"Cora, umiiyak ka na naman ba?" tanong sa akin ni Ate Carol sa kabilang linya. Kausap ko siya ngayon at kinakamusta nito ang pag-aaral ni Shanta.
"A-Ate..."
"Tungkol na naman ba iyan sa magaling mong asawa? Hanggang kailan mo ba lolokohin ang sarili mo Cora. Isang taon nang hindi nagpapakita si Bernard at ni anino niya hindi mo mahagilap. Huwag kang maging tanga, Cora. Huwag mong lokohin ang sarili mo at ipilit na matino ang napangasawa mo dahil hindi!" panenermon sa akin ni Carol.
"Pero Ate Carol, ano ang gagawin ko? Mahal na mahal ko si Bernard. Kahit na alam niyang hindi ko siya mabigyan ng anak, naging masaya ang pagsasama naming dalawa. Nagpaalam siya sa akin na uuwi ng Cebu pero hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung nasaan siya. Ni text o tawag hindi man lang niya magawa. Hindi kaya may nangyaring masama sa asawa ko ate?" umiiyak na tanong ko sa kabilang linya.
"Mababalitaan mo naman iyan sa kamag-anak ng asawa mo kapag may nangyari sa kaniyang masama, e. Tinanong mo na ba siya sa magulang niya? Baka naman nagtago na dahil may nabuntis na babae? O baka naman may kinalolokohan ngayon na babae kaya hindi na nagpapakita pa sa iyo. Alam mo, Cora. Magagaling ang mga lalaki sa pagsisinungaling at pagtatago ng sikreto. Ang mabuti mong gawin pumunta ka ng Cebu, hanapin mo doon ang asawa mo! At kapag napatunayan mo na may iba na nga, hiwalayan mo na kaagad! Unang beses pa lang na makilala ko ang asawa mo hindi ko na gusto ang awra niya," mahabang sermon sa akin ni Ate Carol.
"Ate naman... alam ko naman ang pagkatao ng asawa ko."
"Sinasabi ko lang ang totoo, Cora. Matalino kang tao, alam mo ang dapat mong gawin! Huwag kang basta-basta maniniwala sa asawa mo dahil binibilog lang niyan ang ulo mo. Kesyo mabait na sinasabi mo, maraming mabait na nagiging demonyo kapag natukso. Hindi ko pa nakakalimutan na minsang sinabi mo na nahuli mo siyang may babae. Baka naman may iba na nga siyang asawa ngayon o baka naman talagang tinalikuran ka na dahil nalaman niya ang totoo."
Pinahid ko ang luha sa mga mata ko. "Tama ka Ate Carol. Bukas na bukas pupunta ako ng Cebu para tanungin ng personal ang pamilya ni Bernard. At kapag totoo ang mga sinasabi mo Ate Carol, hihiwalayan ko na si Bernard at hindi na ako maniniwala pa sa kanya."
"Tama iyan, Cora. Kung wala lang akong anak na maliliit, sasamahan sana kita sa Cebu para makita natin ang magaling mong asawa. Hindi p'wede sa akin ang ganyan, Cora."
"Ako na ate, kaya ko namang bumiyahe mag-isa. At mas mabuti na rin na mag-isa kong malalaman ang totoo. Alagaan mo na lang ang mga pamangkin ko."
"Cora, tibayan mo ang loob mo. Kung ano man ang matuklasan mo dapat mo iyong tanggapin. Si Shanta nga pala... nariyan ba siya?"
"Nasa bakery siya ngayon, Ate Carol. Kapag may libre siyang oras pumupunta siya dito sa bahay. Nakikita ko na nag-aaral ng mabuti ang pamangkin natin, ate. Masipag si Shanta at alam ko na malayo ang mararating niya kapag nagsumikap siya sa buhay."
"Sana nga at makapag-aral siyang mabuti at nanghihinayang din ako sa pamangkin natin na iyan. O sige, basta tawagan mo ako kapag may problema ha, Cora."
"Oo, ate. Salamat sa mga payo mo. Mag-iingat kayo palagi diyan sa Manila."
"Salamat, ikaw din diyan... kayo ni Shanta."
Tinapos ko ang phonecall. Pumasok ako sa kuwarto namin ni Bernard. Umupo ako sa gilid ng kama at binuksan ang maliit na aparador sa tabi niyon.
Kinuha ko ang wedding picture namin ni Bernard na masaya.
Nagpaalam siya sa akin na uuwi ng Cebu at hanggang ngayon hindi pa bumabalik. Aminado ako sa aking sarili na hindi lang ako ang babaeng minahal ng asawa ko. Isang beses ko na siyang pinatawad dahil sa pagtataksil niya sa akin. Nangako siya na hindi na muling magtataksil ngunit hindi na ito bumalik pa sa akin. Isang taon na rin ang nakakaraan at maging ang babaeng naging karelasyon nito ay hindi ko na nakikita sa lugar namin.
Hindi nga kaya tama ang aking kapatid na pinagtaksilan ako ni Bernard at hindi ito tumupad sa pangako. Muling pumatak ang luha sa aking mga mata at itinago ang larawan ni Bernard.
Bukas na bukas din ay pupunta ako ng Cebu para personal na alamin ang totoo. At kung tama man ang lahat ng kutob ko... hinding-hindi ko na patatawarin pang muli si Bernard.
Hihiga na sana ako sa kama ko nang muling tumunog ang cellphone ko.
Si Shanta ang tumatawag. Ano kayang kailangan ng kanyang pamangkin at napatawag ito ngayong gabi.
"Tita Cora, matutulog ka na ba?" mahinang tanong nito.
Huminga ako nang malalim bago sumagot. "Medyo inaantok na ako. Ikaw bakit hindi ka pa natutulog? Wala ka bang pasok bukas?"
"Wala po Tita Cora. Nabanggit sa akin ni Tita Carol na pupunta ka sa Cebu? P'wede ba akong sumama?"
Napailing ako, nasabi siguro ni ate kay Shanta na pupunta ako ng Cebu at nag-aalala ito sa akin. Gusto marahil nito na pasamahan ako kay Shanta.
"Sinabi ba ng Tita Carol mo?"
Matagal ito bago sumagot.
"Huwag mo akong alalahanin, Shanta. Kaya ko ang sarili ko at problema namin ito ng Tito Bernard mo. Ang mabuti mong gawin ay mag-aral ka, mag-focus ka sa studies mo. Ikaw na muna ang bahala sa negosyo ko, naturuan naman na kita kung ano ang gagawin mo. Si Audrey na ang bahalang magpasok ng pera sa bangko. May tiwala naman ako sa kanya dahil matagal ko na siyang tauhan sa bakery. Oo nga pala, isasara ko itong bahay pagkaalis ko."
"Mag-iingat ka Tita Cora, sana ay mahanap mo na si Tito Bernard," malungkot na sabi ni Shanta sa kabilang linya. Nahihimigan ko ang lungkot sa boses ni Shanta habang kausap ako.
"Shanta, mag-aral kang mabuti, okay? At habang wala ako sana tandaan mo ang mga binilin ko."
"Opo, Tita Cora. Sige po, matulog na po kayo. I love you tita."
Nangilid ang luha sa aking mga mata. "Mahal din kita, Shanta. Sige na matulog ka na alam kong may pasok ka pa bukas."
Ako na mismo ang pumutol sa usapan namin ni Shanta. Ang aking pamangkin, nag-aalala sa akin. Sana ay hindi niya danasin ang pasakit na dinaranas ko ngayon sa lalaking pinakamamahal ko.