Thamara
NAGISING ako sa kwarto ni Zkat sa bahay nila dahil narinig kong ginising ako ng nakababatang kapatid ni Zkat na si Jenny Ahbigael. Maingat akong bumangon upang pagbuksan siya ng pinto.
"Ate..." banggit niya. "Pupunta ako sa hospital, sasama ka ba? Tapos na raw ang operasyon ni Kuya."
"Sige. Magbibihis lang ako saglit," sabi ko sa kaniya at dumiretso ako sa bag kong kinuha kanina ni Maureen, ang sekretarya ni Zkat doon sa condo namin.
Matapos kong makapagbihis ng simpleng damit ay sabay na kaming sumakay ni Jenny Ahbigael sa kotse na ang nagmamaneho ay ang isa sa mga driver nila.
Nang makarating kami sa hospital ay sumunod lang ako kay Jenny Ahbighael dahil mukhang alam naman niya kung saan kami patutungo. Ngunit hindi ko inaasahang sa lahat ng parte ng hospital na ito, sa ICU pa kami tumigil.
Dahil doon ay dumoble na naman ang kaba ko at inisip ko agad ang kalagayan ni Zkat, wala akong kaalam-alam sa kalagayan niya, umasa akong maayos na siya dahil mukha namang hindi nag-aalala ang kaniyang kapatid base sa kilos nito ngunit pinag-aalala ako ng ICU na ito.
Hindi pa natapos ang pagkabigla ko nang lumabas mula sa ICU si Daddy Alexander Zeke.
"Dad, kamusta na si Kuya?" Hindi ako agad nakapagsalita kaya naman laking pasalamat kong 'yon ang unang tinanong ni Jenny Ahbighael sa kaniyang ama.
"He's fine," pasimple at kalmado nitong sabi dahilan upang makahinga ako ng maluwag. "Sabi ng doktor, let's just wait for him to wake up, doon lang natin malalaman kung walang ibang komplikasyon sa kaniya."
"Eh bakit n-nandito po siya sa ICU, Dad?" Sa wakas ay nagkaroon na ako ng boses upang magtanong.
Tiningnan ako ng ama ni Zkat. "He's really fine, Hija. Nag-request lang kami na dito siya ilagay upang matutukan ng mga doktor, swerte naman kasi bakante itong ICU."
Pwede ba 'yon? Kung sabagay, gamit ang kanilang pera at koneksiyon, hindi sila mahihirapang gawing VIP ang kanilang pasyente.
"Kapag nagising na si Zkat Aidenry, ililipat na siya sa private room," dagdag pa ni Dad. "I better go now. Hindi pa kami kumakain ng Mommy niyo. Ahbi, pwede kayo pumasok sa loob ng ICU pero wag kayong magtatagal."
"Opo, Dad," sambit ni Jenny Ahbigael. Umalis agad si Daddy Alexander Zeke dahil naroon na raw si Mommy Jesselle sa cafe. Sabay kami ni Jenny Ahbigael na pumasok sa ICU, isinuot namin ang lahat ng dapat suotin. Malamig at tahimik ang buong ICU, nakita ko agad si Zkat na nakahiga roon sa isang higaan, may benda siya sa ulo at may nakakabit na sa kaniyang IV at iyong machine na nagmo-monitor sa heartbeat niya na hindi ko naman alam kung ano ang tawag.
Atomatikong tumulo ang luha ko dahil sa pag-aalala, agad ko siyang nilapitan at hinaplos ko ang kamay niya gamit ang mga kamay ko.
"Zkat..." sambit ko sa pangalan niya. "Gumising ka na agad, please."
"Wag kang umiyak, Ate, makasasama iyan sa baby. Wag kang mag-alala, gigising si Kuya."
Hindi ko talaga alam kung saan sila humuhugot ng lakas ng loob upang maging ganiyan kakalmado na para bang alam na nila ang mangyayari mamaya, bukas o sa makalawa. Ramdam ko man ang pag-aalala nila ngunit hindi ko iyon makita sa kilos nila.
Sandali kaming nanatili sa ICU, hindi rin ako pwedeng magtagal doon. Kaya naman sa sumunod na araw ay nakiusap ako kay Dad Alexander Zeke na kung pwede sana ay ilipat na lamang si Zkat sa private room upang maalagaan ko siya.
Sa una ay nagdadalawang-isip pa si Daddy Alexander Zeke, ngunit nang boses na ni Mommy Jesselle ang kaniyang narinig ay wala na siyang ibang nagawa pa kundi ang sumang-ayon.
Kaya naman sa mismong araw din na iyon ay inilipat si Zkat sa private room. Sa private room na din na 'yon ako halos tumira, ako ang nagpapalit sa kaniya ng damit, ako ang nagpupunas sa kaniyang katawan, sinigurado kong komportable siya.
Lumipas ang tatlong araw ngunit wala man lang kaming makitang palatandaan na magigising na siya, abot-abot ang kaba ko at pag-aalala ngunit hindi ako nagpadaig, pinagpatuloy ko ang aking ginagawang pag-aalaga sa kaniya.
"Matulog ka na, Thamara. Ako na ang magbabantay kay Zkat," narinig kong sabi ni Kuya Jason.
"Sige po, Kuya."
Hindi sila nagkulang sa pag-aalaga sa akin, palagi nila akong pinapapaalalahanan sa mga vitamins ko na dapat kong iniinom para sa pagbubuntis ko. Pinayagan man nila akong bantayan si Zkat dito sa hospital, hindi nila ako iniiwan mag-isa, salitan si Kuya Jason at Mommy Jesselle. Si Daddy Alexander Zeke naman ay abala sa trabaho, ganoon rin si Jenny Ahbigael dahil isa siya ang nagma-manage ng kompanya ni Zkat at iba pang negosyo habang hindi pa nagiging maayos si Zkat.
Alam kong abala rin si Kuya Jason sa sarili niyang negosyo, sa pagkakaalam ko, sa kanilang tatlong magkapatid, siya ang pinaka-workaholic sa lahat. Kaya naman hindi ko mapigilang humanga no'ng talagang pinagpapaliban niya ang kaniyang trabaho para kay Zkat, sabi rin ni Jenny Ahbigael na malaki rin ang tulong nito para sa ZAL, lalo na't ito ang COO.
Tahimik akong naupo sa sofa habang pasimple kong pinapanood si Kuya Jason na nakaupo sa isang upuan sa tabi ng hinihigaan ni Zkat.
Nang malingunan niya ako ay pilit siyang ngumiti sa 'kin bago siya tumayo at umupo sa sofa na iilang dangkal ang layo sa 'kin.
"Thank you for taking good care of my brother, Thamara," seryuso niyang sabi. "Aaminin ko, sinisi kita noong una nang hindi ko man lang inaalam ang buong katotohanan. Humihingi ako ng tawad sa 'yo dahil doon."
"Wag niyo na pong isipin 'yon Kuya," sagot ko sa kaniya. "Ang mahalaga ngayon, maayos na si Zkat. Hinihintay na lang natin na magising siya."
Tumango siya. "You really love him, huh?" aniya sabay sulyap sa kaniyang kapatid.
Tipid akong ngumiti habang nakatingin sa nakahigang si Zkat. "Sino bang hindi?" natatawa kong tanong. "Dumating siya sa buhay ko noong mga panahong walang-wala ako. Wala siyang mapapala sa 'kin noong mga panahong 'yon pero minahal niya pa rin ako."
Nagsimulang mangilid ang luha ko habang nagkukwento at nagbabalik-tanaw sa mga panahong 'yon.
"Wala akong ibang maibibigay sa kaniya kundi pagmamahal. Siya 'yong taong tumanggap sa 'kin kahit na alam niyang wala naman akong maibibigay sa kaniya."
Mabilis kong pinunasan ang luha kong tumulo. "Sorry," paghingi ko ng paumanhin dahil naging emosyonal ako sa harapan niya.
"He's very lucky to have you. He chose the right person to love," ani Kuya Jason. "I'm thankful na dumating ka sa buhay niya. Ngayon pa lang masasabi ko nang mahal na mahal niyo nga ang isa't-isa."
Matunog siyang napabuntong-hininga bago nagdugtong ng kaniyang sinabi. "Hindi kami buong magkapatid, alam kong alam mo na magkaiba kami ng ina ni Zkat... Pero bilang Kuya, ayaw kong nakikitang nahihirapan ang mga kapatid ko. I maybe silly sometimes but trust me, I treasure Ahbi and Zkat the most. Kaya ako na ang nakikiusap sa 'yo... Please choose my brother all the time."
"I will, Kuya," nakangiti kong sambit. Niyakap ako ni Kuya Jason at niyakap ko rin siya, hindi iyon ganoon kahigpit ngunit sapat lang iyon upang maramdaman ko kung gaano niya ako katanggap bilang mapapangasawa ni Zkat.
Hindi nagtagal ang yakap namin dahil pareho kaming natigilan nang marinig namin si Zkat na nagsalita.
"M-Mommy... M-Mom..."
Halos sabay kami ni Kuya Jason na napatayo at halos mag-unahan kami sa paglapit kay Zkat.
Sunod-sunod na tumulo ang luha ko sa sobrang saya nang makumpirmang gising na nga si Zkat Aidenry.
"Love, gising ka na!" tuwang-tuwa kong sambit ngunit kay Kuya Jason siya nakatingin.
"K-Kuya..." paos ang boses na aniya. "S-Si Mommy?"
"Wala pa si Mommy. Pero saglit tatawagan ko, tatawagin ko muna ang doktor, wag kang matulog ulit," halos natatarantang ani Kuya Jason at mabilis na lumabas ng kwarto.
Hindi na mapuknat ang ngiti sa labi ko sa sobrang tuwa. Hinawakan ko ang mga kamay niya at hinalikan ko iyon. "Salamat sa Diyos, gising ka na!"
Ngunit hindi ko inaasahang ang paraan ng pagtingin niya sa 'kin ay hindi na tulad ng dati.
"Zkat..."
"Please... let go of my hand," aniya na para bang hindi siya komportableng magkadikit ang mga balat namin. Agad rumagasa ang mabilis na t***k ng puso ko.
Galit pa ba siya sa' kin? Parang sinakal ang puso ko sa isiping iyon.
"Please... Move... Move away," aniya na para bang hindi niya na ako kilala, pinagkatitigan niya akong mabuti habang matindi siyang nakakunot-noo.
"Zkat..."
"Who are you?" mahina ngunit dinig na dinig ko ang katagang sinabi niya. "Sino ka ba?"