PROLOGUE
Nakakunot ang noong nagpalinga-linga si Marissa dahil kahit isa ay walang tao sa lamay na iyon. Hinanap niya ang kaibigan na nagsama sa kaniya na sabi ay lola niya raw ang namatay. Pumayag na rin si Marissa para makapagbakasyon na rin sa malayong lugar na iyon at makiramay na rin siyempre. First time pa naman niyang makarating doon.
Subalit, dahil wala nga ni isang tao kahit ang kaibigan, ipinasya na sana ni Marissa na lumabas galing sa maliit na kuwartong iyon. Kinusot-kusot pa ni Marissa ang mga mata dahil inaantok pa siya. Nakatulog kasi siya kanina at pagkagising nga niya ay walang tao siyang nalabasan. Patungo na sana siya ng labas nang makarinig na parang may tumatawag ng kaniyang pangalan.
Marissa...
“Rita, ikaw ba ‘yan?” Tawag niya sa pangalan ng kaibigan. Subalit, tahimik pa rin ang paligid indikasyon na walang tao maliban sa kaniya.
Marissa...
Napalingon si Marissa sa kabaong na naroon. Nasa bandang kaliwa niya ito sa gitna ng maliit na sala. Parang doon kasi nanggagaling ang boses sa hindi niya mahanap na tumatawag sa kaniya. At sa hindi niya maintindihang pakiramdam, imbis na matakot ay marahan pa siyang lumapit dito.
Walang salamin ang buong kabaong at medyo angat ang katawan ng nasa loob. Parang iniligay ang matanda para lang matulog doon. Hindi mapagkit ang mata niya sa mukha ng matanda hanggang sa tuluyan siyang makalapit dito.
Mula sa mukha, bumaba ang tingin niya pababa sa tiyan nito at sa magkasalikop na mga kamay na nakapatong dito, pababa sa mga paa. Nakasuot ito ng damit na puting mahaba. Halos buong katawan nito ang natatakpan at tanging mga kamay at paa lang ang nakikita.
Napakunot-noo si Marissa nang isang langaw ang dumapo sa kulubot nitong mga kamay. Bubugawin niya sana iyon nang lumipad patungong mukha ng matanda. Naglakad-lakad mula sa baba paakyat sa nakatikom nitong labi. Tumigil ang langaw at parang pilit na pumapasok sa loob niyon.
Tumaas ang kanang kamay ni Marissa para tuluyan ng bugawin ang langaw, subalit nabigla siya nang biglang nagmulat ng mga mata ang matanda at hawakan ang bandang pupulsuhan niya sa nakataas niyang mga kamay; mahigpit.
At bago pa siya makasigaw para makahingi nang tulong, nahila na siya ng matanda palapit.
DONATION BOX
jhavril