
"Mama Tham!" sambit niya.
Tumango lang ako at pilit na ngumiti. Sa laki ng problema ko ngayon, hindi ko yata kayang makipagkulitan sa kaniya upang magkunwaring ayos lang ang lahat. Ang totoo ay natatakot ako, natatakot akong mawala si Zkat dahil hindi ko alam kung paano magsisimula ng panibagong buhay nang wala siya.
Hindi ko makita ang sarili kong nabubuhay nang wala siya, ngayon pa na magkakaanak na kami.
My life started again when Zkat came into my life. Nagsimula akong nabuhay muli no'ng tinanggap ko siya sa buhay ko.
Noong nakaraang linggo lang ay napakasaya at napakaayos pa ng buhay namin, bumili kami ng mga gamit ng magiging anak namin, inayos ang desenyo ng gusto naming bahay at pinagplanuhan ang aming kasal... ngunit ngayon... tila tumigil ang ikot ng mundo ko, pakiramdam ko, kalahati ng pagkatao ko ay nawawala at ang kalahati ng isip ko ay naiwan doon sa hospital.
"Ate, kung may gusto ka pong kainin, sabihan niyo na lang po si Manang. Kailangan ko na pong matulog dahil maaga pa po ako sa kompanya, tulog na rin si Sev, hahanapin ako no'n kapag wala ako sa tabi niya."
Hindi ko alam kung paano sila nagiging kampante sa kabila ng pag-aalala. Napakakalmado lang nila at parang normal lang ang araw na ito sa buhay nila. Hindi ko nga nakitang umiyak so Jenny Ahbigael, si Mommy Jesselle kanina nang makarating ako sa hospital ay hindi na rin umiiyak.
Ramdam ko ang pag-aalala nila ngunit nagdadalawang-isip ako dahil ang mga kilos nila ay para bang walang nangyari. Nakahahawa sa totoo lang.
Ngunit kahit pilitin ko mang gayahin ang kanilang pamamaraan, nangingibabaw na ang takot hindi lang sa puso ko kundi pati na sa buong pagkatao ko.
Zkat, please. Mabuhay ka, lumaban ka.