APAT na buwang naghintay si Carla na kumontak man lang si Aron pagkatapos nitong iwan siya. Okay lang kahit na sabihin na ipokrita siya dahil may katiting pag-asa pa ring sumibol sa puso niya na tawagan siya ng dating katipan. Hindi rin naman talaga basta nawawala ang pagmamahal ng isang tao kahit gaano pa ito nasaktan.
Walang Aron na nagparamdam.
Masaya na talaga ito sa piling ni Ruby.
Nagmukmok siya sa bahay ng apat na buwan at ang karamay lang ang kaniyang stuffed toys at junk foods. Hinintay niya pa rin si Aron pero walang nangyaring milagro kundi tumaba siya ng fifteen kilos, nag dry ang skin niya, umitim ang gilid ng mga mata niya at hindi na shiny ang buhok niya. Wala rin siyang maituturing na best friend kasi hindi siya friendly by nature at higit sa lahat wala rin siyang trabaho dahil pinahinto siya ni Aron. Paubos na rin ang savings niya.
'Why am I like this?' Isip niya habang inaayos ang mga damit niyang bagong laba.
"Carla, kain na," tawag ng nanay niya.
Dali-dali siyang pumunta sa hapag-kainan na hinihingal. Napansin ito ng kaniyang ina. "Carla mag exercise ka nga. Pa enroll ka doon sa Zumba class."
"Nanay naman, sexy pa naman ako," maktol niya habang kumakain ng humba.
Pinandilatan siya ng ina. “Siguro papalitan ko ang weekly meals natin. Vegetables from Mondays to Fridays at karne sa weekends."
"Pero kasalan mo rin kasi, Nay," sabi niya habang ngumunguya. “Ang sarap ng luto mo.”
"Bibig mo Carla." Hinampas siya nito sa braso. Oh, siya nga pala, tumawag si Marie, kaklase mo raw sa college."
"Anong sabi?" Napataas ang kilay niya.
Isa sa mga close friends niya noon si Marie. Naghiwalay ang landas nila nang mag decide siyang magtrabaho sa Cagayan de Oro at nagpaiwan naman ang kaibigan sa Davao City. At nakalimutan niya ring imbitahin ang babae sa kasal niya. Kaya medyo nagi-guilty siya nang marinig ang pangalan ng babae.
"May reunion daw kayo bukas," sabi ng ina.
"Grabe naman kayo, Nay. 'Di niyo pa nakuha ang details." Ibinaba niya ang kubyertos at kumuha ng isang saging. "Ayoko pa sanang bumalik sa social media."
Apat na buwan rin siyang walang social media life, apat na buwang hindi niya sinasagot ang calls at texts ng ibang tao maliban sa nanay niya.
"May masusuot ka pa ba?" Hinagod nito ang anyo niya. "Feeling ko wala na. Pumunta ka nga ng mall at mamili ka ng damit."
"'Yokong lumabas." Kinagat niya ang saging at exaggerated na ngumuya sa harapan ng ina.
Kinuha nito ang natitirang saging sa kamay ng anak. "Carla, ano ka ba? Mag-momongha ka ba? There's more to life than heartbreak."
"Hmmm..." Kumuha ulit siya ng saging at binalatan.
"Carla, nakikinig ka ba?"
"Hai, okasan!" Nginitian lang niya ito.
Lumabas din siya ng bahay pagkatapos ang dalawang oras. Dadak ng dadak ang nanay niya kaya sinunod na rin niya ito. Dumiretso siya sa pinakamalapit na mall at bumili ng black dress. Tinawagan din siya ng ina na bumili ng food supplies nila sa grocery kaya dumiretso na siya sa supermarket. Napadaan siya sa isang kiosk sa loob ng supermarket at bumili ng makain habang patingin-tingin sa paligid.
"Andiyan na si sir! Bilis, alisin niyo ang nakaharang na stocks na daan," mahinang utos ng isang empleyado. Muntik siyang mabunggo sa pagmamadali nito. Tiningnan siya nito at yumuko ng konti. "Sorry po, ma'am."
Ngumiti lang siya. "It's okay."
"Ma'am heto na po ang order niyo." Agaw pansin sa kaniya ng tindera ng Takoyaki.
"Sinong andito?" tanong niya habang inabot ang binili.
"May-ari ng JRG mall," bulong ng tindera, "kaya ang sisipag ng mga empleyadong magtrabaho ngayon."
"Talaga ha." Nagkibit-balikat siya at walang kiyemeng sinubo ang isang Takoyaki ball.
"Ma'am, mainit pa ho 'yan," paalala ng tindera.
's**t! Ngayon ka pa nagsabi...'
Gusto niyang iluwa ang kinain pero nasasayangan siya kaya pilit niyang nguyain ang tila nag-aapoy na Takoyaki ball. Concentrated siya kung papaano mapalamig ang pagkain sa bibig kaya hindi niya masyadong namalayan ang paparating na mga tao.
"Sir, heto na po ang new kiosks para sa mga customers na gustong kumain dito sa loob ng supermarket." Narinig niyang balita ng isang naka-unipormeng empleyado.
"Hooooo...." biglang nasabi niya sabay paypay sa bibig para pumasaok ang hangin. Struggle talaga para sa kaniya ang temperature ng pagkain at ramdam niya ang tumutulong pawis sa buong mukha niya.
Napatingin bigla ang grupo sa kaniya.
"Okay ka lang ba, miss?" tanong ng isa sa mga naka uniporme.
Nag thumbs up sign siya kahit tumutulo na ang luha niya. "I-i-init."
Nabigla siya nang may panyong itim na bumalandra sa paningin niya. Automatic na inabot niya ito at hindi napigilang iluwa ang kinain sa panyo.
"Salamat." Tulo laway na sabi niya. "Lalabhan ko lang 'to."
"No need," tanging pahayag ng may-ari.
"Pero..." Tumingala siya at muntikang mag c***k ng batok niya sa tangkad ng kaharap.
Maputi ang lalaki at tsinito.
Shit! Bakit naman similar kay Aron? Buweset naman oh!
Pero 'cool' ang dating ng ex-fiance niya kumpara sa kaharap na tila isang rebulto dahil walang emosyon ang makikita sa pagmumukha nito.
Hinagod siya ng tingin ng lalaki bago ito lumakad palayo kasama ang mga alipores nito.
Naiwang napanganga si Carla hawak ang panyo.
"Ma'am, 'yon ho ang may-ari," bulong sa kaniya ng tinder ng Takoyaki.
"None of my concern," tanging sambit niya.
Tinawag siya ng tindera ng Takoyaki pero hindi na niya ito pinansin at dumiretso na siya sa counter upang magbayad ng mga pinamili.
"Carla, anong nangyari sa'yo?" Namilog ang mga mata ng nanay niya nang makauwi siya.
"Ha?"
"Inutusan lang kitang bumili ng grocery oy!" Nakapamewang ang ina habang tinitingnan siya. "Huwag kang drama queen diyan."
"Ha?" Inilapag niya ang pinamili sa kusina. "Bakit, ano bang nangyari?"
"Hala, tumigin ka sa salamin." Utos ng nito.
Napatakbo siya sa CR at tiningnan ang sarili sa espiho. Kaya pala parang kinakausap siya ng cashier, bagger at taxi driver kanina. Pero naka earphone siya at hindi na niya pinansin ang mga ito kaya hindi niya alam na may gustong sabihin ito sa kaniya.
Ngayon alam na niya.
Nag-smudge ang mascara at eye liner niya. Literal na nagmukha siyang losyang na panda.
Sabi na nga bang ayokong lumabas eh!