Kabanata 2

1432 Words
"Traffic," sabi pa nito habang nakadungaw sa may bintana ng bus. Mainit na sa loob dahil hindi naman air conditioned ang sinakyan ko. Napilitan akong tanggalin ang denim jacket na suot ko. Lumitaw ang kaputian ko dahil sa suot kong red na tube pang-itaas. Lumingon ito sa akin na parang hindi na kumukurap. Ngayon lang ba ito nakakita ng maganda? O may pagkababaero din ito. Napangisi na lamang ako at pinatunog ang aking daliri. "Mukhang nakalimutan mo bigla ang babaeng nililigawan mo dahil sa akin, Kuya?" "Warren na lang, huwag mo na akong tawaging kuya." Nagkamot pa ito ng batok at iniwas ang tingin sa akin. "Ang bata mo pa para magustuhan kita." "Ganoon po ba?" pang-aasar ko sa lalaki na hindi naman maalis ang tingin sa mukha ko. "Maraming mga bastos sa paligid hindi ka ba natatakot?" Tumaas ang kilay ko sa tanong nito. "Ako pa ba? Hanggang tingin lang naman sila sa akin." Isinandal ko ang likod ko sa upuan at saka pumikit. "Isipin mo ang babaeng aakyatin mo ng ligaw, Kuya Warren," pangdidiin ko pa sa salitang kuya dito. "Ano ba ang pangalan mo?" tanong nito sa akin matapos umandar muli ang bus. "Hindi ko p'wedeng ibigay ang pangalan ko sa kahit na sino. Iyan ng bilin sa akin ng Tita Carol ko." Narinig ko ang pagtawa ng lalaki sa tabi ko. "Ibang klase pala ang Tita Carol mo." Hindi ako umimik at nanatiling nakapikit lang. Hindi ko namalayan na nakaidlip ako sa balikat ni Warren. Naramdaman ko na lang na tinatapik niya ang pisngi ko nang makarating na kami sa terminal ng San Jose Nueva Ecija. "Ang sarap ng tulog mo, miss." Kinuha ko ang mga gamit ko at masama itong tinignan bago magpasalamat. "Tutulungan na kita," sabi pa nito sa akin. Nahulog ang pinakaiingatan nitong red rose matapos nitong buhatin ang bag ko pababa ng bus. "Iyan, nasira na ang red rose mo, kuya. Wala akong pera pampalit diyan dahil pamasahe ko na lang ang natitira." Isinuot ko ang denim jacket ko at dinukot doon ang tatlong red na candy. Ibinigay ko iyon sa kanya nang may ngiti sa mga labi. "Heto, tatlong candy para sa babaeng mahal mo. Ingatan mo iyan, ha. Aalis na ako. Salamat nga pala... Kuya Warren," nakangiting sabi ko bago umalis sa harapan nito dala ang bag ko. Nilingon ko si Warren na hawak-hawak ang candy na bigay ko. Ipinagpatuloy ko ang paglalakad ko hanggang sa matanaw ko sa may 'di kalayuan ang aking Tita Cora na nakasakay sa tricycle. Kaagad niya akong sinalubong. "Shanta, ang laki-laki mo na nga talaga." Niyakap niya ako nang mahigpit. Kinuha naman ng matandang driver ang bag kong hawak. Inilagay nito iyon sa itaas ng tricycle. "Ten years na po noong huli ko kayong nakita, Tita Cora. Dalaga pa po kayo noong pumupunta kayo sa Manila. Kumusta na po kayo?" Pansin ko ang lungkot sa mga mata ni Tita Cora kahit na nakangiti siya sa akin. "Heto, abala sa negosyo ko at sa isdaan ng Tito Bernard mo." Nasabi sa akin ni Nanay noon na nasa ibang bansa ang asawa ni Tita Cora. At noong ikinasal ang mga ito ay sa Cebu idinaos. Hindi kami nakapunta noon dahil walang pamasahe at isa pa napakalayo. Walang larawan si Tita Cora noong ikinasal siya kaya hindi ko alam kung ano ang itsura ng napangasawa nito. Kung katulad ba ni Tito Kanor, asawa ni Tita Cora ay guwapo din ito at masipag. "Nasa abroad pa po ba si Tito Bernard, tita?" "Huwag na muna natin siyang pag-usapan, Shanta. Manong Teryong, padiretso na lang kami sa bahay," ani Tita Cora sa matandang tricycle driver. PAGDATING ko sa bahay ni Tita Cora ay hinanap kaagad ng aking mga mata ang larawan ng asawa nito ngunit wala akong nakita kahit isa. Naisip ko na marahil may matinding pinagdadaanan si Tita Cora at ang asawa nito. "Sandali lang, Shanta. Ipaghahanda kita ng favorite mo na sinigang na baboy." Inalis ko ang suot kong jacket at inilagay iyon sa upuan. Gawa sa muwebles ang bahay at panahon pa yata ng mga bayani ang bahay na tinitirahan ni Tita Cora. "Tita, hindi po ba kayo natatakot dito? Mag-isa lang kayo at maraming mga puno pa sa paligid." Naglalakad ako patungo sa bintana at pinagmamasdan ang tanawin sa labas. "Multo? Walang multo dito sa probinsya... kadalasan ang mga multo nasa syudad," pabirong sabi pa nito sa akin. "Mababait ang mga tao dito at lalo na ang mga kapit-bahay ko." "Tita Cora, may itatanong po ako sa inyo. Sana po hindi kayo magagalit sa akin." Kinagat ko ang ibabang labi ko habang nakatingin sa aking tita. "Tatanungin mo na naman ba ako kung nasaan ang asawa ko? Gusto mo bang malaman ang totoo?" "Kaya po ba ako pinapunta dito ni Tita Carol dahil wala kayong kasama? Naghiwalay na po ba kayo ng asawa po ninyo?" "Ikaw talagang bata ka. Nasa malayo lang siya at hindi ko alam kung kailan babalik kaya halika na at kumain na lang tayo. Huwag na lang nating pag-usapan ang mga taong wala rito sa bahay. Kaya ko sinabi kay Ate Carol na dito ka tumira dahil gusto kong magpatuloy ka sa pag-aaral mo. Wala naman akong anak na pag-aaralin, kaya mga pamangkin ko na lang ang pagbubuhusan ko ng panahon." "Pero Tita Cora, ayoko na pong mag-aral. Sayang lang sa oras at---" Sinabunutan nito nang marahan ang buhok ko. "Shanta! Hindi Sayang sa panahon ang mag-aral. Gusto ko na maging maayos ang buhay mo at hindi ka matulad kay Ate Agnes na... naging pariwara ang buhay dahil sa katigasan ng ulo. Tignan mo pati ang Tita Carol mo, nahihirapan dahil walang maayos na trabaho." "Sorry na po, Tita Cora. Ayoko lang kasi na maging pabigat pa ako sa inyo. Kapag pinag-aral ninyo ako gagastos kayo ng malaki." "Shanta, walang kaso sa akin ang gastos basta matulungan kita na makapag-aral. Dalawang taon na lang graduate ka na, sayang naman kung hindi mo itutuloy ang course mo. Para hindi mo isipin na magiging pabigat ka, ikaw ang tatao sa bakery ko sa bayan. Kasama mo si Audrey doon at malapit na din iyon sa university na papasukan mo." "Sino po si Audrey?" "Anak siya ni Manong Teryong, iyong tricycle driver kanina. Ako rin ang nagpaaral sa kanya noon, naghahanda na siya para sa exam niya next month. Education ang kurso niya at napakatalinong bata." "Ang bait po pala ninyo, Tita Cora. Hindi lang si Tita Carol ang tinutulungan ninyo pati na rin ang mga tao dito. Wala po ba kayong balak na tumakbo bilang kagawad o mayor dito?" pagbibiro ko sa aking tita. Tumawa naman ito nang malakas dahil sa sinabi ko. Habang magkaharap kami na kumakain sa lamesa ay napansin nito ang ayos ko. "Ganiyan ka ba manamit sa Maynila?" Tumango naman ako dito. "Nasanay po ako sa style ni Nanay. Karamihan po sa mga damit na dala ko kay Nanay." "Shanta... hindi naman sa pinapakialaman kita dahil dalaga ka na. Gusto kong maging maayos sana ang pananamit mo. Maraming mga kalalakihan ang bastos kaya dapat mong ingatan ang sarili mo." Napalunok na lang ako dahil sa suot ni Tita Cora na mahabang bestida. Hay... iyon din ba dapat ang isuot ko? Ngayon pa lang pakiramdam ko hindi na ako makakahinga. Wala na akong nagawa kun'di sumang-ayon sa gusto ng aking Tita Cora labag man iyon sa nakasanayan kong gawin. Siguro masasanay din ako na magsuot ng mahahabang tela. Nagtungo ako sa silid na bakante at inilagay ko ang mga gamit ko roon. Mahilig sa puti ang aking tita, at pakiramdam ko ngayon nasa langit ako dahil sa kulay ng paligid. Humiga ako sa malambot na kama at tumingin sa kisame ng bahay. Bigla kong naisip si Nanay. Ano nga kaya ang buhay ni Nanay noon? Naging pasaway din ba itong anal katulad ko ngayon kaya ito naging dancer sa club at napadpad sa Manila? Ang tatay ko naman kaya? Ni isang beses hindi ko pa siya nakita. Ang palaging sinasabi sa akin ni Tita Carol, may ibang pamilya ang Tatay ko at hindi nito alam kung nasaan. Kaya naman simula noong namatay si Nanay at ulila na ang tawag ko sa aking sarili. Pumikit ako at lumitaw sa isip ko ang mukha ng lalaking iyon. Pogi siya at maihahawig sa mga guwapong artista sa television. At ako naman ang bidang babae sa kuwento. Napangiti na lamang ako dahil sa kalikutan ng aking imahinasyon. Magkikita pa kaya kami ng poging iyon? "Hay, matulog ka na, Shanta. May girlfriend na ang lalaking iyon kaya huwag kang assuming na bata," sermon ko sa aking sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD