Matuling lumipas ang mga araw. Mag-iisang buwan na rin simula nang mangyari ang insidenteng iyon.
Kapag sumasagi sa utak niya ang pangayayaring iyon, di niya maiwasang lukubin ng pait ang kanyang dibdib. Sa buong buhay niya, sa pagkakataong iyon siya nakaramdam ng matinding humiliation. Labis-labis. And she suffered this pain all alone, in silence.
Naipagpasalamat niya na hindi na nagpapang-abot ang mga landas nila ni Lorenzo. Hindi na rin ito napapagawi sa hacienda.
Ngunit nang dumating 25th birthday ni Margaux, napipinto na naman niyang makakrus ng landas si Lorenzo. May engrandeng pagtitipon sa bahay. Imbes na sa isang hotel sa bayan o di kaya ay sa Manila idinaos ang naturang pagtitipon gaya ng nakagawian, mas pinili ni Sir Deo na sa bahay na lang. As always, Margaux looks exquisite sa suot nitong Sherri Hill purple gown. Simple lang ang tabas ngunit lumalabas ang kagandahan at malamodelong alindog ng kaibigan.
"You look so beautiful, hija," papuri ni Deo sa unica hija. "I'm sure luluwa ang mata ni Lorenzo pag nakita ka."
Sumimangot si Margaux.
Naglalakad na ang mag-ama pababa sa paikot na hagdanan.
"Eli, come on."
"Sige, susunod na lang ako."
Hindi naman siya makiki-party. Noong hindi pa siya nagtapos ng pag-aaral, kapag hindi nagpapacater ang mag-anak ay isa siya sa mga food servers. Ngayong may trabaho na siya, mahigpit na tinututulan ni Margaux na gagawin pa niya iyon.
Pinagkasya na lang niyang maupo sa veranda at pinagmasdan ang kaganapan sa ibaba. Ilang pagtitipon na ba na kagaya nito ang idinaos sa bakuran? 'Di na mabilang. Noong araw, nakakaramdam siya ng inggit pero nang nagmature siya, nawala na rin ang pagpa-fantasize niya na sana isa rin siyang prinsesang kagaya ni Margaux at may kasayaw na prinsipe.
Napangiti siya ng mapait.
"Prinsesa naman ako ng nanay ko."
At hindi niya kailangan ng prince charming sa buhay.
Nasa ganoon siyang pag-iisip nang di inaasahang direktang mapatutok sa kapapasok na bulto ng katawan ang kanyang pansin. Si Lorenzo, kasama ng mga magulang. Nakasuot ito ng coat and tie. Lean and masculine, ganoon ang build ng katawan ni Lorenzo at maganda itong magdala ng damit kahit pa nga rugged outfit ang isuot nito. Puno ng kakisigan at confidence. Mapapanganga ang sinumang babae, lalo na sa mga hindi nakakakilala sa tunay na pag-uugali nito.
Bigla na namang nabuhay sa alaala niya ang halik na iyon. Kahit anong gawin niya ay hindi mangatngat sa utak niya at naiinis na siya sa sarili.
Akmang aalisin na niya ang paningin rito nang siya namang pagtingala nito sa kinaroroonan niya. Sandaling nagtama ang mga mata nila. Wala siyang mabasang yamot sa ekspresyon nito. Surprisingly, malambot ang ekspresyon nito habang nakatitig sa kinaroronan niya.
But looks can be deceiving.
Napapailing na umalis siya sa kinatatayuan at nagpasyang mahiga na lang muna. Pero kahit nasa loob ng silid ay naririnig pa rin niya ang mga kaganapan sa labas. Umaabot ang malinaw na audio ng sound system na inarkila para sa okasyon.
"To my beautiful daughter, Margaux, happy birthday!"
Boses ni Deo ang umalingawngaw sa paligid.
"We thank you all for coming here tonight not just for Margaux's birthday. but for a very important announcement, as well."
Bigla siyang napabangon. Sa likod ng kanyang utak ay may pumitik na hinala. Naglakad siya patungo sa bulwagan. Ang mag-anak na Santibanez at Samonte, nag-ipon-ipon sa pinaka-stage ng venue.
"My kumpadre and I," tinapunan ni Deo ng tingin ang ama ni Lorenzo na nakaakbay sa misis nito habang hawak sa kaliwang kamay ang brandy, "have always longed to marry our children in the future."
Awtomatikong napatutok siya kay Margaux. Perplexed. Yon ang nakikita niyang reaksyon ng kaibigan.
May mga sinasabi pa si Deo ngunit sa iisang pakay lang humantong ang mga pangungusap nito.
"The time has come. Lorenzo and Margaux are in love and are getting married."
Kasabay ng palakpakan ng mga nakasaksi ay ang pangingilid ng luha ni Margaux.
"Oh, you're crying, hija," puna ng ina ni Lorenzo na pinahid ang luhang nangilid sa mga mata nito.
"Tears of joy."
But she knows better at naaawa siya sa kaibigan. Ikakasal ito sa isang walang kwentang tao, isang cheater. Makikisama ito sa taong hindi naman nito mahal.
"Depende sa kung sino ang iriretain ko."
Ah, talagang dapat na siyang umalis sa pamamahay na ito.
*****
"s**t!"
Umalingawngaw ang sunud-sunod na mura ni Margaux sa loob ng silid nito. Ibinalibag nito sa kung saan ang hinubad na mga alahas pati na ang unan ay napagbuntunan nito ng frustrations. Sunud-sunod na luha ang umaagos sa mga mata nito. Ang maitim na mascara nito ay humalo sa mga luha. Naaawa siya rito pero wala siyang magagawa at hindi niya malaman kung paano ito aaluin.
"I don't wanna marry that prick!" deklara nito. "They couldn't force me."
Paano nga ba ito makakatatanggi sa magulang?
Pinahid ni Margaux ang luhaang pisngi at hinawakan siya sa kamay. "You gotta help me, Eli."
"Anong gagawin ko?"
"Tutulungan mo akong makatakas dito."
Mulagat ang mga mata niya sa narinig. Takot lang niya kay Sir Deo na malimit lang napipintahan ng ngiti ang mukha.
"Margaux, natatakot ako sa daddy mo."
"Either way, with or without your help, I'm gonna get away from here. I don't wanna marry just because it is convenient for the business and for the family, Eli. I wanna marry for love, for God's sake!"
Naantig siya sa sinabi ni Margaux. Napapahanga siya rito at the same time.
"Help me."
Mahigpit nitong ginagap ang palad niya.
"Paano eh nakasunod lagi ang bodyguards mo?" At sigurado niya na kahit ang mga tauhan ng mga Santibañez ay babantayan na rin ito. In a way, ay may unspoken authority na si Lorenzo na gawin iyon ngayong engaged na ang mga ito.
Hindi kumibo si Margaux. Naihilamos lang nito ang palad sa mukha.
"Bakit hindi mo kausapin si Lorenzo? Dalawa kayong humarap sa mga magulang ninyo. Malay natin, baka makikinig din ang mga iyon."
"Makikinig? Magkasama tayong lumaki. Bukam-bibig ng mga magulang namin na kami ang magkakatuluyan in the future."
Ang hindi niya maunawaan ay kung bakit sa kabila ng espesyal na pagtrato ni Lorenzo dito ay hindi nito makuhang mahalin ang lalaki. Sa kanya lang naman magaspang ang pakikitungo ni Lorenzo. Pero paano kaya kung lumabas ang pagkademonyo nito oras na napakasalan na nito ang kaibigan?
Deep down in her heart, bumangon ang hangaring tulungan ang kaibigan at isalba ito kay Lorenzo. Paano ba niya maaatim na makita ang kaibigan na umiiyak oras na nambabae na ang lalaki kahit na kasal na ang mga ito. May moral obligation siya rito. Makagawa man lang siya ng isang tama habang nabubuhay siya.
Kaya, nagbitaw siya ng pangako.
"Tutulungan kita."