MALAPAD na napangiti si Benjamin nang mabasa ang nakasulat sa konkretong arko na siyang pinaka-boundary ng San Fernando at nang bayang sinundan nito. Sa kabayanan mismo ay hindi naman siya nahirapang maghanap ng hotel na pwedeng tuluyan.
Ramdam niya ang pagod pero wala siyang balak magpahinga dahil kahit hindi niya aminin, nananabik siyang makita at malibot ang buong kabayanan at lalong higit ang lahat ng parte ng San Fernando na naging espesyal sa kanya.
Kaya naman nagmamadali siyang nagbihis at lumabas para sumakay ng kotse at mag-iko-ikot. Nang mamataan niya ang pamilyar na unibersidad ay hinaplos ng hindi maipaliwanag na damdamin ang puso ni Benjamin. Sandali niyang itinigil sa tapat ng gate ang kanyang kotse.
Pakiwari niya ay nakikita niyang naglalakad palabas ng gate ang isang dalagang itiman ang buhok pero mestiza. Bagay na bagay dito ang suot na Culinary uniform, at habang papalapit sa kanya ay lalong naging visible sa paningin niya ang magagandang kislap ng maiitim nitong mga mata. Ang mga labi nitong mapupula, ilang beses na ba siyang tila nawala sa kanyang sarili kapag hinahalikan niya ang mga iyon.
Malakas na busina ng sasakyan ang tila gumising sa natutulog na diwa ni Benjamin. Noon niya pinatakbong muli ang kanyang kotse saka tinakbo ang rutang naging sobrang mahalaga rin sa kanya.
Walang particular na pangalan ang dakong iyon ng bayan. Hindi niya alam kung bakit pero para sa kanya, mas mainam narin iyon. Dahil hindi iyon naging puntahan ng mga tao. Pero para sa kanila ni Sara, iyon ay ang Dalisay. Hindi lang iyon dahil sa natural at dalisay na ganda ng paligid kundi mas higit ang paggiging saksi nito sa lahat halos ng masasayang araw nilang magkasama.
Malayo pa man ay tanaw na niya ang maraming matatandang puno ng akasya sa magkabilang gilid ng kalsada. Noon kasama si Sara ay nilalakad lang nila ito kapag napagkakasunduan nilang lumabas at magkita ng palihim. Napangiti siya sa alaalang iyon.
Sa gilid ng kalsada sa di kalayuan namataan ni Benjamin ang isang bulto na naglalakad pasalubong sa kanya habang akay ang isang bisikleta. Natawa siya ng mahina, saka naisip na baka nasiraan kaya ganoon. Pero habang papalapit siya ay noon niya napunang babae ito. And take note, isang sexy'ng babae.
Ilang sandali at nakalapit siya. Nagsalubong ang mga kilay niya at awtomatiko siyang napatapak sa preno ng kanyang kotse nang mamukhaan ito. Pero dahil nga tinted ang salamin ng kanyang sasakyan ay nagpatuloy lang ang babae pino nitong paglalakad.
Nagmamadali siyang bumaba ng kotse saka hinabol ang babae. Gusto niyang tiyakin kung tama nga ang hinala niya dahil kung hindi naman, wala naman mawawala. At least sinubukan niya.
"Miss! Miss!" tawag niya habang tumatakbo palapit rito.
Hindi naman siya nabigo, huminto ang babae saka siya nilingon. "W-Wha--?"
"S-Sara!" aniyang tila nananaginip na pinakatitigan ang magandang mukha sa kanyang harapan. Pagkatapos ay nagawi sa akay-akay nitong bisikleta ang paningin niya. Natanggalan pala ito ng kadena.
"B-Benjie?" anito sa tinig na hindi makapaniwala habang ang mukha nito,nawalan ng kulay dahil sa pamumutla bago ito tila nauupos na kandilang nawalan ng malay.
"S-Sara, Sara!" mabuti nalang at maagap niya itong nasalo kaya sa halip na sa lupa ay sa mga bisig niya bumagsak ang dalaga.