"MABUTI at naka punta ka rito," bati ni Marie nang makarating siya sa hotel. “Antagal kitang ma-contact, inday.”
"Ano ba ‘tong pinuntahan natin, ‘day?” Niyakap niya ang babae. “Venue at oras lang ang sinabi mo sa ‘kin.”
Inakay siya nito sa seat nila. "Hindi mo natanggap ang invitation na na-send ko?"
Umiling siya bago umupo.
Ngumiti ito. "Gathering sa batch natin noong college – Davao City chapter.”
“Guest din natin si Saimon Lemuel Halcon.” Umupo ito sa tabi niya.
“Techinically, hindi siya rito nag-aral sa Davao pero malaki rin ang naitulong ng mga negosyo nila sa progress ng city."
Ramdam niya na tila naging excited ang mga tao sa paligid kaya napalingon siya sa entrance ng venue.
"Ayan, dumating na ang VIP," ani Marie.
Napasinghap siya nang makita ang matangkad na lalaking pumasok sa venue. “Siya si Saimon?"
“Yup, the one and only.”
“Ito ‘yong lalaki kahapon sa mall,” ‘di mapigilang bulas niya.
“Mall?” Tumaas ang kilay ni Marie.
Biglang uminit ang mukha niya. “Ah wala.”
Mabuti naman at diretsong nag-umpisa ang programa kaya hindi niya sinagot si Marie sa mga follow up questions nito. Napalunok siya nang maalala ang kahihiyang nagawa kahapon kaya hindi niya matingnan nang diretso ang special guest nila.
Nakita niyang kinikilig ang ibang mga kababaihan nang magsalita ang guest sa harapan.
"Anong nangyayari sa kanila?" bulong niya tukoy niya sa mga babae sa paligid.
"Hindi ko rin alam." Nagkibit-balikat si Marie.
Sa totoo lang hindi siya nakinig sa kung anong pinagsasabi ng Saimon Lemuel na ‘yan. Mas excited siya sa buffet table na nasa gilid nila.
“Ang boring naman ng lalaking ‘to,” bulong niya. Napatingin siya sa relo. “Seven minutes pa lang siyang nagsasalita sa harapan pero parang thirty minutes na .”
Siniko siya ni Marie.
"Gutom na ako," bulong niya at tiningnan ulit ang relo niya.
Napasiko si ulit si Marie sa kaniya.
“Ano?” Naiinis na bulong niya rito.
Sumenyas si Marie sa stage. Nakaupo naman sila sa third table from the stage pero hindi niya alam kung bakit uminit ang mga pisngi niya nang namalayang napatingin si Saimon sa vicinity nila.
Shet! Anong nangyayari?Anong kamandag meron ang higanteng ‘to?
Kumalam ang kaniyang sikmura at napangiwi siya. Dapat talaga kumain muna siya ng snacks kanina.
“Matagal pa ba ‘yan?” bulong niya sa hangin. “Anong meron ba sa lalaking ‘yan?”
"Kasi nasa kanya na lahat," mahinang sagot ng babaeng katabi niya, “guwapo, matalino, mabait at mayaman."
Nagulat siya nang marinig ang sagot. Nilingon niya ang katabi at nasorpresa. "Oy Bianca, ikaw pala ‘yan. Sorry hindi kita nahalata."
Hinagod siya ng tingin mula ulo hanggang paa at ngumiti ito ng matamis. “Halatang-halata kita, Carla.”
Gusto sana niyang rumesbak ng sagot ngunit nagpalakpakan na ang mga tao sa paligid hudyat na tapos na ang speech ng guest speaker. Sasagot na sana siya kay Bianca nang mag-announce ang emcee regarding sa reminders ng pagkain kaya na divert ang atensyon niya.
Yes, kainan na!
Hinila siya ni Bianca papuntang buffet table. “Halika na Carla, baka mapano ang mga alaga mo sa tiyan.”
Tumawa siya. “Obvious ba talaga?”
Malumanay na sumunod si Marie sa kanila. “Rinig ng buong hotel ang kalam ng sikmura mo.”
Nagkwentuhan silang tatlo habang kumukuha ng pagkain sa buffet table. Napasulyap siya sa table ni Saimon at nakita ang lalaking nakaupo habang kinakausap ng coordinator ng event. Wala pa ring bahid ng emosyon ang guest samantalang tawa ng tawa naman ang kausap nito.
Naalala niya bigla ang panyong binigay nito kahapon. Mabuti nalang at dala-dala niya ang panyo kasi nagbabakasakali siyang maisauli niya ito sa may-ari. Sisiguraduhin niya lang makahanap ng tiyempo para isauli ang panyo ng lalaki.
"Uy may nahagip akong cheka tungkol sa speaker natin," mahinang kuwento ni Bianca nang nakaupo na sila. Ang babaeng ‘to ang broadcaster nila sa tsismis, hindi lang sa school kundi pati sa local scandals, pwede na ring isama ang national, international at inter-galactical news.
Patay malisya siya habang isinusubo ang fish fillet. "Hmmm...?"
"Jilted groom siya," excited na sabi nito.
'Jilted groom! Jilted groom! Jilted! Jilted bride! Ako! Ako!' Parang bombelyang pabalik balik na patay sindi ang utak niya.
Nakita niyang pasimpleng kumain ng puto habang pinandidilatan ni Marie si Bianca. Pero hindi naka-gets ang babae kaya patuloy ito sa paghahatid ng balita. “Ang masaklap kasi iniwan ito ng bride sa araw ng kasal mismo! Imagine siya pa ang nag request sa mga bisita na dumiretso sila sa reception area para kumain."
Napahinto si Carla sa pagkain. Akala niya siya na ang may pinaka masaklap na love story sa history ng mga sawing pag-ibig. Akala niya magpapadala na siya ng liham kay Ate Charo na pinamagatang ‘Punyeta ka Aron, nakuha mo ang lahat sa Akin.’
Alam ni Carla na mali ang maging masaya sa kamalasan ng iba. Pero inaamin niyang medyo napawi ang pagiging bitter niya nang malamang mas grabe ang kahihiyang sinapit ng guest speaker nila.
Who dared to hurt this guy on his wedding day? Jilted groom ang tall, fair and chinitong lalaki sa harapan niya? Oh my!
Napapikit siya ng konti at napadasal sa isipan, “Lord, siguro dapat sibakin niyo na si Kupido sa trabaho niya.”
Tila isang bombilya ang lumiwanag sa kung anong meron sa utak ni Carla nang dumilat siya. Na-challenge siguro si Kupido sa sinabi niya kaya pinindot nito ang switch ng ilaw sa kaniyang isipan at napaisip siya ng ‘May bond talaga kami ng higanteng rebultong ‘to.’
"Anong nangyari pagkatapos?" hindi niya mapigiliang magtanong.
Pero nabaling ang atensyon ni Bianca sa katabi nito. Gusto niyang isiksik ang sarili sa pag-uusap ng dalawa pero wala siyang ibang narinig kundi “Talaga?”, “Grabe naman ang ginawa ng babae", at "Tsk tsk!"
Kaya inayos niya ang pagkakaupo at kumuha nalang siya ng suman at ito naman ang sinimulan niyang papakin.
"’Day, alam mo ba ano ang name ng bride ni Saimon?" bulong ni Marie sa kanya. Nakinig pala ang bruha sa tsismisan. Sa lahat lahat kasi ng kaklase niya sa college, si Marie ang silent type at hindi masyadong nakiki-tsimis. People change talaga, ika nga.
"Hindi ata nasabi ni Bianca. Teka lang, tatanungin ko." Pero bago pa siya maka tawag sa babae ay sumagot si Marie pero hindi niya nakuha.
"Ano? Hindi ko narinig."
"Ruby. Ruby del Castillano," lahad nito.
Napaubo si Carla at nahulog ang kinakaing suman sa mesa. Ang sakit lalo na’t may butil ng bigas na nakabara sa ilong niya. Binigyan siya ni Marie ng tissue paper at pinilit niyang suminga. Naluluha ang mga matang tiningnan niya ang kaibigan. “Huwag mong sabihin ‘yan ang Ruby na itinanan ni Aron?"
Hindi niya alam kung ano ang extent ng impormasyon ang alam ni Marie ukol sa nangyari sa kaniya. Pero tumango ang kaibigan at napagtanto niya na malalim na pala ang alam nito.
"Paano mo nalaman?" Kumuha siya ng tubig at uminom.
"Ipagpalagay na lang natin na may credible source ako. Itago natin sa pangalang 'common friend'." Ngumiti ang babae. “Cousin-in-law ni Saimon actually.”
Biglang may kirot sa puso niya at gustong pumatak ng luha niya. What a small small world!
Napatingin siya sa kinaroroonan ng lalaki at napaatras siya ng kaunti kasi sumagi ang atensyon nito sa lamesa nila. Walang emosyong kumaway ito.
Namumukhaan niya ako?
Slightly kumaway rin siya kahit diskumpyado.
Napatawa si Marie kasi may taong mula sa likuran nila ang lumapit sa lalaki at nag-usap ang mga ito. Hiyang-hiya siya sa ginawa niya. Sana hindi siya nakita nito.
Assuming ka na masyado, Carla!
Nag excuse siyang pupunta ng CR pero lumabas siya sa may bandang pool. Sa totoo lang gusto muna niyang i-compose ang sarili niya. Ayaw niyang mag eksena sa loob baka kasi hindi niya mapipigilan ang kanyang emosyon kapag nakarinig pa siya ng tsismis tungkol sa jilted groom.
Hindi niya alam kung anong mukha ang ihaharap niya kung mahalungkat pa nila ang nangyari sa kaniya.
‘Oh Lord, may solusyon ka ba sa sakit na ‘to? Kahit band-aid solution lang oh!’
Umupo siya sa isa sa mga reclining chairs at bumuntong-hininga ng pagkalalim-lalim. Maganda ang panahon, kumukuti-kutitap ang mga bituin sa kalangitan at parang niyayakap siya ng malamig na simoy ng hangin. Para na talaga siyang aktres sa isang Karaoke video sa ginagawa niyang pag-emote.
Okay lang kung ibubuhos niya ang pag i-emote kasi walang tao sa kapaligiran pwera na lang sa couple na naghahalikan sa madilim na bahagi ng pool area.
Gi-atay! Baka dito mag s*x ‘tong dalawa.
Tatayo na sana siya nang medyo natapilok siya sa paa ng upuan at natumba siyang nakahiga sa recliner.
“Anong brand ng recliner na ‘to?” natatwang tanong niya. “Matibay.”
"Okay ka lang?" Biglang may isang boses na bumungad sa kawalan.
“Are you talking to me?” mahinang tanong niya. Ayaw din niya naman kasing mag-assume na siya ang tinatanong kaya halos pabulong lang ang pagbigkas niya.
“Yes.”
Napaupo siya bigla at nag finger-combed sa buhok niya. Tila dumikit ang plastic niyang ngiti sa kaniyang buong mukha nang mapagtanto kung sino ang kausap niya.
“He-hello.” Nanginginig ang kamay niyang kumaway dito.
Tumango lang ito.
“O-okay lang ako.” Hindi niya alam kung sa lamig ng gabi o sa kaba kaya garalgal na ang boses niya.
Tumango ulit ito.
“Ikaw?” tanong niya rito.
Tumaas ang kilay ng kausap.
“Okay ka lang ba?”
“Bakit naman hindi?” tanong nito sa kaniya.
"Nabalitaan ko kasi na iniwan ka sa araw ng kasal mo,” walang prenong sabi niya.
Tahimik ang paligid.
Uminit ang mukha niya nang mapagtanto ang mga salitang binitawan.
Nakakahiya!
Lumingon siya sa pool area at hinanap ang dalawang taong nagromansahan kanina, baka kasi narinig nito ang sinabi niya. Napabuntong-hininga siya dahil wala na ang mga ito.
Tiningnan niya ulit ang lalaki at nakita niyang kumunot ang noo nito. "Mr. Halcon, I am the ex-fiance of Aron. He's the one Ruby went away with. Iniwan niya ako isang araw bago ang kasal namin. Hindi ko talaga alam na ikakasal din pala si Ruby…”
Nag relax konti ang defensive stance nito pero halata pa ring nagdududa ito sa kanya. Saimon sighed. “I’m sorry about this mess.”
“Ako rin,” sagot niya.
“Don’t you think it’s a lil bit weird?” Umupo ito sa katabing reclining chair at napatingin sa pool.
“Ang ano?”
“Fate.”
“May mas weird pa sa iniisip mo,” sabi niya.
Lumingon si Saimon sa kaniya. “Tell me.”
She sadly breathed out. “Will you marry me Mr. Halcon?"