TEN YEARS BEFORE...
"BENJIE, halika nga rito" napasimangot si Benjamin sa narinig saka naiiling na iniwan ang pagsisibak ng kahoy para puntahan ang Lola niya.
"La naman, Benj ho. Binata na ako eh" aniyang itinama ang Lola niya sa ginamit nitong pantawag sa kanya.
Sa totoo lang lumaki naman siyang naririnig na mula sa matandang babae ang Benjie bilang palayaw nito sa kanya sa pangalan niyang Benjamin. Pero twenty na siya, kaya hindi na siya kumportable sa nickname na iyon. Sa katunayan first year high school siya nang magsimula siyang umangal kapag tinatawag siya ng Lola niya sa ganoong palayaw. Pero parang wala lang iyon sa Lola niya kaya hanggang ngayon ay sige parin ito.
"Eh ano naman ngayon kung binata kana? Ang babae kapag talagang mahal ka, gaano man kabantot ang pangalan mo hindi ka ikahihiya" anitong ipinagpatuloy ang paglalagay sa kaing ng mga hinog ng mangga.
"Ano hong gagawin ko sa mga ito?" tanong niya nang mapuno ng matanda ang kaing.
"Dalhin mo sa mansyon, ang sabi ng Lolo mo eh darating raw ngayon iyong nag-iisang apo ni Don Antonio" ang Lola niya na nakuha naman niya ang ibig sabihin.
Sa pagkakarinig sa sinabing iyon ng kanyang Lola ay mabilis na lumukso ang puso niya. "Si Sara po ba ang sinasabi ninyo?" ang masigla niyang tanong.
"Sino pa nga ba? Eh siya lang naman ang apo ni Don Antonio hindi ba?" ang Lola niyang tiningala siya kaya mabilis niyang binago ang reaksyon ng kanyang mukha. "ano pang tinatayo-tayo mo riyan, gumayak kana!" pagtataboy pa sa kanya ng Lola niya.
Mabilis ang ginawa niyang pagligo. Habang sa isipan niya ay ang pananabik na muling masilyan si Sara matapos ang napakatagal na panahon. Katiwala at matalik na kaibigan ni Don Antonio ang Lolo niyang si Benito sa malawak nitong manggahan. Sa mismong lupain ng mga ito sila pinatira ng matandang Don at maging ng namayapa nito kabiyak na si Donya Isabel na pumanaw dahil sa sakit na leukemia. Habang si Don Antonio naman ay ilang beses naring na-admit sa ospital dahil sa sakit nito sa puso.
Hindi pa niya nakaharap minsan man ang nag-iisang anak ni Don Antonio, pero ayon narin sa ibang nakakakilala rito, kabaligtaran raw ang ugali nito sa mismong mga magulang nito.Sixteen lang yata siya nang una niyang makita ang apo ni Don Antonio sa burol mismo ni Donya Isabel. Sa Norway kasi ipinanganak at nagkaisip si Sara kaya bihira kung umuwi ito ng Pilipinas. Matanda siya ng apat na taon dito kaya twelve lang ito noon.
Alam niyang malayo ang agwat ng pamumuhay nila ni Sara kung tutuusin, pero ang totoo , mula nang unang beses niya ito nakita. Nagkaroon ng pirming direksyon ang buhay niya. Hindi naman mahina ang ulo niya kung tutuusin. Sa katunayan ay nakakapag-aral siya sa Roswell University as full-scholar. Ibig sabihin ultimo pamasahe at allowance ay sinasagot ng eskwelahan. Ang tangi lang niyang kailangang gawin ay i-maintain ang matataaas niyang marka.
Nagkaroon narin naman siya ng girlfriends pero hindi niya maitatangging hindi nawala minsan man sa isipan niya ang magandang mukha ni Sara. Ang perpektong ngiti nito na tila ba kayang pasikatin ang araw kahit nasa kalagitnaan man ang malakas na bagyo.
At ngayon, makalipas ang apat na taon, kung ibibigay ng pagkakataon makikita niyang muli ang babaeng minsan palang niyang nakita ay nagkaroon na ng espesyal na puwang sa puso niya. Kaya naman sobrang nasasabik siya.
Simpleng maong pants at white shirt lang ang isinuot niya. Pagkatapos magpaalam ay kinuha niya ang bisikleta niya saka inilagay sa likurang carrier niyon ang kaing ng mangga, tinalian para hindi mahulog.
Mahirap lang sila, at tanging ang bisikletang iyon ang ginagamit niya sa pagpasok at pag-uwi galing ng eskwela. Pero sa kabila ng lahat ay marunong siyang mag-drive. Tinuruan kasi siya ni Mang Turo, ang personal driver ni Don Antonio na anak narin ang turing sa kanya. Sa katunayan ay mayroon pa siyang professional driver's liscence.Kailangan naman kasi niya iyon sa trabaho bilang crew sa kainang nasa tapat ng kanilang unibersidad.
Halos isang oras ang ginugol niya sa pamimisikleta bago niya narating ang mansyon. Sa likuran siya nagdaan habang pasan niya ang kaing ng mangga. Noon siya masayang sinalubong ni Aling Norma, ang mayordoma ng mansyon at asawa ni Mang Turo. Gaya ng asawa nito ay mabait rin sa kanya ang ginang. Hindi niya matiyak kung bakit pero siguro dahil hindi nabiyayaan ng anak ang mga ito kaya sa kanya nakatuon ang atensyon at amor ng dalawa.
"Naku pawis na pawis ka, kumain ka muna at baka gutom kana" ani Aling Norma at sa mabibilis na mga kilos ay sinimulang siyang ipagsandok.
Kabubukas palang ng ginang ng kaldero ay sumungaw na sa pintuan ng kusina ang isa sa dalawa pang katulong ng mansyon, si Derang na agad namang ngumiti sa kanya. "Nandito pala si pogi eh" anito bago hinarap ang matanda. "Aling Norma nasaan na iyong mangga? Magpa-panghimagas na ang mga amo natin" anitong hinarap ang matanda pagkuwan.
Noon siya kumilos. Kinuha ang kutsilyo saka ibinigay ang hinihingi ni Derang. "Pasensya na, nahuli ako ng dating eh" hingi niya ng paumahin. "sino nga palang kasamang dumating ni Maam Sara?" dugtong pa niya.
"Ang Mama at Papa niya" si Derang ulit.
Nagbuka ng bibig si Aling Norma para magsalita pero napigil iyon nang lumabas sa kusina ang isang pamilyar na mukhang nagpalukso ng puso ni Benjamin. "Wow may mangoes, pahingi po Aling Norma" si Sara sa malamyos nitong tinig saka siya nakangiting sinulyapan.
"Anong ginagawa mo dito bata ka? Tapos kana bang kumain?" si Aling Norma kay Sara
Nakangiti paring nagsalita ang dalaga. "Tapos na po, I just came here to get my dessert tapos sa kwarto ko na po kakainin" paliwanag nito.
Hinipo ng magandang ngiting iyon ang puso ni Benjamin kaya parang wala sa sarili niyang iniabot ang isang piraso ng hinog na mangga sa dalaga. "Here" aniya pa.
Alanganing napakagat-labi si Sara saka pinaglipat-lipat ang tingin sa mukha niya at sa hawak niyang mangga. "P-Pwede po bang paki-slice?" ang nahihiya pa nitong sambit.
Sa narinig ay nagmamadaling kumilos si Benjamin. Hinugasan niya ang mangga saka iyong hinawa. "Ang iba, flower ang tawag dito. Ang iba naman turtle" aniyang inilagay sa maliit na plato ang dalawang pisngi ng mangga.
Ngumiti si Sara. "Thank you, but I think mas gusto ko siyang tawaging flower" anitong tinalikuran na siya pagkatapos. Iba ang naging kahulugan sa kanya ng sinabing iyon ng dalaga at humaplos iyon ng husto sa puso niya na nagdulot naman ng kakaibang tuwa sa kanya.
"Bagay kayo!" ang kinikilig na bulong ni Derang.
"Hoy tumigil ka baka marinig ka ng mga amo natin pati itong si Benjamin eh madamay" saway ni Aling Norma sa katulong.
Kinikilig na umikot ang mga mata ni Derang. "Mag-aral ka at magpakayaman Benjamin, walang ibang lalaking babagay kay Maam Sara kundi ikaw lang. Isang gwapo at isang maganda, perfect combination ika nga nila" anito. "iyong mangga Aling Norma kayo nalang ho ang magpasok sa komedor" anito.
"Sige" ang matanda.
Pagkatapos niyon ay minabuti naring magpaalam ng binata. Marami pa siyang sisibaking kahoy na kasama sa mga nakuha niya sa gubat nang mapulot niya ang singsing na ruby. Pinigil niya ang mapangiti sa naalala. Kailangan ng maraming imbak lalo na't malapit na ang tag-ulan. Bukod pa roon ay magbubukas na ang klase dalawang linggo mula ngayon at mamayang hapon ang shift niya sa restaurant.
Kagaya kanina ay sa back door siya nagdaan. Nang aksidenteng napatingala siya dahil naramdaman niya ang tila presensya ng kung sinong nagmamasid sa kanya. Awtomatiko siyang napangiti. Si Sara at nakangiti pang kumaway sa kanya habang nanunungaw sa likurang veranda kung saan naroon ang silid nito.
"Ano na nga ulit nga ulit ang pangalan mo?" ang halos pasigaw nitong tanong.
Nagsalubong ang mga kilay niya saka nang mamataan ang puno ng rosas sa mismong ibaba, katapat ng veranda ay nilapitan iyon saka binali ang sanga ng isa nitong bulaklak. Pagkatapos ay nagmamadali ang mga kilos niyang inabot ang nakalawit na hagdang yari sa bakal na siyang nagsisilbing emergency exit ng silid ng dalaga. Inakyat niya iyon at ilang sandali pa napagmasdan na nga niya ng husto ang pinakamagandang mukhang nasilayan niya sa buong buhay niya.
Banayad ang tinig siyang nagsalita. "Here, ito totoong flower na, para sa'yo" natuwa siya ng lihim nang makita ang pamumula ng mukha ni Sara dahil sa ikinilos niyang iyon.
"T-Thank you?" sa nanginginig na tinig ay humimig ang dalaga na hinihingi ang pangalan niya saka nito tinanggap ang bulaklak.
"Benjamin, Benjamin Sebastian" aniya.
Tumango-tango si Sara. "Nice name, Benjie, can I call you that?"
Pinigil ni Benjamin ang mapangiwi dahil doon. Pero sa kabilang banda, hindi niya maitatangging nagkaroon na siya ng magandang dahilan para magustuhan ang palayaw na noon ay inaayawan niya ng sobra.
"Sure! Anything you say!" aniya pa.
"I'm Sara, Sara Medina. Alam ko nagkita na tayo noong burol ni Lola" natuwa si Benjamin sa narinig kaya matamis siyang napangiti.
"Natandaan mo pala?"
Tumango si Sara. "Yeah, anyway magpapahinga na ako. Dito na ako magka-college kaya masaya akong makilala ka ng personal" naramdaman niya sa tono ni Sara ang sinabi. "it's so good to see you" dugtong pa ng dalaga saka inilahad ang kamay nito sa kanya.
Walang pagdadalawang isip niyang tinanggap iyon. "It's always good to see you, Sara" aniyang pagkasabi ay itinaas ang kamay ng dalaga saka iyon hinalikan.
Nakita niyang napigil ng kaharap ang hininga nito. Hindi na siya nagtaka dahil ramdam din niya ang panginginig at panlalamig ng palad nito. At para sa kanya, magandang senyales iyon dahil sa nakikita niya, nararamdaman ni Sara ang parehong nararamdaman niya para rito.