HINDI napigilan ni Paige ang mapahikab. Inaantok na siya pero nilalabanan niya ang antok dahil may last taping pa siya para sa isang variety show kung saan ay isa siya sa mga guest. Mayamaya ay napatingin siya kay Assunta nang lumapit ito sa kanya. "Miss Paige, kape po," wika nito sa kanya sabay abot sa hawak nitong isang paper cup na may lamang mainit na kape. Mukhang um-order ito ng kape sa isang coffee shop hindi kalayuan sa set kung saan sila nagti-taping. "Thank you, Asunta," nakangiting wika naman niya dito. Maasahan niya talaga ang assistant niya, hindi naman kasi niya inuutos pero alam na nito kung ano ang kailangan niya. Isang ngiti lang naman ang isinagot nito sa kanya. "Do'n lang po ako, Miss Paige," mayamaya ay paalam nito sa kanya sabay turo sa kinapaparadahan ng kotse ni