PANAY tingin ng mga supermarket employee kay Sir Genesis. Sino ba namang hindi? Bukod sa matangkad at malaki ang pangangatawan ay napaputi niya rin at napalinis tingnan. Iba talaga ang dating ‘pag paborito ni Lord. Sana naging paborito rin ako para tumangkad naman ako kahit papaano.
Panay tulak ko ng cart habang nakasunod naman siya sa akin. Pinagpapasadahan niya ng tingin ang mga nakadisplay na goods. “Bati na ba tayo, Sir? Hindi ka na ba galit sa akin?” tanong ko sa kanya. Ang mga babaeng nakakasalubong namin: Matanda man o dalaga ay naghahagik-ikan sa tuwing nakikita si Genesis.
“Why makes you think so?” tanong niya. Ang kanyang isang kamay ay nakatago sa kanyang bulsa habang kumukuha ng goods saka nilalagay sa cart na tinutulak ko.
“Kasi dahil sa nangyari kagabi, Sir. To be honest, Sir Gen. Akala ko talaga na mapapalayas mo na ako sa bahay mo.” Ani ko na lamang sa kanya. Tumabi siya sa akin kaya naamoy ko ang kanyang pabango. Kung ako naging jowa nito, siguro hindi ko titigilan ng pag-amoy nito hangga’t hindi namamaga ilong ko. “Tapos hindi ako makapaniwala na sinasamahan mo ako ngayon,” ani ko at napakagat ng ibabang labi. Juliet! Hindi naman naglalandi ang tao sa ‘yo pero bakit mo iniisip na sumama siya sa ‘yo dahil may gusto siya sa ‘yo?
“I just want to make sure na tama ang pinagbibili mo.” aniya. Hindi naman convincing.
Teka? Hindi kaya tama ang hinala ko? Hindi kaya may gusto si Sir Genesis sa akin? May nararamdaman siya kaya hindi siya nagalit at sinamahan niya pa ako rito? Ikinawit ko ang takas na hibla sa likuran ng aking tenga. Hindi nga nagkamali ng pagpapalaki ng mga magulang ko sa akin. Bukod kay Ruther, nabihag ko rin si Genesis.
Habang namimili siya ng gatas ay nasa likuran niya lamang ako. Sinuguro kong walang tao bago ako nagsalita. “Sir, ano kasi…” panimula ko. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Hindi ko siya gustong i-reject pero kailangan. Naiimagine ko na lalabas siya ng supermarket na ito na lumuluha.
Nilagay niya sa cart ang sugar saka bumaling sa akin bago naglakad para mamili pa. Sumunod na lamang ako sa kanyang likuran. “May mahal akong iba, Sir. Kaya hindi ko kayang magmahal ng bago ngayon.” Pahayag ko sa kanya. “Hindi kita gustong saktan, Sir. Pero sana maintindihan mo. Alam ko naman na umpisa lang ang masakit pero kalaunan masasanay rin ang puso mo.” Patuloy ko. Nahinto siya kaya nabunggo ang cart sa pwet niya.
“Sorry, Sir!” singhal ko. Bumaling siya sa akin habang nakakunot ang kanyang noo.
“What are you talking about?” tanong niya.
“Hindi kita mahal, Sir. May mahal akong iba,” ani ko sa kanya. Mas lalong kumunot ang noo niya. Mako-compress na ang mukha niya sa kakakunot niya.
“Huh? What are you thinking? At paano mo nasabi ‘yan?” tanong niya sa akin. Nahinto siya sa pagpili at humarap sa akin para tanungin ako. Hindi agad ako nakapagsalita. Huwag niya sabihin na mali na naman ang iniisip ko?
“Wala kang gusto sa akin?” tanong ko sa kanya. Mas lalong kumunot ang noo niya.
“You’re not my type,” tugon niya. Aray! Yes or no lang naman ang sagot sa tanong ko e pero bakit sobrang sakit naman ng sagot niya.
“B-bakit mo ako sinamahan?”
Tumalikod siya at nagsimulang mamili ng mga goods. “Wala akong tiwala sa ‘yo. Baka hindi ka na bumalik ng condo kapag binigyan kita ng pera pambili ng supplies.” Tugon niya. Parang ako yata ang makakatakbo nang luhaan paalis ng supermarket. Kung nilinaw niya nang maaga edi sana hindi na ako nag-assume pa!
Napapikit ako nang mariin habang nakasunod lamang sa kanya. “Why do you always think things exaggeratedly? Ganyan ka ba talaga?” tanong niya habang namimili ng itlog. Natural lang naman mag-isip ah kasi tao naman ako, binigyan ng utak.
“Bakit, Sir? May kakilala ka bang hindi nag-iisip?” tanong ko sa kanya. Sumulyap siya sa akin kaya nagtama ang mga mata naming dalawa. Mabilis akong umiwas at napatingin na lamang sa ibang bahagi ng supermarket kunwari, wala akong nakitang gwapong mukha. “Ang ibig kong sabihin, binigyan ng Diyos ang bawat isa sa atin ng utak para makapag-isip. Kung hindi ka nag-iisip ibig sabihin wala kang utak.” Patuloy ko.
Buntong hininga ang pinakawala niya saka siya nagpunta sa wet goods. Mataas ang mga paa niya kaya malaki din ang hakbang niya. Lugi akong hindi katangkaran na patakbong nagtutulak ng cart para mahabol siya.
“Sir, hindi ka naman hinahabol ng takas sa mental kaya bakit ang bilis mong maglakad.” Reklamo ko. Namimili siya ng kalabasa saka niya nilagay sa cart ko ang naglalakihang limang kalabasa.
“Hindi hinahabol pero kasama ko ngayon,” tipid niyang sabi. Napalingon lingon naman ako sa paligid, hinahanap kung sino ang tinutukoy niya.
“Sino at saan?” tanong ko. Nakahawak siya sa bawang nang mapatingin sa akin. Nasulyapan ko ang sandaling multo ng ngiti sa kanyang labi bago ito naglaho nang bumaling siya sa bawang na hawak hawak niya.
“Nasa giliran mo,” tugon niya. Napatingin ako sa giliran pero sariling repleksyon sa salamin ang nakikita ko.
“May iba ka bang nakikita na hindi ko nakikita, Sir?” tanong ko sa kanya. Hindi kaya part-time espiritista to si Sir Genesis? May nakikita siyang hindi ko nakikita? Multo? Kaya ba parati siya roon sa secret room niya kasi may multong nagtatago roon? Tumindig ang balhibo ko sa iniisip ko. Niyakap ko ang sarili ko at hinimas ang magkabilang braso ko.
Napansin ko ang pagpigil ng ngiti sa kanyang labi bago niya kinuha ang cart at siya na mismo ang nagtulak. Sumunod naman ako sa kanya. “May third eye ka, Sir?” tanong ko pa sa kanya.
“Yes,” tipid niyang tugon habang namimili ng mga iba pang gulay. Napasinghap ako at napatakip ng aking nakangangang bibig.
“Ano pa ang nakikita mo, Sir, maliban sa multo?” kuryoso kong tanong. Napatingin siya sa akin bago nilagay ang pechay sa cart.
“Hindi ka na magkaka-boyfriend kahit na kailan.” Aniya at ngumisi. Nahinto ako sa aking kinatatayuan habang siya ay nagpatuloy sa paghahanap ng gulay. Punyal ang tumama sa aking dibdib nang marinig ang sinabi niya. Kung gayon, dahil sa pagmamahal ko kay Ruther ay wala na akong mahahanap na iba. Ang pagmamahal ko kay Ruther ay magiging sumpa na hindi na ako magkakagusto sa iba kahit na kailan.
Napatingin ako kay Sir Genesis nang lumingon siya sa direksyon ko. “Come on. Kailangan na nating pumila sa cashier bago dumami ang mga tao.” Aniya sa akin at naunang naglakad.
HABANG pumipila ako at si Sir Genesis naman ay naghihintay lang sa harapan ng Cashier, nakadekwatro ang upo sa bench habang kumakain ng ice cream at nakatingin lamang sa kung saan: Minsan sa akin, minsan sa cashier, minsan sa mga taong dumadaan.
Hindi mawala sa isipan ko ang mga sinabi niya. Nilagay ko sa counter ang mga goods saka ako nagbayad. Matapos ang pagbabalot ay buong akala ko si Sir Genesis ang magdadala noon pero nauna lamang siyang naglakad nang makita ako. Umiling na lamang ako at hindi na nagreklamo. Niyakap ko ang lahat ng pinamili, halos mabitawan ko na ang isang binalot kasi wala namang handle iyon at mabigat.
“Sir, hindi mo ba ako tutulungan?” tanong ko sa kanya.
“Kaya mo na ‘yan,” tipid niyang sabi. Kaya siya iniiwan ng jowa e kasi hindi siya gentleman. Napatigil kami nang makalabas kami ng supermarket dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan. Sa kabilang kalsada nakapark ang sasakyan niya kaya hindi kami makatuwid dahil sa ulan.
“Damn,” bulong niya pero sapat na para marinig ko. Sumilong kami sa giliran ng supermarket kasabay ng mga taong tapos na ring bumili. “Can you drive?” tanong niya sa akin. Huwag niya sabihin ako ang tatakbo papunta sa car niya kapag sinabi kong marunong ako.
Sorry siya wala akong driver’s license. “Hindi,” tugon ko. Bahagyang naiirita dahil sa pagka ungentleman niya. Huminga siya nang malalim at napatingin sa sapatos niyang malinis pa sa budhi niya. Namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Ang ingay lang ay sa ulan at sa mga mosang mga nasa giliran namin.
Mayamaya ay napabaling ako sa pamilyar na babae at lalake sa giliran ko. Sinusubuan ng lollipop si Ruther ng babae niya. Sweet na sweet sila habang nakayakap naman si Ruther sa pinamili nila. “Juliet?” tanong niya nang napasulyap siya sa akin.
“Ruther…” mahina kong sambit. Ang eksena sa kasal niya ay bumalik sa aking alaala. Nanigas lang ang paa ko sa sahig habang pinagmamasdan siya kasama ang jowa este asawa niyang tattoo ang kilay. ‘Yong pinalit niya sa akin na mukhang ingrown ko sa paa. Gusto ko na tuloy magpatimpisaw sa ulan habang nagmamakaawa sa kanya na bumalik siya sa akin pero nandito si Sir Genesis.
Baka kung ano ang isipin niya sa akin. “Kahit saan ba ako magpunta ay naroon ka rin? Juliet, hindi ka ba nagsasawa kakahabol sa akin? Hindi na kita mahal!” umalingawngaw ang boses niya na siyang dahilan ng pagbaling ng mga tao sa kanya. Natameme ako at hindi nakapagsalita. Wala naman akong sinasabi ah.
Sa giliran ng mga mata ko ay napansin ko ang pagbaling ni Sir Genesis sa amin.