DB 2

1594 Words
Basta na lang binitawan ni Ashreen ang bag at plastik ng pagkain bago tinakbo ang pagitan nila ng ina. Agad niyang hinagilap ang pulso nito at nakahinga siya nang maluwag na may pumipintig naman doon. Akala niya kung ano ng masamang nangyari sa ina. Mabuti naman. “’Nay, ‘Nay.” Tsinek niya rin kung may sugat ba ito sa ulo o sa anumang parte ng katawan nito. Pero, mukhang wala naman. Napasimangot siya nang maamoy ang hininga nito at lalo pa nang mapasulyap sa ilalim ng lamesa. Naroon ang dahilan kung bakit ito nakahandusay sa kaniyang harapan at walang malay. Isang bote ng walang lamang gin. Inis na tinapik-tapik ni Ashreen nang marahan ang kanang pisngi ng ina. Umungol ito habang bumaling sa kabila ang mukha. Mayamaya pa, unti-unti na rin itong nagmulat ng mata. Namumula pa iyon. “Anak...” Marahan na inaalalayan niyang makabangon ang ina para makaupo. Isinandal na rin niya ito sa dingding bago iniabot ang pitsel na nasa lamesa. Dito na niya pinalagok ng tubig ang ina na parang uhaw na uhaw sa pagkakainom. Siya na ang nagpunas sa tumulong tubig sa gilid ng labi ng ina gamit ang kanang kamay. “’Nay, naglasing ka na naman.” Hindi makatingin nang diretso si Aling Carmen kay Ashreen. Bigla, nasapo nito ang kanang bahagi ng kaniyang ulo at napapikit nang mariin. “Hindi naman. Medyo nahilo ako at...” “’Nay...” Nang tumingin ang ina ay inginuso ni Ashreen ang walang laman na bote ng gin na nakatumba sa ilalim ng lamesa. Bago siya umalis, naglilinis siya kaya alam niyang bago lang ang nasabing bote ng alak. Hindi na tumugon ang kaniyang ina. Pabulaanan man niya ang sinabi ng anak, may ebidensiyang uminom na naman siya at naglasing ngayong araw. “’Nay, alam naman ninyong masama sa inyo ang alak. Mahal ang maintenance n’yo wala na tayong pampaospital kung sakali.” May inis na sa tinig ni Ashreen. Hindi man niya nais na ganoon pagsalitaan ang ina, hindi naman kasi ito nadadaan sa kaniyang pang-araw-araw na pakiusap na tigilan na ang alak. Bukod sa wala na nga silang pera, lubhang masama sa kalusugan nito iyon. “E, isa lang naman. Naalala ko na naman kasi ang iyong ama. Nakita ko kasi ang litrato niya...“ “Tinapon ko na po iyon, a?” nakakunot ang noong saad ni Ashreen bago dinampot ang bag at plastik ng pagkain at inilapag sa lamesa. Itinayo rin ni Ashreen ang natumbang upuan. “Kinuha ko ulit. Bakit mo tinatapon ang nag-iisang larawan ng ama mo?” dama ang hinanakit sa tinig ni Aling Carmen. Huminga nang malalim si Ashreen at hindi na nagkomento pa. Hahaba na naman ang diskusyon nila ng ina. Hindi rin naman ito makikinig. Inalalayan na lang niyang makatayo ito at maiupo sa upuang nasa hapag. Naiintindihan naman niya ang kalagayan nito. Mahal na mahal nito ang asawang pinalayas niya dahil nga nalulong sa pinagbabawal na gamot. Natuto pang magbenta na muntikan pa silang madamay at makulong. Halos sampung buwan na rin naman ang nakalipas pero ang ina ay umaasa pa ring isang araw ay babalik ang kabiyak. Na taliwas naman sa nais niya. Na sana ay hindi na ito bumalik. Dahil para sa kaniya, mabuti na ang ganitong silang dalawa na lang ng ina. Tahimik at walang maingay at nambubugbog na ama. “Anak, kinontak ka na ba ng ama mo?” tanong ni Aling Carmen habang inililalagay ang ulam sa mangkok. Nagsaing lang siya kanina dahil iyon ang bilin ng anak bago umalis. Sa halos araw-araw rin ay iyon ang palagiang tanong ng ina. Sa una, sumasagot pa si Ashreen at kasunod ang pagpapaalala niyang huwag nang umasa dahil hindi na babalik ang walang kuwentang haligi ng tahanan. Pero kalaunan nanawa na si Ashreen, iling na lang ang kaniyang itinutugon, gaya ngayon. Ito rin ang naging dahilan kung bakit natutong magpakalasing ang ina. Na pagkaminsan ay kung saan-saan pa napapadpad. Para raw hindi na nito maisip palagi ang kaniyang ama. Saglit na sinulyapan ni Ashreen ang ina at ibinalik na rin ang atensiyon sa paghahain ng kanilang pagkain. Hindi niya nais na makita ang malungkot nitong aura kapag napag-uusapan ang ama. “Kain na po tayo.” Pilit na ngiting tumango ang kaniyang ina. Huminga muna nang malalim si Ashreen bago sumubo ng pagkain. Dalangin niya sana ay matapos na ang kabaliwan ng ina. *** Balik sa pang-araw-araw na routine si Ashreen, gigising ng maaga, maglilinis, magkakape, at papasok. Bago tuluyang umalis, ibinibilin niya ang ina kay Aling Rina. Pinabantayan naman ito sa anak nitong dalagita. Para habang wala siya, kampante siyang may tumitingin sa ina. Sahod naman niya mamaya, kaya baka abutan na lang niya ito kahit papaano ang dalagita. Ibinilin na rin ni Ashreen na huwag hahayaang bumili ng gin ang ina at tuluyang uminom. Kahit ayaw ng ina na may bantay ay pinilit ni Ashreen. Sa huli ay pumayag na rin ito, pero mukhang magkukulong lang sa nag-iisang kuwarto nila. Mabuti na rin iyon kesa naman uminom ito at madala niya pa sa ospital. Kinurot-kurot ni Ashreen ang bisig dahil medyo inaantok pa siya. Alas sais ng umaga ang call time nila at halos hindi siya nakatulog kagabi. Pamaya-maya ang bangungot ng ina kaya binantayan niya ito magdamag. Buti nga, nakaidlip siya kahit paano. Nais pa rin niya kasing maghanap ng ekstrang work pagkagaling dito. Baka sa lunes na lang siya maghanap. Pandagdag din iyon sa kanila kung sakali. Nanghihinayang din kasi siya sa ilang oras na puwede niyang kitain. Kaya niya kaya ang call center? “Magandang umaga! Kaunting donasyon po para sa nangangailangan. Ang maliit ninyong halaga ay makakatulong nang malaki sa lahat.” Isang matandang lalaki ang sumulyap kay Ashreen bago bumili ng ticket. Tsinek nito ang donation box, bago ibinulsa ang sukling barya. Hindi na nagulat si Ashreen nang dumukot itong muli sa bulsa ng pantalon at naglabas ng limandaang piso at inihulog sa donation box bago nakangiting tumango sa kaniya. Kanina, nang iabot sa kaniya ang isang kahon na kahoy, tama, hindi yung usual nilang donation box iyon. Nagtanong siya kung bakit ba iyon. Ipinaliwanag nitong may bagong organisasyon na nangangailangan nang tulong. Ang kumpanya kasi nila ay nagpapalakad ng iba’t ibang drive ng donasyon. Sa loob ng tatlong buwan niyang naroon, hindi niya alam kung ano ang mga pangalan ng mga kumpanyang nanghihingi ng mga donasyon sa ilalim ng kumpanyang pinapasukan. Kapag tinatanong niya ang mga kasamahan lalo na ang mga matagal na roon ay wala rin masabi. Kung mayroon man may alam, tikom ang mga bibig sa hindi niya malamang kadahilanan. Naka-padlock iyon ng de-numero at kulay itim ang kulay ng box. Kasing laki rin naman ito ng donation box nila pero walang nakalagay na pangalan kung anong organisasyon o kumpaniya ito nakapaloob. Tanging mukha ng isang matandang babae ang nasa unahan, malapit sa padlock. Medyo nangilabot pa nga siya dahil parang buhay ang mga mata ng matanda roon kapag tinitigan mo. Parang binabasa niya ang kaluluwa mo. Napansin rin ni Ashreen na ang nasa kaniya lang ang kakaiba ang design. Dahil ang iba niyang kasamahan ay puro mga kahoy nga subalit walang mukha ng gaya sa kaniya, kahit pa pare-pareho naman ang kulay gaya ng sa kaniya. Hindi na inalam ni Ashreen ang dahilan kung bakit ganoon, dahil hindi rin naman siya palasalita sa mga kasamahan. Ang mahalaga lang sa kaniya ay makapagtrabaho. Hindi rin sumasama si Ashreen sa mga kasamahan kapag nais ng mga ito na maglakwatsa o kahit man lang ang pumunta sa mall. Mahalaga ang bawat sentimo sa kaniya. Sa kanila ng ina. At ngayon nga, halos mas marami ang nagbibigay sa kaniya na puro papel pa. Kadalasan ay mga may edad ang naghuhulog. Hindi bababa sa isandaan ang hinuhulog nila. Kadalasan ay matataas na bill na hindi mo akalain na ihuhulog nila. Minsan nga, uminom siya ng tubig at hindi pa nagsasalita, may naghuhulog na. Tuwang-tuwa si Ashreen dahil mukhang malaki ang sasahurin niya mamaya. Buti na lang sa kaniya napunta ang box na iyon. Oo, naniniwala siyang dahil sa box iyon. Ang iba kasi na siya lang tinatapunan ng tingin at hindi ang box ay kagyat na umaalis. Pero, alinman sa napasulyap o napatingin ng matagal, lalo na sa larawang nasa harapan ng kahon, ay walang pag-aalinlangang maghuhulog ng malalaking halaga. At wala pang naghulog ng barya! Puro papel lahat. Nahihiwagaan na talaga si Ashreen sa donation box na nasa harapan niya. Siguro, kilalang tao ang may-ari niyon. Pero kahit siya ay walang ideya ni pangalan ng organisasyong kinasasapian nito. Hindi kaya sikat ang babaeng nasa harapan nito? Siguro nga dahil hindi niya kilala ito. Napasulyap si Ashreen sa malaking orasan, kinse minutos bago ang alas dose. Kaunting minuto na lang pala at makakapagpahinga na rin sila sa wakas. At masaya siya dahil kahit hindi kanila ang donation box, marami ang naghulog kaya malaki-laki rin ang kaniyang sasahurin. Tamang-tama, kailangan niyang bumili ng gamot ng ina. Noong isang araw pa ito pumalya sa pag-inom. May kamahalan din kasi ang gamot nito sa baga. Nakikipagsabayan ang boses nila ng mga kasamahan sa ingay ng tao sa paligid; may batang iyak nang iyak, isang teen-ager na may dalang maliit na speaker, nag-aaway na mag-syota sa gilid, at meron pang isang lalaking kanina pa inis dahil parang hindi raw umaabante ang pila. Halos hindi maramdaman ni Ashreen ang pagod. Halos sa loob ng tatlong buwan niya roon, ngayon lang siya naginhawaan na sa trabaho niya. Kahit gutom ay hindi alintana ni Ashreen. Kung ganito lang sana lagi ang mangyayari sa kaniya.  DONATION BOX jhavril

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD