ISANG BUWAN ANG lumipas, mas nakilala na ni Yvony si Hiro. Para sa kaniya, lahat ng hinahanap niya sa isang lalaki ay nasa katauhan na nito. Hinihintay na lang niya na pormal itong magpaalam sa kaniya na liligawan na siya para makatuntong na sila sa pangalawang antas ng pag-iibigan nila. Ang panliligaw. Sa isang buwan na lumipas, mas pinalapit na sila sa pagtatapos sa kolehiyo. Hindi niya maitatanggi na nanabik na siyang makuha ang medalya at diploma niya. Katas iyon ng paghihirap niya na ang tanging sandata niya ay ang pagmamahal niya sa kaniyang pamilya at pagtitiwala lamang sa Diyos. Sa buwan na nagdaan, isa sa pinakamasayang nangyari sa kaniya, mas naging malapit na sila ni Dior sa isa’t isa. Nakikita niya ang unti-unting pagbabago ng ugali nito. Ito na nga rin ang nag-aayos ng higaa