Chapter 1

1013 Words
Chapter 1 Marianette’s V Kasama ko ngayon sina Mama at Papa dito sa Manila Zoo. Nakakatuwa rito kasi maraming tao, iba’t ibang uri ng hayop, maliit at malalaki. Kaarawan ko kasi ngayon kaya dinala nila ako rito para ipagdiwang ang ika-limang taong kaarawan ko. Naglalakad kami ni Mama sa may park. Hawak-hawak ko ang kamay ni Mama kasi sabi niya, "Huwag kang bibitiw, anak, baka mawala ka." At dahil sa takot akong mawala kaya ang higpit-higpit ng hawak ko. Habang naglalakad kami, nakita ko ang isang batang lalaki. Mas matangkad siya sa akin, mga siyam na taon na siguro. Kulay itim ang buhok niya at may suot siyang pulang t-shirt. Nakatingin siya sa akin at nakangiti. "Hello!" sabi niya sa akin. Nakangiti ako sa kanya pero hindi ako sumagot kasi sabi ni Mama, hindi raw ako dapat makipag-usap sa hindi ko kakilala. Pero lumapit siya sa amin kaya hindi ko na maiwasang kausapin siya. "Ako si Enzo," sabi niya. "Ikaw, anong pangalan mo?" "Marianette ," sagot ko naman. Kasama niya ang isang batang babae. Maganda siya, parang manika. Suot niya ang isang magarang dilaw na bestida, para siyang prinsesa. "Ako naman si Verena," sabi niya. Nakangiti rin siya kaya parang gusto ko silang maging kaibigan. "Ang ganda ng pangalan mo, Marianette," sabi ni Enzo. "Gusto mo bang maglaro?" tanong naman ni Verena. Tumingin ako kay Mama. "Sige na, anak," sabi ni Mama habang nakangiti. "Pero huwag kang lalayo, ha." "Opo, Mama!" sabi ko , tas tumakbo na ako papunta kay Enzo at Verena. Sobrang saya ko noon. Naglaro kami ng taguan. Palagi akong tinataya ni Verena kasi ang bilis-bilis niya ng tumakbo. Pero sabi niya, "Okay lang 'yan, Marianette. Ang mahalaga, masaya tayo." Si Enzo naman, tinutulungan niya akong magtago. Minsan, nagtago kami sa likod ng malaking puno. Hinahanap kami ni Verena pero hindi niya kami nakita agad. Natawa kami ni Enzo kasi nahirapan siyang hanapin kami. "Ang galing mo magtago, Marianette!" sabi ni Verena sa akin. Natuwa ako kasi parang gusto nila akong maging kaibigan. Bago kami umuwi, sabi ni Enzo sa akin, "Balik ka ulit bukas, ha? Maglalaro ulit tayo." Nalungkot ang mga mata ko. “Ngayon lang kasi kami pupunta dito. Birthday ko kasi kaya kami nandito.” “Happy birthday Marianette,” sabay na bati ng magkapatid na Enzo at Verena. Gusto ko ulit silang makasama kasi ang saya-saya nila kasama. Pakiramdam ko , magkakaibigan na kami. Nung pauwi na kami ni Mama at Papa, kinuwento ko sa kanila ang lahat. Sabi ni Papa, "Buti naman at nagkaroon ka na agad ng mga kaibigan dito, anak." Ngunit iyon na pala ang una at huli naming pagkikita nila Enzo at Verena. - - - - - - - - - - - - Isang gabi, habang ako ay mahimbing na natutulog, bigla akong nagising dahil naririnig ko si Mama at Papa na parang nagmamadali. Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari, pero kita ko ang takot sa mukha nila. "Bilisan mo Nella, kailangan na nating umalis!" sabi ni Papa kay Mama habang nagkakarga ng mga gamit sa bag. Si Mama naman ay halatang kinakabahan din. "Anak, bumangon ka na, kailangan na nating umalis ngayon na," sabi niya habang tinutulungan akong magbihis ng damit kahit inaantok pa ako. Hindi ko alam kung bakit kami nagmamadali, pero ramdam ko ng may mali. Halos hindi na ako makapagsalita dahil sa gulat at takot. Napansin ko rin na ang dami nilang dala- mga damit, pagkain, at mga gamit namin sa bahay. Para bang may humahabol sa amin. Mabilis kaming sumakay sa sasakyan namin. Madilim sa labas, at tahimik ang paligid. Habang tumatakbo ang sasakyan, tahimik lang akong nakaupo sa likod. Nakikita ko si Mama at Papa sa unahan, at parang wala silang tigil sa pag-aalala. Sobrang bilis ng takbo ng sasakyan namin. Matagal kaming bumiyahe, at hindi ko na alam kung saan kami papunta. Napansin ko na unti-unti na ng nag-iiba ang paligid. Wala na ang malalaking gusali, at unti-unti na ng dumidilim ang kalsada. Wala na rin masyadong mga tao at sasakyan sa daan. Pagdating namin sa isang maliit na bayan, huminto na ang sasakyan namin. "Bu-hay na Ba-to" marahan kong binasa ang nakalagay na address sa poste ng bahay na hinintuan ng kotse namin. Ito ang pangalan ng lugar. Iba talaga rito kumpara sa Maynila. Dito ay tahimik, at parang walang tao. Maliliit lang ang mga bahay, at sobrang simple ng mga ito. Pinakamalaki at pinakamaganda ang bahay na tinutuluyan namin, kahit simple lang. Napatigil ako sandali habang tinitingnan ang paligid. Parang ibang mundo na ito, malayo sa ingay at gulo ng Maynila. "Dito na tayo titira, anak," sabi ni Mama habang hawak ang kamay ko. Kahit takot at nalilito pa rin ako, naramdaman ko ang kaunting ginhawa sa pagkakahawak ni Mama. Sa kabila ng lahat ng takot at pag-aalala, Bakit? Bakit sa isang iglap ay biglang nagbago ang lahat? Anong nangyari? Habang naglalakad kami papasok sa bagong bahay, ramdam ko ang lamig ng gabi at ang katahimikan ng paligid. Ibang-iba talaga rito, pero kasama ko naman ang pamilya ko. Kung ano man ang nangyari basta kasama ko lang sina Mama at Papa. Pagod na pagod na si Papa sa haba ng byahe namin halos inabot na kami ng bukang liwayway. Nakatulog naman ako ng mahaba pero inaantok pa rin ako. Kaya kahit marami pa akong gustong itanong ay ipinagpaliban ko na lang. May bukas pa naman. Dalawa ang kwarto ng bahay up and down ito. Nasa second floor ang mga kwarto kaya umakyat na kami para matulog. Ang isang mas maliit na kwarto ay akin. Ngunit hindi ako natulog doon dahil gusto kong katabi sina Mama at Papa. Sa gitna nila ako pumwesto at ramdam ko ang mga bisig nila na nakapulupot sa akin. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari pero ramdam ko ang kakaibang kalungkutan. Ipinikit ko ang aking mga mata at umusal ng panalangin. Sana po sa aking pag-gising ay panaginip lang ang lahat. - - - - - - - - - - - - - - - - - - TO BE CONTINUED . . .
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD