EPISODE 4

4605 Words
PLACE: ROMANO’S FLOWER SHOP ELLYSE MARIE ROMANO “Grabe talaga ang nangyari sa’kin, Bes! Kung nandoon ka lang kanina at ikaw ang nasa sitwasyon ko, naku! Baka nahampas mo ng dos por dos ang lalaking iyon! Grabe! Hindi ko ma-take ang kagaspangan ng ugali niya! Napakahambog! Napakayabang! At higit sa lahat, napaka-maldito pa! Siya na nga ang may kasalanan sa akin, siya pa ang galit!” sobrang nanggagalaiti na sumbong ko kay Alona. Kanina pa ako salita nang salita laban sa hambog na lalaking iyon na hindi ko alam kung saang planeta nagmula dahil sa sobrang kagaspangan ng ugali. Pakiramdam ko nga rin, galing iyon sa ilalim ng lupa na pumunta lang dito sa mundo ng mga tao. Sa tuwing maaalala ko iyong nangyari, hindi ko talaga maiwasang hindi kumulo ang aking dugo at laman ng dahil sa lalaking iyon. Nai-kwento ko na ang lahat ng nangyari kanina kay Alona pagkapasok na pagkapasok ko pa lang sa flower shop namin. Para nga akong baliw kanina na kwento nang kwento. “Naku! Baka hindi ko lang siya hampasin ng dos por dos, baka hatawin ko rin siya ng latigo. Ayoko pa naman sa lahat, iyon pinagsasabihan ako ng mga masasakit na salita,” wika naman sa akin ni Alona. “Hay naku, Bes! Ang pangit ng tabas ng dila ng lalaking iyon. Parang walang pinag-aralan gayung kita naman sa postura niya na mayaman siya at galing sa isang prominenteng pamilya. Mukha yatang hindi siya naturuan ng wastong asal at pag-uugali nu’ng elementary siya,” naiirita ko pa ring sabi. Hinding-hindi ko talaga makakalimutan ang mukha ng hambog na iyon. Mukha pa lang niya, katanda-tanda na kahit hindi ko pa alam ang pangalan niya. Pero sa totoo lang, parang nakita ko na siya noon pa. Hindi ko lang matandaan kung saan. Hay ewan! “Pero gwapo siya, ‘di ba?” pagtatanong ni Alona. ‘Yan na naman siya. “Oo. Gwapo naman siya. He is the epitome of the word tall and handsome man. Pero kung ganun rin lang ang ugali, hindi na lang uy! Hindi na siya gwapo para sa akin. Mas mataray pa siya kay Miss Minchin!” sunod-sunod na wika ko. Natawa naman si Alona. “Pero infairnes, binayaran ka niya ng twenty kyaw na sobra-sobra pa sa talagang presyo ng mga nasira niya. Galante!” nangingiting sambit niya. Napaismid ako. “Oo nga at binayaran niya ako pero labag pa sa loob. Okay na sana kung nag-sorry na lang siya ng maayos at akuin ang kasalanan niya, tatanggapin ko naman ang sorry niya pero hindi ‘yun ang ginawa niya,” wika ko. “Talagang ipinagduduldulan niya sa akin na wala siyang kasalanan at hindi talaga siya nag-sorry sa halip, hinagisan pa ako ng pera sa mukha at kung anu-ano pa ang sinabi.” Naiinis na naman ako. “Okay na sana ang araw ko kasi may naging costumer akong gwapo. Nakakaganda ng araw ang kagwapuhan niya pero sinira ng lalaking iyon ang natitira pang oras sa araw ko! Nakakainis talaga siya!” nanggigigil ko pang litanya. Kitang-kita na siguro sa mukha ko ang galit at inis. “Iniisip ko nga na bading siya,” sabi ko pa. Lumukot ang noo ni Alona. “At bakit mo naman nasabi ‘yan?” tanong niya. Umayos ako sa pag-upo. “Kung tunay siyang lalaki, magiging magalang siya sa babaeng kagaya ko hindi ‘yung tatarayan pa ako,” sabi ko. “Tange! Malay mo ganun lang talaga ang ugali ng lalaking iyon. Magaspang. Kahit sino, pinapatulan kapag nagagalit. Saka sabi mo nga, gwapo iyong lalaki so paano magiging bading ‘yun?” tanong ni Alona. “Hindi naman lahat ng gwapo, lalaki,” sambit ko saka umikot pa ang mga mata ko. “‘Yung iba nakatago lang sa gwapong mukha at sa suot na suit, polo at pantalon ang tunay na pagkatao. Gwapo kunwari pero gwapo rin pala ang hanap,” dagdag ko pa saka ngumisi. ‘Yun kasi ang suot ng lalaki nang makita ko siyang bumaba ng kotse. Naka-polo na mamahalin at pantalon. Ang sapatos nga rin nitong suot ay halatang mamahalin rin kaya nagmukha siyang mamahalin. “Ikaw talaga! Kung ano-ano ang iniisip mo tungkol sa taong ‘yun,” napapailing na sambit ni Alona. “Nakakainis kasi talaga ang malditong ‘yun,” naiiritang sambit ko. Biglang lumapit sa akin si Alona at inakbayan ako. “Bes, huwag mo nang alalahanin ang lalaking iyon, nakakadagdag lang ‘yan ng wrinkles sa mukha,” nangingiting payo niya. “Hay naku! Hindi ko lang talaga mapigilan ang asar ko sa lalaking iyon. Grabe! Paulit-ulit kong sasabihin na ngayon lang talaga ako nakatagpo ng lalaking gaya niya!” sambit ko sa mataas na tono. “Pabayaan mo na siya. Nakaganti ka naman sa kanya, ‘di ba?” aniya pa ni Alona na nakangiti nang nakakaloko. “Ayos na iyon. May pera ka na, may ganti ka pa,” dagdag pa niya. Huminga ako ng malalim. Maya-maya ay napangiti na lang rin ako. “Oo nga. At least, naitayo ko ang bandera nating mga babae laban sa mga ganung klase ng lalaki. Thanks sa mga itinuro sa akin ni Dominic,” sabi ko nang bigla kong maalala si Dominic, my one true love. “Speaking of Dominic, ite-text ko nga pala siya.” Nilabas ko mula sa aking bulsa ang aking cellphone. Pumunta sa message at magco-compose ako ng mensahe. ‘Babe, good afternoon. Pasensya na kung hindi ako nakapag-text kanina. Medyo naging busy lang ako. Anyway, huwag kang pagutom. Kumain ka sa tamang oras. I love you,’ message ko para kay Dominic at kinikilig pa ako niyan habang tina-type ang message ko sa kanya. “Ayan na naman po siya. Kinikilig na naman.” Narinig kong wika ni Alona sa nakakalokong tono. Tiningnan ko siya at binelatan siya. Ibinalik ko rin agad ang tingin ko sa phone ko. Message sent. Ayan! Na-send ko na ang message ko. “Baliw na baliw ka talaga sa pag-ibig para kay Dominic, ‘no?” tanong sa akin ni Alona na ngayon ay may inaayos na kung ano sa lamesa. Tumayo at lumapit naman ako sa kanya. “Grabe ka naman! Mahal ko si Dominic pero hindi ‘yung tipong baliw sa pagmamahal sa kanya. Tinandaan ko kaya ang sinabi mo na mahalin ko rin ang sarili ko,” wika ko. “Pero okay lang din naman na maging baliw sa kanya paminsan-minsan,” nangingiting saad ko pa. Natawa si Alona. “Sira! Huwag kang maniniwala sa kasabihan ng iba na kapag mahal mo raw ang isang tao, ibigay mo ang lahat sa kanya. Hindi totoo ‘yun dahil sa mundong ito, walang permanente at isa diyan ang pag-ibig. Hindi permanente ang pag-ibig. Paano kung naibigay mo na ang lahat kay Dominic tapos iniwan ka pa rin niya? Edi walang natira sayo. Kawawa ka sa huli,” aniya. “Okay lang din naman na maging baliw sa pag-ibig pero not to the extent na kailangan ka nang dalhin sa mental,” wika pa niya. Mahina akong natawa. “Alam mo, Alona? Magsulat ka na kaya ng kwentong pangbroken-hearted. ‘Yung mga payo mo kasi sa akin, may pagka-nega, alam mo ‘yun?” “Hindi ako nega, ‘no! Sinasabi ko lang ang mga pwedeng mangyari dahil hindi naman fairy tale ang buhay natin. Nasa totoong mundo tayo kung saan maraming sakit ang pwedeng dumapo,” seryosong wika ni Alona. “Saka hindi naman habang-buhay, puro saya at pag-ibig lang ang mamamayani sa atin, minsan, kasama rin diyan ang heartaches kaya hangga’t maaga pa, alamin mo na ang mga dapat mong gawin para kung sakali mang masaktan ni Dominic ang damdamin mo, at least handa ka at hindi ka masyadong masasaktan ng dahil sa kanya. Oo, may pain pa rin pero kahit papaano, makakaya mo ng i-handle ang pain na iyon,” dagdag pa niya. “Mabuti nga at nandito ako para pagsabihan kang hinay-hinay lang sa pagiging baliw kay Dominic,” sabi pa niya. “Opo! Ikaw talaga!” nangingiting sambit ko at napailing-iling na lang. Alam ko naman kasi na hindi ako sasaktan ni Dominic. Oo minsan lang kami magkita at magkasama dahil may mga priority rin kaming dapat gawin para sa mga sarili namin pero we make it to the point na kapag nagkita kami, babawi kami sa isa’t-isa. Ilang minuto lang ang lumipas nang mapatingin kami ni Alona sa pintuan ng flower shop nang marinig namin na tumunog ang wind chime na nakasabit doon. May pumasok na limang lalaki na nakasuot ng suit na color black at ang tatangkad. Wow! May mga galante kaming costumer ngayong araw na ito. Kaso nga lang, mukha silang men in black lahat. Kaagad ko silang nilapitan at ningitian. “Good afternoon mga Sir. Welcome to Romano’s Flower shop, your home of beautiful flowers,” masayang pagbati ko. “Anong klaseng bulaklak po ang hanap nila?” pagtatanong ko pa sa kanila. Hindi ko nakikita ang kanilang mga mata dahil naka-shades silang lahat pero infairnes, mukha sila mga gwapo. Ang tatangos ng ilong. “May iba’t-iba kaming klase para sa kahit anong occasion pa ‘yan,” dagdag ko pa sa sinasabi ko. “Nandito ba si Ellyse Marie Romano?” seryosong tanong ng isa sa mga men in black. Napataas naman ang kanang kong kilay dahil sa pagtataka. “Ako po iyon. Bakit niyo po ako hinahanap?” tanong ko na nagtataka pa rin. Bigla namang pumaikot ang apat na men in black na kasama nang nagsalita sa pwesto ko. Mabilis namang lumapit si Alona. “Anong pong kailangan niyo sa bes ko?” kunot-noong tanong ni Alona kay men in black na nagsalita. Hindi siya sinagot nito sa halip ay tumingin ito sa akin. Nakaramdam ako ng kaba. Baka mamaya, kidnap ‘to. Mga sir, wala akong pang-ransom! “Sumama ka sa amin,” pakiusap lamang nito at kaagad naman akong hinawakan sa braso at sa likod ng apat na men in black na nakapalibot sa akin. “T-teka lang! Ano bang kailangan niyo sa akin? Kidnap ba ito? Mahirap lang ako! Wala akong pang-ransom!” malakas na sigaw ko at talagang nagpupumiglas ako sa pagkakahawak ng apat sa akin. “Hindi ka namin sasaktan basta sumama ka lang sa amin ng maayos,” sambit niya. Infairnes, ang cool ng boses niya. Nilamig nga ako. “Teka nga lang!” pagsabat naman ni Alona at pinipigilan niya ang isa sa mga nakahawak sa akin na men in black. “Saan niyo ba dadalhin ang kaibigan ko?” natatarantang tanong pa niya. Walang nakuhang sagot si Alona sa mga ito. Nakita kong nagsenyas ang men in black na nagsalita na pawang lider nila. Bigla na lang akong binuhat na parang istatwa ng apat na nakahawak sa akin. Imagine niyo? ‘Yung patayong pagkakabuhat? Ganun! “Ano ba?! Bitawan niyo nga ako!!!” malakas na sigaw ko at pilit akong nagpupumiglas but to no avail, sa higpit ng hawak ng apat sa akin, hindi ako makawala sa kanila. Pati si Alona ay pilit silang pinipigilan pero hindi rin niya ito mapigilan. Sigaw pa nga ako nang sigaw kaya tinakpan ng isa sa mga nakahawak sa akin ang bibig ko. Nang makalabas kami ng flower shop ay may nakaparadang itim na van sa tapat. Doon nila ako sinakay ng wala man lang akong laban at nagawa. In short, nagtagumpay sila sa pagdukot sa akin. Naiwan si Alona na tarantang-taranta naman. Sigaw siya nang sigaw na humihingi ng tulong. “Hoy! Saan niyo ba ako dadalhin?!” pasigaw na tanong ko. Nasa gitna ako ng mga lalaking ito na dumukot sa akin. ‘Yung isa ay nasa driver’s seat na. Walang sumagot sa akin. Hay! Saan ba nila ako dadalhin? --- THIRD PERSON “Ano bang problema mo at bigla-bigla ka na lang nag-aaya na mag-inuman?” nagtatakang tanong ni Drew kay Yuri. Kasalukuyan silang nag-iinuman sa medyo may kalakihang bahay ni Philipp. “Oo nga, ano bang problema mo? O kung may problema ka nga ba talaga?” tanong naman ni Philipp. “Wala. Trip ko lang uminom. Bawal ba?” maangas na tanong ni Yuri sabay lagok ng iniinom na mamahaling whiskey. Ayaw nga niyang sabihin sa mga ito ang nangyari sa kanya. Siguradong pagtatawanan lang siya ng dalawang kolokoy na ito. Inaya lang ni Yuri na uminom ang mga ito para may kasama lang siya. Hindi akalain ni Yuri na makakatagpo siya ng ganoong klaseng babae na kaya siyang labanan. Muli na namang kumulo ang dugo niya nang maalala ang babaeng nanakit sa katawan niya na hanggang ngayon, iniinda niya pa rin ang kaunting kirot. Hindi niya talaga makakalimutan ang babaeng iyon na sumipa sa pwetan niya at sumakal sa leeg niya. ‘Hay! Bwisit siya!’ nanggagalaiti na sambit ni Yuri sa utak niya. Ang isa pang dahilan nang pag-inom ni Yuri ay nang sumagi rin sa isipan niya ang nalalapit niyang pagpapakasal sa babaeng hindi naman niya kilala. Marami na nga siyang naisip na paraan para hindi lang matuloy ang kasal na iyon. Nariyan na naisipan niya na bumili ng babae para pakasalan siya and eventually, hihiwalayan niya. At least, hindi na siya makakasal sa babaeng itinakda ng mommy niya para pakasalan niya. Pero lahat ng plano ni Yuri, nauwi lang sa plano at hindi niya magawa. Hindi niya kasi kayang suwayin ang mga magulang niya. Oo, maldito at napakagaspang ng ugali niya pero alam niya sa sarili niya na napakamasunurin niya when it comes to his parents. Lahat naman kasi ng luho niya, ibinibigay ng mga ito at hindi rin niya kayang mabuhay kung wala ang mga luho na iyon. Paano na lang kung hindi niya sundin ang mommy niya sa gusto nito? Mawawala ang lahat sa kanya. Ayaw niya rin munang sabihin ito sa mga kaibigan. Saka na lang siguro. Muling lumagok si Yuri ng alak. Patong-patong na ang problema niya dagdagan pa ang inis na nararamdaman sa babaeng hindi na yata maaalis sa kanyang isipan. ‘Lintik na babaeng iyon! Hanggang kailan ba siya tatakbo sa utak ko?!’ naiinis na sambit niya sa kanyang utak. Sunod-sunod siyang lumagok ng alak. Napapailing naman sila Drew at Philipp na pinapanuod si Yuri sa pag-inom. “Sigurado na ako, may problema nga ‘yan,” aniya ni Philipp. “Ano kaya iyon?” tanong naman ni Drew. “Malalaman din natin ‘yan,” nangingiting sambit ni Philipp. Napangisi naman si Drew. --- “Saan niyo ba ako dadalhin? Kidnap ba ito? Sorry pero wala akong pang-ransom kaya pakawalan niyo na ako!” for the nth time ko na ‘yang tanong sa mga men in black na ito pero wala man lang ni isa sa kanila ang sumasagot sa mga tanong ko. Daig pa ang mga pipe na hindi nagsasalita at ako naman ang tanga na tanong nang tanong. Nasa loob na kami ng van na ito at kasalukuyang nasa biyahe pa rin at hindi ko alam kung saan patungo. Byaheng langit kaya? No! Ayoko pang pumunta sa langit! Ayoko pang iwan si Alona. Papakasalan ko pa si Dominic! Marami pa akong pangarap sa buhay! Sige, parang ang O.A. ko na yata. “Hello?! Mga wala ba kayong dila at ayaw niyo akong kausapin? Ang dali lang naman sagutin ng tanong ko, ‘di ba?!” pagtatanong ko sa mataas na tono. And as I expected, wala na namang nagsalita sa kanila. Hay naku! Kinalabit ko ang katabi kong men in black. Nasa gitna kasi akong bahagi ng van nakaupo at talagang nakapalibot ang apat sa akin na men in black. Sinisiguro na hindi ako makakatakas. Nasa magkabilang tabi ko ang dalawang men in black at ang dalawa naman ay nasa likurang upuan. Ang isa ang nagda-drive ng kotse. “Hoy! Saan niyo ba ako dadalhin?” tanong ko sa men in black na aking kinalabit. Tiningnan lang ako nito sandali at umiwas nang tingin. Naka-shades pa rin ang limang men in black na ito. Ang taas raw kasi ng araw sa loob ng van. Hay! Kanina pa ako nagsasalita rito pero wala namang kumakausap sa akin. Napapagod na ang vocal chords ko sa pagsasalita. Manahimik na nga lang ako total, mga pipe naman yata ang mga kasama ko at ayaw magsalita at sagutin ang tanong ko. Napahalukipkip na lamang ako. Malakas na nagbuga ako ng hininga. Bahala silang maamoy ‘yung kinain kong adobo kanina. --- “Wow!” Namamangha ko talagang sambit pagkababa ko ng van. Nakabuka pa talaga ng pabilog ang bibig ko. Paanong hindi ako mapapahanga at mapapanganga? Mukhang dinala yata ako ng men in black sa isang mala-paraisong lugar na hindi nage-exist sa mundo. Hindi ko na nga naisip kung kidnap ba ito o kung ano. Hindi ko maisalarawan ang lugar. Basta nag masasabi ko lang, napakalaki, maaliwalas at talaga namang mala-paraiso ang lugar na ito. Mas maganda pa sa palasyo ng presidente ang bahay na nakikita ko sa may bandang dulo. “Nasa Pilipinas pa po ba tayo?” tanong ko sa katabi kong men in black. Naglalakad na kami ngayon patungo sa malaking bahay. Ay hindi siya bahay, palasyo yata. “Oo,” malamig na sagot sa akin. Ang tipid namang sumagot. Parang magbabayad siya sa tuwing may salita siyang sasabihin. Hindi ko na lang siya pinansin. Pinagsawa ko na lang ang aking paningin sa napakagandang tanawin. Grabe! Backyard at lawn pa lang, napakalawak na. Parang mas malaki pa ang backyard nila kaysa sa bahay namin ni Alona. Tila nakalatag na banig ‘yung patag na d**o sa paligid. Ang dami pang puno at mga bulaklak kaya ang saya-saya ko na pagmasdan ang mga ito. Gustong-gutso ko talaga ng flowers and plants. Ang ganda rin ng napakalaking fountain na nasa gitnang bahagi. Angel fountain at bagay na bagay sa istruktura ng mansyon. May pagka-classical design kasi ang malaking mansyon. Sobrang laki at elegante siya tingnan. Grabe! After namin maglakad sa napagkahaba-habang daan sa gitna ay sa wakas, narating rin namin ang pintuan ng bahay. Pintuan nga ba ito? Eh parang gate na gawa lang sa kahoy. Pero kanina, nu’ng nakita ko iyong gate nila, feeling ko kapag inakyat ko iyon, makakarating na ako sa langit at makikita ko na si San Pedro dahil sa sobrang taas. Pagkatapat namin sa pintuan ng mansyon ay nagulat na lamang ako ng bigla itong bumukas. Wow! Automatic door! “Young lady, mauna na po kayong pumasok,” magalang na sabi sa akin ng katabi kong men in black. Wow! Young lady daw ako? At bakit bigla siyang naging magalang? Sinunod ko na lang siya baka mamaya kasi kapag hindi ko siya sundin, bigla akong barilin. Nauna akong pumasok at nagulantang na naman ako dahil pagpasok ko, nakahilera ang mga katulong sa magkabilang daanan. Nakayuko pa ang mga ito. Grabe! Ang daming katulong at ang sosyal ng uniform nila, kulay white at pink. Mukha pa yatang dadaan ako sa gitna. Wow naman! Prinsesa na ba ako? Isa na ba ako sa mga dugong bughaw? Kamag-anak ko ba si Princess Diana? Kung ano ang kinaganda ng labas ng bahay, mas lalo pang gumanda sa loob. Nagkakabit ang mga chandelier sa kisame. Kitang-kita ko rin ang isang hagdanan na parang makikita lamang sa mga kastilyo at palasyo sa fairytales. Grabe! Ang sosyal ng loob ng bahay. Hindi ko akalain na may ganito pala talaga na klase ng bahay na nage-exist sa mundo. Napalingon muli ako sa hagdanan nang makarinig ako ng mga yabag. Nakita ko na may pababa na isang babaeng sa tantya ko ay napakabata pa. Mukha itong Koreana at napakaganda sa suot nitong long pink dress. Ang mga suot nitong alahas ay talaga namang mamahalin at mukhang gawa pa sa dyamante. Pati yata ang suot nitong high heels ay may dyamante rin yata. Basta, ang ganda-ganda ng babaeng ito. Parang mannequin na dinamitan sa boutique. Nagtataka lang ako kung bakit nakangiti ito sa akin. Kilala niya ba ako? Ngumiti na lang rin tuloy ako sa kanya kahit hindi ko alam kung bakit ko dapat siyang ngitian. Ilang minuto pa ang lumipas ay lumapit sa akin ang babae. Nakangiti ito ng ubod ng tamis. Nakipag-beso siya sa akin. Nakisakay na lang ako. “At last, nagkita na tayong muli,” natutuwang sabi niya nang humiwalay siya sa akin. Hindi ko siya maintindihan. Nagsalubong tuloy ang kilay ko dahil sa pagtataka. Ngumiti lang muli ang babae sa akin. “Halika at may mahalaga tayong pag-uusapan,” pag-aaya nito sabay hawak sa kanang palad ko at hinila ako sa kung saan. Patungo kami sa hindi ko alam na lugar na puno pa rin nang pagtataka. --- “Po? Papakasalan ko ang anak niyo?” gulat na gulat kong tanong kay Mommy Ji. Nanlalaki ang mga mata ko. Paanong hindi ako mapapatanong ng ganyan kung sinabi niya sa akin na papakasalan ko raw ang anak niya? Nakakagulat at hindi ako makapaniwala na may ganoong kasunduan. Oo nga pala, Mommy Ji, ‘Yun daw ang pangalan niya. Best friend daw siya ng mama ko since birth pa dahil pati ang mga magulang ng mama ko at magulang ni Mommy Ji, magkaibigan na rin. Infairnes, hindi siya mukhang mommy at kasing edad ni mama, parang magkasing-edad nga lang kami kasi ang ganda niya talaga. Alam na rin nito ang nangyari sa mga magulang ko at talagang nalungkot siya. Kaya nga kaagad niya akong ipinahanap. Kaya rin pala parang pamilyar ang mukha niya sa akin, dahil siya pala ‘yung babae na kasama ni mama sa picture na nasa aking kwintas na nakita na rin ni Mommy Ji. Siya pala ang may bigay nito sa mama ko. Tuwang-tuwa nga siya na nasa akin na ang kwintas. Patunay lang raw iyon na inalagaan ni mama ang bigay nitong kwintas. Tumango-tango si Mommy Ji na hindi nawawala ang ngiti sa labi. Tumalikod ito mula sa akin at tumingin siya sa labas ng malaking bintana ng home office niya. Ang sexy ng likod niya. “Noong mga bata pa kasi kami ng mama mo, ipinangako namin sa isa’t-isa na kung magkakaroon kami ng anak, gusto namin na sila ang magkatuluyan. In short, ikaw at ang anak ko ay magpapakasal at magsasama habang-buhay,” wika ni Mommy Ji sa akin. Humarap na muli siya. Nagsalubong ang kilay ko. “Pero po… hindi po pwede,” sambit ko. “Saka parang sinasabi niyo sa akin ngayon na kayo ni mama ang magdedesisiyon para sa mga buhay namin ng anak ninyo dahil first of all, hindi naman namin kilala ng anak ninyo ang isa’t-isa kaya-” “Makikilala niyo rin naman ang isa’t-isa. Saka gusto ko lang naman na matupad ang ipinangako namin ng mama mo sa isa’t-isa. Alam ko na magiging mabuting mag-asawa kayo ng anak ko. Isa pa, I want you to be a part of our family,” malambing na sambit ni Mommy Ji. “Teka nga lang, may sinabi ka sa akin na hindi pwede? Hindi ka pwedeng magpakasal? Bakit?” tanong nito. Napabuntong-hininga ako ng malalim. “Hindi po pwede kasi… may nobyo na po ako at mahal na mahal ko po siya,” sagot. Mahal ko si Dominic at hindi ko naman siya pwedeng ipagpalit para lang sa marangyang buhay sa piling ng lalaking mapapangasawa ko. Alam na rin kasi ni Mommy Ji ang buong buhay ko. May hinire pala itong private investigator para manmananan ang bawat kilos at galaw ko at kung anuman ang nangyayari sa buhay ko. Alam niya na hindi ganun kaganda ang takbo ng negosyo namin ni Alona na flower shop. Alam rin niya na hindi ako nakatapos ng pag-aaral at hanggang high school lang ang natapos ko. Lahat yata alam niya at mukhang wala na akong maitatago pa sa kanya. Ay meron pala, hindi niya nalaman na may nobyo ako. Sinabi nga niya rin sa akin na kung magiging asawa ko ang anak niya, magiging buhay prinsesa raw ako. Lalago ang negosyo namin ni Alona at makakapag-aral pa raw ako sa kolehiyo. Magbabago ang buong buhay ko sa isang iglap lang. Pero ayoko namang ipagpalit si Dominic para lang sa isang marangyang buhay. Mahal ko siya at hindi-hindi ko iyon basta-basta itatapon lang. Nagbaba nang tingin si Mommy Ji. Maya-maya ay huminga siya ng malalim. “Ganun ba? Pero Ellyse, pag-isipan mong mabuti. Buhay mo ang nakasalalay sa desisiyong gagawin mo. Ipinapangako ko na gaganda ang buhay mo,” wika niya sa seryosong tono at muli itong tumalikod sa akin. “Gusto ko lang kasi talaga na matupad ang ipinangako namin ng mama mo sa isa’t-isa. Kahit nga si Erick, ang asawa ko, noong una hindi payag sa plano kong ito pero sa tyaga ko na pamimilit sa kanya, napapayag ko rin siya. Alam ko, makasarili itong ginagawa ko kasi parang ako na ang nagdidikta sa kapalaran ninyong dalawa ng anak ko pero ramdam ko kasi, may spark kayong dalawa. Pakiramdam ko, kayo ang itinadhana para sa isa’t-isa. Gaya namin ng mama mo, kami ang itinadhana ng Panginoon para maging mag-best friend kaya kung sakali mang matuloy ang kasal ninyo ng anak ko at maging bahagi ka ng aming pamilya, ako ang magiging pinakamasaya sa mundo at alam ko rin na pati ang mama at papa mo ay magiging masaya rin kung nasaan man sila ngayon,” mahabang litanya pa ni Mommy Ji. Bakit parang nagtatalo ang isip ko kung papayag ba ako o hindi? Bakit sinasabi ng isip ko na huwag akong pumayag kasi siguradong masasaktan si Dominic oras na gawin ko ito pero sinasabi naman ng puso ko na pumayag ka na at hindi ko alam kung bakit iyon ang sinasabi ng puso ko. Siguro dahil sa pera? Marahil iyon nga ang dahilan kasi ang hirap din namang tanggihan ng yaman. Tao lang ako at kailangan ko ng pera. Napabuga ako ng hininga. Kung ang iba ay naghahanap ng sagot sa tanong na: Sinong pipiliin ko? Mahal ko o mahal ako? Ako, naghahanap ng sagot sa tanong ko na: anong pipiliin ko? Yaman o mahal ko? Muling napatingin sa akin si Mommy Ji. “Kamukhang-kamukha mo talaga ang mama mo. Lumaki kang isang napakaganda at matatag na babae,” mahina nitong sabi pero narinig ko. Napangiti ako. Marami ngang nagsasabi na kamukha ko nga raw ang namayapa kong ina. Siguro pwede naman munang mag-isip sa magiging desisiyon ko, ‘di ba? Parang gameshow lang. At katulad ng gameshow na kapag napalanunan ang grand prize, magbabago ang buong buhay ko, katulad rin ito ng sitwasyon ko ngayon, para akong nasa isang gameshow, oras na piliin ko ang inaalok sa akin ni Mommy Ji na pagpapakasal sa kanyang anak, magbabago rin ang buhay ko. Kailangan ko lang mag-isip at maging tama ang gagawin kong desisyon. Pero bakit ba ako nag-iisip pa? Di ba dapat kong piliin si Dominic kasi mahal ko siya? Pero bakit kailangan ko pang mamili? Bakit ako manghihinayang kung si Dominic ang pipiliin ko? Hay! Ang g**o ko talaga! Tiningnan ko si Mommy Ji sa kanyang mga mata. Huminga ako ng malalim. “Pag-iisipan ko po muna kung anong magiging sagot ko sa alok ninyo. Kapag bumalik po ako dito sa mansyon ninyo, ibig sabihin po nun, pumapayag na po ako,” wika ko na lamang na nakapagpangiti kay Mommy Ji. Baka kasi kapag sinabi kong hindi ko tatanggapin ang alok niya, baka magalit siya sa akin at dahil ang tingin ko sa kanya ay mabait na tao kaya ayoko siyang magalit. “Okay. Naiintindihan ko,” saad ni mommy Ji. “Anyway, tara at kumain na muna tayo. Nagpahanda ako ng maraming pagkain dahil darating ka,” aniya pa na ikinalaki na lamang ng mga mata ko sa gulat. Talaga? Maraming pagkain? ‘Yan ang gusto ko! Hahaha!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD