KINABUKASAN din ay nagtungo ako sa Nueva Ecija University para mag-enroll para sa kurso kong Information Technology.
Dala ko ang lahat ng requirements ko para sa pag-i-enroll ngayong sem. Black pants at white t-shirt ngayon ang suot ko. Pinagbawalan ako ni Tita Cora na magsuot ng mga maiiksing mga damit at para mapanatag ito ay sumunod na lamang ako.
Sa may gate at hinarang ako ng security guard na nakabantay sa harap ng university.
"Hey, Miss, wala kang ID, bawal kang pumasok," masungit na sabi nito sa akin.
Tinignan ko siya mula ulo hanggang paa. Parang kilala ko ang boses na iyon... tinignan ko ang mukha niya at ibinaba ko naman ang suot kong black shades.
"Ikaw na naman?" naiinis kong tanong dito nang sitahin niya ako.
"Ikaw pala Miss?"
"Shanta! Bakit ba ayaw mo akong papasukin. Mag-i-enroll pa lang ako kaya wala akong ID. May mga requirements ako dito baka gusto mong makita," naiinis kong sagot dito.
Napakainit pa sa lugar kung saan niya ako pinahinto habang naglalakad ako.
"Pare, papasukin mo na," anang isang guard na kasama nito.
Tinabig ko ang balikat ni Warren at dumiretso na ako sa loob ng campus.
Hay, sira kaagad ang araw ko dahil sa lalaking iyon. Pero in fairness ha... cute siya sa suot niyang uniform.
Hindi na naalis sa isip ko si Warren at ang itsura nito kanina nang makita ako.
Ipinasa ko lahat ng requirements ko para makapag-enroll at kumuha na rin ako ng units ko sa umaga at hapon. Kailangan kong magsipag sa pagbabalik ko sa pag-aaral habang nandito ako sa poder ng aking Tita Cora.
Next week pa ako papasok bilang isang regular na estudyante ng NEUST. At araw-araw na rin kaming magkikita ni Warren.
Paglabas ng ko ng gate ay wala na roon si Warren. At tanging kasama na lamang nito ang nasa may exit door.
Dumiretso na ako sa bakery para tulungan si Audrey. Malaki ang bakery ni Tita Cora, maraming mga baker sa loob at araw-araw din ang delivery ng mga pastry. May delivery van na pumupunta tuwing umaga para mag-pick up.
"Kumusta ang pag-i-enroll mo?" tanong sa akin ni Audrey. Kahapon ko lang siya nakilala pero nakagaanan ko na ng loob dahil pareho pala kaming ulila sa Ina. Ang pagkakaiba nga lang buhay pa ang Tatay nito.
"Heto, kinakabahan para sa regular classes next week. At naiinis din dahil may nakita akong nakilala sa university."
"May dati ka bang kaaway na nakita mo? Hindi ba't laking Manila ka?"
"Nope. Hindi ganoon iyon, Audrey. Sabihin na lang natin na may stranger akong nakilala noon na nakita ko ulit kahapon. Basta... iyon na iyon."
Siniko ako ni Audrey. "Hindi kaya destiny mo? Lalaki ba siya?"
Tinapunan ko siya ng masamang tingin. "Ewan ko... halika na, may trabaho pa ako. Kailangan kong mag-check ng mga stocks na available para mai-submit kay Tita Cora. Kailangan kong ipakita sa kanya na masipag ako para hindi masayang ang pagpapaaral niya sa akin."
Nagsimula na ako sa trabaho ko at sa weekend kukunin ko na ang mga gamit ko kay Tita Cora dahil sa boarding house na ako ng bakery tutuloy para sa pag-aaral ko.
Naisip ko na rin na tama si Tita Cora, magiging maganda ang takbo ng buhay ko kung ipagpapatuloy ko ang pag-aaral ko.
"SHANTA," ani Tita Cora habang inaayos ko ang mga damit ko sa bag. Inalis ko roon ang mga nakasanayan kong hanging blouse at tattered pants na ipinagbawal sa akin ni Tita Cora.
Nilingon ko siya na pumasok sa kuwarto na tinutuluyan ko sa bahay niya. May bitbit itong dalawang plastic bag na damit ang laman. Sa isang kamay nito ay isang paper bag na school supplies ang laman.
Inilapag nito ang mga iyon sa ibabaw ng kama.
"Naisip ko na kailangan mo ng bagong damit habang hinihintay mo ang uniform mo sa school. May mga school supplies na din akong binili para magamit mo. Salamat, Shanta dahil nakikinig ka sa mga payo ko."
Niyakap ko nang mahigpit ang aking Tita Cora. "Naiiyak po ako Tita Cora dahil nagmamalasakit kayo sa akin. Hayaan po ninyo hinding-hindi ko sisirain ang pagtitiwala ninyo sa akin pati na rin ang lahat ng tulong ninyo sa pag-aaral ko. Pangako po tita na mag-aaral po akong mabuti."
Hinaplos ni Tita Cora ang buhok ko. "Huwag mong isipin ang lahat ng ginagawa kong tulong sa iyo, Shanta. Nangako ako kay Ate Agnes na hindi kita hahayaan na mapariwara ang buhay. Nandito lang ako para tumulong, huwag mong kalimutan na sabihan ako kapag may mga extra expenses kayo. Bukas na bukas din magbibigay na ako ng allowance mo sa ATM na binigay ko sa iyo para may magamit ka. Panghahawakan ko ang pangako mo na mag-aaral kang mabuti, Shanta para sa kinabukasan mo. Okay?"
Tumango ako habang umiiyak. "Opo, Tita Cora. Maraming salamat po."
Pinahid nito ang luha sa mga mata. "Sige na, ayusin mo na ang mga gamit mo. Maaga kitang ihahatid sa bakery bukas. Gusto ko ring masigurado na maayos ang boarding house na tutuluyan mo."
"Salamat po, Tita Cora. Sobrang buti po ninyo... para na po kayong anghel na bumaba sa lupa."
Natuwa ito sa sinabi ko. "Ikaw talagang bata ka. Sige na... pagkatapos mo riyan matulog ka na rin, okay." Isinara nito ang pinto matapos magpaalam sa akin.
Naiisip ko ngayon pa lang magiging masaya ang pamilya ni Tita Cora kapag may anak ito dahil napakabait nitong tao. Masuwerte ang magiging mga anak nito dahil may isang tao na busilak ang puso.
Bigla tuloy sumagi sa isip ko si Tito Bernard. Kapag nakita ko lang siya at nakilala, sesermunan ko talaga siya dahil sinasaktan niya ang damdamin ng aking Tita Cora. Siguro, playboy din ang asawa ni Tita Cora, o baka may ibang babae na rin.
Hay... nakaka-stress talagang isipin.
Basta ako, mag-aaral akong mabuti para sa magandang kinabukasan ko. At magkakaroon din ako ng negosyo katulad ng sa Tita Cora ko pagdating ng araw.
Mabuti na lang walang nakakakilala sa akin dito na isang anak ng escort sa bar. Kapag nalaman nila baka huhusgahan na nila ako.
LUNES ng umaga sa pathway shed kung saan ako nakaupo at naghihintay para sa next period ng klase ko ay lumapit sa akin si Warren. Hindi na ito nakasuot ng pang-security guard ngayon.
"P'wede bang makitabi?" mahinang tanong nito sa akin.
"Hindi ko pagmamay-ari ang pathway na ito kaya p'wede kang umupo," masungit kong sagot sa kanya.
Umupo ito sa tabi ko at ibinaba ang bag na dala.
"Regular student ka ba rito?"
"Bakit mo naman itinatanong?"
"Galit ka pa rin ba dahil hinarang kita sa gitna ng init ng araw?" natatawang tanong nito sa akin.
"Bakit naman ako magagalit? Naiinis lang ako pero hindi ako nagagalit." Akma akong tatayo pero pinigil ako nito.
Hinawakan nito ang kamay ko at tinitigan sa mga mata. "P'wede ba tayong mag-usap pa?"
"May next na subject pa ako, Kuya Warren. Pasensiya ka na ha? Ang alam ko bawal makipag-usap ang mga estudyante sa mga security guard dito sa loob ng campus.Unless may emergency na dapat na sabihin." Hinila ko ang kamay ko na hawak nito.
"Day off ko ngayon at uuwi ako sa bahay."
Ano naman bang pakialam ko?
Nagpapaalam ba siya sa akin?
"Hindi ba't may girlfriend ka? Sa kanya ka dapat nagpapaalam at hindi sa akin. Sige na, aalis na ako dahil may klase pa ako."
"Shanta..."
"Ano na naman?" iritable kong tanong.
"Wala na kami ng girlfriend ko... p'wede bang... makipagkaibigan sa iyo? Kung ayaw mo okay lang naman basta huwag mo lang akong iiwasan," seryosong sabi sa akin ni Warren.
"Pasensiya ka na, Kuya Warren. Focus ako sa pag-aaral ko ngayon. Kung makikipagkaibigan ka wala namang problema sa akin basta---"
Hindi pa man ako natatapos na magsalita ay bigla na niya akong niyakap. Ewan ko ba... pero sobrang bilis ng t***k ng puso ko. At sumaya ang pakiramdam ko nang sabihin nito na wala na sila ng girlfriend nito.
Bumitaw sa pagkakayakap sa akin si Warren. Tumingin siya sa mga mata ko at idinistansya ang sarili sa akin.
"Sorry, Shanta. Hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili ko na hindi kita yakapin pakiramdam ko kasi iiwasan mo ako pagkatapos kong sabihin sa iyo na gusto kitang maging kaibigan."
Bumuga ako nang malalim. Hindi ko gusto ang nararamdaman ko, tila ba nagkakagusto na ako kay Warren.
Parang tinamaan ni kupido ang puso ko.
"Pinapag-aral lang kasi ako ng tita ko at ayoko na sayangin ang tiwala niya kaya kung p'wede lang sana Warren... ayokong makipagkaibigan sa iyo o makipaglapit sa iyo. Hindi kita kilala at sobrang layo ng edad nating dalawa. Sana naman naiintindihan mo ang pasya ko, Warren."
Malungkot na tumingin sa akin ito. "Sige, igagalang ko ang gusto mo, Shanta. Pero sana naman huwag mo akong iwasan."
Hindi ako kumibo at tinalikuran na lamang ito. Sa loob ko gusto ko siyang maging kaibigan pero palagi kong dala ang pangako ko kay Tita Cora na mag-aaral akong mabuti para sa kinabukasan ko at hindi ko iyon sasayangin dahil lang sa isang lalaki.