BIGLA na lamang akong nakaramdam ng malakas na pagkabog sa aking puso habang nakatingin sa larawan ni Bernard na hawak-hawak ko.
Inilalagay ko na ang mga ito sa malaking kahon upang itago para tuluyan ko nang makalimutan si Bernard. Buo na ang desisyon ko na ituon na lamang sa ibang bagay ang atensyon ko. Katulad ng pagpapalago ng aking negosyo at pag-papaaral sa mga pamangkin ko.
Ibinaba ko ang larawan ni Bernard na nakalagay sa picture frame. Huminga ako nang malalim at muling sinulyapan sa huling sandali ang larawan naming dalawa noong ikinasal kami. Hindi pa rin malinaw sa akin na ang taong minahal ko ng buong buhay ko ay ang taong mananakit nang husto sa akin.
Hindi ko na muli pang hahanapin si Bernard. Hindi na rin ako umaasa na dumating ang isang araw ay balikan pa niya ako. Ngunit kung dumating ang araw na iyon? Ano ang gagawin ko? Magagawa ko pa ba siyang tanggapin ulit?
Isinara ko ang malaking kahon at nilagyan iyon ng packing tape. Inilagay ko iyon sa bakanteng silid at tinakpan ng mga bedsheet.
Lumabas ako ng pinto at saka ini-lock ang kuwarto na iyon. Nagtungo ako sa sarili kong kuwarto at inayos ang mga damit na dadalhin ko bukas upang lumuwas ng Maynila. Bukas ko na aasikasuhin ang ipinapatayo ko roong bakeshop.
Habang nag-aayos ako ng mga damit ko sa bag ay nag-ring ang cellphone ko.
Si Shanta ang tumatawag.
"Tita Cora, good evening po."
"Gising ka pa pala. Naninibago ka ba riyan sa bakery dahil ikaw lang ngayon? Okay ka lang ba diyan? O kung gusto mo puntahan na kita?" nag-aalalang tanong ko rito.
"Maayos naman po ako, Tita Cora. Nan-Nandito po ako ngayon sa bahay ng classmate ko po. May... ginagawa po kasi ako kaming group activities na kailangan naming ipasa bukas. Part pa rin po ito ng pag-o-OJT namin sa Octa."
"Ganoon ba? Sinong classmate mo naman?"
"Si... si Gyneth po Tita Cora. Napatawag lang po kasi ako baka hanapin ninyo ako sa bakeshop."
"Basta ang mga bilin ko, ha. Kailangan mong makapagtapos para maging maganda ang kinabukasan mo."
"Opo, Tita Cora. Sige po tita. Good night po."
"Galingan mo palagi, Shanta. Sige... nag-aayos pa kasi ako ng mga damit na dadalhin ko sa Maynila bukas. Iyong susi nga pala nitong bahay ilalagay ko sa ilalim ng paso na nasa ibaba ng hagdan. Kapag pumunta ka rito doon mo na lang kunin."
"Opo."
Ibinaba na nito ang tawag at inilagay ko naman ang cellphone ko sa ibabaw ng kama. Ipinagpatuloy ko ang pag-iimpake ko. Palagi akong ini-a-update ni Shanta sa mga ginagawa nito.
***
"SINO iyong kausap mo?" tanong sa akin ni Warren. Nandito pa rin ako sa bahay niya at kakatapos lamang nito na maghugas ng pinggan na pinagkainan namin.
"Ha? Ang Tita Cora ko." Kinagat ko ang ibabang labi ko at tumingin dito. "Nagsinungaling ako na may group activities ako kahit na wala naman. Inisip ko kasi na baka tumawag siya sa bakery tapos wala ako roon kaya nagdahilan na lang ako."
"Ikaw talaga, natututo ka ng magsinungaling. Ihahatid na kita sa bakery para makapagpahinga ka na. Maliligo lang ako pagkatapos ihahatid na kita."
Umupo ako sa silya at pumasok naman sa kuwarto nito si Warren.
"Ikaw lang bang mag-isa rito? Wala bang nagpupunta na ibang tao rito?"
"Walang ibang babae na nagpupunta rito maliban sa iyo, mahal ko."
Lumabas ito ng kuwarto nito na half naked at may dalang tuwalya.
Napatingin ako sa katawan nito na mukhang alagang-alaga ng gym. Hindi ko mabilang kung ilang packs ang abs nito dahil natatakpan ng puting tuwalya.
"Mahal... okay ka lang?"
Nag-init ang magkabilang pisngi ko. Ibinaling ko sa ibang direksyon ang mga mata ko.
"Sige na maligo ka na para..."
Lumapit si Warren sa akin. Nakatayo na ito sa harapan ko at sa mismong bewang nito nakatapat ang mukha ko.
Napatingala ako sa kanya na nakangisi sa akin. Yumuko ito sa harapan ko at itinukod ang magkabilang braso nito sa silya na inuupuan ko.
"Hmmm... pulang-pula ka. May pagnanasa ka yata sa akin, mahal."
Napauwang ang mga labi ko sa sinabi nito.
Tumawa naman ito at saka inalis ang pagkakatukod ng dalawang kamay sa silya. Tinalikuran niya ako at nagtungo na sa kusina.
"Iba na talaga ang mga kabataan ngayon," sabi pa nito na mukhang tuwang-tuwa sa pang-aasar sa akin.
Habang hinihintay ko si Warren na matapos maligo ay nahiga ako sa may mahabang upuan na naroon. Ginawa kong unan ang bag pack nito at saka idineretso ang pagkakahiga ko.
Hindi ko na pinapansin si Vlad ngunit patuloy pa rin niya akong nililigawan. Sinabi ko naman na sa kanya na may iba akong gusto at alam ko na darating din ang panahon na maiintindihan ako ni Vlad.
Nagtext pa ako kay Gyneth tungkol sa pagsisinungaling ko sa aking Tita Cora. Nakumbinsi ko naman si Gyneth na pagtakpan niya ako dahil ito ang una at huling beses na magsisinungaling ako ngayon kay Tita Cora. Nakokonsensya ako dahil sa ginawa ko ngayon dahil sa takot ko na baka mapagalitan niya ako.
Ilang minuto pa ang lumipas ay hindi na ko na namalayan na nakatulog na pala ako. Nagising na lamang ako dahil sa mahinang tapik sa aking balikat.
Nakatayo na si Warren sa harapan ko. Nakasuot ito ng puting sando at jersey shorts na kulay maroon.
"Mahal, gising na at ihahatid na kita. May jersey shorts pa ako sa kuwarto iyon na muna ang gamitin mo."
Naghikab pa ako bago ako bumangon. "Naka-shorts naman ako, okay na ito."
"Hindi ka p'wedeng lumabas ng ganyan kaikli ang short mo,"seryosong sabi pa nito sa akin.
"Okay sige." Napaka-conservative naman yata ng boyfriend ko.
"Huwag ka na ulit magsisinungaling sa Tita Cora mo, okay? Mahal, ayokong nagsisinungaling ka dahil lang sa akin. P'wede naman kitang puntahan sa bakery ninyo o kaya magkita tayo sa ibang lugar kapag day of ko."
"Kasalanan mo kung bakit ako nagsinungaling sa Tita Cora ko, Warren," nakasimangot na sagot ko sa kanya.
Nilapitan niya ako at saka hinapit ang bewang ko. Nagkadikit ang aming mga katawan at nagtama ang aming mga mata.
"I'm sorry... hindi na ulit iyon mangyayari." Ibinaba nito ang mukha sa mukha ko at naglapat ang aming mga labi.
Isang magaan na halik ang iginawad niya sa akin. Tinugon ko ang matamis nitong halik. Niyapos ako ni Warren at ipinulupot ko naman ang aking braso sa kanyang batok.
Gumalaw ang kamay nito sa likuran ko. Mainit ang palad nito na tumatagos sa suot kong t-shirt. Ramdam ko ang init ng katawan nito at ganoon din ang nararamdaman ko ngayon.
Sandali itong tumigil at tumingin sa akin.
"I love you so much... at sobrang mamimiss kita palagi."
Niyakap niya ako ng sobrang higpit. Hinagkan ko siya sa pisngi at saka isinubsob ang aking mukha sa dibdib nito.
"Kung p'wede lang na palagi tayong ganito. Mahal na mahal kita, Warren. Nakahanda akong ibigay ang lahat para sa iyo."
"Talaga." Namilog ang mga mata nito sa sinabi ko. "Gusto ko... gustong-gusto kong angkinin ka ngayon... sa kahit na anong oras ngunit kailangan mong unahin ang pag-aaral mo at ang pangarap mo. Maghihintay ako, mahal ko. Hihintayin ko na makapagtapos ka at iingatan ko ang pagmamahal mo sa akin. Pangako ko iyan sa iyo."
Muling hinagkan ni Warren ang aking mga labi ng buong puso. Alam ko... nararamdaman ko na mahal na mahal niya ako.