Thamara
Bumaba ako sa sasakyan ni Oli, hinatid niya ako pauwi, alas otso na ng gabi dahil kaninang alas syete y medya natapos ang last subject ko.
"Salamat, Oli," sabi ko sa kaniya bago kumaway. "Ingat ka pauwi."
Tumango lang siya at ngumiti bago siya tuluyang nag-drive paalis. Pumasok na ako ng building at dumiretso na sa apartment ko. Binuksan ko 'yon gamit ang sarili kong susi ngunit nagulat ako nang makitang nakabukas na ang pinto.
Agad rumagasa ang mabilis na t***k ng puso ko, baka pinasok na ng magnanakaw ang apartment ko!
Ngunit imbes na magnanakaw ang madatnan, tumindi lang ang kaba ko nang makita ko si Miss Villaflor.
"Patay!" wala sa sarili kong bulong habang pinapakalma ko ang aking sarili.
Tumayo si Miss Villaflor mula sa prenteng pagkakaupo sa isang monobloc chair kasabay ng paggalaw niya ng kaniyang pamaypay.
"Miss Villaflor! Magandang g-gabi po!" Nginisihan ko pa siya habang nag-iisip ng ipapalusot. "Ang ganda niyo po yata lalo ngayon—"
"Bayad mo," diretsahan niyang sabi, tumayo sabay lahad ng palad niya.
Patay ka na talaga, Thamara!
"Ah... ganito po kasi 'yon, Miss Villaflor, maupo po muna kayo." Nilapitan ko siya at pinaupong muli sa inupuan niya kanina ngunit hindi nawawala ang mukha niyang parang handang-handa nang manakmal kahit anong oras.
"Hindi pa po kasi ako nakahahanap ng trabaho po," mabilis kong sabi. "Pero h'wag po kayong mag-aalala. Promise, magbabayad po talaga ako—"
"Kung wala kang pambayad ngayon din, kailangan mo nang umalis dahil may uupa na rito sa pwesto mo."
"Po?!" napalakas ang pagkakasabi ko. "Pero Miss Villaflor—"
"Ang usapan ay magbabayad kayo buwan-buwan sa 'kin. Aba! Eh hindi ko naman pinopondo sa bangko 'yang mga binabayad niyo. Kuryente at tubig pa rito at may mga anak akong nag-aaral. Naku naman talaga! Kailangan ko rin ng pera! Hindi rin naman ako milyonarya!"
"Pero, Miss Villaflor, kung magbabayad po ako sa inyo ngayon baka wala na po akong kakainin sa susunod na buwan." Binabaan ko ang boses ko para humingi ng pabor.
"Oh! Eh kung pagbibigyan kita baka gumaya ang iba sa 'yo. Oh! Eh paano na lang ako? Mahal ang matrikula ng mga anak ko!"
Napahugot ako nang malalim na hininga upang pakalmahin ko ang sarili ko.
"Miss Villaflor. Please, nakikiusap po ako sa inyo, hayaan niyo po. Kapag nakahanap ako ng trabaho ay babayaran ko po agad kayo—"
"Naku! Eh hindi pwede 'yan," reklamo niya agad. "Oh sige na. Magbalot ka na dahil kailangan mo nang umalis. Lahat tayo, eh nangangailangan ng pera! Kung pagbibigyan kita, paano naman kami, aber?"
"Miss Villaflor—"
"Tapos ang usapan." Tumayo siya. "Kailangan eh pagbalik ko ay naihanda mo na ang mga gamit mo, dahil kung hindi, aalis ka na walang dala kahit anong gamit," aniya pa at lumabas na ng apartment ko.
Malalim akong napabuntong-hininga at nanghihinang napasandal sa dingding. Nangilid agad ang luha ko.
Saan naman ako matutulog ngayon? Wala akong cellphone para tawagan si Oli at Thalia, nakakahiya naman kung pupunta ako sa kanila agad-agad, isa pa, malayo ang bahay nila mula rito.
Panay ang pagtulo ng mga luha ko, nag-uunahan sa pag-agos habang nilalagay ko sa bag ko ang mga damit ko.
Kung babayad ako ngayon kay Miss Villaflor, baka wala na akong makain sa susunod pang mga linggo. Priority ko ang pagkain ngayon, bahala na.
Mga damit lang ang nilagay ko sa malaki kong bag at nilagay ko naman sa bag kong dinadala ko sa school ang mga gamit ko para sa eskwelahan. Iiwan ko na lang ang iba kong gamit dito dahil bukod sa mahihirapan lang akong bitbitin 'yon, ipambabayad ko na lang din 'to sa perwisyo ko kay Miss Villaflor.
Umiiyak akong lumabas ng apartment, dala ko ang dalawang bag, isang malaki at isang katamtaman lang at isang maliit na sling bag kung saan ko inilagay ang aking debit card, pitaka at kararampot na perang hindi tataas sa limang daan.
Mula sa apartment ko ay naglakad lang ako nang naglakad, naghahanap ako ng lugar kung saan ako pwedeng magpalipas ng gabi. Napapabuntong-hininga ako sa bawat hakbang ko habang panay ang pagpunas ko sa mga luha ko at pagpipigil ng hikbi.
Bakit kailangan ganito kahirap ang buhay ko? Bakit kailangan akong maiwang mag-isa? Palagi kong iniisip na kaya ko, naniniwala akong kaya ko, pero kung ganito naman lagi katindi ang pagsubok sa buhay, parang gusto ko na lang sumuko.
Walang direksiyon ang mga paa ko, basta na lang akong naglakad habang umiiyak, naninikip ang dibdib ko at parang sasabog ang utak ko sa kaiisip kung paano na ako ngayon.
"Mama, Papa..." sambit ko. "Saan na ako pupunta ngayon?"
Patuloy ako sa paghikbi, patuloy ako sa pag-iyak habang patuloy rin ang pagpupunas ko ng luha ko.
Namanhid na lang ang mga paa ko sa kalalakad pero wala pa rin akong nakikitang lugar na maaari kong tulugan.
Umupo ako sa tabi ng kalye para makapagpahinga, ngunit hindi pa rin natigil ang pag-iyak ko sa sobrang sama ng loob.
Habang nagpapahinga ay pinilit ko ang sarili kong matigil sa pag-iyak habang palinga-linga kung saan ako pwedeng makatulog. Ngunit naramdaman ko ang pagkalam at paghapdi ng aking sikmura, tyaka ko lang naalala na hindi pa pala ako naghahaponan.
Wala na akong mabibilhan ng pagkain ngayon. Bahala na. Tiis-tiis na muna siguro.
Nagliwanag ang mukha ko nang may matanaw akong kapilya sa di kalayuan. Mabilis akong tumayo nang mapagdesisyonan kong puntahan 'yon.
Tamang-tama! Halos mapatalon ako sa tuwa nang makitang bukas naman ang kapilya. Mabilis akong pumasok, nag-sign of the cross at umupo sa isa sa upuang naroon.
Tiningnan ko ang imahen sa aking harapan, atomatikong tumulo muli ang luha ko. Atomatiko akong napaluhod at napahagulhol ng iyak habang mariing nakapikit ang mga mata at mahigpit na magkahawak ang aking mga kamay sa aking harapan.
"Lord..." umiiyak kong sambit. "Wala na po akong ibang mapupuntahan. Nakikiusap po ako ngayon sa inyo. Please! Tulungan... niyo po ako."
Hirap na hirap na akong magsalita kakaiyak.
"W-Wala na po talaga akong mapupuntahan... h-hindi ko na po... alam kung saan—saan ako pupunta ngayon. Lord! Please! Nakikiusap ako sa 'yo."
Nagpatuloy ako sa pag-iyak habang nakaluhod, panay ang paghingi ko ng tulong sa isip ko. Nilabas ko lahat ng luha ko, lahat ng sama ng loob, iniyak kong lahat ng 'yon.
Hanggang sa unti-unting humupa ang luha ko. Tahimik na lang akong umupo sa upuan at hindi na umiiyak. Dito na lang siguro ako matutulog, medyo malapit na rin naman 'to sa school.
Tiningnan ko ang mumurahin kong relo sa bisig ko. 10:23 PM na. Tiningnan ko ang pinto ng kapilya, siguro naman ay wala nang pupunta rito para magdasal.
Tumayo ako at sinara ko ang pinto ng kapilya, mabuti na lang at may lock sa loob. Inilagay ko sa sahig ang bag kong may laman na mga damit ko, humiga ako sa sahig at iyon ang ginawa kong unan at niyakap ko naman nang mahigpit ang isa kong bag.
"Mama, Papa..." sambit ko na para bang kasama ko lang sila, "Patapos na po ang araw na 'to. Masaya po akong nakaya ko po kahit papaano."
Mapait akong ngumiti at pinikit ko na ang aking mga mata at ilang sandali lang ay hindi ko na namalayang nakatulog na pala ako.
KINABUKASAN ay nagising ako nang banda alas kwatro dahil sa pangangalam ng sikmura ko. Tamad na tamad akong bumangon habang iniinda ang sakit ng buo kong katawan dahil sa malamig at matigas na sahig.
Kinuha ko ang mga gamit ko at agad akong pumunta sa school. Ako pa lang yata ang tao rito maliban sa mga maintenance, janitor, janitress at guard. Mabilis kong inilagay ang lahat ng gamit ko sa locker, ang hindi nagkasya ay inilagay ko na lang sa gilid.
Malalim akong napabuntong-hininga, pakiramdam ko ay umiikot na ang paningin ko dahil kahapon pa no'ng tanghalian ang huling kain ko na isang order ng kanin at isang pirasong pinritong hita ng manok.
Hindi pa nga ako nakapagbihis, ang uniform na suot ko kahapon ay s'yang suot ko pa rin ngayon.
Sobrang hirap! Grabe! Tiniis ko na lang ang gutom ko dahil wala pang tinda sa canteen ngayon. Kinuha ko na lang ang malinis kong uniform at tuwalya bago ako alisto at dahan-dahan na pumunta sa banyo, ingat na ingat ako dahil baka makasalubong ko ang isang maintenance o taga-linis, mapaalis pa ako dito nang wala sa oras o di kaya ay ipatawag ako sa principal's office, bawal itong ginagawa ko pero wala na rin akong choice.
Sa awa ng Diyos, nakarating ako sa banyo nang hindi nahuhuli ng kahit na sino. Hindi na ako nagtagal pa, mabilis akong naligo, at dahil walang shampoo at sabon, hindi na lang din ako naglagayn no'n, basta lang mawala ang natuyong pawis at alikabok sa katawan ko, tama na 'yon.
Hindi na rin ako nagtagal, matapos kong maligo at makapagbihis ay maingat akong bumalik sa locker's room at doon na ako nagsuklay ng buhok ko.
Medyo nawala na ang gutom ko, nawala na sa isip ko. Naghintay ako sa locker's room hanggang mag-alas sais kung kailan may iilan nang estudyante sa school at may tinda nang pagkain sa canteen.
Mabilis akong pumunta sa canteen at bumili ng makakain dahil gutom na gutom na talaga ako.
"Isang sunny side-up egg po at dalawang cup ng rice, Ate," order ko sa kahera.
Sampong piso bawat cup ng rice dito, sampong piso din ang sunny side-up egg at libre na ang tubig. Sa halagang trenta pesos ay nabubusog na ako, titipirin ko na lang ang ulam ko para magkasya sa dalawang cup ng rice.
"Heto na po, Miss," sabi ng kahera.
"Salamat po, Ate. Ito na po ang bayad." Pagkabigay ko ng bayad ay mabilis na akong pumunta sa isang table at kumain, wala na akong halos lakas dahil sa gutom sa totoo lang, nanginginig na nga ako sa gutom kaya naman nang makaupo ako ay mabilis akong kumain.
Wala pang kinse minuto ay natapos na ako sa pagkain. Ngayon lang ako tuwang-tuwa dahil sa labis na kabusugan. Hindi bale nang wala muna akong matirahan sa ngayon, ang mahalaga ay may pangkain pa ako, ang mahirap ay 'yong wala na akong pera pambili ng makakain.
Nagpapasalamat pa rin ako, kahit ganito kahirap, at least nakakakain pa rin ako at nakakapag-aral. At least, naka-survive ako kahapon.
Nang magsimula ang klase naman ay pinilit ko talagang ituon ang buong atensyon ko sa pag-aaral. Hindi ko na inisip ang ibang problema, mamaya na 'yon kapag wala nang klase.
Tuwang-tuwa ako nang makakuha ako ng mataas na score sa dalawang quiz ko, kaya naman, naging maganda ang mood ko nang magtanghalian, pero hindi rin nagtuloy-tuloy dahil nagkita kami ng mga kaibigan ko at ginisa nila ako ng tanong.
"Saan ka natulog kagabi, Thamara?" tanong ni Oli sa 'kin. "Sabi ng land lady niyo sa 'kin kanina ay wala ka na raw sa apartment mo?"
Napalunok ako ng ilang beses at hinanda ko na ang sarili kong magsinungaling. Ayaw na silang pag-alalahanin, ayaw kong maging pabigat sa kanila, nakakahiya na.