"MISS?" nang magising si Sara ay babaeng nurse ang nagisnan niya.
Nakangiti itong humarap sa kanya. Nakita niyang nagbuka ito ng bibig para magsalita pero napigil iyon nang mula sa partisyong kurtina ng Emergency ng ospital ay sumilip si Benjamin. "Okay na miss" pagtataboy pa nito sa nurse.
Parang hihimatayin siyang muli nang maiwan siyang mag-isa kasama ito. Mabilis siyang umiwas ng tingin pero napilitan rin siyang harapin ito nang magsalita ang binata. "Ano nang nararamdaman mo?" concerned nitong tanong.
"O-Okay lang ako, salamat" aniyang ngumiti habang hindi alintana ang malalagkit na titig ni Benjamin sa kanya.
"Good, ang sabi ng doctor pagod daw, at stress normal lang din na himatayin pagkatapos ng matagal na panahon" makahulugan nitong sabi saka amuse na ngumiti sabay kibit ng balikat.
Nanlaki ang mga mata ni Sara sa narinig. "S-Sinabi mo iyon?"
Lumapad ang pagkakangiti ng binata. "Tinanong ng doktor, alangan namang magsinungaling ako" katwiran nito.
"Pakitawagan mo nalang sa bahay,para makauwi na ako" aniyang hindi ito tinitingnan.
"Nope" mabilis na nagsalubong ang mga kilay ni Sara sa tipid na sagot na iyon ng kaharap.
"What do you mean nope?"
"Ako nang maghahatid sayo pauwi, para makumusta ko narin ang mga tao doon" nahimigan ni Sara sa tono ni Benjamin ang pananabik sa huli nitong sinabi kaya wala sa loob siyang napangiti.
"Okay" aniya pa.
"NAKU maswerte ka parin talagang bata ka. Paano nalang kung hindi itong si Benjamin ang naroon nung mawalan ka nang malay?" si Aling Norma habang inaayos siya nito sa kanyang kama.
"Aling Norma okay na ako" aniyang natawa pa ng mahina saka sinulpayan si Benjamin na nakatayo naman sa paanan ng kanyang kama.
"Ikaw naman hijo, kumain kana ba? Ang mabuti pa dito kana maghapunan. Naku pag-uwi ng Tata Turing mo tiyak na matutuwa iyon, aba'y ang laki ng ipinagbago mo. Lalo kang tumikas at gumandang lalaki" lahat ng sinabing iyon ni Aling Norma ay lihim na sinang-ayunan ni Sara.
"Salamat po, ang totoo nagugutom na nga rin ako" paunlak naman ni Benjamin saka pa siya sinulyapan. "okay lang ba sayo Sara, dito ako maghahapunan?"
Nangingiti niyang inirapan ang binata. "Oo naman" aniya.
"O siya sige maiwan ko na muna kayo at ihahanda ko na ang mesa para sa hapunan. Iaakyat ko nalang ang pagkain mo ha Sara?" patanong pero sa tono ng pananalita ni Aling Norma alam ng dalaga na oo lang ang pwede niyang isagot.
"Sige po" aniyang nakangiti.
Nang makalabas ang matanda ay saka naman itinulak pasara ng binata ang pinto saka ito humakbang palapit sa kanya at naupo sa gilid ng kanyang kama. Matagal na naghinang ang kanilang mga mata kaya naman lalong nagtumindi ang pakiramdam na parang nagsikip ang kabuuan ng silid.
"Kumusta kana?" ang halos paanas nang simula ng binata saka tila nag-aalangan pang hinawakan ang kamay niya.
Nang maramdaman ang init ng palad ni Benjamin ay mabilis na nag-init ang mga mata ni Sara. Pero gaano man katindi ang pagnanais niyang yakapin ito at halikan, alam niyang wala na siyang karapatan. Dahil siya mismo ang tumapos ng lahat ng mayroon sila noon.
"I'm good, i-ikaw?" tanong-sagot niya.
Ngumiti si Benjamin. "Sakto lang," anitong makahulugan siyang tinitigan pagkuwan. "can I ask you something?" pagkuwan ay dugtong ng binata.
"Yes of course" maikli niyang tugon kahit parang nahuhulaan na niya ang itatanong nito at hindi nga siya nagkamali.
"Are you married?"
Umiling siya. "Actually kabi-break lang namin ng boyfriend ko. Bakit mo naitanong?"
"Wala lang, naisip ko lang na gusto kong malaman ang tungkol sa'yo. Anyway pareho pala tayo, ang kaibahan lang ay minabuti ko nang huwag i-commit ang sarili ko sa iba mula nung, alam mo na" pahiwatig pa ng binata.
Sinungaling siya kung hindi niya aamining natuwa siya ng lihim sa inaming iyon ni Benjamin. Pero sinarili nalang niya iyon dahil para sa kanya iyon ang mas tama. "It's good to see you" ang sa halip ay isinagot niya saka magkakasunod na lumunok sa kagustuhang huwag mapaiyak.
Ngumiti ang binata. "It's good to see you again, Sara" anitong itinaas ang kamay niya saka iyon hinalikan.