Althea's POV
Nagulat ako ng sinabi sa akin ni Sir Jonas na hindi na ako sasayaw sa stage at simula ngayong gabi ay 'yung Marcus Dux na ang sasayawan ko gabi-gabi sa pribadong silid. Nakaramdam ako ng takot, hindi kaya nakilala niya ako at nagbabalak siya na pasimpleng patayin ako?
"Sir, baka naman po pwede na iba na lang ang ibigay ninyo sa kanya, sa stage na lang po ako sasayaw." ani ko habang ang t***k ng puso ko ay palakas ng palakas dahil sa takot na nararamdaman ko.
"Kaylanman ay hindi 'yan kumuha ng dancer dito upang dalhin sa private room. Sa unang pagkakataon ay ikaw pa lang ang kinuha niya at ayaw ng pasayawin sa stage. Malaking halaga ang ibabayad n'ya na makakatulong sa tuluyang pagpapagaling ng iyong ama." wika niya. Huminga ako ng malalim at napahawak ako sa aking dibdib. Natatakot talaga ako sa lalaking 'yon dahil mukhang napakadali lamang sa kanya ang pumatay ng tao.
"Malaking tao si Marcus, kapag ginawan ka niya ng hindi maganda ay susubukan kong tulungan ka ngunit hindi ako nangangako na may magagawa ako. Sumilip ka sa pinto at tignan mo ang mga kasama niya, ang lahat ng iyan ay may kargada at karamihan sa kanila ay hitman dahil nakita ko na silang nakipaglaban, nakita mo ang babaeng 'yon, 'yung matangkad na maganda na kulot ang buhok? Hitman 'yan, magandang mukha ngunit sa likuran ng kagandahang 'yan ay mabangis na hayop. Nangangahulugan lang na napakalaking tao ni Marcus Dux. Sinubukan kong kausapin siya pero sinabi niya sa akin na oras na pinigilan siya sa gusto niya ay magkakagulo sa lugar na ito. Gawin mo na lang ang lahat upang hindi ka niya saktan, mabait naman 'yan at kaylanman ay hindi pa 'yan nanggulo dito. Mukhang tinamaan lang talaga sa iyo." wika ni Sir Jonas kaya tumulo na ang aking mga luha at hindi ko na alam pa ang gagawin ko.
"Sige na Angel, pumunta ka na duon at baka magalit 'yon kapag hindi ka dinatnan duon." wika naman ni Ate Lindsay.
Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan ng silid, napakadilim nito kumpara nuong unang gabi na sinayawan ko siya, wala ni isa mang ilaw ang nagbibigay liwanag sa loob ng silid. Nagsimula akong humakbang ng bigla na lamang may yumakap sa katawan ko kaya napatalon ako dahil sa gulat.
"Shhhhh, dadalhin lang kita sa stage kaya huwag kang matakot." Naramdaman ko ang pagtayo ng lahat ng balahibo ko ng dumampi sa leeg ko ang mainit niyang hininga.
Iginiya niya ako hanggang sa makarating ako ng stage at agad akong humawak sa pole dahil pakiramdam ko ay babagsak na ako dahil sa tindi ng pangangatog ng aking katawan dahil sa matinding takot na nararamdaman ko.
Nagsimulang tumugtog ang malumanay na awitin kaya nagsimula naman akong gumiling kahit pakiramdam ko ay nangangatog ang buo kong katawan.
Nakita ko ang pagtayo niya kaya kinabahan ako lalo na ng magsimula siyang maglakad papalapit sa akin.
Ipinikit ko ang mata ko, nakakapit lamang ako sa pole at ayokong bumitaw. Natatakot ako sa maaaring gawin sa akin ng lalaking ito.
Binuhat niya ako at inihiga niya ako sa ibabaw niya. Nakaramdam ako ng takot pero wala naman siyang ginagawang mali.
"Gusto kong matulog ka sa ibabaw ko, at kung nakakaabala sa 'yo ang mga baril ko pwede ko namang tanggalin. Gusto ko lang ay makapagpahinga ka." wika niya at umiling lang ako dahil hindi ko naman nararamdaman ang baril niya. Hindi ko na tuloy namalayan na nakatulog na pala ako at nagising lamang ako na may nakayakap sa akin. Tatayo sana akong bigla ngunit mas hinigpitan niya ang pagkakayakap sa akin.
"Shhhh, ang sarap ng tulog mo. Mukhang hindi ka masyadong nakakatulog dahil sa trabaho mo, simula ngayon ay lagi ka ng makakapagpahinga sa silid na ito sa tuwing darating ako at hindi ka na sasayaw magpapahinga ka lang." wika niya. Hindi ako kumibo, may mabuti din palang puso ang lalaking ito pero ano kaya ang gagawin niya sa oras na malaman niya na ako ang babaeng nanigaw sa kanya?
Kung ako ang tatanungin ay ayoko na siyang bumalik pa dito, ayokong makilala niya ako at malaman niya na ako ang babaeng pinapahanap niya.
"After ng trabaho mo dito ay magpahinga ka na, huwag kang masyadong nagpapagod dahil masama sa katawan ng tao ang laging kulang sa tulog lalo na sa payat mong 'yan." ani niya. Itinayo niya ako, kinuha niya ang jacket niya at isinuot ito sa akin.
"Malamig, baka magkasakit ka kaya hayaan mo munang nakasuot 'yan sa iyo. At huwag ka ding iyak ng iyak, wala naman akong ginagawang masama sa iyo, pinoprotektahan lang naman kita sa mga mata nilang lahat." ani niya.
Tinignan ko ang maskara ko at hindi pa naman ito naaalis kaya nakahinga ako ng maluwag. Hindi pa rin ako nagsasalita dahil ayokong makilala niya ako.
Huminga ako ng malalim at pagkatapos ay tumango lamang ako. Ngumiti siya sa akin at ewan bakit parang ang gwapo naman niya kahit ang tingin ko lagi sa kanya ay demonyong walang sungay.
"Kapag wala pa ako, dumito ka lang, pwede kang matulog dahil bayad na naman ang buong linggo mo. Kung kailangan mo ng pahinga ay mahiga ka lang diyan at hindi mo kailangang magtrabaho." ani niya. Hindi naman ako kumibo at nakatalungko lang ako.
"Ayoko talaga ng maskara mo, pwede bang tanggalin na natin 'yan?" ani niya at akmang aalisin niya ito ng biglang may kumatok.
"Boss, pinapatawag ka ng lolo mo." ani ng lalake. Napakamot siya ng ulo at humarap sa akin.
"I will see you tomorrow." ani niya at kinuha ang kamay ko at hinalikan niya ang likod ng palad ng kamay ko at lumabas na ng silid. Napasapo ako sa aking puso, bakit ganito ang t***k ng aking puso? Bakit ganito ang nararamdaman ko?
Alam ko sa sarili ko na ayoko sa kanya dahil arogante siya pero bakit sa tuwing makikita ko ang sweet niyang side ay may kung ano akong nararamdaman? Huminga ako ng malalim, napatingin ako sa suot kong jacket, ibibigay ko na lang ito kay Sir Jonas para siya na lang ang magbalik nito kay Marcus bukas.
Sumilip ako sa labas at wala na sila pero nakaramdam ako ng lungkot na wala na siya. Nagmamadali akong lumabas at tinungo ko na ang likurang bahagi upang magbihis at makauwi na din.