"Kilala mo ba si Tita Cora?" muling tanong ko kay Warren. Bigla kasi siyang natigilan sa tanong ko kaya inulit ko sa kanya. Napansin ko rin na halos nabitawan niya ang hawak na kutsara dahil sa sinabi ko.
"Warren," muli kong untag sa kanya.
"Ka-Kapangalan kasi siya ng namayapa kong ina."
"Sorry, akala ko kilala mo si Tita Cora." Sinipat ko ang wrist watch ko. "Mag-aalauna na ng madaling araw, Warren. Kailangan mo na akong ihatid baka nag-aalala na sa akin si Audrey."
Kanina ko pa kasi sinabi sa kanya na pauwi na ako.
Mabilis na inubos ni Warren ang kinakain nito. Hindi naman ako makakain dahil wala akong gana mula pa kanina. Pinilit ko lang na sumama sa mga kaklase ko para gawin ang group presentation namin dahil kailangan sa isa naming klase.
Inihatid ako ni Warren sa may kanto na malapit sa bakery. Hindi ako pumayag na magpakita si Warren kay Audrey baka iba ang isipin nito at magsumbong pa kay Tita Cora. Hindi ko pa naman gusto na madagdagan ang kanyang problema.
"Salamat sa paghahatid mo sa akin, Warren. Sobrang na-appreciate ko."
"Kapag may kailangan ka huwag kang mahiya na tumawag o mag-text sa akin, okay?"
"Oo, salamat ulit."
Hindi ko alam kung papayag pa ba ako na makipagkita kay Warren. Baka bigla na lang akong ma-in love sa kanya ngayong hindi ko pa siya nakikilala ng lubusan.
Patakbo akong naglakad patungo kay Audrey na nakatalikod sa akin. Panay tanaw nito sa daan at panay tingin sa cellphone na hawak. Natitiyak ako na sobra ang pag-aalala niya sa akin.
"Nandito na ako."
Nilingon niya ako at saka ako niyakap na mahigpit. "Saan ka ba galing? Anong amoy iyan? Sino ang mga kasama mo at ano ang ginawa mo?"
"Doon na tayo sa loob mag-usap at nakakahiya sa mga makakarinig sa ating mga baker." Hinila ko ang kamay ni Audrey patungo sa apartment na tinitirahan namin.
"Ano ba kasing nangyari?"
Isinara ko ang pinto at ibinaba ko ang bag ko sa lamesa. Umupo ako sa ibabaw ng kama ko at saka tumingin kay Audrey.
"Halos isang oras din akong naghintay nang masasakyan kaya na-late ako sa pag-uwi. Ilang beses kasi naming inulit ang ginawa namin ng mga groupmates ko. At kaya ganito ang amoy ko dahil... ku-kumain kami ng Mami sa daan kanina."
"Bakit hindi ka nag-text o tumawag man lang?"
"Lowbat ang cellphone ko dahil kausap ko kanina si Tita Carol. Uuwi na raw kasi bukas si Tita Cora at hindi ko pa alam kung dito siya didiretso o sa Manila kasama ni Tita Carol," malungkot na sabi ko kay Audrey.
"Ano nga kaya ang nangyari sa asawa ni Tita Cora?" malungkot na tanong sa akin ni Audrey. Umupo na rin siya sa tabi ko.
"Hindi ko rin alam dahil walang nabanggit sa akin si Tita Carol tungkol kay Tito Bernard. Ang sabi lang sa akin ni Tita Cora noon ay nag-abroad daw si tito at hindi na bumalik pagkatapos. Alam mo, Audrey. Nahihiwagaan talaga ako sa asawa ni Tita Cora. Naisip ko na baka himdi na siya nagpapakita dahil may iba na siyang pamilya o baka naman nasa ibang bansa pa rin talaga siya at walang planong umuwi."
"Shanta, masiyado mo naman yatang hinusgahan ang Tito Bernard mo. Ano bang alam natin sa tunay na dahilan kung bakit siya nawala? Malay mo kaya siya nawawala ngayon ay baka naaksidente, nawalan ng memory o kaya naman may masamang nangyari sa kanya."
"Iniisip mo ba na baka patay na siya?"
Nagkibit-balikat si Audrey. "Hindi natin alam pero baka nga."
Bumuga ako nang malalim at ibinagsak ang aking sarili sa higaan. "Kaya nakakatakot magmahal kung minsan dahil hindi mo alam kung happy ending ba kayo o hindi."
"Hindi naman lahat ng mga lalaki katulad ng Tito Bernard mo, may mga matino naman na hindi iniiwan ang kanilang mga asawa at minahal."
"Kahit na anong sabihin mo Audrey, mahirap na talagang magmahal sa panahon ngayon."
Inayos ko ang aking higaan at naalala si Warren. Hindi nga ba talaga ko mahuhulog sa kanya?
"TITA CAROL?" gulat na sambit ko nang makita ko siya na nasa loob ng bahay ni Tita Cora.
Sinalubong ko ngahigpit na yakap ang aking tita. "Ano pong ginagawa niyo dito? Nasaan po si Tita Cora?"
"Dadalhin ko muna sa Maynila ang Tita Cora mo para ilayo sa mga alaala ni Bernard."
Lumabas sa kuwarto si Tita Cora na umiiyak. "Shanta, kaya mo naman dito na mag-isa hindi ba? Ikaw na muna ang bahala sa bakery."
"Po? Pero bakit po?" Wala akong alam sa pagpapatakbo ng bakeshop. Kung wala si Audrey hindi ko iyon kayang patakbuhin mag-isa.
"May nakapagsabi sa akin na nasa Manila si Bernard. Doon ko siya hahanapin, magpapatulong ako sa mga kaibigan ko na pulis. Baka sakaling matulungan nila ako na hanapin si Bernard. Shanta, nawawala ang asawa ko at hindi ko alam kung nasaan siya."
"Cora, tatagan mo ang iyong sarili. Huwag kang panghinaan ng loob," ani Tita Carol na sumasabay sa pag-iyak ni Tita Cora.
"Hanggang kailan po kayo sa Manila, tita?"
"Kahit ilang buwan lang, Shanta. Babalik din ako kaagad."
Nakaramdam din ako ng bigat sa aking puso habang nakikita ang pag-iyak ni Tita Cora. Nagdadalawang-isip ako sa kakayahan ko ngunit bahala na. Naisip ko na may cellphone naman, tatawag na lang ako kapag kailangan ko ng tulong ni Tita Cora.
"Aalis na kami Shanta, kapag may problema tumawag ka sa akin kaagad, ha. Huwag mong pababayaan ang bakery ng tita mo. May tiwala ako sa iyo, anak." Hinila ni Tita Carol ang aking batok at hinagkan ako sa noo. "Sige na... aalis na kami. Tulungan mo kaming magdasal Shanta na mahanap namin ang Tito Bernard mo sa lalong madaling panahon."
Inihatid ko sila sa labas ng gate. Nakaabang doon ang sasakyan ng mga itong tricycle patungo sa terminal.
Sana nga ay mahanap na ni Tita Cora ang nawawala niyang asawa.
Napakabuti ni Tita Cora para maranasan niya ang ganitong kasawian sa pag-ibig. Kung hindi man mahanap ni Tita Cora ang asawa niya sana tulungan siya ng Diyos na makalimutan si Tito Bernard.