Chapter 6: Ihawan 2

2107 Words
Thamara WALA sa sarili akong naglalakad pabalik sa tinutuluyan ko. Napabuntong-hininga na lang ako nang marating ko ang tinutuluyan ko dahil sa kahihiyan. Hindi ko alam kung bakit ako nakararamdam ng hiya dahil lang sa nakita ako ni Zkat. Hindi naman siya mahalaga sa 'kin, ayaw ko nga sa kaniya, pero heto ako at hindi mapakali dahil lang sa nalaman kong nakita niya ako doon. Pagod akong inilatag ang malaking karton sa sahig na tiles, kinuha ko ang unan at kumot na ibinigay sa 'kin ni Aling Nina. Kinuha ko ang notebook ko kung saan naroon ang mga notes ko na mula sa mga librong binasa ko kanina sa library. Pinilit kong magbasa habang hinihintay kong dalawin ng antok ngunit gano'n na lang ang inis ko nang matapos kong mabasa ang dalawang pahina na wala man lang naiintindihan maski isa. Niligpit ko na lang muli ang aking notebook at nahiga na lang ako sa higaan na aking inihanda bago ko pinilit ang sarili kong makatulog. Kinaumagahan ay nagising ako ng alas singko ng umaga, kaya naman dumiretso na ako sa pagligo sa banyo, mabilis kong nilabhan ang aking school uniform na nagamit ko kahapon at isinampay sa labas, sa likod ng banyo. Bandang alas sais ay dumating si Aling Nina, tama ring tapos ko nang masiguro na malinis nang muli ang banyo. "Magandang umaga po, Aling Nina," nakangiti kong bati sa kaniya. "Magandang umaga rin sa 'yo, Thamara. Ah... eh nag-agahan ka na ba?" "Ah, doon na po ako mag-aagahan sa school. Baka po ma-late po ako eh, maglalakad pa po ako." Napakamot siya sa kaniyang noo. "Eh paano kung ma-late ka nga? Edi hindi ka na nakapag-agahan. Oh s'ya, heto... may binalot akong agahan para sa 'yo. Pasensya ka na, pritong tuyo lang ito na may maraming kamatis," aniya at ibinigay sa akin ang dalawang disposable na baonan. "Naku... nag-abala pa po kayo, Aling Nina. Salamat po." Nakangiti akong nagpaalam sa kaniya, pinakahuling dapat kong maramdaman sa sitwasyon ko ngayon ay hiya, tama... Kailangan kong kunin lahat ng opportunity at tulong na pwede kong makuha ngayon. Bahala na. Libre na ako sa agahan, hindi na ako makagagastos ng bente o trenta pesos dahil meron na akong agahan, bawat sentimo o piso, mahalaga. Matapos kong maglakad ng higit sampong minuto, narating ko rin ang paaralan namin, dumiretso ako sa canteen para kumain. "Thamara..." Hindi pa man ako nakadalawang subo ng pagkain ko ay narinig ko na ang boses ng kinaiinisan kong lalaki. "Ano na naman?!" pasinghal kong tanong kasabay ng pagsimangot at pagtagpo ng aking mga kilay. Nakita ko siyang umupo sa harapan ko, napapagitnaan namin ang mesa, inilapag niya ang plato niyang may lamang sandwich at isang buong mansanas, at dalawang bote ng tubig. "Take this water," aniya gamit ang malalim na boses at inilipat malapit sa 'kin ang isang bote ng tubig. "Hindi ko kailangan 'yan," masungit kong sabi. Akala ko ay magsasalita pa siya pero nagsimula na siyang kumain. Napabuntong-hininga na lang ako at bumalik sa pagkain ko. Paminsan-minsan ay sinusulyapan ko siya, dahilan upang mag-init ang ulo ko dahil sa titig niya sa 'kin habang kumakain siya. Hindi ko rin natagalan ang kakaiba niyang titig dahilan para masungitan ko na naman siya. "Pwede ba?! Tigilan mo ang katititig sa 'kin?!" Kumunot ang noo niya at mahinang natawa. "You're nice to stare at." "Kasalanan ko?" taas-kilay kong tanong. Ngumiti siya at umiling rin matapos ang ilang sandali at uminom siya ng tubig. Tumayo siya at nagulat ako nang damputin niya ang mansanas at inilagay niya sa tabi ng baonan ko. "Bakit—" "Sa 'yo na," aniya at dinampot ang plato niya at ang bote ng tubig na ininuman niya. Akala ko ay aalis na siya pero muli niya akong tiningnan. Tipid siyang ngumiti sa 'kin, hindi ko alam kung paano niya nahuli ang paningin ko, nagkatitigan kaming sandali sa mga mata at hindi ko rin alam kung bakit nagdulot 'yon ng kakaibang pakiramdam sa 'kin. "Nakalimutan ko palang sabihin sa 'yo nitong mga nakaraang araw..." kalmado niyang sabi. "Mahal kita, Thamara." Umalis siya at naiwan akong napatulala, madalas niya akong sinasabihan ng ganoon lalo na kapag nangungulit siya ngunit ngayon lang ako nagkaroon ng reaksiyon dahil doon. Hindi ko tuloy napansin na nasundan ko na pala siya ng tingin. Napatingin ako sa mansanas na ibinigay niya, tiningnan ko rin ang tubig. "Hey, Boo!" Halos mapaigtad ako sa gulat nang marinig ko ang boses ni Wrathalia. "Oh? Why you look so gulat? And... why ka nakangiti earlier? Something good happened?" Ako? Ngumiti? Hindi ah! "Bakit naman ako ngingiti?" natatawa kong tanong kay Boo. "Aba malay ko," aniya. "By the way, I'm here to tell you na I cannot join you for lunch, may lakad kami ni Dad. I'm just here to submit my assignments." "Gano'n ba?" tanong ko. "Oh sige. Ingat ka, mag-enjoy ka." "Thank you, Boo. Oli texted me too. He's having lagnat daw. Sorry, Boo. Mukhang you'll be alone for lunch na naman," nakasimangot niyang sabi. "Why don't you join us na lang? So you can relax din, you're very serious about your studies naman kasi." Umiling ako. "Hindi na, Boo. Tyaka bonding niyo 'yon ng Daddy mo 'yon. Ayos lang ako, enjoy ka. Paki-text na lang din si Oli, pakisabi magpagaling na siya agad." "Siguradong gagaling agad 'yon dahil sinabi mo," natatawang aniya at nagpaalam nang aalis. Pumunta na ako sa classroom ko at nagsimula rin ang klase ilang sandali lang matapos kong makaupo sa aking upuan. Mag-isa nga akong nananghalian dahil wala ang mga kaibigan ko. Nakababagot at nakawawalang gana pero naubos ko pa rin ang binili kong kalahating order ng pinakbet at kanin. Nang magkaroon ako ng vacant sa panghuling subject dahil binigyan lang kami ng teacher namin ng topic na aaralin, dumiretso na ako sa library para makapag-research sa mga librong naroon. Nagsisimula pa lang ako sa pagbabasa nang maramdaman kong may umupo na naman sa harapan ko. "Thamara..." Sa tono pa lang ng pagbanggit niya sa pangalan ko, nakilala ko na agad siya. "H'wag kang magulo, nag-aaral ako," nakakunot-noo kong sabi. Napahinga ako ng maluwag nang mapansin kong natahimik na siya at hindi na nga ako ginulo. Nasa gitna na ako ng pagbabasa at pagsusulat ng mahahalagang terms at information galing sa binabasa ko nang mapansin ko siyang tumayo, pagbalik niya ay may inilapag na siyang libro. "Psychology?" wala sa sarili kong sambit nang makita ko ang librong dala niya. Agad din akong nagsisi at napahiya dahil hindi ko na dapat siya pinansin pa. "Why? Is there something wrong about my book, Thamara?" tanong niya gamit ang normal na malalim niyang boses. "W-Wala naman," mabilis kong sambit at agad ring bumalik sa pagbabasa. "You know... I should study this one," aniya. "Maybe this can help me understand your behavior." Nag-angat ako ng tingin sa kaniya, nakaawang ang mga labi. "Bakit? What about my behavior?" nakakunot-noo kong tanong. "You're... rude." "I know." Inirapan ko siya at muli kong tiningnan ang librong binabasa ko ngunit hindi na ako nakapagbasa pa dahil hinihintay ko ang sagot niya. "Sa akin ka lang rude, Thamara... Why is that?" tanong niya sa 'kin. "Is there something about me that you hate? Did I do something bad to you?" "Wala," matigas kong sabi. "Ikaw ang hindi ko gusto at wala kang nagawang kasalanan sa 'kin pero malaki ang kasalanan mo sa maraming babae at babae rin ako, Zkat Aidenry Lee." Mahina siya natawa. "You think I will hurt you?" inosente niyang tanong. Hindi ako sumagot at nagpatuloy ako sa paglipat sa susunod na pahina ng libro kahit hindi naman ako nagbabasa. "Date me, Thamara. I promise, it'll be worth it," pagkumbinsi niya sa 'kin. "Hindi ka magsisisi, pangako 'yan. Hayaan mo akong ligawan ka." Tiningnan ko siya nang masama. "At kapag napa-oo mo ako, kukunin mo lang sa 'kin ang gusto mong makuha at iiwan mo ako. Hindi ako pinanganak kahapon lang, Zkat Aidenry, alam ko ang history mo sa babae." "Are you thinking that I'm only after for s*x?" natatawa at napamaang na aniya, mukhang hindi siya makapaniwala. Hindi ako nagsalita, napabuntong-hininga ako at tamad ko siyang tiningnan. "Come with me," aniya. "Kumain tayo." "Ayaw ko." "Thamara... Kahit ngayon lang," aniya. Hindi ko maintindihan kung bakit may kakaiba akong nakikitang emosyon sa mga mata niya. "Please... kahit ngayon lang, pagbigyan mo ako." "Bakit ba napakakulit mo?!" naiinis kong tanong ngunit kontrolado ang lakas ng boses gaya ng kanina dahil nasa library nga kami. "Please..." Napapikit ako at napabuntong-hininga, wala nang nagawa dahil nakaramdam na rin ako ng gutom. "Tara." "Really?" Nanlaki ang mga mata niya, hindi ko inaasahan ang malaking ngiti sa labi niya at ang maliwanag na emosyon niya sa mukha. Niligpit ko ang mga gamit ko, pagkatapos ay kinuha ko ang libro at lumapit ako librarian para hiramin ko ang libro. Nang makabalik ako sa table ay nakatayo na siya bitbit ang gamit niya at ang bag ko naman ay hawak ng kamay niya. "Akin na," sabi ko at hinablot ko na agad ang bag ko, nauna na akong maglakad ngunit naramdaman ko naman siyang sumunod hanggang sa maramdaman ko siya sa tabi ko. Tahimik kaming naglakad papunta sa exit ngunit ilang sandali pa ay kinalabit niya ako. "Dito na, magkotse na lang tayo," aniya at bigla ring natigilan. "Ahm... is it okay with you?" Tumango na lang ako at sinundan siya nang maglakad. Lumapit kami sa isang SUV, hindi ito ang sasakyan na gamit niya kahapon, itim kasi ito, 'yong kahapon ay kulay puti at silver, ito ay itim at silver. Pinagbuksan niya ako ng pinto at inalalayan pang makasakay bago siya pumunta sa driver's seat at nagsimulang magmaneho. "Are you comfortable?" tanong niya nang tuluyan na kaming makalabas ng gate. Tumango lang ako. Napakabango ng loob ng kotse niya, tuloy ay nahihiya akong sumandal sa sandalan ng upuan dahil baka mabaho ako at kumapit doon ang amoy, nakahihiya. Akala ko ay dadalhin niya ako sa isang mamahaling kainan na pinakaayaw ko talaga sa lahat. Hindi ako komportable sa mga ganoong klase ng mga restaurant dahil nahihiya ako, pakiramdam ko ay hindi ako babagay sa ganoong lugar. Kaya naman, nagulat ako nang huminto kami sa ihawan. Oo, sa ihawan niya ako dinala, ang mismong ihawan kung saan ako palaging naghahaponan. Napatingin ako sa kaniya, kunot-noo, nagtataka ako at hindi ko lubos maisip na dito niya ako dadalhin kahit na natuwa naman ako na dito niya ako dinala. "Well... I..." Matunog siyang napabuntong hininga. "My sister told me na intimidating daw ang gumastos nang malaki at biglaan... so... I—ahm..." "Ayos lang." Wala sa sarili akong napangiti. "Thank you." Nakita ko siyang ngumiti at lumabas na ng kotse, akmang pagbubuksan ko na sana ang sarili ko ngunit pinagbuksan na niya ako. Lumapit kami agad sa tindira. "This is actually my first time eating this... so... what can you recommend?" tanong niya. Hindi ko alam kung bakit natawa ako sa kaniya. Recommend? Para akong nag-eendorso. "It's my treat, Thamara," sabi niya sa 'kin at tinawag ang tindera. "Ate... what's this?" "Alin po, Sir?" "This..." Tinuro niya ang pulang manipis na karne. "Tocino po 'yan, Sir," sagot ni Ate. "Twelve pesos po 'yan." "Okay, I know this one—" "Magtagalog ka," saway ko sa kaniya. "Oh. Sorry," hingi niya ng paumanhin. "Lima akin nito, Ate." "Sige po, Sir." Nginitian ko si Ate nang magtama ang tingin namin. Malamang ay kilala niya ako at alam ko ring naaalala niya si Zkat, ang masungit at maarteng lalaki na pumunta rito kahapon kasama ang babaeng madaldal. "Dalawang isaw, Ate," sabi ko. "Make it five. Gawin niyo na palang sampo itong tocino, Ate." "Ahh... heto po ang plato, Sir. Mukhang marami po ang bibilhin niyo, ilagay niyo na lang po rito ang order niyo," sabi ni ate at muling nagpaypay ng niluluto niya. Binalingan ko si Zkat na nakatingin sa mga display at mukhang nag-iisip pa kung anong kakainin niya. "Pagkatapos natin dito, uuwi na tayo agad ah," sabi ko sa kaniya. Tiningnan niya ako bago siya ngumiti at tumango. Nagulat ako nang bigla na lang siyang kumuha nang kumuha sa mga display na naroon, hindi na binibinilang, nilalagay na lang sa plato. Napamaang tuloy ako at mabilis siyang inawat. "Teka lang!" malakas kong pigil sa kaniya. "Bakit napakarami naman yata n'yan?" "Syempre... mas maraming pagkain, mas matagal tayong matatapos kumain, mas matagal din kitang makakasama," sabi niya at ngumisi sabay bigay kay ate ng mga napili niya, punong-puno ang plato, apaw na apaw. "Paki-kwenta na lang po kung magkano lahat, Ate. Thank you." Binalingan ako muli ni Zkat at kitang-kita ko sa mukha niya ang ngiting tagumpay. Napakatalino mo nga talaga, Zkat Aidenry Lee.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD