Althea's POV
"Bestie okay ka lang ba? Alas nueve na ng umaga pero parang hindi ka pa yata nakakatulog." ani sa akin ni Olive.
"Okay lang ako bestie, pagod kasi ako sa trabaho pero ng sinubukan kong matulog hindi naman ako makatulog." wika ko sa kanya.
Sa totoo lang ay gusto ko ng umalis sa lugar na 'yon dahil natatakot ako na makilala ako ni Marcus at saktan niya ako o baka totoo ang hinala ko na papatayin niya ako.
"Sa tingin ko bestie hindi ka okay." ani niya. Ngumiti ako ng pilit at hinawakan ko siya sa kaniyang kamay upang mapanatag ang kaniyang kalooban.
"Okay lang ako bestie, huwag ka ng mag-alala okay." wika ko at binigyan ko siya ng isang matamis na ngiti.
"Punta tayo ng bayan bestie, mamili tayo ng ipit sa buhok at ibili mo na din si Tinay ng tsinelas na pinapabili niya sayo." ani niya. Pumayag naman ako at nagpaalam na kami kay mama at pumayag din naman agad ito kaya nagbihis agad ako at pagkatapos ay umalis na din kami ni Olive.
Nakarating kami ng bayan, nakapamili na kami ng mga ipit sa buhok at patungo naman kami sa bilihan ng tsinelas, nakita ko ang mga sandals sa katabi nito kaya bumili na din ako para may pang-alis ang kapatid ko. Pagkabayad ko ay patungo naman sana kami sa nagtitinda ng tsinelas ng may mapansin kaming mga kalalakihan na naka itim. Hindi namin pinansin ni Olive ang mga ito pero napahinto ako ng makilala ko ang lalaking bumababa ng sasakyan kaya bigla akong napatago sa gilid ng mga nagtitinda ng damit na ikinagulat naman ng aking kaibigan. Tumingin ako sa tindahan at ng makilala ko kung kaninong tindahan ito ay agad akong pumasok at nagtago.
"Hoy bestie! Anong ginagawa mo diyan?" ani niya kaya mabilis ko siyang hinila upang makapagtago na din. Buti na lamang at kakilala namin ang nagtitinda ng mga damit kaya wala kaming problema kahit magtago kami dito.
"Tignan mo 'yung lalaking nakatayo sa harapan ng kotseng itim, huwag kang magpapakita dahil papatayin tayo ng mga 'yan." bulong ko sa kanya at pagkakita nga ni Olive kay Marcus at sa mga kasama nitong mga tauhan ay nakaramdam din siya ng takot ng makilala niya ito.
"Inangkupo! Bakit nandirito ang poging lalaki na 'yon dito sa bayan?" ani niya sabay takip ko ng bibig niya dahil nasa may malapit lamang namin ang ilang tauhan ni Marcus at baka marinig siya at makita pa kami.
Hindi ko alam ang gagawin ko, paano kung makita niya kami at makilala niya kami? Baka patayin niya ako! Halos mamula na ang mga mata ko dahil sa luhang kanina pa nagbabadya sa aking mga mata. Bakit sa dinami-rami ng tao sa mundo ay ang Marcus pa na ito ang makikita ko dito. Hindi niya kami dapat makita.
"Miss may kakilala ka ba dito na magandang babae, tindera din siya, may kataasan na mahaba ang buhok na medyo kulot at maputi. 'Yung mukha niya kasing ganda ng mga anghel." ani ng isang tauhan ni Marcus sa katabing tindera lang kaya ang puso ko ay hindi na mapalagay sa mabilis na pagtibok nito habang kay Marcus naman ako nakatingin, matinding takot na ang nararamdaman ko ng bigla kaming hinila ni Ate Marcela at pinatago kami sa likuran ng mga bagong damit na nasa mga kahon pa. Akala ko ay kung sino na.
"Mukhang ikaw ang hinahanap ng mga 'yan, dito lang kayo at huwag kayong lalabas. Magpapaliwanag ka sa akin mamaya Thea." ani ni Ate Marcela kaya tango lamang ako ng tango sa kanya habang ang kabog ng dibdib ko ay palakas ng palakas at pilit kong tinatanaw ang gwapong mukha ni Marcus.
Nang tuluyan ng nakaalis sila Marcus at ang mga tauhan niya ay hindi pa rin ako lumalabas sa pinagtataguan ko. Ayokong lumabas dahil baka makita niya ako at ipapatay na lang niya ako. Natatakot ako na baka hindi ko na abutan na tuluyang gumaling si papa.
"Ate Marcela pwede ba akong sumabay kay Kuya Daniel sa pag-uwi?" tanong ko. Si Kuya Daniel ay bunsong kapatid ni Ate Marcela, matanda lang siya sa akin ng dalawang taon. Napakagwapo ni Kuya Daniel dahil sabi ni Ate Marcela ay may lahi silang french.
"Sinabihan ko na siya, sa kotse na kayo sumakay para walang makakita sa inyo. Pagbalik ni Daniel ay dito na kayo sa likod dumaan. Mamaya ay marami kang ipapaliwanag sa akin Thea." ani niya at tumango lang ulit ako sa kanya.
Pagdating ni Kuya Daniel ay hinagis niya sa akin ang kanina lang ay suot niyang hoodie at ipinasuot sa akin. Binigay din niya sa akin ang suot niyang sunglasses kaya agad ko naman itong isinuot. Nagpaalam na kami kay Ate Marcela at mabilis na naming tinungo ang sasakyan ni Kuya Daniel at agad din niya itong pinaharurot ng tuluyan na kaming makasakay.
"Sino ang mga lalaking 'yon Thea? Bakit ka nila hinahanap, may ginawa ka bang masama sa kanila?" tanong ni Kuya Daniel.
Ikinuwento ko sa kanya ang nangyari nuong muntikan na akong masagasaan ni Marcus, pero hindi ko sinabi sa kaniya na kilala ko na ito dahil wala namang nakakaalam na nagtatrabaho ako sa club maliban na lamang sa dalawa kong kaibigan.
"Kasalanan ko 'yun Kuya Daniel kasi ako 'yung humila kay Thea para tumawid sa kalsada, natuwa kasi ako sa nakita ko kaya kakamadali ko ay basta ko na lang siya hinila at hindi na ako tumingin sa kalsada kung may paparating ba na sasakyan." ani naman ni Olive habang naiiyak.
"Susmaryosep kayo! Sa susunod ay matuto naman kayong mag-ingat. Paano kung hindi agad nakapag preno ang mga 'yon at nasagasaan kayo? Pero ang ipinagtataka ko lang ay bakit hanggang ngayon ay hinahanap nila kayo? Sigurado ba kayo na wala kayong ginawang kalokohan sa kanila ha? Baka may kinuha kayo sa kanila na napakahalaga sa kanila kaya hanggang ngayon ay hinahanap nila kayo?" naiinis na ani ni Kuya Daniel. Nanlaki naman ang mga mata namin ni Olive matapos naming marinig ang sinabi niya. Ano naman ang kukuhanin namin sa mga 'yon eh hindi naman kami lumapit sa mga ito.
"Kuya wala po! Nagalit lang po 'yung lalaki kay Thea dahil sa mga sinabi niya sa lalaki. Gusto po sigurong gumanti kaya tama si Thea na baka balak nyang patayin ang kaibigan ko." ani naman ni Olive kaya mas lalo tuloy akong nakaramdam ng takot lalo pa at kilala ko na ang lalaking 'yon. Napaiyak ako ng malakas na ikinagulat naman nila kaya biglang napapreno si Kuya Daniel.
"Anong nangyari?" gulat na ani nila sa akin habang ngalngal pa rin ako ng ngalngal.
Itinabi ni Kuya Daniel ang sasakyan sa gilid ng kalsada, hinarap niya ako at pilit akong pinatatahan.
"Susmaryosep naman bestie bakit ngumangalngal ka diyan na parang bata?" ani ni Olive.
"Papatayin ako ng lalaking 'yon! Paano pa ako bubuo ng pamilya ko kung may nagtatangka na sa buhay ko? Paano ko pa mahahanap ang the one ko kung may taning na pala ang buhay ko sa kamay ng mga masasamang tao na 'yon?" sagot ko habang hindi ako tumitigil sa pag iyak.
Nagkatinginan silang dalawa at mayamaya lang ay malalakas na tawa ang pinakawalan nila. Tinitigan ko sila ng masama pero patuloy lamang sila sa pagtawa.
"Naiinis ako sa inyo! Bababa na lang ako dito!" ani ko at pinigilan naman agad nila ako. Nakakainis sila, nakita na nilang nag-aalala ako sa maaaring mangyari sa akin pero sila naman ay patuloy lamang sa malakas na pagtawa.
Pinaandar na muli ni Kuya Daniel ang sasakyan niya at hindi naman nagtagal ay nakarating din kami sa lugar namin. Hinatid muna niya kami at saka na siya dumiretso ng uwi sa kanila. Limang bahay lang naman ang layo nila sa amin kaya natatanaw pa namin siya ng marating niya ang kanilang bahay.
"Grabe bestie 'yung ngalngal mo kanina, para kang bata!" ani niya na natatawa. Nginusuan ko lamang siya at mabilis ko na siyang tinalikuran at pumasok na ako sa aming munting tahanan.
"Tina, tignan mo nga ito kung kasya sayo." ani ko sa aking kapatid. Nanlaki ang mata niya ng makita niyang sandals ang binili ko sa kanya kaya tuwang-tuwa siya na sinusukat ang mga ito.
"Ate ang ganda naman nito, siguradong ang mahal ng pagkakabili mo dito." nakangiti niyang ani habang namimilog ang kaniyang mga mata.
Ngiti lamang ang isinagot ko sa kanya dahil hindi pa rin mawala sa isip ko si Marcus. Balak nga siguro akong patayin ni Marcus dahil sa mga pinagsasasabi ko sa kanya kaya kailangan ko talagang mag doble ingat lalo pa at araw-araw ko siyang makakasama. Kailangan kong makasiguro na hindi niya maaalis sa akin ang aking maskara sa tuwing papasok ako sa pribadong silid na 'yon. Kailangan ko na ring gwardiyahan ang aking puso dahil iba na ang nararamdaman ko. Alam kong masama silang tao kaya ayokong mahulog ako ng tuluyan sa kanya pero mukhang huli na dahil kanina ay hindi ko maalis ang tingin ko sa kanya.