Session Road
Somewhere In Baguio
Sa isang sikat na pook pasyalan at isa sa mga binibisita ng mga lokal na turista, maging ng mga nasa ibang bansa, doon nakatira ang isang labingwalong taong gulang na babae. Araw-araw ay umaakyat siya mula sa nakakahingal na daan galing sa kaniyang tahanan upang magbenta ng mga carrots na na-ha-harvest niya sa kanilang pananim.
Sanay na sanay na ito sa mabibigat na mga gawain gayan ng pagbubungkal ng lupa, pagtatanim, pagdidilig, at pag-spray ng fertilizers sa mga pananim nila. Iyon lamang ang kayang gawin niya. Parehong hindi nakatapos ng elementarya ang magulang niya. Maaga rin siyang nagtrabaho. Hanggang hayskul lang siya pero hindi rin tinapos nang magkasakit ang kaniyang ina at kailangan ng kaniyang ama ng makakasama sa bukiring tanging iyon lang ang mayroon siya.
"Kailangan ko na ang pera. Hindi ko na mapapalagpas ang palugit na hinihingi mo."
Nasa bungad pa lamang siya ng tarangkahan ng kanilang bahay nang marinig ang pamilyar na tinig na iyon. Hindi pa naman siya nakikita ng kaniyang ama kaya umatras muna siya at umupo sa sementadong hugis-kwadradon daanan upang makinig.
"Alam mo namang may sakit ang aking asawa. Baka pu-puwedeng humingi pa ng isang buwang palugit."
"Isang buwan? Pagkatapos ng isang buwan, isang buwan na naman ulit? Ilang isang buwan na ba ang narinig ko mula sa iyo ha?"
"Pasensiya na talaga. Matumal lang talaga ang kita ng mga pananim ko sa palengke. Alam mo namang malayo rin ang lugar natin sa kapitolyo. Sana maintindihan mo."
Wala siyang alam sa kung anuman ang sinasabi nitong utang ng kaniyang ama. Ang tanging alam lang niya ay may sakit ang ina at kailangan ng pambili ng gamot. Tama naman ang kaniyang ama sa pagsasabing matumal ang kita at malayo nga sila sa kapitolyo. Kailangan niyang maglakad, akayat-baba rin siya mula sa kanilang bahay patungo roon.
"Ikaw ang nangailangan noong kailangan mo ng pera. Dahil kaibigan kita, pinahiram kita. Isinanla mo sa akin ang bahay at lupa mo. Ilang buwan na ang nakalipas? Ay hindi pala. Isang taon mahigit na mula nang ibigay mo sa akin itong titulong laging dala-dala ko kapag pumupunta ako rito. Nagbabakasakali rin akong mabayaran mo ako. Pero hanggang ngayon, ni isang kusing, wala. Lagi na lamang palugit ang naririnig ko mula sa iyo. May pamilya rin akong pinapakain. Ilang beses na kitang inintindi."
Hindi alam ng labingwalong taong babae na ganoon na pala katagal ang utang ng kaniyang ama. Ang masaklap pa, nakasanla ang bahay at lupa nila. At hindi niya magugustuhan ang iniisip na susunod na gagawin ng kaniyang ama.
"Isang buwan lang. Humihingi ako ng palugit. Please. Kung guarantee ang hinihingi mo—"
"Amang!" Napigilan niya ang susunod na sasabihin ng kaniyang ama. Nang makita itong bumaba at papasok sa kanilang bahay ay umiling siya.
Alam na niyang gagawin niyang guarantor ang bukirin nilang naipamana pa sa kanila dekadang taon pa. At iyon ang hindi niya mapapayagan.
"Magandang hapon po, Ninong."
Nagmano muna siya at tumayo katabi ng kaniyang ama. Yumuko ito sa harapan ng kaniyang ninong at humingi ng paumanhin.
"Ninong. Ako na po ang humihingi ng paumanhin sa kung anuman ang nagawa naming mali."
"Anak. Huwag mong—"
Sinubukan ng kaniyang amang pigilan siya pero hindi ito natinag. Nanatili pa rin siyang nakayuko at ipinagpatuloy ang paghingi ng tawad.
"Oh siya. Sige. Isang buwan. Iyan lang ang huling maibibigay kong palugit. Kapag hindi pa rin kayo nakapagbayad, kailangan ninyong ibigay naman ang titulo ng bukirin ninyo upang gawing guarantor ulit. O kung ayaw mo naman, kukunin ko ang limang porsyento ng kita mula sa bukirin ninyo."
"Maraming salamat po, Ninong."
"Ikaw namang bata ka. Sa susunod, huwag kang sisingit o basta-basta na lamang lilitaw sa kung saan sa usapan ng matatanda. Kahit 18 years old ka na ay hindi mo pa rin alam ang puno at dulo. Kaya sige, dahil sa iyo, pagbibigyan ko ang hiling ng iyong ama. Basta tandaan mo ang mga sinabi ko ha?"
"Opo. Maraming salamat po ulit, Ninong."
Hindi na nakapagsalita ang ama nito. Sinundan na lamang nilang pareho ng tingin ang papaalis. Nang mawala na ito sa paningin nila, siya naman ngayon ang tinanong ng ama.
"Ano naman ang nakain mo at pinigilan mo ako ha?"
"Amang, huwag na po kayong magalit. Baka marinig tayo ni Inang."
"Pero, anak. Hindi mo na dapat ginawa iyon."
"Ang alin, Amang? Ang pigilan kayo sa pagsanla na naman ng bukirin natin? Narinig mo po ba ang sinabi ni Ninong kanina? Kapag hindi tayo nakabayad, pati ang kita ng ating natitirang pinagkukunan ay kukunan niya ng porsyento. Malaking porsyento rin ang mawawala sa kikitain natin kapag nagkataon."
"Pero..."
"Pumasok na lamang po kayo, Amang. Aalis po muna ako ulit upang maghanap ng trabaho sa taas. Pakibantayan na lamang po muna si Inang. Heto po ang perang kinita ko sa pagbebenta ng carrots natin."
"Anak. Anak!"
Hindi na siya lumingon. Kahit labag man sa kaniyang kalooban ay wala siyang magagawa. Kailangan niyang magbanat ng buto. Gagawin niya ang lahat mabayaran lamang ang kung anumang interes ng nakasanlang bahay at lupa nila. Alam din naman niya kung saan nakatira ang kaniyang ninong. Kaya madali na rin para sa kaniya na puntahan ito kapag mayroon na siyang pambayad. Uunti-untiin niya ang pagbabayad. Kahit pa araw at gabi siyang magtatrabaho ay gagawin niya.
Makalipas ang halos isang oras na pag-akyat mula sa halos dalawang daang steps ay narating din niya ang highway. Nagpahinga muna siya saglit nang may dumaang isang puting Sports Utility Vehicle Van. Nilagpasan na siya habang nakaupo sa isang konkretong daan sa highway. Nagpapaypay pa ito gamit ang kaniyang sumbrerong gawa sa dahon ng pandan nang mapansing umatras pabalik sa direksyon niya ang van. Agad na tumayo ang dalaga nang makita ang pagbukas ng bintana ng sa sasakyan at tinanong siya.
"Excuse me, do you know where Camp John Hay Hotel is?" tanong nito sa kaniya. Hindi niya maintindihan kasi nasa wikang Ingles ito pero narinig naman niya ang salitang Camp John Hay. Kaya sumagot siya.
"Camp John Hay po ay malapit lamang po rito. Mga limang minuto na lamang po ang layo," sagot niya.
"Can you walk us there? Or bring us there?" sagot na naman niya. Hindi na talaga niya maintindihan dahil nasa wikang Ingles ito. Kaya naglakas-loob na lamang siyang magtanong.
"Ipagpaumanhin po ninyo, Maam. Camp John Hay lang po naintindihan ko kanina.
"Sorry. My bad. Puwede mo ba akong samahan roon? Sakay ka at ituro sa amin ang papunta roon," at ipinaliwanag naman sa kaniya nang mabuti. Tumango naman ang dalaga pero umiling na hindi sumakay.
"Malapit na rin naman po. Nakakahiya po kasing sumakay sa sasakyan ninyo. Basang-basa po ako ng pawis." Alanganin pa sana ang sagot niya pero nagawa naman niyang ipaliwanag.
"That's okay. Sakay na."
"Sige po."
Sumunod na lamang siya. Mukha namang mabait kaya pumasok na siya sa loob ng sasakyan. Nang umandar na ito ay tinanong na naman siya habang kinakabahang nakaupo sa tabi niya.
"Huwag kang kabahan. Hindi ako nangangagat. Hindi kita ipapahamak. Bago lang ako rito. Bakasyon lang. Alam mo ba ang lugar dito?" tanong niya nang hindi siya tinitingnan sa mata.
"Medyo po. Kabisado ko po ang paligid ng Camp John Hay at ang kapitolyo po," sagot niya at nagulat pa ito nang bigla siyang hawakan sa balikat at iniharap sa kaniya.
Doon ay napatitig siya sa mapupungay nitong mga mata at mapupulang mga labi. Ngiting-ngiti ito sa kaniya. Tila walang problema. Sadyang masaya lang na marinig mula sa kaniyang sagot na kabisado niya ang lugar.
"Kung ganoon. Puwede ba kitang kunin na maging tour guide? Name your price."
Siya naman ang nagulat. Hindi niya inakalang sa pagkakataong iyon ay magkakaroon siya ng trabaho. Kanina lamang ay iniisip pa lamang niyang maghanap. Ngayon, trabaho na ang lumalapit sa kaniya pero hindi niya alam ang salitang Name your price, kaya muli siyang nagtanong.
"Paumanhin po, ano po ang name your price?"
"Oh, sorry. Name your price means, ikaw na ang bahala kung magkano ang singil mo."
"Ganoon po ba?"
"Oo. Ang gagawin mo lamang ay samahan ako sa aking pamamasyal rito sa lugar. Sa loob ng isang linggo ay iga-guide mo ako. Ako na ang bahala sa bayad kung magkano ang singil mo."
"Ganoon pala iyon. Pero baka puwede po muna ako magpaalam mamaya sa aking magulang? Babalik din naman po ako agad kapag alam ko na kung saan kayong room sa Camp John Hay Hotel po na room. Okay lang po ba?"
"Walang problema. If hindi mo alam kung magkano ang isisingil mo sa akin, ako na lang ang magbigay ng presyo. How about 30 thousand. Kasama na ang pagkain mo at stay. I will book a room for you na katabi o kaharap lang ng kuwarto ko. Okay na ba?"
Hindi makapagsalita at sadyang ayaw pa rumihestro sa utak ng dalaga ang mga sinabi nito. Nakatitig pa rin siya rito na tuwang-tuwa. Tantiya niyang magka-edad lang sila. Nang muli siyang lingunin ay nagpakilala na ito.
"Alekzia. Alekzia Cainetana. Anong pangalan mo?"
"Rowena Montes. Weng na lang for short."
"Weng, okay na ha? Payag ka na sa deal ko ha? Ako na ang bahala sa iyo basta samahan mo lamang ako sa aking isang linggong pamamasyal rito."
Hindi na siya nakasagot. Nasabi na rin naman niya ang lahat ng sagot na gusto nitong marinig mula sa kaniya. Nang mapansing malapit na lumagpas ang van ay sinabihan na nito ang drayber.
"Kuya, liko po kayo sa kaliw. Tapos akyat na po. Papasok na po ang Camp John Hay."
Sinunod naman ng drayber ang sinabi ni Rowena. Ilang minuto ang matuling lumipas ay tumigil ang sasakyan sa tapat ng hotel at bumaba na muna si Rowena.
"Uuwi po muna ako, Maam Alekzia. Magpapaalam lang po sa aking magulang tungkol po sa trabahong inalok mo," aniya habang nakangiti ito sa kaniya.
"Sige. Sige. Huwag kalimutan ang offer ko ha? Saka ko na aayusin ang isang kuwarto mo dito sa hotel kapag nakabalik ka na. Teka, check ko muna ang room number ko." Kinuha nito ang pouch at hinanap ang na-book niyang room sa hotel. Nang makita ito ay agad niyang sinabihan si Rowena. "Room 30 ang nakalagay. I will inform na lang ang receptionist of your arrival ha? Sabihan ko na rin ang guard dito na papasukin ka."
"Sige po. Maraming salamat po, Maam Alekzia. Tutuloy na po ako," magalang na sagot naman ni Rowena.
"Lex na lang. Iyan na lang itawag mo. Sige. See you later ha?"
Tumango na lamang si Rowena nang makitang sinara na ang pintuan ng van at tuloy-tuloy nang pumasok ang van sa loob. Hindi naman maipinta ang mukha ni Rowena sa saya nang maalalang malaki ang 30 thousand pesos na offer sa kaniya sa loob ng isang linggo. Kaya nagtatakbo pa itong pabalik, pauwi sa kanilang bahay upang ipaalam ang magandang balita sa kaniyang ama.
"Anak, sigurado ka bang mabait ang amo mong iyan?" tanong ng Ama nito nang makauwi. Nag-iimpake na kasi ito ng mga gamit niya upang makabalik siya sa Camp John Hay Hotel.
"Mukha naman pong mabait, Amang. Malaki na po ba ang 30 thousand pesos, Amang?" iniba na lamang niya ang tanong. "Magkano po pala ang buong utang natin kay Ninong, sa nakasanla nating bahay at lupa para matubos?"
Natigilan pa ang ama at nanahimik pansamantala bago siya sinagot. "Oo, anak. Malaki na ang 30 thousand pesos. May pang-down na rin tayo. Nasa isangdaang libong piso na kasi ang total ng utang natin sa Ninong mo. Pero huwag kang mag-alala, ako na ang bahala sa iba."
Matapos marinig ang sagot ng ama ay nagpatuloy sa pag-impake si Rowena. "Sige po. Ang mahagala may pambayad tayo kay Ninong. Ako na po ang aabot ng pambayad pagkatapos ng isang linggo, Amang. Alagaan na lamang po ninyo si Inang rito. Iwasan mo rin po ang mapagod."
...
Bulakan, Bulacan
Napapaluha na nang mga oras na iyon si Rowena habang nag-iisip ng plano kung paano malulusutan ang gusot ni Alekzia. Hindi naman siya ganoon nang una niya itong makilala. Naalala tuloy niya ang una nilang pagkikita. Malaki na ang nagbago rito. At mula nga nang naging Personal Assistant s***h Handler s***h Manager na niya siya ay ibang-iba na siya.
Wala naman siyang magagawa kung hindi ang sundin ang bawat utos nito. Malaki rin kasi ang utang na loob niya sa kaniya. Hindi rin niya makalimutan ang panahon na tinuruan siya nitong mag-aral ng Ingles hanggang sa ipinasok din siya sa unibersidad niya at siya ang gumastos ng pag-aaral niya. May mga panahon naman kasing nagagawa niyang kontrolin siya pero kadalasan ay masyado nang matigas ang ulo nito. Masasaktan at masasaktan lamang siya kapag sumagot-sagot pa siya. Ibabalik at ipapakain lamang niya sa kaniya ang mga naitulong niya.
Sa harapan ng condo ni Alekzia ay naroon siya. Pinili niyang magkaroon ng sariling condo. Kung nasaan siya ay dapat nandoon siya. Kapag magpapaalam naman siyang uuwi sa Baguio ay pinapayagan naman siya basta wala okay na ang lahat ng mga appointments niya. Ngayong, patapos na ang pandemya ay need muna niyang makauwi sa kanila upang bisitahin ang kaniyang Amang at Inang na naghihintay sa kaniyang pagbabalik.