CHAPTER 11

1306 Words
CHAPTER 11 Ken’s PoV “Pinapatawag ka ni Mr. Bantug, may mahalaga daw siyang sasabihin sa’yo. Handa mo na sarili mo.” Bagamat may halong kaba sa aking dibdib, sumunod na lang ako dahil alam kong nasa panibagong yugto na ako ng aking buhay. Nagtataka lang ako dahil sabi ni Kuya Roland at Manang Emeng, masyadong busy na tao si Mr. Bantug kaya bihira lang namin siya makaka-usap. Kung may kailangan kami ni Nette ay kay Kuya Roland na lang namin sabihin. Pero kakatawag lang niya sa amin ni Nette kanina, ano kayang kailangan niya? Bagamat mabigat ang bawat yabag ko ay nagmadali ako dahil nakakatakot talaga ang awra ni Mr. Bantug. Napakalaki pa naman ng mansyon niya. Sa pagkakatanda ko, ang office ni Mr. Bantug ay sa ikalawang palapag at sa pinaka dulong pintuan na may naka paskil na “Ed”. Kumatok ako ng tatlong ulit nang nasa tapat na ako ng pinto. Walang sumasagot. Hindi ko tuloy alam kung kakatok ulit ako o bubuksan na ang pinto kahit walang pahintulot. Isang pihit ko lang ng doorknob ay bumukas agad ito. Dahan-dahan akong humakbang papasok dahil nakaka kaba talaga ang atmosphere sa loob ng office niya. “Mr. Bantug… Mr. Bantug?” Paulit-ulit kong tinawag ang pangalan niya dahil hindi ko maramdaman ang presensya niya sa loob ng kwarto. May isa pang pintuan baka naroon siya kaya kumatok din ako doon ngunit wala ring sumasagot kaya binuksan ko na at pumasok sa loob. Pag pasok ko ay bumungad sa akin ang nakatalikod na upuan na pangkaraniwang nakikita sa opisina- yung bang upuan na de gulong at naka-upo doon si Mr. Bantug. Nakatalikod siya sa akin at nakaharap naman siya sa isang napakalaking bookshelf na punong-puno ng mga libro. ‘Ay pasensya na po, Sir. Pumasok na agad ako ng walang permiso niyo.” Hinintay ko ang sagot niya pero wala siyang imik, ni hindi na nga yata siya humihinga. Matataranta na sana ako nang biglang pumukaw sa paningin ko ang larawan ng isang magandang babae na naka picture frame pa na kanyang niyayapos nang lumapit ako sa kanya para i-check kung ok lang ba siya. Napatigagal ako dahil kamukha ko ang babae sa larawan. Hindi kaya siya ang aking totoong nanay? Nagulat ako nang pinaikot ni Mr. Bantug ang de gulong na upuan at nanatili siyang naka-upo doon. “Si Martina—” Napakalungkot ng kanyang tinig at tila nangingilid ang luha mula sa kanyang mga mata. Parang tumigil saglit ang oras nang marinig ko ang pangalang “Martina”. Ang pangalan ng aking totoong Mama. Nilapag ni Mr. Bantug ang larawang yakap-yakap niya, doon sa ibabaw ng mesa. Tinitigan ko ang mukha ni “Martina”, tumulo ang luha ko nang hindi ko namamalayan. Ang ganda niya. Ang ngiti niya ay ubod ng tamis, ngumingiti rin ang kanyang mga mata. Kahit papaano ay napunan ng litrato na ‘yun ang pangungulila sa puso ko. Na kahit man lang sa isang larawan ay bumuo sa pagkatao ko. “Dahil sa lalaking ‘yun, dahil lang sa ingrato na ’yun!” Tumaas na ang boses niya. Para na siyang aatakihin sa puso. Ang dami ko sanang gustong itanong pero napangungunahan ako ng takot. Sa pagkaka-intindi ko ay galit siya sa totoo kong tatay. Tumayo na siya at lumapit sa bookshelf. May hinila siyang tatlong ibro sa gilid at nanlaki ang mga mata ko at napabilog ang bibig ko sa sobrang pagka mangha. Ang galing! Bumukas ang malaking bookshelves at isa pala itong imbakan ng kayamanan ni Mr. Bantug. May mga gintong bloke na kumikinang, limpak limpak na salapi, at mga alahas. Kung ano anong papel na sa tingin ko ay mahahalagang mga dokumento. “Ang lahat ng ‘yan… pag masdan mo ang tinipon kong kayaman. Pinaghirapan ko para ilaan sa kinabukasan ng nanay mo. Pero mas pinili niya ang lalaking ‘yun?” Binalik niya sa shelf ang tatlong libro at sumara ang shelf. Tumingin siya sa akin. Ang mga mata niya ay nanllilisik. Galit na galit siya sa akin. Sa tingin pa lang niya ay napa atras na ako sa takot. “Dahil sa’yo, namatay si Martina! Dahil sa’yo!” sigaw niya sa akin na para na akong kakainin kaya napa salampak ang pwet ko sa makintab na sahig dahil nakakapang lambot ng tuhod ang kanyang sigaw para siyang tigre na lalapa ng daga. Kinuyom niya ang kanyang kamao at nanginginig siya sa galit. Hindi ko inasahan na… Tutulo ang luha niya. Huminga siya ng malalim at dahan-dahang lumakad palabas ng office. Rinig ko pa ang bawat yabag ng kanyang mamahaling sapatos. At nang hindi ko na marinig ang tunog niyon ay hindi pa rin ako makatayo. Dahil sa akin? Namatay ang nanay ko dahil sa akin? Anong kinalaman ko ‘dun? Siguro namatay siya sa pagpapa-anak sa akin. Kasalanan ko ba ‘yun? Hinawakan ko ang aking dibdib. Hindi ako makahinga tila sinasaksak. Napaka malas ko naman, bakit pa ako pinanganak? Pinilit kong tumayo at pinawi ng kamay ko ang aking luha. Papatunayan ko sa matanda na ‘yun na hindi ako malas. May silbi ako sa mundo. May dahilan kung bakit buhay pa ako sa kabila ng lahat ng panganib na pinagdaanan ko sa murang edad, Isang huling sulyap sa larawan ng aking ina at napansin ko ang isang envelop sa tabi nito. Luma na at lukot lukot. Naninilaw na sa kalumaan. Kinuha ko ito upang basahin dahil mukhang nilabas talaga ni Mr. Bantug para basahin ko. Nakita ko rin ang lumang papeles. Birth certificate ang nakasulat sa itaas. Binasa ko ang nilalaman at napag-alaman kong ang araw ng kapanganakan ko ay siya ring araw kung kailan namatay si Nanay. Siguro nga tama ang hinala ko, namatay siya para iluwal ako sa mundo. Nabasa ko rin doon ang pangalan ng tatay ko– Lemuel Ramirez. Ang apelyido niyang Ramirez pala ang iniwan niya sa akin– Ken Ramirez. Sinunod kong basahin ang lukot-lukot nang papel. Sulat-kamay ito ni nanay, Martina kasi ang nakalagdang pangalan sa ibaba ng sulat. Sinulat niya ito para kay Mr. Bantug. Dear Papa, Salamat sa pagpapalaki mo sa akin. Utang na loob na kailanman ay hindi ko mababayaran. Patawarin mo ako. Alam ko kung gaano mo ako kamahal. Ganun din naman ako sa’yo. Mahal na mahal kita, Pa. Pero anak mo lang ako. May sarili akong buhay. Gusto ko nang lumagay sa tahimik. Gusto kong mamuhay na ng payapa. Malayo sa gulo, malayo sa karahasan. Pinilit ko si Lemuel na itanan na ako at magpakalayu-layo na kami. Alam kong ipapahanap mo kami at susuyurin ang bawat sulok ng mundo pero Papa, magkaka-anak na kami ni Lemuel at ayaw kong lumaki siya sa marahas na buhay. Papalakihin mamin siya ng parang normal na bata, sa normal na lugar. Malayo sa kinalakihan naming underground. Hindi ko alam kung kailan ulit tayo magkikita, o kung magkikita pa ba tayo pero isa lang ang tinitiyak ko– habambuhay kitang mamahalin hanggang sa kabilang buhay. I love you Pa. Martina ~ ~ ~ ~ ~ Nabasa ng mga luha ko ang sulat ni Nanay para sa aking lolo. Kaya pala ganun na lang ang sakit na nararamdaman ni Mr. Bantug. Nanginginig pa rin ang mga daliri ko kahit na tapos ko na itong basahin. Kaya pala galit ang sarili kong lolo sa akin. Kung hindi niya ako matanggap bilang apo ay hindi ko siya pipilitin. Sapat na sa akin na kinupkop niya ako. Pinapangako ko, sa ngalan ng aking ina at ama, magpa pakatatag at lalaban ako. Hanggang makabayad ng utang na loob kay Mr. Bantug. Babangon ako at dudurugin ko kung sino man ang humarang sa akin. - - - - - - - - - - - - - - - - - - TO BE CONTINUED . . . COMMENT PLS. AND FOLLOW ME. THANK YOU.

Read on the App

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD