Kabanata 9

1923 Words
"Cora, simula noong dumating ka dito sa Maynila tahimik ka na. Ano ba talaga ang nangyari sa iyo sa pagpunta mo sa Cebu? Sabihin mo nga sa akin ang totoo?" Inilapag ni Ate Carol ang isang tasang kape sa lamesa. "Nagsinungaling ako, ate." "Anong ibig mong sabihin? Tapatin mo nga ako, Cora!" Sinapo ko ang aking mukha at umiyak nang tahimik. "Hindi ko alam kung saan ko hahanapin si Bernard, ate." "Wala ba siya dito sa Manila? Sabihin mo nga sa akin, Cora. May itinatago ba si Bernard sa iyo?" "Wala siyang pamilya sa Cebu, ate. Walang nakakakilala kay Bernard doon kahit na saan ako magtanong. Ayokong isipin ito pero parang... parang niloko ako ng Bernard ate." Pinalo ni Ate Carol ang lamesa. "Iyan na nga ba ang sinasabi ko sa iyo noon pa Cora. Unang beses ko pa lang makita ang lalaking iyon hindi na ako napalagay. Gusto sana kitang sabihan na kilalanin mo munang mabuti bago mo pakasalan kaso inlove na inlove ka kaya wala na rin akong nagawa. Mahal na mahal mo siya at akala mo mahal na mahal ka rin niya. Tignan mo kung ano ngayon ang nangyari? Niloko ka niya at tinakasan? Mabuti na lang at wala pa kayong anak," panenermon sa akin nito. "Ate Carol." "Hay, Cora. Anong gagawin mo ngayon? Patuloy mo bang hahanapin ang gago mong asawa? Kung ako sa iyo hahayaan ko na lang tutal baka masaya na siya sa buhay niya. Inaaksaya mo lang ang oras mo para hanapin ang isang taong ayaw namang magpakita at magpahanap sa iyo. Kung gusto mo manawagan ka sa mga radyo at TV." "Ate Carol, nandito ako para hindi hanapin si Bernard. Gusto ko lang siyang makalimutan sandali." "Paano ngayon si Shanta? Sa tingin mo ba kaya niyang i-manage ang negosyo mo? Alam ko na madiskarteng bata si Shanta pero bata pa siya Cora. Hindi niya kayang patakbuhin ang negosyo mo habang nag-aaral pa siya." "Oo ate, alam ko naman iyon. Gusto ko lang muna na dito sa inyo para may makausap ako dahil pakiramdam ko mababaliw na ako sa kakaisip." "Cora, kapatid kita at ayoko na nakikita kitang ganito na paulit-ulit na nasasaktan. Kalimutan mo na si Bernard marami ka pang makikilala na mas nakakahigit sa kanya. Kung nagawa ka niyang tiisin ng halos isang taon bakit hindi mo iyon gawin sa magaling mong asawa?" "Ayokong gumanti, ate. Babae ako at mahirap sa akin na gumawa ng isang malaking kasalanan. Hindi tayo tinuruan ng mga magulang natin na gumawa ng masama at---" "Huwag mo iyang ituloy dahil nasasaktan lang ako sa mga salitang idadagdag mo. Nalinis ko na ang kuwarto dati ni Shanta. Matulog ka na pagpasensyahan mo na lang ang mga anak ko na talagang napakaiingay." "Salamat, ate. Nariyan ka para sermunan at damayan ako sa pagsubok na pinagdadaanan ko. Hindi ko alam kung makakaya ko ang lahat ng ito kung wala ka, pinapalakas mo ang loob ko Ate Carol." "Huwag na tayong magdrama dahil pareho lang tayong iiyak. Bukas na bukas din magiging abala ka dito dahil magbubukas ako ng karinderya at mag-aalaga ka ng mga pamangkin mo." Naiinggit ako kay Ate Carol na kahit na nahihirapan para itaguyod ang mga anak ay masaya pa rin ang buhay. May mga anak siyang nagbibigay ng kulay sa mundo niya. Habang ako nanatiling mag-isa at kumukuha ng lakas ng loob sa mga tao sa paligid ko. Kung nabiyayaan din sana kami ng anak ni Bernard siguro hindi niya ako magagawang iwan at ipagpalit sa ibang babae. Kung sana nagkaroon lang kami ng anak. Namasa ang aking mga mata dahil sa nararamdaman kong awa sa aking sarili. Nagtungo ako sa maliit na kuwarto sa bahay nito. Nahiga ako sa papag na may manipis na foam. Naalala ko noong bata pa lamang kaming magkakapatid, ako si Ate Carol at si Ate Agnes. Pinangarap namin na magkaroon ng masaya at kumpletong pamilya ngunit pare-pareho kaming sawi sa pag-ibig. Bago ako matulog ay nag-text muna ako kay Shanta para sabihin sa kanya na wala siyang dapat na alalahanin tungkol sa akin. Ayokong maapektuhan ang pag-aaral ng pamangkin ko sa pagsubok na pinagdaraanan ko. Humingi ako ng tulong kay Audrey na mamahala muna sa bakeshop habang wala pa ako. Ipinikit ko ang aking mga mata at pinilit na makatulog. Pagod na ang aking isip sa pagtatanong sa aking sarili kung ano ang maling nagawa ko kay Bernard. *** "HINDI MO ba ako napansin o talagang malayo lang talaga ang inisip mo?" Si Warren na biglang sumulpot sa harapan ko habang nandito ako sa loob ng fastfood at nagmemerienda. Iniwan ako ng mga kaibigan ko at bumalik na sila sa Call Center Company na siyang pinapasukan namin ngayon para mag-training ng isang linggo. "Ikaw pala." Inayos ko ang aking pagkakaupo sa silya. "May sasabihin ka ba?" Ilang araw ko na ring iniiwasan si Warren dahil busy ako sa bakeshop at sa training ko. "Ouch. Shanta, parang hindi mo naman ako na-miss. Busy ka ba? Gusto sana kitang ilibre ng---" Kinuha ko ang bag ko at umalis sa kinauupuan ko. "Sorry, may traing pa ako sa katapat na building. Wala akong oras ngayon para makipag-usap. Siguro sa ibang araw na lang." Lumabas ako ng fast food ngunit sinundan ako nito. Hinila pa niya ang kamay ko ngunit kaagad ko iyong binawi. "May nagawa ba akong ikinagalit mo kaya mo ako iniiwasan? Shanta, ilang araw na kitang tinatawagan at tini-text pero wala ka man lang sagot. Sinubukan ko naman na dalawin ka sa boarding house ninyo kaso palagi ka namang wala roon at ang nakikita ko lang iyong babae na kasama mo palagi sa bakeshop. Bakit mo ba ako iniiwasan? Gusto kong malaman kung bakit dahil nababaliw na ako sa---" "Love, nandito ka lang pala," sabi ni Vlad at saka ako inakbayan. Kaklase ko at masugid kong manliligaw." Kahit naiinis ako na tawagin niya akong "Love" ay hindi ko na pinansin. Nakatulong si Vlad para magkaroon ako ng dahilan para layuan si Warren. "Sige, Warren. Sa ibang araw na lang tayo mag-usap." Hinawakan ko ang kamay ni Vlad sa unang pagkakataon at saka kami umalis sa harap ng fast food chain. Nagdilim ang anyo ni Warren habang nakatingin sa amin ni Vlad. Mas mabuti na ito para tigilan na niya ako. Oo, mahal ko na si Warren at natatakot ako na mas lalo ko pa siyang mahalin. "Sino ba siya, Love?" mahinang tanong sa akin ni Vlad nang makalayo kaming dalawa. Binitawan ko na rin ang kamay niya. "Hindi ko kilala pero gustong magpakilala," pagsisinungaling ko naman dito. "Mabuti naman dahil talagang magseselos ako kapag sinabi mo na gusto mong ligawan ka niya. Love, apat na buwan na kitang nililigawan pero hindi mo pa rin ako pinapansin. Lahat na yata ng pagkain sa cafeteria sa school nabili ko na. Lahat din ng flavors ng ice cream ibinigay ko na sa iyo pero heto ka pa rin talagang matigas ang puso mo." Inirapan ko si Vlad at saka naunang pumasok sa building ng call center na nagtri-training sa amin. "Ewan ko sa iyo, Vlad. Alam mo may kung anong espiritu na pumasok sa katawan mo. Pero gusto kong mag-thank you kasi naisligtas mo ako kanina." Kinindatan ko pa ito. Nakita ni Rosie ang ginawa ko kay Vlad. Kinilig naman ito sa aming dalawa tiyak ako na may ipagkakalat na naman itong tsismis sa campus next week. ALAS sais ng gabi nang kanya-kanya na kaming umuwi ng mga kaklase ko. Naiwan sina Vlad at Rosie sa Octa Building dahil may nakalimutan pang gawin. Naglakad ako patungo sa terminal ng jeep at naghintay ng masasakyan. Hindi ko napansin na naroon si Warren na nakaupo sa tabi ko. "Apat na oras kitang hinintay na lumabas sa building na iyan, Shanta," malungkot na sabi nito. Akama akong aalis pero pinigilan niya ako. Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ko. "Mag-usap naman tayong dalawa, Shanta." Iba ang tono ng pananalita nito ngayon. Muli akong tumingin kay Warren. "Nakainom ka ba?" "Dahil sa iyo kaya ako uminom ng alak... dahil nasasaktan ako sa pambabalewala mo sa akin!" sigaw pa ni Warren sa akin. Narinig kami ng ibang mga tao na nag-aabang din ng masasakyan. Hinila ko ang kamay ni Warren at naglakad kaming dalawa palayo sa mga tao. Nasa gilid kami ng daan at mabagal na naglalakad. Ilang beses ko siyang hinahatak sa tuwing gumigewang ang paglalakad niya. Pumara ako ng tricycle para ihatid si Warren sa apartment na tinutuluyan nito ngayon. "Manong, alam mo ba kung saan ang Maligaya Street, doon sa mga bagong bahay na paupahan. Ihahatid ko lang ang kaibigan ko." "Tulungan na kita na maiupo siya sa loob, ineng," sabi ng matanda na nagpakita ng awa sa amin. "Shanta," bulong pa ni Warren habang isinasakay namin siya sa loob ng tricycle. Nahihiya ako sa matandang driver dahil sa pagsisigaw ni Warren sa daan. Halos wala akong mukhang maiharap sa matanda nang inabot ko sa kanya ang bayad. Mabuti na lang at wala si Tita Cora dahil tiyak ako na mananagot ako sa kanya kapag nalaman niya na heto ako at nagpapakalma ng isang lasing. Tinulungan pa ako ng tricycle driver na ipasok sa loob ng apartment nito si Warren. Nakabukas iyon at hindi naka-lock. Maraming mga bote ng gin sa sala, tiyak ako na galing dito si Warren bago pumunta sa harap ng Octa Building. Naiinis na sinipa ko siya sa binti nang maiwan na lamang kaming dalawa nito sa loob ng apartment. "Shanta, salamat sa paghatid mo sa akin, ha," sambit nito habang nakapikit. "Huwag ka ngang uminom kung hindi mo naman kaya. Ang tanda mo na kasi inom ka pang inom. Alam mo bang masama ang epekto ng alak sa tao." Malakas itong tumawa sa sinabi ko. "Ako? Matanda? Thirty five pa lang naman ako at nagkataon lang na nineteen years old ka. Tss!" "Ewan, matulog ka na. Aalis na ako dahil kailangan ko pang gumawa ng report. Wala din naman akong ipapaliwanag sa iyo dahil hindi mo ako maiintindihan. Lasing na lasing ka at akala mo lahat ng tao kaaway mo," naiinis na sabi ko Kay Warren. "Sige na, umalis ka na. Puntahan mo na iyong love mo... iyong nagsabi ng love sa iyo kanina... iyong guwapo at mas bata. Mukhang bagay naman kayo... bagay na bagay kayo. Nakakainis ka, Shanta. Alam mo naman na gusto kita... bakit hindi mo man lang sabihin sa akin kung ano ang nararamdaman mo! Bakit mo ba ako iniiwasan?" Napangiti ako nang lihim dahil alam kong nagseselos si Warren. Hindi ako umimik at pinakinggan ko lamang siyang magsalita nang magsalita. Paulit-ulit nitong binibigkas ang salitang love at ang pagmamahal niya para sa akin. Inayos ko ang mga bote ng gin na nagkalat sa sahig. Bago ako umalis ay iniligpit mo ang mga gamit ni Warren. Nang matiyak ko na nakatulog na siya ay umalis na din ako. Nasa labas ang matandang tricycle driver na akala ko ay umalis na. "Ineng, hinintay na kita. Tulog na ba ang kaibigan mo?" "Pasensiya na po kayo sa kanya mabait naman po siya kapag hindi lasing." "Ganoon ba? O, siya umalis na tayo at baka abutan tayo ng curfew." Sumakay ako sa loob ng tricycle ng matanda na nakilala ko sa pangalan na Manong Joselito dahil sa ID na nakita kong nakasabit sa loob ng tricycle nito. Inihatid niya ako sa bahay ng aking Tita Cora. Tumangi siyang magbigay ako ng karagdagang na bayad dahil malaki na raw nag halagang naibigay ko kanina. Mukha namang mabait ang matandang iyon at natitiyak ako na katulad ni Manong Teryong ay magiging magkaibigan din kaming dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD