Thamara
"BOO, we're asking you. Are you ayos lang ba?" tanong ni Thalia sa 'kin.
"Ah. Ano kasi... ganito 'yan." Napalunok ako nang ilang beses. "May... kumuha sa 'kin para magtrabaho, stay-in kasi ako sa bahay nila kaya lumipat na ako."
"Stay-in?" nagdududang ulit ni Thalia sa sinabi ko. "What kind of work ba? Tyaka bakit you didn't tell us?"
"Sorry. Urgent hiring kasi." Napakamot ako sa ulo ko. "Sorry, Boo, Oli."
"Eh ano ngang klaseng trabaho, Tham? Mamaya ikapahamak mo pa, o kung hindi kaya ay maapektuhan ang studies mo," nag-aalang ani Oliver. "Sigurado ka bang safe ka do'n? Mabait naman ang amo mo?"
"Oo naman," mabilis kong sagot tyaka ngumiti. "Tinanggap ko na kasi kailangan na kailangan ko kasi talaga ng trabaho eh," sabi ko.
"Ihahatid ka namin mamaya sa bahay ng amo mo. Gusto namin makasigurado na mabait ang amo mo at tatratuhin ka nang maayos. Ano nga palang trabaho mo?"
"Yaya," mabilis kong sagot dahil 'yon ang naunang pumasok sa isipan ko. "Hindi ako pwedeng sumabay kasi sa amo ko ako sasabay eh."
"Ha? Pe—"
"H'wag kayong mag-alala ipapakilala ko naman kayo sa amo ko. Promise, okay lang talaga ako, safe ako doon at mabait ang amo ko."
Sorry, Boo. Sorry, Oli. Hindi ko talaga gustong magsinungaling pero kailangan ko itong gawin.
"Oh sige na," sabi ni Oliver, mukhang napipilitan siyang maniwala pero wala rin naman siyang nagawa.
"Basta, don't hesitate to ask for tulong from us if need mo, Boo."
"Oo naman," tatango-tangong sabi ko.
Nang matapos kaming kumain ay dumiretso na ako sa classroom ko at ganoon din naman sila. Nag-focus akong muli sa klase, mabuti nga at nakikinig pa ang sarili kong isip sa 'kin, kaya naman naintindihan ko talaga ang lahat ng klase namin. May iilang teacher na binigyan lang kami ng babasahin tyaka umalis, kaya naman nilibang ko ang sarili sa pagbabasa.
Nang matapos ang lahat ng klase ko nang alas sais, nagkita-kita kaming magkakaibigan sa canteen gaya ng nakasanayan, nilibre kami ni Thalia ng snacks bago kami umalis ng school.
"Dito na lang ako, Boo, Oli. Dito ko... h-hihintayin ang amo ko," sabi ko sa kanila nang marating namin ang waiting shed sa tapat ng school. "Ingat kayo."
"Sige, Boo. We'll go na. Baka my daddy is waiting for me at home na. He's expecting me to join him for dinner eh."
Half Filipino and Half Australian si Thalia. Ipinanganak at lumaki siya sa Australia. Nang maghiwalay ang mga magulang niya, isinama siya ng Mommy niya sa pag-uwi rito sa Pilipinas, kaya naman napaka-conyo niya pa rin magsalita, english pa rin kasi ang language nila sa bahay nila. Minsan lang sila nagkikita ng Daddy niyang Australian dahil minsan lang din ito nakapupunta rito sa Pilipinas, kaya naman, tuwing nandito ang Daddy niya, sinisiguro niyang mabibigay niya ang lahat ng oras niya rito dahil hindi niya alam kung kailan pa sila magkikita ulit.
Nang makaalis sina Thalia at Oliver, pumasok akong muli sa school. Hindi ako pwedeng dito sa school matulog dahil may mga guard na palaging nagchi-check sa school, mapapahamak lang ako.
Inayos ko ang mga gamit ko sa loob ng locker's room. Sinigurado kong hindi 'yon makikita ng janitor o janitress, minsan lang din kasing maglinis dito ang mga janitor at janitress dahil hindi naman ito masyadong natatambayan ng mga estudyante.
Matapos kong gawin ang lahat ng kailangan kong gawin ay tyaka ako lumabas ng school bitbit ang bag kong ginagamit ko sa eskwela, nakapaloob rito ang mga assignment ko na ipapasa ko dapat bukas.
Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa makaamoy ako ng mabango na nagpakalam ng sikmura ko. Hindi na ako nahirapang mahanap ang pinagmulan ng amoy dahil tanaw na tanaw ko na ang mausok na parte kung saan naroon ang nagtitinda ng ihaw-ihaw.
Mas makakatipid ako kung doon ako maghahapunan. Lumapit agad ako doon at pumili ng pwede kong kainin.
"Ate, magkano po 'tong skinless longganisa?" tanong ko sa aleng nagtitinda.
"Otso pesos lang 'yan, Maam," nakangiting aniya. "Dine in po?"
"Ah... opo," nakangiti kong sagot. "Isa po nitong skinless longganisa, Ate. Dalawa po nitong isaw tyaka dalawang order po ng rice."
"Sige po, Maam. Hali po kayo, maupo po kayo. Gusto niyo po ba ng sabaw?" tanong niya.
Nag-alinlangan akong sumagot, mapapamahal na naman ako.
"H'wag kang mag-alala, libre lang 'yong sabaw, Maam. Para na rin masarap po ang kain niyo at mabusog po kayo," nakangiti niyang sabi.
"S-Sige po. Pahingi na rin po ako ng sabaw," sagot ko. "Magkano po lahat?"
"Thirty-eight pesos po lahat, Maam," aniya.
Kinuha ko ang pitaka ko at agad akong nagbayad. Nang mailuto ang order ko ay agad rin akong kumain dahil kailangan ko pang mag-aral at gumawa ng assignments ko.
"Salamat po, Ate," pagpapasalamat ko sa nagtitinda dahil nabusog talaga ako sa kinain ko at sobrang bait niya.
"Walang ano man po, Maam. Balik po kayo."
Naglakad na naman ako nang walang direksyon, palinga-linga kung saan ako pwedeng makapag-aral ngayon. Sa awa ng Diyos, nakakita ako ng maliwanag sa sumunod na kanto na dinaanan ko, sobrang liwanag ng street light kaya doon na ako naupo malapit doon at nagsimula akong magbasa at mag-aral.
Pahirapan man sa pagsusulat, kinaya ko pa rin naman. May ilang dumadaan at pinagtitinginan ako pero wala naman akong pakialam sa kanila.
Bandang alas nuwebe na akong natapos, bumalik ako sa paglalakad upang makapaghanap ng matutulugan. Pumunta akong muli sa kapilya ngunit nakasara na 'yon. Wala akong ibang nagawa kundi maghanap na lang ulit.
Nakakita ako ng bakanteng pwesto, may nakita akong mga batang kalye, kaya naman ay hindi na ako nag-inarte at agad na akong humiga roon at pinilit ang sarili kong makatulog.
Ganoon lang ang naging takbo ng buhay ko sa sumunod pang mga araw. Tuwing umaga ay gumigising ako nang maaga para makapaghanap ng banyo para makaligo, mabuti na lang nakakilala ako ng maintenance sa public comfort room at hinahayaan niyang iwan ko muna doon sa area niya ang nilabhan kong damit. Sa school ako nag-aagahan at nanananghalian at sa hapon naman ay doon ako sa may ihawan naghahapunan. Tipid na tipid ang budget ko. Hindi rin naging maramot ang tadhana sa 'kin, dahil 'yong maintenance ng public comfort room na si Aling Nina ay hinayaan akong matulog sa area niya dahil regular naman siyang umuuwi sa kanila.
Malinis naman ang lugar dahil may mga masahista rin na tumatambay tuwing umaga at tanghali at naghihintay ng costumer. At least, hindi ko na kailangan pang maghanap ng matutulugan, kapalit ng pagtulog ko sa area ay ang pagtulong ko kay Aling Nina sa paglilinis ng banyo.
"Oh, Thamara. Mauna na ako ha? Baka hinihintay na rin ako ng anak ko, mag-lock ka ng pinto. Mag-ingat ka dito."
"Sige po, Aling Nina, maraming salamat po," sabi ko sa kaniya. "Ingat rin po kayo sa pag-uwi niyo."
Nang makaalis si Aling Nina ay tyaka ako lumabas sa maliit na pwestong tinutuluyan ko, sinarado ko 'yon at agad akong naglakad papunta doon sa ihawan.
Magdadalawang linggo nang ganito ang sitwasyon ko, mahirap, pero kakayanin. Nagkakaroon din ako ng pera sa pagtulong kay Aling Nina doon sa public comfort room, tuwing wala akong pasok ay tumutulong rin ako sa pag-i-entertain ng mga costumer ng mga masahista. Ang totoo ay naging mga kaibigan ko na rin sila at natutuwa ako tuwing nakakausap ko sila.
Napakabait nilang lahat sa 'kin, binibigyan nila ako ng pera bilang tulong nila sa 'kin, malaking tulong na rin, kahit papaano ay may income ako.
"Hello, Ate," nakangiti kong bati sa tindira ng ihawan.
"Uy, Maam. Ano pong atin?"
"Gano'n pa rin po," sabi ko kay Ate at umupo na sa nakasanayan kong pwesto.
"Ahbi! Wag matigas ang ulo, it's not healthy!"
"Wag ka ngang epal, Kuya. Sabi nga nila, eat germs sometimes. Tyaka sure naman akong nilinisan ito nila Ate na tindira."
"Ahbi!"
Napalingon ako sa dalawang taong narinig kong nagtatalo. Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang malingunan ko si Zkat na sobrang sama ng mukha, nakabusangot, seryusong-seryuso at nakakunot-noo.
"Ate, magkano 'to?" narinig kong tanong ng kasama ni Zkat na babae.
"Limang piso lang 'yan, Miss. Malinis po 'yan, sinigurado po namin na malinis ang paninda namin," nahihiyang sagot ni Ate.
"Oh! Kita mo na, Kuya?" sabi ng babae. Mas bata pa kaysa kay Zkat ang itsura nito, may hawig silang dalawa. "Sampo akin, Ate."
"Sige po, Maam. Maupo po muna kayo," magiliw na sabi ng tindera.
"Tara, Kuya. Upo raw muna tayo."
Nang makita ko silang umupo malapit doon sa tindira ay inayos ko ang upo ko at tumalikod ako sa kanila para hindi ako makita ni Zkat, pero hindi ko napigilan ang sarili kong makinig sa usapan nila.
"Grabe! Ang bango naman, Ate," narinig kong sabi ng kasama ni Zkat. "Pasensya na po kayo dito sa kuya ko, Ate. Mainit po kasi ang ulo nito lagi kasi araw-araw may regla ito."
Bumingisngis nang tawa ang tindira dahil sa biro ng babae.
"Subukan mo rin kasing kumain sa ganito, Kuya. Mura lang, tapos masarap. Subukan mong dalhin 'yong mga dini-date mong babae rito, baka sakaling magustuhan ka. Napaka-intimidating kasi ng pagkagalante mo."
"Shut up, Ahbi. I don't do dates, alright? I'm busy."
"Ay, busy-busyhan para di halatang basted." Humagalpak ng tawa ang kasama ni Zkat, hindi ko rin napigilang matawa, nakahahawa kasi ang tawa ng kasama ni Zkat, mukhang kapatid niya yata.
"Maam, ito na po ang order niyo," sabi noong lalaki na kasama ni Ate na tindera, mukhang mister niya yata.
"Salamat po, Kuya."
Nagsimula ako sa pagkain habang nagpatuloy ako sa pakikinig sa madaldal na kapatid ni Zkat.
"Kuya, wala akong cash, ikaw na muna magbayad ha?"
"Oo na. Kailan ka ba natutong magbayad? Panay kapit sa libre ka lang naman!" narinig kong masungit na sabi ni Zkat. "Matagal pa ba 'yan? May dinner meeting kami ni Daddy ngayon."
"Hayaan mo na si Daddy, kaya niya na 'yon," sagot ng kapatid niya. "Oh, ayan na pala eh, nilalagyan na lang ni ate ng ketchup."
"How much po?" narinig kong tanong ni Zkat.
"50 pesos po, Sir."
"Here..."
Nilingon ko sila at nakita ko silang sumakay sa isang magarang kotse, nakita ko pang sinusubuan si Zkat ng kapatid niya pero hindi kumain si Zkat, napakaarte.
Nang makaalis sila ay tinapos ko na rin ang pagkain ko. Busog na busog na naman ako sa order kong dalawang isaw, isang skinless at dalawang order ng rice na may kasamang libreng sabaw.
"Ate, tapos na po ako. Ito na po ang bayad ko," sabi ko nang makatayo ako sabay abot ng thirty-eight pesos ko.
"Ay, Maam, okay na po," sabi ng tindira na ikinalaki ng mga mata ko sa pagtataka.
"Hindi pa ako nagbabayad, Ate. Ito na po ang bayad ko."
"Hindi na po kailangan, Maam," nakangiting sabi ng tindera. "Binayaran na po no'ng lalaking masungit na maarte na may kasamang madaldal na babae ang order niyo."
Biglang nalaglag ang panga ko sa sinabi niya.
Nakita ako ni Zkat?!